"Chikushou!!! Kuso!!!"
Nanggagalaiting mura ni Kenta habang palakad-lakad ito sa loob ng kanyang kwarto sa Japan. Paanong hindi siya mapapamura kung nalaman na naman niya na nakadispalko ng pera ang kanyang pinakamagaling na tauhan at kanang kamay na si Sunday. Tumawag ang kanilang auditor na may nawawalang pera sa kanilang vault at hindi magbalanse ang report nito at ang tinuturo nitong kumuha ay si Sunday dahil ito lang naman ang nakakaalam ng code liban sa kanilang dalawa.
Ilang beses na nitong ginawa sa kanya na makadispalko ng pera pero dati ay pinapatawad pa niya dahil hindi pa naman umabot sa milyon. Pero itong huling pera na nadispalko nito ay inabot ng dalawang milyon. Paanong hindi ito makakadispalko ng pera ay dahil nalulong ito sa sugal at sa babae. Noong una itong makagawa ng kasalanan sa kanya ay nagawa pa niyang patawarin ang lalaki dahil na rin sa malaking pakinabang niya dito. Hindi naman talaga kasi matatawaran ang galing nito bilang isang mekaniko. Kaya nga hindi niya ito matanggal-tanggal sa kanilang kompanya dahil kung hindi kay Sunday ay hindi makikilala ang kanilang kompanya.
Distributor sila ng mga luxury cars sa Pilipinas at siyempre mayroon silang service center para sa mga sasakyan kapag may sira. Noong hindi pa nagtatrabaho sa kanila si Sunday ay lagi silang nirereklamo ng kanilang mga kliyente dahil na rin sa hindi magaling ang kanilang mga mekaniko. Si Sunday naman ay inirekomenda ng isa nilang tauhan na kababayan nito kaya tinanggap niya kaagad dahil magaling din ang nag-rekomenda dito. Doon na dumami ang kanilang mga kliyente dahil kahit anong uri pa ng sasakyan ay kayang-kayang ayusin ni Sunday. Sa tuwa pa nga niya sa lalaki ay pinadala niya ito sa ibang bansa para mag-aral ng short course automotive engineering para lalo nitong mahasa ang galing sa pagkukumpuni ng mga sasakyan.
Sa ngayon ay mayroon na silang apat na branches ng service center sa buong Pilipinas at dahil iyon kay Sunday. Sa sobrang tiwala niya sa lalaki ay pinatira pa niya ito sa kanyang penthouse sa Malate dahil nga mag-isa lang ito sa Manila at ang mga kamag-anak nito ay nasa probinsiya. Kahit na mas matanda sa kanya ang lalaki ay mabilis silang nakapagpalagayang loob dahil likas na mapagbiro ang lalaki at galante pa.
Iyon ang isa sa mga hindi niya nagustuhan kay Sunday, ang pagiging galante nito dahil mabilis nitong nauubos ang pera. Pinayuhan nga niya itong mag-ipon dahil hindi sa lahat ng oras ay malakas ang pangangatawan nito at tatanda din balang-araw. Kaso ay hindi ito nakikinig sa kanya dahil happy-go-lucky lamang ito. Nalaman niya na nalulong ito sa sugal at mahilig ding mambabae ang lalaki. Ilang beses niya ngang tinangkang kunin ang numero ng mga kamag-anak nito sa probinsiya para kausapin at papuntahin sa Manila para kahit papaano ay may magsabi kay Sunday pero hindi naman binibigay ni Sunday ang numero o kahit na ang address ng mga kamag-anak nito kaya hinayaan na lamang niyang tumira ito sa penthouse niya. Sinabihan niya rin ang kanilang security guard na kapag may kamag-anak na maghanap kay Sunday ay pwedeng tumuloy na rin sa kanyang penthouse dahil sa totoo lang ay minsan sa isang taon lang din siya pumupunta doon. Mayroon din kasi silang bahay sa Makati kaya naman okay lang sa kanya na doon tumira si Sunday o kahit sino man sa kamag-anak nito.
Mabuti na lamang at kahit na maloko si Sunday ay hindi pa ito nagdala ng babae sa kanyang penthouse. Sa ilang taon nitong paninirahan ay wala siyang may nabalitaan na pumunta doon kahit nga kamag-anak nito. Tingin ni Kenta ay hindi din siguro ipinapaalam ni Sunday ang kanyang kalagayan sa kanyang mga kamag-anak sa probinsiya para hindi mahingan ng pera dahil inuubos lamang nito sa sugal at babae.
