Magkalapat ang aking labi at tanging tipid na ngiti lamang ang ibinibigay sa mga sumasalubong sa amin ni Magus. Nakakawit sa kaniyang braso ang akin at kami lamang ang naglalakad patungo sa may halos altar. Sa amin ang lahat ng atensyon ng mag bisita. Ang iba ay namumukhaan ko na nakita ko noon sa konseho habang ang iba ay hindi pamilyar sa akin. Gayunpaman, mas nakikita ko ang paggalang ng mga bago sa paningin ko kaysa sa mga nakasama ko noon sa konseho.
“The Lord and the Lady of the Clan of Roshire,” ani Mr. Jarvis sa harapan katabi ang isang lalaki na stoic lamang din ang mukha.
Nang marating namin ang kinalalagyan nila ay sabay nilang iniyuko panandalian ang kanilang ulo at sumunod ang mga naroon. Tanging ang iilan lamang sa karamihan ng bisita ang hindi gumawa at sila ay mga babae.
Nang balingan ko si Magus upang magtanong ay napansin kong nasa iba ang kaniyang atensyon at nang tumingin ako sa kung sino mang tinitignan niya ay nakita ko si Marocco, ang High Reeves na kasabay na kasunod ang dalawang babaeng kulot ang itim na itim na buhok at pulang-pula ang mga labi. May nakaaakit na ngiti na nakabalatay roon at sa kamay ay mga rosas na tila kapipitas lamang. Lumalaylay sa sahig na marmol ang silk na tela ng kanilang manipis na kasuotan na humahakab sa kanilang maganda at makurbang katawan. Sa bawat paglakad ay pumipilantik ang balakang animo’y modelo sa isang fashion show. Ang mga mata nila ay maaamo na maihahanlintulad ko sila sa kung paano ko nakikinita si Maria Makiling sa aking isipan.
Sa kanilang pagdating, nakuha nila ang atensyon ng karamihan sa bisita at pansin kong ang mga hindi nagyuko nang kanilang ulo kanina sa aming pagdating ay siyang nagbigay galang sa kanila.
Naglalakad sila patungo sa aming kinalalagyan at diretso ang tingin sa amin. Nang makarating ilang agwat mula sa amin ay bahagyang yumuko ang ulo nila kasabay ng sa High Reeves. Napansin ko ang pagtugon ni Magus sa ginawa nila kaya miski ako ay sumunod at bahagyan rin na yumuko.
“The Empresses of Witches of Veneda!” muli ay pagbanggit ni Mr. Jarvis at agad ding sumunod sa yuko ang mga bisita.
“Today, we will witness the unity of the Clan of Roshire to the Family of Veneda. Through our Lord and Lady of Clan up to the Empresses, may the power run through our veins!”
Ang mga salitang iyon ay nasundan ng ilang mga palakpak at itinaas ni Magus ang kopita na iniabot sa kaniya at ganoon rin ang dalawang babae na ngayon ay kapantay na namin ng kinatatayuan. Sinulyapan nila ako pareho at saka ikinampay ang hawak nilang kopita. Naramdaman k ang presensya ni Marocco sa aking tabi na siyang muntik ng dahilan ng aking pagtalon.
Nasa presensya niya ang atensyon ko at kung hindi iniabot ni Magus sa akin ang kopita ay hindi mawawaglit iyon. Hilaw ang ngiti kong tinanggap iyon at saka kumampay. Magkakapanabay kaming sumimsim doon at matapos ay nagsimula na ang masayang tugtog ng orchestra.
“You may now enjoy the party,” ani Mr. Jarvis na may ngiti sa labi at saka bumaba na mula sa kinatatayuan namin.
Mabilis kong inalis ang pagkakakawit ng kamay ko kay Magus at tipid na ngumiti.
“I’ll just put this,” mahinang sambit ko at ipinakita ang kopita na wala ng laman.
Hindi ko nais na magpakalasing sa kung ano man na alak ang inihanda nila. Nagtungo ako sa buffet at doon ay tumingin sa mga pagkain kahit pa hindi naman nagugutom. Gusto kong libangin ang aking sarili dahil nakadarama ako ng pagkabagot. Hindi ako nasanay sa mga ganitong pagkakataon kaya naman hindi ako gaanong nag-e-enjoy.
Kahit papano ay nalilibang ako sa pagtingin sa paligid. Nilingon ko lang sandali si Magus at saka ako lumusot sa karamihan ng mga bisita at nagtungo sa malapit sa hagdan upang pagmasdan ang mga na-hung na mga bungo at iba pang mga figurines. Halos nababalot iyon ng mga ginto na siya namang ikinatutuwa kong makita. Ang pader ay nagagawa kong hawakan upang masalat ang tekstura.
