"I'LL HELP YOU, Daph para mapabilis ang pag-alis mo. Gagamitin ko na lang ang koneksyon ko."
Napatingin siya sa asawa. Abala siya sa paghuhugas ng pinagkainan nila ng mga sandaling iyon.
"Talaga? Passport pa lang ang meron ako, e." Wala kasi siyang pera kaya 'yan lang ang nakaya niyang asikasuhin.
"Ako na ang bahala sa ibang bagay na dapat ayusin." Naupo ito sa counter at pinapanood siya.
Ngumiti siya rito ng mabilis bago bumalik sa paghuhugas.
Wala siya sa mood makipag-usap dito ng matagal. May kaonting tampo kasi siya rito.
Hindi pa rin kasi siya nito pinapayagang pumasok ng trabaho. Inalok kasi siya ng kaibigan mag-part-time sa isang supermarket malapit sa dating tinitirhan niya. Tutal hindi pa siya makaalis ng bansa, papasok sana siya para may panggastos sa araw-araw. Nahiya kasi siya gastusin ang pera ni BK.
Buryong na buryong na rin siya sa malawak na bahay nila kapag araw. Siya lang din mag-isa dahil pumapasok sa opisina ang asawa niya.
Sa umaga, nagdidilig siya ng halaman, naglilinis at kung anu-ano pa. Para siyang caretaker sa bahay na ito. Ang tindi niya. Pinakyaw na niya ang gawain dito.
Sa gabi naman, siya lang mag-isang kumakain dahil umuuwi si BK minsan, madaling araw na galing sa kung saan. Siguro pagkagaling nito ng opisina, deretso agad sa babae, o 'di kaya nangha-haunting ng babae sa bar.
Mahigit isang buwan na silang ganito. Nanghihina siya lalo sa bahay na ito. Walang makausap. Pakiramdam niya tumataba siya.
"Hindi ba talaga ako puwedeng pumasok ng trabaho?"
"Hindi nga puwede. Dahil kapag nakita ka ni Mama, yari ako, Daph!"
"Malayo naman dito, a! Kaya, anong ipinag-aalala mo? Tsaka malapit 'yon sa dati kong tinitirhan. Hindi naman nagagawi doon Mama mo. Every other day na lang sana ako uuwi. Puwede ba?"
Napatitig ito sa kan'ya. Seryoso talaga siya.
Nagpupunas na siya ng pinggan. Dinederetso na niya sa dish organizer nila pagkapunas.
"Okay. Susunduin na lang kita kapag gusto mo ng umuwi. Basta siguraduhin mong hindi ka makikita ng Mama at Papa ko!"
"Oo nga. Saka para 'di ako nakaka-abala kapag nagdala ka ng babae mo dito."
Napatitig ito sa kan'ya bigla. Biglang naurong ang dila nito. Hindi siguro nito akalaing sasabihin niya iyon.
Saglit na nagtitigan sila. Siya ang unang bumawi.
"Okay," mahinang sabi nito.
"Paano, puntahan ko lang si Amelie sa apartment niya. Anyway, salamat sa pagpayag." Ngumiti siya rito at iniwan ito. Sinundan lang siya nito ng tingin.
Napasandal siya sa pintuan ng silid niya nang mapagtanto ang sinabi kay BK. Totoo naman kasi. Naiilang pa siya magpakalat-kalat lalo na kapag tinanghali ng gising ang mga ito. Siya na lang nahihiya sa mga pinaggagawa ng mga ito. Mas mabuti ng nasa ibang bahay siya. Hindi naman niya nakalimutan ang deal nila ni BK, kaya hindi siya nakikialam dito. In short, wala siyang karapatan. Sa papel lang siya kasal kay BK.
Kakatapos lang niya maligo nang makarinig ng sunod-sunod na katok.
"Ihahatid na kita." Napa-oh siya ng bumungad si BK sa kan'ya.
"Baka busy ka. Kaya ko naman–"
"Hihintayin kita sa baba." 'Yon lang at tumalikod na ito.
No choice naman siya. Pero okay lang din. Ito naman ang nag-offer.
Hinatid nga siya nito sa dating tinitirhan niya. Linggo naman kaya okay lang dito kung saan maggagala.
Ang buong akala niya ay aalis na ito. Sumunod pala ito sa kan'ya. Kaya para na namang kiti-kiti si Amelie sa kilig.
"Shemay ka girl! Gandang lalaki talaga ng napangasawa mo. Ano, naka-iskor ka na ba?" Bigla niyang tinakpan ang bibig nito. Napatingin kasi sa gawi nila ang asawa dahil sa boses nito. Sana, hindi nito narinig.
"Ano ka ba! Walang-wala ako sa mga babae niyan. Kailangan lang niya ako para sa palabas," mahinang sabi niya rito.
