September 30, 2000.
"Maligayang kaarawan, Loren."
"Maligayang kaarawan, Caith,"
Bati ng kambal sa isa't isa ang gumising sa natutulog na diwa ng kanilang ina. Bumaling ang kaniyang tingin sa dalawang anak na masayang naglalaro sa gilid ng kanilang kusina.
Maaga pa lamang ay gising na ang mga ito at paulit ulit na binabati ang isa't isa. Dumako ang kaniyang tingin sa anak na kahapon lamang ng gabi umayos ang pakiramdam. Nakapaglalaro na uli ito at masiglang masigla subalit gustuhin man ng ina na maging masaya ay hindi niya iyon maapuhap sa kaniyang puso.
Maaring ang nakikita ng kaniyang mata ay isang anak na masiglang tumatakbo at tumatawa ngunit ang sa kaniyang pagiisip, ang nakikita niya ay isang batang walang kamuwang muwang sa kaniyang sasapiting pagbabago sa pagpatak ng ikasampu ng gabi.
Bumalik sa kaniya ang sinambit ng matandang kapitana dalawang araw bago ang ngayon.
"Ang iyong anak ay nagtataglay ng katauhan na tulad ng sa kaniyang ama. Maaring ngayon lamang nagpakita ang senyales sapagkat hindi naman sa isang kagat nagmula iyan kundi dahil sa ikaw ay nabuntis niya. " Bakas ang kaseryosohan at pangamba sa boses at mata ng kausap.
Parang isang malaking batong nakabara sa lalamunan ng ina ang napagalaman na siyang pumipigil sa kaniyang paghinga.
"Sa paanong paraan ko matutulungan ang aking anak? Maging ang ating mga kababayan? Hindi ko hangad na ang anak ko ay matulad sa kaniyang ama na basta na lamang bumibiktima ng inosente. At mas lalong hindi kaya ng aking pagiisip at damdamin sakaling makita ang aking anak na tinutugis ng aking mga kababayan." Puno ng pagsusumamo ang babae at halos pumiyok dahil sa pait na lumulukob sa kaniyang lalamunan patungo sa kaniyang tiyan.
"Ang tanging magagawa ko para sa iyo ay kausapin ang isa sa mga kakilala kong katulad ng iyong anak ang katauhan. Sa lugar nila ay nabibigyan sila at natuturuan kung paano kontrolin ang kanilang uhaw at nabibigyan ng maayos na supply ng pagkain na siyang kailangan ng kanilang katawan. Sa ganoong paraan, hindi magiging halimaw na hayok sa dugo ang iyong anak." Mahabang paliwanag ng matandang ginang.
Sunod sunod na pagtango ang natanggap niya mula sa kausap na ngayon ay lumuluha na at hindi na napigilan pa ang pagbugso ng damdamin.
"Kung gayon ay tatanawin ko pong isa pa muling utang na loob ito kapitana," isang sigok ang narinig pa sa babaeng tumatangis ngayon.
Hinaplos ng ginang ang balikat ng dalaga upang pagaanin ang mabigat nitong dinadala sa dibdib.
"Gusto ko lamang na maging handa ka sa maaring kahantungan ng desisyon ng aking kakilala. Nawa, ano't ano man iyon ay piliin mo ang tama at nararapat para sa iyong anak at sa ating kababayan."
Sunod sunod na pagtango ang naging sagot ng babae.
Kinabukasan, natanaw na lamang ng babae ang humahangos na Ginang na inaalalayan ng isa apa nilang kapitbahay.
"Halika. Madali!" sambit ng kapitana.
Ngayon ay nasa planta siya ng pinya at nagaani kung kaya naman hindi niya inaasahan ang pagbisita ng Ginang. Iginiya niya ang kapitana at kapitbahay sa isang sulok kung saan nagpapahinga ang mga trabahador sakaling napapagod.
"Nakausap ko na siya ngayon at sinabing sa kaarawan ng iyong anak ay magbabalik siya sa normal. Ngunit sa pagsapit ng alas diyes ng gabi sa mismong kaarawan nito, mauuhaw ito sa dugo at hindi mapipigilan ang paglabas ng kaniyang tunay na katauhan. Ang kaniyang suhestiyon ay dalhin ang iyong anak sa kanilang bayan upang doon ay masustentuhan ang unang pangangailangan ng iyong anak." Mahabang paliwanag ng Ginang na halos kapusin na ng hininga.
