“Lady Loren, kailangan niyo na pong gumising at bibisita ngayon ang High Reeves para kayo ay kamustahin,” ani ng boses sa gilid ko habang inaagaw pilit sa akin ang blanket.
Lamig na lamig pa ako dahil kung ano ang ikinapal ng mga kasuotan nila sa pang-araw-araw ay siya namang nipis ng pantulog nila. Mas mabuti pa ang mga luma kong damit na kaya kong tagalan na hindi nagkukumot sa gabi.
“Lady Loren, should I call Mrs. Teren?” mahinhin man ngunit may pagbabanta ang boses ni Trisha.
Kukundap-kundap pa ang mata ko at hindi pa nais bumangon ng aking katawan. Halos madaling araw na para sa akin iyon at ilang oras lang ang aking naging pahinga habang ang mga uri nila ay hindi naman mararamdaman ang puyat. Kung hindi ko pa ipinakita kahapon na ako ay antok na ay mukhang balak talaga ni Mr. Jarvis na manatili roon hanggang sa matapos ang pagpupulong.
“Pwede bang kahit dalawang oras pa? Hindi pa ako nakababawi sa puyat ko,” garalgal kong sambit sa kaniya na hinihila ang blanket. Narinig ko ang kaniyang buntong hininga.
“But Lady Loren, baka po kasama na niya ang Pinuno,” malamyos na sambit pa niya.
Noong mapagtanto ang kaniyang sinabi ay mabilis akong napabalikwas ng upo; pakiramdam ko tuloy ay naalog ang aking utak dahil doon. Akala ko ba ay ang High Reeves lang dahil may pinagkakaabalahan ang kanilang Pinuno. Alam ko ang tungkol dito dahil bago pa man ako tuluyang makapagpahinga kagabi ay sinabihan na ako ni Kreoff.
“Bakit sila pupunta rito? Ang sabi kahapon ay sigurado na wala ang Pinuno dahil abala ito?” takang tanong ko kay Trisha.
Kiming ngumti siya at humingi ng pasensya dahil hindi alam ang kasagutan sa aking ibinatong tanong. Nanlalambot akong napabuntong-hininga. Hindi ako handa na makita ang Pinuno nila.
“Trisha, sa tingin mo ba ay mahahalata niya ako?” wala sa sarili kong tanong.
“Kung inyo pong pagbubutihin ay siguradong hindi po. Kuhang kuha naman po ninyo ang kilos ni Lady Loren at kamukhang kamukha niyo po siya,” aniya na kahit papaano ay nakapagpalagay ng kalooban kong naghuhuramentado.
“Kanina pa ho kayo ipinagigising ni Mrs. Teren,” pagpapaalala niya sa akin na siyang nagpaigtad sa akin.
Hindi ko gustong mabalik sa akin ang babaeng iyon dahil pakramdam ko ay mauuna pa siya sa dahilan ng maaga kong pagkamatay. Dahil na rin sa hindi ko makasundo ang mayordoma ng chateau na ito ay humiling ako kay Mr. Jarvis na kung maari ay palitan. Sinabi ko sa kaniya lahat ng aking hinaing noong papirmahin niya ako sa ikalawang kontrata kung saan dugo ang aking ipinirma.
“The only way you can get out of this contract is to finish the mission I gave you,” pag-iimporma ni Mr. Jarvis sa akin. Hawak-hawak niya ang kontrata na pinirmahan ko ngayon lamang.
“And the only way to cheat the contract is to die together with your mother,” ani Teren na nasa likuran ko.
Sa sobrang pagkabigla at pagkainis ko noon sa narinig ay hiniling ko na huwag na lamang siya ang italaga sa akin dahil halata naman na hindi niyon gusto ang aking presensya. Laking pasasalamat ko na lamang na sumang-ayon sa akin si Mr. Jarvis miski si Teren. Siguro ay ganoon talaga namin ka-hindi gusto ang isa’t isa.
“Lady Loren, hindi po ba kayo nae-excite sa maari ay muli ninyong pagkikita ng Pinuno?” nakangiting tanong ni Trisha sa akin habang inaayos na ang mga unan sa aking gilid.
Muling pagkikita? Hindi ko pa siya nakikita kailanman. Ipinagkibit balikat ko na lamang at baka nawala sa isip niya na hindi naman talaga ako ang totoong Loren.
“Natutulog ba kayo?” sa halip ay natanong ko. Halos bangag pa ako dahil sa labis na puyat.
Mukha namang nagulat siya roon at natawa.
“Opo, Lady Loren subalit hindi naman po kailangan kung kaya hindi kami nahihirapan na labanan ang antok dahil hindi po kami nakararamdam noon,” aniya.
Sumimangot agad ako dahil magkaibang-magkaiba talaga ang aming uri.
“Lady Loren?” pagtatawag ni Trisha sa aking pansin.