Kaya humanda sa kanya ang lalaking iyon. Tama na ang ilang taon niyang pag-uunawa dito. Makita lang talaga niya ito ay ipapakulong niya ito kaagad. Hindi biro ang 2 milyong nadispalko nito. Kung bakit naman kasi sobra ang tiwala niya dito at binigyan niya access sa kanilang vault. Ngayon ay pinapahanap na niya ito sa kanyang kinausap na private investigator. Saka na niya ito ipapakulong kapag nakausap na niya ang lalaki. Sa ngayon ay kailangan niya munang bumalik ng Pilipinas para tutukan ang kanilang negosyo para maibalik ang 2 milyong nawala sa kompanya nila. Kapag nalaman kasi iyon ng kanyang mga magulang ay baka tanggalin siya sa posisyon bilang CEO at ilipat sa kanyang nakakatandang kapatid ang pamamahala. Iyon ang iniiwasan niya dahil alam niyang ayaw ng kanyang kapatid na mag-stay ng Pilipinas. Mas gusto nito sa Japan.
Sa edad na 23 ay bata pa para maging CEO sa kanilang kompanya si Kenta Tantoco. Pero dahil nga magaling siyang mamalakad ng kanilang kompanya ay lumago ito sa tulong ni Sunday. Ang ama ni Kenta ay isang half-Japanese half-Chinese samantalang ang kanyang ina ay purong Pilipina. Dalawa lamang silang magkapatid. Ang kanyang nakakatandang kapatid na lalaki ay naka-base sa Japan dahil may mga negosyo din sila doon samantalang siya ang naka-assign sa mga negosyo nila sa Pilipinas. Bata pa sila ay tinrain na sila ng ama paano mamalakad ng negosyo kaya naman maagang nagretire ang kanilang ama. Nagliliwaliw na lamang sa buong mundo ang kanilang ama at ina. Ang pagkakaalam nga niya ay nasa Georgia ngayon ang dalawa at sa susunod na linggo ay pupunta naman ng Montenegro.
Sigurado si Kenta na kapag nalaman ng kanyang ama na nawalan sila ng 2 milyon ay sasabihin nitong pabaya siyang CEO kaya bago pa nito malaman ay kailangan niyang umuwi ng Pilipinas.
Naputol tuloy ang kanyang bakasyon sa Japan. Plano pa naman niyang mag propose na sa kanyang long-time girlfriend na si Yumi, isang half-Japanese half-American national. Isa itong model at naka-base sa Japan. Ipinagkasundo sila noong pareho siang 18 years old dahil magkasosyo sa negosyo ang kanilang ama. Unang kita pa lamang niya kay Yumi ay nagkagustuhan na silang dalawa. Kahit na long-distance ang kanilang relasyon ay naging matatag naman silang dalawa kahit na maraming tukso ang dumarating sa kanilang buhay.
Nakapunta na rin si Yumi sa Pilipinas dahil sinasama ito ni Kenta kapag uuwi ng Pilipinas. Sa tingin niya ay gusto din ni Yumi ang Pilipinas kaya kung sakali man na magpropose siya ay alam niyang hindi ito magdadalawang-isip na magsettle dito. Naisip ni Kenta na sa loob ng limang taon nilang pagsasama ay halos kilala na nila ang bawat isa at kahit magkaroon man sila ng problema ay nalalampasan din nila kaya naman alam niya sa sarili niya na ito na ang babaeng ihaharap niya sa altar.
"Sir Kenta, naka-ready na po ang sasakyan sa labas." Untag ng kanilang family driver na isa ding Pilipino. Ito ang maghahatid sa kanya sa airport pauwi ng Pilipinas.
Kinuha na ng driver ang kanyang maleta at attache case at nauna nang nilagay sa likod ng sasakyan ang gamit ng amo. Pinagbuksan na nito si Kenta at hinatid sa airport.
Habang nasa biyahe ay napag-isip-isip ni Kenta doon na muna siya tutuloy sa kanyang penthouse. Nagbabakasakaling bumalik doon si Sunday at kapag nagkataon ay siya mismo ang makakahuli dito.
Matapos ang lampas apat na oras na biyahe ay lumanding na sa NAIA ang sinasakyang eroplano ni Kenta. Kaagad itong sinalubong ng kanilang family driver para ihatid sa bahay nila sa Makati.
"Mang Felix, sa Allondra niyo po ako ihatid. Doon muna ako mamamalagi dahil matagal na rin akong hindi nabibisita doon. Baka naman pinamamahayan na 'yon ng mga ligaw na kaluluwa." Ang sabi ni Kenta sa kanilang driver.
"Sige po, Sir Kenta."