"Kailangan ng iyong anak ng gabay na tanging ang mga kauri niya lamang ang makapagbibigay. Kailangan ko ang iyong desisyon. Sakaling pumayag ka, ang iyong anak ay susunduin niya sa pagdating ng ika-sais ng gabi."
Sa mga oras na iyon, nasa mahirap na sitwasyon ang babae. Hindi kailanman nawalay sa kaniya ang anak o pinasama man lamang niya sa ibang tao. Gusto niyang humindi at sabihin na siya na lamang ang bahala sa kaniyang anak subalit paano? Wala siyang kahit na anong alam tungkol sa mga bampira at kung meron man, saan siya kukuha ng pangunahing pangangailangan ng tulad nila?
"Magdesisyon ka ng sa gayon ay masabi ko agad sa kaniya. Huwag kang magalala. Hindi malalagay sa kapahamakan ang iyong anak. Ang mga bampirang naninirahan sa lugar na iyon ay siyang mga bampira na may kasunduan sa ating gobyerno. Isa pa, mataas ang katungkulan ng aking kakilala sa kanilang bayan."
Sa kaalaman na wala naman siyang pagpipilian ay sumang-ayon ang ina. Hangad lamang naman niya ang kaligtasan ng kaniyang anak at ng kaniyang mga kababayan.
Nakapagdesisyon na siya ngunit gabi gabi at tuwing mapagiisa ay bumabalik ang takot at pagaalala para sa anak. Kung sana lamang ay kaya niyang pahintuin ang oras at manatili na lamang sa ganitong posisyon, minamasdan ang kaniyang dalawang supling na masayang naglalaro.
Sa pagsapit ng ala sais ng gabi, isang katok ang nagpatigil sa dalawang batang nagbabatuhan ng unan. Malalaki ang mga mata ng mga iyon at puno ng pagtataka. Kahit bata pa ay alam nilang wala sa kanilang kapitbahay ang dumadalaw sa kanila sa pagsapit ng gabi kung kaya naman misteryo sa kanilang batang utak ang tao sa kabila ng mga katok na iyon.
Pinagmasdan nila ang kanilang ina na nagtungo sa pintuan ngunit natulala muna roon. kung hindi nila ito tianwag ay hindi mababalik ang diwa mula sa malalim na pagiisip.
Tahimik silang nakatanaw sa pinto habang magkadikit na nakaupo sa papag. Nang bumukas iyon ay sumungaw ang may isang katandaang lalaki na nakasuot ng itim na sombrero at magarang kausotan. Pinapasok iyon ng kanilang ina at pinaupo sa isang upuang kahoy sa tabi ng lamesang kanilang kinakainan.
"Ano hong maihahanda ko para sa inyo? Kape, tubig..." hindi nakaligtas sa pandinig ng mga bata ang mahinang garalgal sa boses ng kanilang ina.
"Hindi mo na kailangan magabala. Narito lamang ako upang kunin ang pakay ko." sagot ng lalaki. Ang boses na iyon ay puno ng otoridad, buo ngunit malamig.
Ilang sunod sunod na paglunok ang ginawa ng kanilang ina bago tumango sa lalaki at nagtungo sa kinaroroonan nila.
"Mga anak... Caith..." banggit ng ina sa mahinang boses. Ang isa sa kambal na si Caith ay nagtuon naman ng buong atensyon sa ina.
"Ang iyong kakambal...kailangan na muna niyang sumama kay Mister Crowell upang mabigyan ng lunas ang kaniyang sakit. Ayos lamang sa iyo iyon, hindi ba?" May kakaibang nginig sa boses ng kanilang ina.
Nanatiling nakatitig ang batang si Caith sa mga mata nito saka dahan dahang tumango.
"Siya po iyong sinabi niyo kanina na tutulong kay Loren upang makakain at makatulog na po uli siya, hindi ba?" inosenteng tanong ng bata.
Nagpalit palit ang tingin nito sa kakambal at sa ina saka nilapitan ang kapatid at niyakap.
"Ayos lamang po iyon sa akin, ina. Babalik naman po si Loren bukas. Maghihintay po ako sa kaniya." tugon ng batang si Caith na ngayon ay may namamasang mata at nagsisimulang humikbi. Taliwas sa kaniyang sinambit, alam niyang hindi niya kayang wala ang kapatid ngunit sa kaalamang magkakaroon ng lunas ang sakit nito ay hinayaan iyon.
Nakatanaw sa bintana ay pinagmasdan ng ina at ng naiwang kapatid si Loren na ngayon ay nakadungaw sa pinto ng isang sasakyan ang ulo upang tapunan pa muli ng huling tingin ang dalawa.