“Like a memory she vanished, like a sun goes down, she died; but night occurred, full of stars and moon, ” pagsambit ko sa mga salitang sa libro nanggaling. Iyon ang kaisa-isang libro na natanggap ko bilang regalo sa kaibigan kong si Anna.
“Caith, pakidala naman ito doon sa may labas,” ani Aling Korina, tinutukoy ang mga kahon ng mga bago nilang kagamitan sa bahay.
Narito ako ngayon sa may kapitbahay at nagpapalipas ng oras. Hinihintay ko lamang si Anna na dumating upang makuha ang hinihiram kong pera sa kaniya. Kinakailangan na kasi ni Inay ng panibagong set ng gamot at kailangan na mabayaran kahit ang paunang bayad sa bagong appointment na kailangan niya sa Doctor. Hindi ko siya maipa-chemo dahil wala naman kaming sapat na pera upang maipa-gamot siya ng ayos.
Ang kakarampot na sinasahod ko sa pinyahan ay sumasapat lamang sa monthly bill ng kuryente at tubig at pangbigas namin. Itinatabi ko lang ang ilang butal upang may madudukot kami kapag kailangan. Mayroon pa naman akong higit limang daan doon subalit hindi sapat dahil may isang libo mahigit ang gamot ni Inay.
“Naku! Baka naman hindi uuwi si Anna ngayon?” si Aling Korina, Nanay ni Anna.
Mag-isa lamang ito ngayon dahil sa Linggo pa uuwi si Mang Agustin galing sa trabaho nito sa isang construction site.
“Tanungin mo muli at baka naghihintay ka sa wala,” pag-aapura ni Aling Korina na mas nag-aalala pa kaysa sa akin.
Natawa naman ako at umiling, tinulungan siya sa pagbuhat ng telebisyon.
“Sabi po niya ay sigurado siya na uuwi siya dahil na rin sa may kailangan po siyang kuhanin. Iyon nga lang po ay baka raw gabihin,” pag-iimporma ko sa kaniya. Tango naman ang isinagot noon sa akin.
“Tsaka ayoko naman po apurahin siya. Ako na nga lang po ang nanghihiram, e,” tawa ko pa. “Darating po iyon. Namimiss na raw kayo,” dagdag ko pa.
Ngumuso siya at bumuntong hininga.
“Mabuti naman kung ganoon. Iyang bata na iyan…” umiling siya matapos sabihin iyon. “Kulang na lang makalimutan na may mga magulang pa siya rito,” may tono ng pagtatampo ang boses ni Aling Korina ng sabihin iyon.
“Baka naman po busy lang talaga siya at may kailangan na tapusin. Balita ko po ay maari siyang ma-promote kung pagbubutihin lalo ang trabaho,” sambit ko.
“Hay, naku! Hindi ko naman hangad ng kayamanan. Mas gustuhin ko pa na narito siya sa malapit at nakikita ko palagi,” ani Aling Korina.
Tumango na lamang ako at wala ng sinabi dahil Ina siya si Anna at valid namin ang nararamdaman niyang pagka-miss sa kaniyang ka-isa-isang anak na babae. Alam ko pa nga ay miracle baby si Anna dahil ilang beses ng nakunan si Aling Korina at hindi inakala na kay Anna sila magtatagumpay.
“Mabuti ka pa nga at kahit na may oportunidad sa kabilang bayan ay hindi mo piniling iwanan ang Nanay mo,” anito, tinutukoy ang tungkol sa parehong trabaho na naalok sa akin at kay Anna. Iyon nga lang, tulad ng sinabi niya ay hindi ko iyon tinanggap.
“May sakit na po kasi si Nanay, e. Hindi na ho pwedeng iwanan ng mag-isa,” paliwanag ko naman. I have no choice but to decline it.
Nagkibit-balikat si Aling Korina at saka nag-focus na lamang sa pag-aayos ng bagong dating nilang mga gamit. Galing iyon kay Anna, sa mga sinahod niya. Sa pagkakaalam ko, si Anna ay hindi pumapalya sa pag-o-overtime na siya namang dahilan kung bakit mabilis ang pagdating ng pera dito, dahilan kung bakit nag-alok agad siya ng pera noong malaman ang kakulangan ng pambili ng gamot ni Inay.
Sumapit ang alas nuebe ng gabi ay wala pa ring Anna na nagpapakita kung kaya naman nagpaalam na muna ako kay Aling Korina na uuwi sandali sa bahay upang tignan si Inay. Ang sabi ko ay bukas na lamang ako ng umaga babalik subalit bago pa man ako makalayo ay may humahangos na isang Kababayan namin sa kanilang bahay; tinatawag ng malakas ang pangalan ni Aling Korina.
“Bakit? Bakit, Tisoy?” ani Aling Korina, nanggaling pa sa loob at nagmamadaling lumabas.