"Sayang naman. Akala ko may forever ka na." Natigilan ito mayamaya. "Nakalimutan kong tawagan ka. Dumaan si Auntie Daisy kahapon. Hinahanap ka. Tawagan mo raw siya. Hindi ka raw niya makontak nitong nakaraan,"
"Sinabi mo ba kay Mama na hindi na ako nakatira dito?"
"Hindi naman nagtanong. Basta hinanap ka lang. Ang sabi ko, nasa trabaho ka."
Magaling talaga sa lusutan ang kaibigan niyang ito.
“Salamat. Hindi ko pa nasasabi sa kan’ya, e. Mamaya tatawagan ko siya.”
“Sabi na nga ba, e. Buti na lang nagpigil ako.”
Hinarap niya si BK nang lapitan sila nito. Tapos na nitong isa-isahin tingnan ang mga pictures nilang magkaibigan. Nagpaalam na rin ito sa kanila mayamaya. Hinatid nila ito hanggang sa kotse nito dahil baka mapag-tripan ng ilang kapitbahay nila. Loko-loko pa naman ang ilang tambay na naroon.
Ayon nga, confirmed na puwede siyang mag-simula bukas. To follow na lang daw ang requirements niya. Naiwan niya kasi sa bahay nila BK. Dalhin na lang niya pag-balik niya dito.
Hindi siya uuwi ngayon sa bahay nila, kasi maaga raw silang papasok bukas dahil ipapakilala siya ng kaibigan sa boss nito.
Kinagabihan tinawagan niya ang kaniyang ina. Matagal bago niya inamin dito dahil sa kaba. Napasigaw lang naman ito nang sabihin niyang may asawa na siya, at anak mayaman.
Hindi niya sinabi ang ibang rason, sinabi lang niyang gusto niyang makita ang totoong ama niya. Nahulaan naman nitong dahil sa pera kaya siya nagpakasal. Bahagya itong nalungkot. Mukhang hindi ito masaya sa desisyon niya. Lagi naman itong walang sinasabi kapag ama niya ang pinag-uusapan nila, kaya, siya na lang ang bahalang umalam. Hindi naman na ito nagtanong kung sino ang napangasawa niya dahil sinabi niyang maghihiwalay din naman sila, kaya bakit pa niya sasabihin sa ina. Mas mabuti nga raw na 'wag ng ipakilala para hindi na rin daw ito umasa. Wala na raw itong magagawa, ikinasal na siya.
Huli niyang tinawagan si BK na sa bukas na siya magsisimula, at kaya hindi siya nakauwi ngayong gabi. Sa Wednesday siya nito susunduin dahil 'yon ang sabi niya rito na araw ng pag-uwi niya.
Si Amelie ang Supervisor pala ng supermarket na malapit sa kanila. Masaya siya kasi ngayon lang niya ulit ito nakasama sa trabaho.
Nakaka-miss ang trabaho niya bilang cashier, salamat talaga sa kaibigan niya. Malilibang siya ng husto.
Ang bilis nga lang ng ng araw. Nakapangatlong araw na siya. Dapat kahapon siya umuwi pero umabsent kasi ang isang katrabaho kaya nagprisinta siyang mag-extend na lang. Bale naka 10 hours siya kaya nakangiti siya kanina. Hindi naman siya gaanong pagod. Kahapon lang. 5 hours lang naman talaga ang pasok niya.
Kontento na siya dahil may pinagkakaabalahan na siya. May panggastos na rin siya para sa mga personal na pangangailangan. Hindi kasing-laki ng iba ang sinasahod niya. Pero masaya siya. Nawawala rin ang pagod niya kapag nagtatawanan silang magkakatrabaho. Lalo na kapag oras ng breaktime.
Halos naman sa part-timer na kasamahan ay mga nag-aaral ng kolehiyo. Ang suwerte ng mga ito dahil mabait ang may-ari. 5 hours lang ang pasok. Kaya ang iba, nagsipag-aral. Meron sa umaga, meron din sa gabi.
Sumabay siya sa ilang kasamahan nag dumating ang uwian. Kakatapos lang ng ulan. Buti huminto kaagad dahil wala siyang dalang payong.
Napatigil siya sa pagtawa nang mapansin ang paghinto ng isang magarang sasakyan. Bigla siyang kinabahan. Hindi siya pamilyar sa sasakyan. Sana hindi ito si BK. Baka ano pa ang sabihin ng ibang kasamahan.
Napaawang siya ng labi nang makita si BK na pababa ng sasakyan. Dinig niya ang pagsinghap ng ilang babaeng kasamahan. Naguguwapuhan siguro sa asawa niya. Nakakapit siya noon sa T-shirt ni Allen, isa sa bagger nila.
Kita niya ang pagkunot ng noo ni BK nang mapatingin sa kamay niyang nakakapit kay Allen. May tubig ulan kasi silang madadaanan kaya humawak siya saglit. 'Yon ang saktong dating naman nito.
