"Ito ang bagay sa mga babaeng matatapang na gaya mo!" Umigkas ang kamay nito para sampalin ulit ako.
Ilang segundo din akong nag-antay pero hindi pa rin lumalapat sa aking pisngi ang sampal ng lalaki. Naramdaman ko din na wala nang may humahawak sa aking kamay kaya naman dali-dali akong napaupo.
"Grrrrggggrrrr.... r-awrrrrrrr..." Nagulat ako ng makita ang isang aso na nilalapa ang lalaking humablot sa akin kanina.
"Aray! Aray! Tigilan mo 'ko!" Sigaw nang lalaki dahil hindi ito tinitigilan ng aso.
"Oming! Akina ang kutsilyo at sasaksakin ko 'tong batang kumag na 'to!" Napalingon ako sa isa pa nitong kasama. Nakita kong umaagos ang dugo sa ulo nito at patuloy na hinahampas ng isang bata. Napamulagat ako ng makilala ang bata, ito ang batang pinakain ko kanina. Nang hinampas pa ulit ng bata ang lalaki ay nahawakan nito ang tubo at mabilis na naitapon ang bata sa lupa.
Akmang lalapitan na nito bata para hatawin ng ito naman ang nilapa ng aso.
"Aray! Aray! Tama na!" Sigaw ng lalaki dahil ang kamay nito ang sinakmal ng aso.
"Miss, kunin mo ang tubo at hatawin mo sila!" sigaw ng bata sa akin.
Naalimpungatan naman ako dahil sa narinig. Kahit na masakit ang aking pisngi sa pagkakasampal ay kaagad kong tinakbo ang tubo at pinagpapalo sa ulo ng ubod lakas ang lalaking kinakagat ngayon ng aso. Hindi ko ito tinigilan hanggang sa nagmamakaawa na itong gumagapang sa lupa. Nang halos hindi na ito makagalaw ay nilapitan ko naman ang lalaking humablot sa akin at pumunit ng damit ko. Pinaghahataw ko ito tubo. Nagmamakaawa na rin itong sumigaw na tigilan na dahil sa sakit pero sa galit ko ay hindi ko pa rin ito tinantanan. Maya-maya kahit na lugmok na ang lalaki ay may inilabas itong kutsilyo mula sa kanyang tagiliran.
"H-hu-manda k-kayo sa akin..." Pinipilit nitong tumayo.
"Miss, halika na. Umalis na tayo dito at baka may iba pa silang kasama. Gringo, tara na!" Nilapitan ako ng bata at hinawakan sa kamay sabay giya patakbo.
Kaagad ko namang pinulot ang aking backpack at maleta at mabilis na kaming tumakbo palayo sa lugar na iyon.
"M-maraming salamat sa 'yo, bata. K-kung hindi ka dumating ay baka na-r*pe na ako ng mga manyak na 'yon. Hindi ba natin sila isusumbong sa pulis?" Hingal kabayo kaming dalawa ng batang lalaki kasama ang aso nito. Nang makalayo-layo ay tumigil muna kami sa isang makipot na daan. Kumuha ako ng isang bagong t-shirt sa aking maleta at pinalitan ang punit kong damit.
"Naku, Miss, mas mabuti nang makalayo tayo dahil hindi natin alam kung may mga kasabwat pa ang mga 'yon. Tingin ko naman ay hindi nila ako makikilala dahil marami naman akong mga kamukhang batang gusgusin dito sa lugar namin."
"Sige na nga. Maraming salamat talaga ha. Ano nga pala ang pangalan mo?" Patuloy kong tanong sa batang lalaki habang naglalakad kaming dalawa.
"Ako nga pala si Boknoy at ito si Gringo, ang bestfriend kong aso." Niyakap-yakap pa nito ang asong kasama. Tumahol naman ang aso at dinilaan ang mukha ng batang si Boknoy.
Kahit na gusto kong mandiri ay hindi ko magawa dahil kung hindi sa aso ni Boknoy ay baka luray-luray na siguro ang katawan ko. Aaminin ko hindi talaga ako animal lover dahil noong maliit pa ako ay hinabol ako ng aso ng aming kapitbahay at muntik na akong sakmalin kaya naman may phobia ako sa mga hayop lalo na sa aso. Pero dito kay Gringo, mukhang exempted siya kasi niligtas niya ang buhay ko.
"S-salamat, G-gringo ha." Nakangiwing sabi ko. Pinilit ko ang aking sarili na hawakan si Gringo pero tinahulan lamang ako nito tanda na ayaw nito sa akin. "Ay! Ayaw niya 'ata sa akin."
"Pasensiya ka na, Miss--"
"Tawagin mo na lamang akong Ate Chin-chin at Boknoy na lamang ang itatawag ko sa 'yo. Okay lang ba?"
"Sige po Ate Chin-chin. Mabuti pala at napadaan kami ni Gringo doon. Bumili kasi ako ng gamot ni Nanay tapos nakita kitang naglalakad. Tatawagin sana kita Ate Chin-chin para ipakilala sa 'yo ang bestfriend kong si Gringo kaso nakita kitang hinablot ng isang lalaki.. hayun, naisip kong may masama silang gagawin sa 'yo. Tumingin nga ako sa paligid para sana humingi ng tulong kasi baka hindi ko kayanin ang lalaking humablot sa 'yo kasi bata pa ako kaso wala akong makitang taong naglalakad kasi nga madilim sa parte na 'yon. Eh nakita ko ang tubo kaya iyon na lamang ang ginamit kong panghampas." Pagmamayabang pa na sabi ni Boknoy.