Wala akong nagawa kundi tuluyang bumangon at ayusin ang aking sarili. Tinulungan ako nito na mag-suot ng damit na nakatakda para sa araw na ito. Halos puro patay na kulay ang naririto. Karamihan pa nga ay gray at hindi ko talaga maiwasan na mapangiwi. Ang tipo kong mga kulay ay beige, skin-toned; mga nude colors lamang. Malayong malayo sa ipinasusuot nila araw-araw sa akin.
“Napakaganda ninyo, Lady Loren,” puri sa akin ni Trisha habang inaayos ang laylayan ng suot kong victorian gown.
Bigat na bigat ako roon at halos hindi na nais pa suotin dahil ilang patong na naman ito.
“Buhok na lamang po ang aayusin ko,” pahayag niya.
Hinayaan ko siya na gawin iyon habang ako ay matindi ang pagpipigil sa nararamdaman kong antok. Pumipikit talaga ang mata ko at kung hindi pa nga siya natapos agad ay baka nakatulog na ako habang inaayusan niya.
“You are ready now, Lady Loren,” aniya sa akin at ngiting-ngiti; mukhang satisfied sa kaniyang ginawa.
Tumayo ako at saka sinipat ang sarili at nang makita na presentable naman ako ay pinasalamatan ko siya. Isinuot ko ang kwintas na mamahalin na sinasabi ni Kreoff na hindi nawawala sa porma ni Loren. Hindi man niya raw alam subalit halatang mahalaga ang kwintas na iyon at hindi hinahayaan ni Loren na mawala ito sa kaniyang katawan. Minsan na raw napansin ng Pinuno iyon at maaring magtaka kung hindi makikitang suot ko iyon ngayon. Kahit pa nga pagkabigat-bigat noon.
“We can go now, Lady Loren,” mahinhin pahayag ni Trisha na tinanguan ko lamang.
Bumuntong hininga ako at i-chineer ang sarili.
Marahan at pino ang lakad ko habang pababa ng engrandeng hagdan habang nakaalalay sa likuran ko si Trisha. May mga nadaraanan kaming kasambahay na bumati sandal at saka nagpatuloy sa kani-kanilang trabaho.
Sa dulo ng hagdan ay nakatayo ang dalawang lalaki sa magkabili noon at mukhang bantay roon. Hinanap ng mata ko si Kreoff o kahit si Mr. Jarvis ngunit hindi ko sila masipatan. Nasasaan sila kung gayon?
“Naroon po sila sa hardin at doon naisipan na hintayin ang mga bisita,” ani Trisha nang mapansin ang paglinga-linga ko.
Nagpasalamat ako sa kaniya. Doon nga kami sa hardin tumuloy at hindi pa man nakalalapit ay nasisipat ko na agad ang dalawang lalaki na nakatayo kasama si Kreoff at si Mr. Jarvis.
“Master Jarvis, narito na po si Lady Loren,” imporma ni Teren na nakabantay sa may gilid ng hardin kasama ang ilan pang mga kasambahay.
Agarang bumaling sa kinaroroonan ko ang apat at halos higitin ko ang aking hininga dahil hindi ko kayang salubungin ng tingin ang malalamig na mata ng dalawang bisita. Walang ekspresyon ang kapwa nila mga mukha at kung tumingin ay tila naninino.
“Good morning, Lady Loren,” bati sa akin noong halos kulay gray na ang buhok ngunit bata pa rin naman kumpara kay Mr. Jarvis.
Pormal itong bumati sa akin at inuyuko pa ang ulo. Kahit nakakaramdam ng awkwardness ay ganoon din ang aking ginawa.
“Nice to see you again, High Reeves,” pagbabalik ko ng pagbati gamit ang malamig ngunit malamyos na boses.
Nang balingan ko ang isang lalaki sa kaniyang tabi ay kumalabog ang dibdib ko ngunit ipinagpatuloy ang pag-akto.
“Good morning,” pagbati niya, malamig ang boses katulad ng mata ngunit dinig ko pa rin ang pagiging otorotibo nito.
“Good morning, My Lord,” bati ko rin.
Isang tango ang kaniyang iniwan bago pa muling bumaling kay Mr. Jarvis at sa High Reeves. Mabilis akong nagtungo sa gilid ng akin ngayon itinuturing na ama-amahan.
“The ceremony should be done by this week,” the Lord said that made them all shocked.
Kahit nagtataka kung bakit ganoon ang ekspresyon nila at kung anong ceremony ang tinutukoy ay hindi ako nagbigay ng kahit na anong ekspresyon. Unang nakahuma sa pagkabigla ang High Reeves. Sandaling sumulyap ito sa akin bago sa Pinuno na kaniyang katabi.
“Magus, I thought you will have the ceremony after the meeting with the Volturi?” tanong nito at sinulyapan muli ako.