Hindi ko na nai-tuloy ang pag-alis. Kumunot pa nga ang noo ko at nagtaka kung bakit ganoon na lamang nababahala ang mukha ni Tisoy at may hawak itong itak sa kamay. Pawisan ang noo nito at ang tono ng boses nito ay halatang may hindi magandang balita na hatid,
“Aling Korina…” anito, hinihingal pa. “Si Anna ho… natagpuan namin doon sa may kakahuyan!”
Parang isang bomba ang salita na iyon. Sumabog ang kaba sa dibdib ko at si Aling Korina ay halos matumba.
“May bakas ho ng pangil sa kaniyang leeg,” pag-iimporma ni Tisoy na lalong ikinabahala ni Aling Korina.
“Bakit? Paano? Nasaan ang anak ko?” pahisteryang tanong nito at natutop ang bibig upang siguro ay pigilan ang biglaang paghagulgol.
Sa halip na tumuloy umalis ay mabilis ko iyong dinaluhan. Nanginginig ang kamay niya at si Tisoy naman, ang mukha ay kababanaagan ng pagkabigo.
“N-nasaan si Anna?” kiming tanong ko, pinipilit na tatagan ang boses kahit pa inaatake na rin ako ng kaba.
Pagod na bumuntong hininga si Tisoy at umiling, ang mata ay nagpapakita ng awa sa matandang kaharap.
“Wala na siyang buhay, Caith, Aling Korina. Sobrang putla at lamig na ng kaniyang katawan. Sinubukan ho na gamutin ni Kapitana ngunit bigo po siya,” anito.
Ang mga salitang iyon ang halos gumimbal kay Aling Korina. Nagsimula siyang humagulgol at kumalas sa yakap ko at saka tumakbo palayo. Nagkatinginan kami ni Tisoy at siya ang naunang tumakbo pasunod kay Aling Korina; sumunod lamang ako dahil hindi ako makapaniwala sa binitawang salita ni Tisoy tungkol sa sinapit ni Anna. Kanina lamang ay kausap ko pa siya. Natatanaw namin ang dami ng taong nagtutumpukan doon at natanawan ko pa si Kapitana miski ang ilan sa mga Konsehal ng aming Nayon. Mababakas ang lungkot sa kanilang mukha. Nahawi sila ng makita si Aling Korina at agad nitong nadaluhan ang anak na walang buhay na nakahiga sa isang puting sapin.
“Anna, anak ko… bakit gan’to?” pagtangis niya na sumuntok sa dibdib namin.
Nahinto ako hindi kalayuan sa kanila at tinanaw na lamang ang pagdadalamhati ng mga iyon. Masakit na masakit man sa akin dahil si Anna lamang ang maituturing kong kaibigan, hindi man matalik subalit siya lang ang dumadamay sa akin sa hirap man o sa ginhawa, kahit pa hindi kami iyong uri na halos magkasama sa inaraw-araw na buhay.
“Ang anak ko,” hagulgol ni Aling Korina. “Huwag ang anak ko… Anna ko,” walang hinto niyang pagtangis.
Walang magawa ang mga naroon, miski ako kundi ang mag-iwas ng tingin dahil hindi ko kayang masaksihan ang pagtangis ng isang Ina na nawalan ng anak at hindi pa sila naiiba sa akin. Pamilya ko na silang itinuturing. Hindi ako kailanman itinuring na iba ni Aling Korina at ni Anna kaya naman hindi ko matanggap na nasasaksihan ko sila sa ganitong kalagayan. Parehong bigo.
“Caith…” tawag ni Kapitana sa akin nang mamataan ako, dahilan kung bakit nagsibaling ang atensyon ng iba sa akin.
Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng hiya sa mga oras na iyon. Hindi lingid sa aking kaalaman ang tungkol sa aking pinagmulan lalo pa at nasaksihan ko kung paano nawala sa akin ang aking kakambal dahil sa nakuha niya ang lahi n gaming ama.
“Halika, hija,” ani Kapitana na iminuwestra pa ang kamay upang ako ay palapitin.
“Halika at nang makita mo kahit sa huling sandali ang iyong kaibigan,” sambit nito.
Ang malamyos nitong tinig, ang nakalulungkot na aura ng paligid at ang pagtangis ni Aling Korina ang mga dahilan kung bakit hindi ko na rin napigilan ang pag-agos ng luha sa aking mata. Sobrang bigat ng aking dibdib at hindi alam kung may karapatan ba akong masaktan dahil sa pagkawala ni Anna kung kalahi naman ng pinagmulan ko ang dahilan ng lahat ng ito.
“Dadalhin na namin siya kay Mang Lito para maasikaso na siya,” ani Kapitana, kapit-kapit ang kamay ko habang dinadaluhan din ang umiiyak pa ring si Aling Korina.
“B-bakit naman s-sa anak k-ko pa…” aniya at saka muling umiyak.
Walang makapagbigay sa amin ng sagot doon at hinayaan siya. Iyon nga lang noong dumating na ang sasakyan na kukuha sa katawan ni Anna ay wala nang nagawa si Aling Korina kundi ang pakawalan ang anak na hindi niya inalis sa kaniyang bisig simula ng siya ay dumating dito.