Tinanggal ni BK ang sunglasses nito. Wala siyang mabasang ekspresyon sa mukha nito. Wala namang araw pero kung makasuot ng salamin, eh parang tirik na tirik ang araw. Naglakad ito kapagkuwan na hindi inaalis ang tingin sa kaniya pati kay Allen.
Nagkatinginan pa ang mga katrabho. Hindi kasi alam ng mga ito kung sino ba ang sinusundo ni BK.
Hinarap niya ang mga kasamahan at nagpaalam. Hindi pa man siya nakakahakbang nang humawak na sa beywang niya si BK. Napatingin siya sa kamay nito na nakakapit. Nailang siya bigla.
"Let's go," yakag ni BK.
Dinig niya ang kani-kaniyang bulong ng mga kasamahan.
"Ahm, sige," sagot niya kay BK. Tumingin siya sa mga katrabaho. "Mauna na kami," paalam niya.
"Hindi mo ba kami ipapakilala, Daph sa kasama–" Hindi natuloy ni Leslie ang sasabihin nang putulin iyon ni BK.
"Asawa niya ako," tipid na pakilala ni BK sabay sulyap kay Allen. Napatingin din doon ang ibang kasamahan.
"Oh," halos sabay na sabi ng mga ito maliban kay Allen na nakaawang lang ang labi. Halata rin ang kilig ng mga ito habang nakatingin sa asawa.
Tumikhim siya kaya napatingin sa kan'ya si BK.
"Tara na," aniya. Tumango naman ang asawa at iginiya siya papasok ng sasakyan nito.
Mabilis lang ding nakapasok ang asawa sa driver seat. Medyo padaskol kaya napataas siya ng kilay.
Hindi pa man siya tapos magsuot ng seatbelt nang bigla na lang nitong pinaharurot ang sasakyan.
"Ay!" Tumama ang noo niya sa unahan kaya nasapo niya iyon. Napadaing siya kaya napatingin ito sa kan'ya, kaya bigla na naman itong nagpreno. Muntik na naman siyang mauntog.
Inis na binalingan niya ito. "Problema mo ba?" aniyang sapo pa rin ang nauntog na noo.
"Masakit ba?" nag-aalalang tanong nito mayamaya.
"Ay, hindi!" inis na sabi niya habang nagsuot ng seatbelt. Mahirap na baka maulit. Natanggal bigla dahil hindi pa nga niya naisusuksok ng maayos tapos bigla na nitong pinaharurot.
Napasinghap siya nang biglang lumapit ito sabay paharap sa kan'ya. Tiningan nito ang noo niyang bumukol na.
"F*ck! I'm sorry," anito habang hinahaplos ang noo niya. Hinipan pa nito. Bigla siyang kinilabutan sa hininga nito.
Inayos nito ang seatbelt niya at pinaandar na nito ang sasakyan. Sakto lang ang takbo niyon. Hindi kagaya kanina, akala mo nakikipagkarerahan.
Pagdating sa bahay nila ay deretso siyang pumasok sa silid niya. Pero binanggit niya rito na hindi siya makakapagluto. Hindi na niya sinabi na naiinis siya.
Paano kung hindi mawala ang bukol sa noo niya? Baka isipin bukas ng katrabaho niya battered wife siya.
"Nakakainis ka talaga BK!" naibulas niya nang tingnan ang bukol sa noo niya sa may salamin.
Natigilan siya nang biglang bumukas ang pintuan niya at iniluwa niyon si BK na may dalang basin na puno ng yelo. Kita niya sa peripheral vision niya, siyempre. May nakasampay din sa braso nito ng towel. Nahulaan niya kaagad kung para saan 'yon. Wala siguro itong cold compress.
Nilingon niya ito nang magsalita ito. Inilapag nito sa side table niya ang basin. Nagsalita ulit ito. Pinapaupo siya nito.
Wow. Ano 'to, nagpapaka-gentleman?
"Lalapit ka ba o tititigan mo na lang ako magdamag? Ikaw din, baka lalong lumaki 'yan. Tapos nagiging ube ang kulay niyan."
Nakaramdam siya ng inis. Tinatakot pa yata siya nito.
Naupo siya sa kama. Hinila nito mayamaya ang upuan niyang nasa harap ng vanity mirror niya, at doon umupo.
"Nag-order na lang ako ng pagkain," anito habang masuyong dinadampi ang yelo na nababalutan ng towel.
"Okay," tipid niyang sagot.
Hindi siya nakatingin dito dahil naiinis siya sa ginawa nito.
Akala niya okay sila dahil maganda naman ang pinakita nito kanina sa harap ng mga katrabaho niya. Tapos pagdating sa sasakyan gano'n na lang ang inakto nito? Kung may problema ito, dapat hindi siya nito dinadamay.
Nagpakawala siya ng marahas na buntong hininga na ikinatitig nito sa kan’ya.
“Ako na lang. Kaya ko naman ang sarili ko.” Kinuha niya ang hawak nito at umusog para lumayo dito.
Tumayo ito kapagkuwan at lumabas ng silid niya.