“Maikling oras lang ang gugugulin para sa seremonya. Sa tingin ko ay mas makabubuti na kung aalis ako rito ay nagawa na ang sagradong kasal,” sambit noong Pinuno.
Halos lumuwa ang mata ko at gustong maubo. Isang mahigpit na kapit sa aking palapulsuhan ang aking naramdaman at nang lingunin si Mr. Jarvis na gumawa noon ay makikita sa mata niya na nais niyang huwag akong magpakita ng kahit na anong emosyon.
Mabilis kong naitago ang gulat ngunit walang pagsidlan ang kabog ng aking puso. Hindi ko na nga naintindihan pa ang sumunod nilang pinag-usapan dahil lumilipad lang ang utak ko sa nasabing kasal na gaganapin. Nakapagpaalam na ang dalawang bisita ngunit hindi ko pa rin nakokolekta ang aking sarili.
Nang kami na lamang ang naiwan ay para akong naupos na kandila.
“You heard it, Loren,” ani Mr. Jarvis. “The ceremony will be done this week before he goes to the clan of Volturi. Prepare yourself,” pahayag niya bago ako tinalikuran.
Walang pagsidlan ang isip ko dahil doon. Hindi ko naman akalain na mapapabilis ang kasal. Inakala ko na magaganap iyon kapag patapos na ang isang buwan at ibig sabihin ay hindi ko kailangan makisama sa lalaking iyon sa iisang bahay subalit ngayong minamadali ang kasal, sinong makapagsasabi na hindi kami sasapit sa pagkakataon na hihilingin niyang gawin ang bagay na nararapat lang sa mag-asawa?
“Lady Loren, magpahinga po muna kayo,” ani Trisha habang kinakalas ang makapal na corset na suot ko.
“Maari niyo pong bawiin ang tulog ninyo,” pahayag niya at saka ako iniwan.
Sa dami ng aking iniisip ay hinila na lamang ako ng antok at dinalaw muli ng panaginip ngunit ngayon ay hindi na kahindik-hindik iyon kundi tungkol sa lalaking kanina lamang ay nagdeklara ng kasal.
Itim na itim ang kaniyang mata noong una ko siyang makita ngunit ngayon, pulang pula iyon; kakulay ng dugo na nasa kopitang hawak niya. Ang kaniyang kasuotan na pang-itaas ay wala na habang siya ay nakaupo siya sa kaniyang trono. Nakataas ang sulok ng kaniyang labi habang nakatingin sa akin na parang isa akong biktima na anong oras man ay maari niyang atakihin.
Kung ihahalintulad ko ang kaniyang pisikal na itsura sa aming uri ay masasabi kong papasa siya bilang gwapong kontrabida sa isang palabas. Tila isang Loki sa Thor o isang Draco Malfoy sa Harry Potter na kinababaliwan halos ng mga nanood. Ganoon kasama ang magiging epekto niya sa kababaehan o miski sa akin kung hindi ko lang alam na hindi siya ordinaryong tao.
Itim na itim ang kaniyang buhok na bumabagay sa maputla niyang balat na tila walang dugo. Ang labi niya ay may bakas pa ng likidong iniinom at ang dalawang pangil ay litaw na litaw. Kabigha-bighani ang kaniyang itsura subalit pangamba ang mas nakikita ko habang tutok ang mata sa kaniya. Ang taong ito ang posibleng pumatay sa akin sakaling ako ay mabuking.
Nagising ako na hinihingal sa hindi malamang dahilan. Natatandaan ko ang umpisa ng aking panaginip ngunit hindi ako gitna at miski ang dulo noon. Ano ang posibleng dahilan ng malakas na kabog ng aking dibdib? Tumayo ako at nagtungo sa isang marmol na mesa sa silid ni Loren na inuukupa ko ngayon at saka nagsalin ng tubig sa baso na nakahanda na roon.
Tanghali pa lang base sa orasan na malaki sa ibabaw ng bed rest at alam kong dapat ay may pagkain na narito na ngayon kung ako lamang ay gising. Ayos lang din naman dahil hindi ako makadama ng gutom kundi mas naiisip ko pa ang nakalimutang panaginip.
Nang makaramdam ng sakit ng ulo dahil sa pagpipilit na alalahanin iyon ay naghagilap na lamang ako ng mga maaring pagkaabalahan sa kagamitan ni Loren. Natagpuan ko ang isang flute na halatang mamahalin dahil na rin sa ito iyon at may ibang naglalakihang batong makikintab. Hindi ko malaman kung ito ba ay diamond o ruby.
Pinaglandas ko ang kamay ko sa kahabaan noon at napansin na mayroong ukit kaya naman pinakatitigan kong mabuti at napansin ang pangalan ni Loren at pangalan na hindi pamilyar sa akin.
“Loren Herris,” basa ko roon at nangunot ang noo. Nagpadagdag ba ng pangalan ang kapatid o ito ay ibang tao?