Inabot kami ng alas onse ng gabi roon at kung hindi nga ako pinilit umuwi ni Kapitana ay hindi ko nais na iwanan si Aling Korina. Iyon nga lang ay mag-isa lamang din si Inay sa bahay at baka kung mapaano pa. Hindi ako umuwing mag-isa dahil may dalawang Baranggay tanod ang sa akin ay naghatid upang maiwasan daw ang ganoong disgrasya. Labis labis ang pasasalamat ko sa kanila dahil doon.
Noong marating ko ang bahay ay patay na ang mga ilaw at halatang tulog na si Inay. Dahan-dahan akong nagbukas ng pinto at kumilos upang hindi ko siya maistorbo sa kaniyang pagtulog. Alam ko na hirap na siyang makatulog sakaling magising siya.
Sa gabing iyon ay hindi ko madama ang pagod sa pagta-trabaho ngunit ang bigat sa kalooban ko ay damang-dama ko. Pakiramdam ko, simula ng malaman ko ang aking pinagmulan, kahati na ako sa kasalanan nilang nagawa at nagagawa sa tuwi-tuwina. Hindi na bago sa akin o sa kahit na sino sa amin ang ganitong klase ng sakuna ngunit sa tuwinang maririnig ko ay hindi ko mapigilang isipin na ang dugo ng mga halimaw na iyon ay nananalaytay sa akin at kinokonsidra ko na ring kasalanan ang kasalanan nila.
Kinabukasan, tilaok ng manok ang siyang gumising sa akin. Halos madilim pa dahil sa hinuha ko ay alas sinco pa lang ng umaga. Tulog pa si Inay kung kaya naman naghanda na ako ng almusal dahil may pasok pa ako sa trabaho sa pinyahan. Kailangan kong kumayod dahil kailangan ni Inay nang panggamot.
Kung ako lamang siguro ay nakapagtapos ng pag-aaral ay maaring mas malaki pa sa sahod ko ngayon ang matatanggap ko at maipapagamot ko si Inay. Iyon nga lang ay hindi natuloy iyon dahil agad naming nalaman na may sakit siya at hindi na pwede pang magtrabaho kaya naman ako ang gumawa noon.
Ang sabi ko noon kay Inay ay baka maaring makahingi kami ng tulong sa aking kapatid at sa umampon dito dahil kailangan na kailangan agad siyang operahan ngunit matigas siyang tumutol.
“Hangga’t maari ay huwag na nating ipaalam sa Kapatid mo ang nangyari sa akin. Ayoko na isipin niya na bumalik pa sa atin,” aniya na hindi makatingin sa akin ng ayos.
Masakit na marinig ang mga salitang iyon dahil ako, sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay naghahangad ako na muling makita si Loren. Sabik ako sa kapatid kong hindi ko nakita man lamang sa nakalipas na maraming taon. Noon ay nakatatanggap pa kami ng iilang sulat sa kaniya, nagkukuwento tungkol sa kaniyang naging araw ngunit kalaunan ay um-onti ng um-onti iyon hanggang sa wala na kaming sulat na natanggap mula sa kaniya. Kahit balita noon ay hindi ko na narinig at wala akong alam sa kung ano na ang sinapit niya. Ilang beses ko man na hilingin kay Inay na dalawin siya ay hindi niya pinayagan bagkus ay nagmamakaawa na huwag na lamang at kung maari raw ay kalimutan na namin si Loren.
“Bakit, Inay? Ayaw na ba niya sa atin kaya hindi mo gustong puntahan ko siya?” tanong ko.
Alam ko naman na mahal na mahal ni Inay si Loren katulad kung gaanon niya ako kamahal kung kaya naman alam kong hindi si Ina yang dahilan kung bakit ayaw niya makita ko ito.
“Sinabi ba niya na kalimutan na natin siya?” mangiyak-ngiyak kong tanong noon ngunit wala akong natanggap na kasagutan mula sa aking ina. Umiiwas lamang ito sa tuwing mabubuksan ang usapan tungkol sa aking kapatid.
Kalaunan ay tinanggap ko na lamang nab aka nga hindi na nais ni Loren na kami ay makita pa. Siguro ay masaya na siya sa panibagong pamilya niya.
“Magandang umaga, ‘nak,” rinig kong bati ni Inay.
Nilingon ko ang kaniyang higaan at nakitang inaayos na niya iyon.
“Magandang umaga, ‘nay. Naghahanda na ako ng almusal natin,” pahayag ko.
Busy ako sa pag-aasikaso ng bawang at sibuyas pansangag ng may narinig akong sunod-sunod na katok sa may pinto.
“Sino naman kaya iyon? Wala namang bumibisita rito ng ganitong oras?” bulong-bulong ko pa ngunit alam kong hindi naman dinig iyon ni Inay.