Tatlong araw na akong natutulog dito sa tirahan ni Tiyo Dominggo pero hindi ko pa rin ito makontak. Tumawag na nga ako sa probinsiya at sinabi kay Tatang na hindi pa umuuwi si Tiyo Dominggo. Ang sabi naman ni Tatang ay kapag lumampas pa ng isang linggo na hindi ko pa ito makontak ay umuwi na lamang ako dahil talagang nagtatago na iyon. Tumango na lamang ako pagkatapos ay nagpaalam at pinatay ko na ang tawag.
Tanghali na pala at nagugutom na ako kaya kailangan ko nang magluto ng makakain ko. Sa ilang araw kong pananatili dito ay naikot ko na ang buong penthouse. Nalinis ko na din ang lahat ng parte ng unit. Tanging ang dalawang kwarto lang ang hindi ko pa napapasok. Balak ko pa naman sanang linisan para naman may gawin ako. Bored na bored na kasi ako sa loob. Mabuti na lamang at puno ng pagkain ang ref sa kusina kaya naman hindi ko problema ang pagkain. Ang mahal pa naman ng mga bilihin dito. Kahapon ay bumaba ako para bumili ng chichirya sa isang convenience store pero halos malula ako sa presyo. Grabe! Dollar! Mas mabuti pa sa probinsiya dahil mura lang ang mga inilalakong kakanin ng mga kapitbahay namin, minsan nga utang o 'di kaya'y libre pa.
"Hay! Ambot na lang! Tiyo Dominggo, nasaan ka na ba para makauwi na ako? Nabobored na ako dito." Bulong ko sa aking sarili. Nag-inat muna ako bago lumabas ng aking kwarto. Akmang pupunta na ako sa banyo malapit sa kusina nang may mahagip ang aking paningin sa gitna ng sala.
Napatigil ako sa paghakbang at napatingin sa pares ng mga mata galing sa isang nilalang. Nagkatitigan kami at bigla ay kumabog ang dibdib ko.
"Nanay Maria! Ngaa may ido na 'di? Daw wala pa man na diri sang nagligad nga adlaw.." Bigla akong natakot ng tumayo mula sa pagkakaupo ang nilalang na 'yon. Hindi ako matatakutin pero paano ko maipapaliwanag ang nilalang na bigla na lamang sumulpot dito sa penthouse. Purong itim pa naman ang balahibo nito na siya ding nagpatindig ng aking balahibo.
"Nanay Maria! Bakit may aso dito? Parang wala naman 'to dito dati ah.."
"Indi ka magpalapit sa akon..." Sa kinakabahang tono ay sabi ko sa asong unti-unti nang lumalapit sa akin. Ako naman ay napapaatras na din. Hanggang sa tumama na sa pader ang aking likuran.
"Huwag kang lumapit sa akin.."
"I-indi k-ka... m-mag-palapit sa'kon..."
"H-huwag k-kang.. l-lu-mapit sakin.."
"Ayyy.... a-as-wanggggg..."
Sigaw ko nang tuluyan na akong dinamba ng aso. Sa sobrang takot ko ay bigla na lamang nandilim ang aking paningin. Iyon ang huli kong naalala.
*****
"Hmmm.... Hamot... hhmmmm...." Ang bango naman ng naaamoy ko. Biglang kumalam ang aking sikmura dahil sa nanunuot na aroma sa aking ilong. Ilang segundo pa akong sumisinghot ng bigla akong nahimasmasan at napabalikwas ng bangon.
Nagulat ako dahil bakit nakahiga na ako sa sofa. Paano ako nakarating dito? Ang huli kong naalala ay nandilim ang aking diwa dahil sa nakita kong itim na aso kanina.
Nilibot ko ang aking paningin sa buong sala, wala na ang aso. Saan naman kaya pumunta iyon?
Nang marealize na wala na naman ang aso ay biglang tumindig ang aking balahibo. Baka naman may multo dito sa penthouse kaya siguro hindi napipirmi dito si Tiyo Dominggo. Alam kong matatakutin pa naman ito.
Noong unang araw ko dito ay wala pa akong nararamdaman dahil baka nahihiya pa ang mga multo. Ngayong umabot na ako ng tatlong araw dito ay baka plano na nila akong takutin.
"Nanay! Akala ko ay sa probinsiya lang may multo, dito din pa---"
Bog!!
Natigil ang pagsasalita ko nang may narinig akong kalampag mula sa kusina.
"Hala! Baka naroon na sa kusina ang aso. Anong gagawin ko?"
Luminga-linga ako sa sala kung mayroon akong pwedeng ihambalos kung sakali mang dambahin ulit ako ng aso.
Bog!
Bog!
Ayan na naman ang ingay sa kusina. Bakit may naririnig akong tunog ng kawali? Marunong na bang magluto ang aso? Baka nagtransform na kasi wala siya nang magising ako.
