2 Weeks ago..
"Bossing, kakalabas lang ni Sunday sa bar. Ayun siya, nag-aantay ng taxi." Sabi ng isang lalaki.
"Sige bilisan niyo at dukutin niyo ang lalaking 'yan bago pa makasakay ng taxi. Babawiin natin ang perang natalo natin sa kanya."
Walang ano-ano ay dalawang sasakyan ang pumarada sa harapan ng lalaking nagngangalang Sunday. Kaagad na lumabas ang mga lalaki sa sasakyan at ipinasok sa van ang lalaking kakalabas lang ng bar.
Hindi na ito nakapalag at makasigaw dahil tinutukan ito ng baril habang nasa loob ng van. Ang mga tao naman sa labas ng bar ay hindi rin nag-aksayang tulungan ang lalaking pinasok sa van. Ayaw nilang madamay sa gulo kaya naman tumalilis sila pabalik sa loob ng bar.
Matapos ang pangyayari ay kaagad na humarurot ang sasakyan papunta sa Norte. Halos isang oras din ang biyahe ng mga ito at ng makarating sa isang warehouse ay kaagad na dinala ang kanilang biktima sa loob.
"Bitawan niyo 'ko. Anong kasalanan ko sa inyo ha?" Sigaw ng lalaki.
Dagli din itong tumahimik ng sinuntok ito at tinadyakan ng dalawang lalaki na may hawak sa magkabilang braso nito. Akmang tatakbo na sana ito ng pinukpok ito ng baril ng isa pang lalaki. Sumargo ang dugo sa ulo nito. Hindi na halos ito makalakad papasok kaya naman hinila na lamang ito ng mga lalaki.
Pagdating sa loob ng warehouse ay pumasok sila sa isang maliit na silid. Pinaupo nila ang kanilang biktima sa isang silya atsaka pinagtatadyakan.
Maya-maya pa ay lumapit na ang isang mataba at balbas saradong lalaki sa biktima at iniangat ang mukha nito.
"Hoy, Sunday, nasaan na ang perang pinanalunan mo ha? Limang milyon ang natalo namin ngayon at kailangan namin iyong mabawi sa 'yo dahil malalagot kami kay Boss Rick. Ilabas mo na ang pera! Nasaan na?" Galit na sigaw nito atsaka sinuntok sa tiyan ang biktima.
"A-arggghhh.. m-mga w-walang-h-hiya k-kayo.. arrrgghhh.. w-wala na dahil n-natalo ulit ako. K-kaya n-nga.. u-umu-wi n-na ako.. d-dahil n-natalo din ako.." Putol-putol na sabi nito.
"Sinungaling!!!" Inilabas nito ang baril at pinukpok ang ulo ng biktima.
" K-kahit p-p*****n niyo p-pa ako.. k-kilala n-niyo.. n-naman ako.. k-kapag w-wala na akong pera.. uuwi na a-ako." Lungayngay ang ulo pinipilit nitong magsalita.
"Oo nga Bossing. Ganyan talaga ang lalaking 'yan. Hindi 'yan titigil hangga't hindi nasasaid ang kanyang pera. Ewan ko lba at napakabobo ng lalaking 'yan. 'Yong iba kapag nanalo na ay sisibat na kaagad pero 'yang si Sunday, kapag nanalo na ay lalong tinataasan ang taya. Aalis lang 'yan kapag mismong ang kalaban na ang umayaw sa laro nila." Sabat naman ng isang pang lalaki.
"Eh nasaan ang perang pinanalunan niya. Tayo ang papatayin ni Boss Rick kapag hindi natin 'yon binalik, kahit man lang sana kalahati man lang." Galit na wika nito at nagpalakad-lakad sa gitna ng maliit na silid.
"Baka iyong kasunod na lalaking naka-itim na medyo bata pa ang nanalo dahil noong lumabas 'yon kanina ay panay pa ang tawa at may kasamang tatlong chicks. Mukhang kanina ko lang iyon nakita doon. Nauna lang siyang lumabas kay Sunday at sinundo iyon ng tatlong sasakyan. Mukhang bigtime din. Kasunod noon ay lumabas na si Sunday." Sabi naman ng isa.
"Paano naman natin masisiguro na nasa kanya nga ang pera. Atsaka kung mukhang bigtime din 'yon at may sasakyan pa, mahihirapan tayong bawiin ang pera sa kanya. Buti 'to si Sunday dahil pipitsugin lang, okay lang kahit tumbahin natin dahil wala namang kamag-anak ang mag-aabalang maghanap dito. Pero iyong lalaki kanina, 'yon ang magiging problema natin." Pabalik-balik pa rin ito sa paglalakad.
"Maghanap na lang tayo ng ibang bibiktimahin, Bossing. Tingin ko sa mga iyon kanina ay mga sindikato din. Mukhang mahirap kalabanin. Magpaliwanag nalang tayo kay Boss Rick na bigyan tayo ng palugit na isang linggo para mabawi natin ang perang pinantalo natin kay Sunday." Suhestiyon ng isang payat na lalaki.
"Eh, Bossing, ano ang gagawin natin dito kay Sunday?" Tanong ng isa pa at tinapik ang pisngi ng biktima. Mukhang nawalan na ito ng malay dahil sa pambubugbog nila.
"Iligpit niyo 'yan at itapon diyan sa may ilog. Wala nang silbi sa atin 'yan. Siguraduhin ninyong hindi na humihinga 'yan kapag tinapon niyo dahil baka balikan pa tayo kapag nabuhay pa 'yan." Sigaw ng tinawag nilang Bossing at lumabas na ng silid.
Pagkalabas nito ay kaagad na nakarinig ng tatlong putok ng baril sa loob. Ilang oras lamang ang nakaraan ay may tatlong lalaki na ang may kinakaladkad patungo sa ilog. Tiningnan muna nila ang paligid kung mayroong tao. Nang masigurong wala nang tao ay saka nila itinapon ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa ilog. Nagtawanan pa ang tatlo at bumalik na sa loob ng warehouse.
Maganda talaga itong warehouse na napili nila. Front lang nila ang pagtitinda ng mga palay sa umaga pero sa gabi ay dito nila dinadala ang mga taong tinutumba nila lalo na ang may mga utang sa kanila. Maganda ang pwesto na to dahil may ilog sa likod at kapag naitumba na nila ang kanilang biktima ay itatapon na lamang nila ito. Hindi na malalaman ang ginawa nilang krimen dahil aanurin na ang katawan ng biktima sa ibang lugar.
"Kawawang Sunday. Napakaswerte naman kasi ng lalaking 'yon sa sugal. Lagi na lamang panalo. Na-try ko dati umupo sa tabi niya para manood, grabe talaga ang baraha no'n, kahit walang-wala na ay kayang-kaya niyang panalunin. Iyon nga lang napansin ko kapag nabored na siya ay talagang sinasadya niyang magpatalo, pero kung diskarte lang talaga ang pag-uusapan, wala na akong kakilalang sugarol na ubod ng swerte na kagaya sa niya. Kaso itong si Sunday ayaw din kasi umanib sa atin. Sana ay buhay pa siya ngayon... nyek... hahaha.." Saka nagtawanan ang tatlo.
"Hahaha.. kaya nga. Kung naging kagaya lang ako ni Sunday na swerte sa sugal, baka nagpatayo na rin ako ng sarili kong casino." Saka ulit sila nagtawanan.
"Hindi casino kundi bar ang ipapatayo mo dahil mahilig ka sa babae. Baka nga ilan na ang panganay mo dahil sa pambabae mo.. nyak.. hhahahha..."
"Nyakkk...Hahahah..."
"Hahahah.."