Pang-apat na araw ko na ditong nakatira sa bahay nila Boknoy at so far ay masaya naman kaming tatlo. Noong unang araw ko sa paglalaba ay talagang sumakit ang buo kong katawan. Kahapon ay masakit pa rin naman pero nakakapag-adjust naman ako. Sabay kaming umaalis ng nanay ni Boknoy sa tanghali at gabi na uuwi dahil magkatabi lang ang pinaglalabhan namin. 'Yong sa nanay ni Boknoy ay sa may-ari ng isang karinderya samantalang sa akin ay mga dalagang nagtatrabaho sa call center. Mabuti at parehong galante ang mga pinaglalabhan namin kaya kaagad kaming binabayaran pagkatapos naming maglaba.
Iyong binabayad sa akin ay talagang tinitipid ko dahil kapag nakaipon na ako ng pamasahe ay uuwi na ako ng probinsiya. Baka nagtataka na siguro sila sa bahay kung bakit hindi pa rin ako tumatawag. Kahit na naiwanan ko sa penthouse ang aking cellphone ay alam ko naman ang number sa bahay kaso lang baka mag-alala sila ng husto kapag sinabi ko ang totoo. Siguro sasabihin ko na lang sa kanila ang totoong nangyari kapag nakauwi na ako ng Capiz. Siguro naman ay kasya na ang dalawang linggong paglalaba at may pamasahe na ako pauwi sa amin.
"Hay naku, nakakapagod maglaba." Bulong ko sa aking sarili habang nag-iinat. Kakatapos ko lang magsampay ng mga damit ng isang dalaga sa nagpalaba sa akin. Gising na ang mga ito dahil hapon na at magsisimula na ang trabaho nila mamaya. Inabutan na din ako nito ng bayad kanina pa at inabisuhan na pwede nang umuwi pagkatapos kong magsampay ng damit sa kanilang bakuran.
Buti na lamang talaga at sa probinsiya ay nagkakamay lang din kami kapag naglalaba. Parang nasanay na akong masakit ang likod sa buong araw.
"Oy, Chin-chin, mauna ka nang umuwi at baka matagalan pa ako dahil may dinagdag pa ang suki ko." Ang sabi sa akin ng nanay ni Boknoy ng daanan ko siya sa pangatlong bahay. Aayain ko na din sana ito na sabay na kaming umuwi kasi akala ko ay tapos na ito.
"Tulungan ko na po kayo, nay." Pumasok na din ako sa loob ng bakuran at tangkang pupuwesto sa tabi niya.
"Huwag na, Chin-chin. Kaya ko na 'to. Ito at kunin mo 'tong pera sa bulsa ko at bumili ka ng pagkain natin. Baka nasa bahay na si Boknoy at gutom na." Turo nito ng pera sa bulsa ng suot na duster.
"Okay po, nay. Hati na lang po tayo sa bayad para may tira pa kayo pambili ng gamot. Mamaya ay hihilutin ko po kayo kasi mukhang marami po kayong nilabhan ngayon ah." Ang sabi ko nang makita ang ilang damit na nakatambak sa tabi nito.
"Mabuti pa nga, Chin-chin. Kahit anong dami pa ng nilalabhan ko kapag minamasahe mo ako ay natatanggal ang sakit sa katawan ko. Magaling ka kasing magmasahe."
"Naku, nay, huwag niyo akong bolahin.... hahahaha... siya sige po mauna na ako. Sisingilin ko kayo sa massage fee kasi marami kang kita ngayon." Nagkatawanan pa kami bago ako umalis.
Dumaan na ako sa isang karinderya malapit sa amin para bumili ng aming hapunan. Matapos makabili ng pagkain ay dali -dali na akong umuwi dahil madilim na. Baka gutom na si Boknoy at pati na din si Gringo. Kasama pala sa budget ang bestfriend ni Boknoy. Ito lang 'ata ang asong kilala kong choosy pagdating sa pagkain. Aba hindi kumakain ng tira-tirang ulam. Kanin oo pero kapag ulam na panis ay ayaw. Ang gusto ay bagong lutong pagkain. Akala mo ay super yaman nila Boknoy eh.
Malapit na ako sa bahay nila Boknoy ng mapansin kong maingay sa loob ng bahay. Hindi naman iyon nakakapagtaka dahil lagi namang naglalaro si Boknoy at Gringo at talagang maingay sila kapag naglalaro pero bakit may iba pa akong tunog na naririnig liban sa kanilang dalawa.