"Salamat talaga, Boknoy. 'Di bali at dahil tinulungan mo ako, kapag nakita ko ang Tiyo Dominggo ko ay babalikan kita at ibibili ko nang maraming gamot ang nanay mo." Nilapitan ko ito at ginulo ang buhok.
"Talaga Ate Chin-chin?"
Nakangiti akong tumango sa bata.
"Hulog ka talaga ng langit, Ate Chin-chin. Cute ka na nga, mabait pa." Tuwang-tuwang sabi ni Boknoy at nagpatuloy na kami sa paglalakad.
Nang makarating kami sa kanilang bahay ay nagulat pa ako dahil sa barong-barong pala sila nakatira. Naawa ako sa kalagayan nila dahil nakita kong nakahiga ang nanay ni Boknoy sa papag at panay ang ubo.
"Nay, dumating na po ako. Ito po ang gamot--- hala, nasaan na ang gamot na binili ko? Bakit wala na?!"
Nakita kong kinapa-kapa ni Boknoy ang kanyang shorts. Ipinasok pa ang kanyang kamay sa kanyang bulsa pero napagtanto nitong butas ang kanyang bulsa.
Bigla na lamang umiyak si Boknoy. "Sorry po, Nay. May butas po pala ang bulsa ko. Baka nalaglag kanina---"
"Boknoy, okay lang ako anak. Huwag kang mag-alala at wala lang 'to." Nakita ko ang nanay ni Boknoy na hirap sa paghinga.
"Nay, pwede ko ba kayong tingnan? Nurse po ang kurso at baka matulungan ko po kayo. Marunong din po ako magmasahe. E-ma-massage ko kayo, pasasalamat ko dahil tinulungan po ako ni Boknoy sa mga masasamang tao kanina."
Nilapitan ko ang nanay ni Boknoy at tiningnan ito. Kahit hindi ako ang pinakamatalino sa amin sa school ay masasabi ko namang isa ako sa magaling tumingin ng sakit ng tao. Siguro dahil na rin sa may lahing manggagamot sa probinsiya ang mga ninuno namin kaya magaling ako sa mga sakit.
Sa tingin ko sa nanay ni Boknoy ay may TB ito. Sinabi na nito na may hika din siya. Naawa naman ako sa kalagayan nila dahil iniwan pala sila ng kanilang padre de pamilya at sumama sa ibang babae. Para naman mabuhay si Boknoy ay naglalabada ang nanay nito kahit may hika kaya siguro tinamaan ito ng TB dahil laging pagod, puyat at natutuyuan ito ng pawis.
Dahil sa pagkaawa ko ay hinilot ko ang nanay ni Boknoy. Umaliwalas naman ang pakiramdam nito at kahit papaano ay nabawasan ang hika nito. Sa awa ko ay nangako akong bibilhan ko na lamang ng gamot ang nanay ni Boknoy bukas para sa hika at sa TB nito. Alanganin na kasi ngayong gabi dahil baka sarado na ang mga botika at isa pa ay pagod na kaming dalawa ni Boknoy dahil sa dalawang lalaki kanina.
Kinabukasan ay tinanong ko ang nanay ni Boknoy baka alam niya ang building na pupuntahan ko.
"Allegra Garden Residences ba ang sabi mo, Chin-chin?" Ang tanong ng nanay ni Boknoy. Kumakain kami ng pagkaing binili ko sa labas. Maayos na rin ang pakiramdam nito dahil sa paghilot ko kagabi.
"Opo, Nay."
"Alam mo, Chin-chin, mayroon ako dating pinapasukan para maglaba na parang katunog niyan ang building. Malapit lang din dito, diyan lang pagkatapos ng pangalawang eskinita. Lugar 'yan ng mga mayayaman, pero ang alam kong pangalan ay hindi Allegra.. p-parang.. parang A-al..al.. Allondra Garden Residences. Parang nga.. hindi ako sure kasi matagal na akong hindi nakakapunta doon dahil nga matagal nang nangibang bansa ang pinaglalabhan ko diyan dati."
"Ah kaya siguro hindi alam ng mga tagarito kasi iba pala ang pangalan ng building. Hindi pala Allegra kundi Allondra." Napapalatak kong wika.
Kaya naman pala ang mga napagtanungan ko kahapon ay sinasabi nilang baka mali ang pangalan ng building na sinasabi ko iyon pala ay mali siguro ang pagkakabigkas ni Tiyo Dominggo ng kanyang tinitirhan. Naiintindihan ko naman si Tiyo dahil kahit nga nagsasalita ito ng tagalog sa amin ay may tono pa rin ito ng aming salita. Kahit nga ako may tono din kaya nga natutuwa ang nanay ni Boknoy na pakinggan akong magsalita. Halata daw talaga na galing akong probinsiya dahil sa tono ko. Kaya dapat daw na mag-ingat ako kasi nga maraming manloloko dito sa Manila lalo na kapag alam nilang hindi tagarito.
Nag-stay pa ako ng isang araw sa bahay nila Boknoy dahil pinagaling ko pa ang aking mga sugat at galos na tinamo mula sa mga manyak na lalaking muntik nang magsamantala sa akin. Humanda lang talaga ang mga iyon dahil kapag umuwi ako ng probinsiya ay ipapakulam ko sila sa kapitbahay naming mambabarang. Ang hindi alam ng dalawang lalaking 'yon ay nakunan ko sila ng hibla ng buhok kaya iyon ang gagamitin ko para ipabarang sila. Akala siguro nila ay hindi ko sila paghihigantihan. Humanda talaga sila sa akin.