Kung ano-ano na ang pumasok sa isip ko kung ano ba ang tumutunog sa kusina.. kung nasaan na ang aso.. bakit parang may nagluluto sa kusina.. bakit may naamoy akong masarap na pagkain..
Bago pa ako tuluyang lamunin ulit ng takot ay kinuha ko ang isang mahabang espada na nakadisplay sa sala. Pagkakuha ko noon ay muntik ko pa itong mabitawan dahil mabigat pala. Mukha lang itong manipis tingnan pero solid ang pagkakagawa.
"Ay! Ang bigat pala." Bulong ko sa aking sarili at hinawakan na ng mahigpit ang mahabang espada.
Dahan-dahan lamang at patingkayad akong naglakad papunta sa kusina.
Habang papalapit ay lalo namang bumabango ang aking naaamoy.
"Ang bango naman. Sino naman kaya ang nagluluto, baka may nagmamay-ari pala sa aso t-tapos... b-baka ako ang isahog niya sa niluluto niya." Mahinang bulong ko sa aking sarili kaya mas lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak sa espada.
Malapit na ako sa may pinto ng kusina. Wala namang pinto ang kusina at divider lang ang harang nito.
Huminga muna ako ng malalim. Bahala na kung ano man ang mangyari. Kung aso o multo man ang nasa kusina, lagot talaga sa akin.
Hinawakan ko ng mahigpit ang espada, itinaas ito sa ere atsaka pikit-matang pumasok sa kusina.
"Humanda ka sa akin aswang na aso ka! Lumabas ka at chop-chop-in talaga kita--"
Napatigil sa ere ang hawak kong espada ng makita ang isang nilalang sa harap ng stove. May hawak itong sandok at halatang napatigil din ito sa ginagawa dahil sa biglaang pagpasok ko.
"Ang hot naman ng aswang na 'to!" Hindi sinasadyang bulalas ko.
Kumunot naman ang noo ng lalaki ng makita ako.
"So, you're awake. Mabuti naman.. 'coz I need to know kung paano kang nakapasok sa penthouse ko!" Matigas na sabi nito.
Saglit akong napipi. Ito na ba ang aso kanina? O ang may-ari ng aso? Napakagwapo at machong nilalang naman nito.
Tiningnan ko ito mula ulo hanggang paa.
Hala! Ang gwapo niya talaga. Nakasuot ito ng itim na bathrobe at nakayapak lamang kaya kita ko ang maputi nitong paa, pati nga kuko nito ay ang linis sa tingin ko.
Bumalik ulit ang tingin ko sa mukha ng aking kaharap.
Hala! Parang gusto ko nang magpayanggaw dito kung aswang man ito.
Nakatali ang wavy at shoulder length na buhok nito tapos may ilang hibla na nalalaglag sa mukha nito. Parang gusto kong hawiin ang buhok niya.
"Why don't you answer my question! Paano kang nakapasok sa penthouse ko!" Nagising ang diwa ko ng muli itong magsalita.
Chin-chin, huwag kang magpadala sa kagwapuhan niyan at aswang 'yan. Piping bulong ng isip ko.
"Sino ka?! At paano kang nakapasok dito sa bahay ni Tiyo Dominggo!" Hinigpitan ko ang hawak sa espada. Huwag siyang magkamaling gumawa ng masama at kahit gwapo pa siya ay tatagain ko talaga siya ng hawak kong espada.
"W-whaaattt?! Whoa! Dapat ako ang nagtatanong sa 'yo niyan dahil penthouse ko 'to!!!" Bumalik ang galit sa mukha nito.
"A-aswang ka siguro, no?! O 'di kaya ay multo?!"
"Are you crazy?! Ako??? Aswang?!!!" Nilapag nito ang hawak na sandok at unti-unting lumapit sa akin.
"H-huwag kang lumapit sa akin. T-tatagain talaga kita!" Kaya ko kayang tagain ang nilalang na 'to? Magpayanggaw na lang kaya ako?
"Hawakan mo nang maayos 'yang hawak mo at baka masugatan ka niyan. Matalim yan." Hindi ko man lang ito kinakitaan ng pagkatakot sa hawak kong espada. Patuloy pa rin ang paghakbang nito.
"K-kapag l-lumapit ka pa sa akin ay talagang matataga kita!" Bakit ako pa 'ata ang umaatras habang papalapit ito sa akin.
"Sige.. go ahead. You can stab or cut me kung gusto." Tumigil ito sa harapan ko at ibinuka pa ang dalawang kamay tanda na willing nga itong tagain ko.
Ah! Sinusubukan talaga ako ng lalaking 'to ha. Akala niya dahil matapang siyang humarap sa akin ay hindi ko gagawin ang sinabi ko kanina.
"Patawad po, Lord. Mapatay ko man ang aswang na 'to, dahil napilitan lamang akong sagipin ang sarili ko. Baka yanggawin niya ako!" Sambit ko at nag-sign of the cross bago pikit-matang tinaga.
"Aaaahhhhh..."