Pagpasok ko ng maliit na sala ay gano'n na lang ang gulat ko nang makita ang nilalang na siyang nagpatindig ng balahibo ko sa penthouse.
"Ate Chin-chin, tingnan mo si Gringo. Tuwang-tuwa dahil may kalaro na siya!" Kaagad na lumapit sa akin si Boknoy at kinuha ang dala kong supot. Nilapag ito sa mesa. "Bango.. hmmm.."
"P-p-paanong nakapasok ang itim na asong 'yan dito??!!" Tanong ko kay Boknoy.
Mukhang nakakaintindi naman ang dalawang aso at tumigil din ang mga ito at tumingin sa aking direksiyon. Galit na naman si Gringo sa akin samantalang diretso lang ang tingin sa akin ng itim na aso.
"Boknoy, bakit pinapasok mo 'yan dito? Aswang 'yang asong 'yan!" Hinila ko si Boknoy palayo sa dalawang aso.
Nagulat pa ako ng tumawa ng malakas si Boknoy.
"Si Ate Chin-chin nagpapatawa oh. Hindi siya aswang, ate. Nandito din ang may-ari ng asong 'yan. Si Irene-chan daw ang pangalan niyan. Maitim lang siya pero babae pala ang asong 'yan, Ate Chin-chin." Lumapit pa si Boknoy sa tinawag nitong Irene-chan at hinimas ang ulo.
Hindi naman ako makapaniwala sa sinasabi ni Boknoy. Baka naman sinasapian na ang batang 'to. Sa probinsiya kasi namin ay uso ang sapi. Maniniwala lang ako sa kanya kapag dumating na ang may-ari ng itim na aso. Hindi naman siguro ito ang asong nakita ko sa penthouse. Baka magkamukha lang dahil marami ding mga aso na magkakakulay ang balahibo. Baka naman nakita lang ito ni Boknoy sa labas at isinama dahil mukhang nagkakaigihan na ang dalawang aso. Mahilig pa naman sa aso si Boknoy.
"Sigurado ka ba, Boknoy? Nasaan na ang may-ari niyan?" Tanong ko sa bata.
"Umalis po para bumili ng pagkain. Naawa ate sa kalagayan natin dahil kinuwento ko na may sakit si Nanay tapos inampon ka pa namin---"
"Hala ay! Ouch! Sakit no'n Bonoy ha. Inampon talaga.. h-hindi na kita love." Napalabing sabi ko kay Boknoy.
"Joke lang, Ate Chin-chin. Kahit naman totoo na inampon ka namin ay okay lang. Gusto ko ngang magkaroon ng ateng maganda." Pang-aasar pa lalo ni Boknoy.
"Ikaw Boknoy, 'ke bata-bata mo pa---"
Natigil ako sa pagsasalita ng biglang may kumatok sa pinto. Akmang bubuksan ko na sana pero inunahan ako ni Boknoy.
"Ako na ang magbubukas, Ate Chin-chin. Baka si kuyang pogi na 'yan, ang nagmamay-ari kay Irene-chan."
Excited na binuksan ni Boknoy ang pinto. Ako naman ay pumunta sa lababo para kumuha ng mangkok. Isasalin ko ang mga binili kong ulam para makakain na kami dahil gabi na. Malamang ay pauwi na din ang nanay ni Boknoy.
Kahit na sinabi ni Boknoy na bumili ng pagkain ang may-ari ng itim na aso ay aayain ko na rin ito na dito kumain sa amin. Mabuti na lamang at dinamihan ko ngayon ang order sa kanin at ulam.
Pumihit na ako para ayain ang bagong dating.
"Boknoy, ayain--Ikaw??!! A-anong g-ginagawa mo dito??!!"
"You think you can escape from me. Sasama ka ngayon sa akin." Matigas na sabi nito.
"B-bakit naman ako sasama sa 'yo? Wala na ako doon sa penthouse mo kaya hindi mo na ako maisusuplong sa police. Baka sabihan mo na naman akong nag-trespass sa bahay mo." Sinalubong ko ang tingin nito.
"Sasama ka sa akin sa ayaw at sa gusto mo kung ayaw mong idemanda ko kayong lahat pati ang pamilya mo dahil kay Sunday.. or s-s-should I say sa Tiyo Dominggo mo."
"Whhhhhaaaatttttt......??? Ano ko buang!!"