Hindi ko namalayan ang oras dahil sa paglilibot at mga pagngiti sa mga naroon. Napupuno ng mga usapan nila at ilang mga hagikgik.
Nang mapagod sa katitingin sa mga figurines ay muli kong sinipat ang kanina ay kinatatayuan ni Magus ngunit wala na siya roon. Mabilis na lumibot ang aking mata at natagpuan si Marocco na kunot na kunot ang noo at salubong ang kilay na nakatingin sa akin ngunit ang tingin na iyon ay para bang ‘di sinasadya dahil hindi ko man lang nakitang nagbago ang ekspresyon niya nang magtama ang aming tingin bagkus ay mukha siyang nag-iisip ng malalim.
May pagtataka ang kaniyang mata at nang makolekta ang sarili ay bumalik sa pagiging malamig ang ekspresyon. Napansin ko ang pagbabago sa kaniyang tingin. Dati-rati ay puno ng pagkamuhi iyon marahil ay dahil sa sinasabi niyang ginawa ni Loren na pagpapakasal kay Magus subalit ngayon, habang nakatingin siya sa akin ay para siyang nahihiwagaan. Kumabog ang dibdib ko at nakaramdam ng kaba. Hindi kaya nakahahalata na siya?
Kung sa akin siya nakatingin marahil ay may napansin siya sa kinikilos ko kanina. Iyon ba ay ang pagkahiwaga ko sa mga nakita. Nag-uumpisa ng pumasok ang kung ano-anong ideya sa isip ko at hindi na maawat pa ang mga iyon sa pag-apekto sa aking sistema kung hindi lamang ako bahagyang nadunggol ng isang bisita.
Mabilis siyang yumuko at humingi ng pasensya na agad ko namang nginitian. Sa pagpihit ko pakanan ay nahagingan ko ng tingin ang isang pamilyar na bulto ‘di kalayuan sa kinatatayuan ko. Halos pinakasulok na iyon at mga naroon ay estante ng mga wines na hindi pa bukas.
Bumagsak ang tingin ko sa braso ni Magus kung saan nakalapat ang malalantik na kamay ng isang babaylan. Sa labi niya na nilapatan ng mapulang lipstick ay nakabalatay ang matamis na ngiti at miski sa pagbuka noon ay parang napakahinhin.
Nagsalubong ang kilay ko noong halos dalawa na silang nakakapit kay Magus at sabay pang tumatawa. Hindi ko makita ang ekspresyon niya dahil nakatalikod siya sa akin at pansin ko lang na may hawak siya sa kaniyang kamay at sa hinuha ko ay kopita ng alak iyon.
Hindi ko alam kung bakit tila sumibol ang inis sa akin sa senaryong nakikita lalo pa ng pasimpleng idinikit ng isang babaylan ang kopita sa braso ni Magus na siyang dahilan ng pagbaling nito sa kaniya. Sumisidhi ang pagkairita sa sistema ko dahil hindi iyon nagugustuhan. Hindi ako ipinanganak kahapon upang hindi mapansin ang kanilang ginagawa. Hindi ko alam kung alam ba iyon ni Magus o hindi o nagpapanggap siyang hindi niya napapansin.
Napatiimbagang ako at kahit may kalayuan sa kanila ay sinikap kong magtungo roon. Ngayon ko naiisip na siguro dapat ay hindi na lang ako umalis sa tabi niya. Kanina pa ako wala at busy sa sarili kong business na hindi ko naisip na pwedeng mangyari ito. Hindi rin pumasok sa isip ko na kahit pala mga babaylan ay may katangian na tulad ng sa isang ordinaryong tao.
“At least I am a pureblood. A vampire! That girl isn’t.”
Napatigil ako nang ‘di sinasadyang marinig ang mga salitang iyon mula sa mga bisita sa gilid ko at nang lingunin ko sila ay patuloy sila sa pag-uusap.
“My father will kill me once he found out that I like an ordinary man but what can I do? It’s my heart that speaks!” maarteng sambit nang babae.
Nang bumaling uli ako kay Magus ay nakaramdam ako ng pait vsa aking sistema. Umuukilkil sa isip ko ang ‘di sinasadyang narinig at naalala na kahit anong gawin ko ay wala akong laban. Magus is a pureblood vampire, I am an ordinary one and not just ordinary but a clone one. Hindi ko nga kayang isuko ang pagkatao ko, ang pagiging tao ko kaya anong karapatan kong makaramdam ng inggit at inis sa mga babaeng nakapalibot sa kaniya?
A witch is good for a vampire lalo pa at united na ang lahi nila. Si Loren o ang isa sa dalawang babaylan ang may karapatan kaysa akin.
Gustong-gusto kong tumalikod at huwag na lamang silang panoorin kaya naman iyon ang aking ginawa. Tahimik akong lumisan sa bahagi na iyon ng kastilyo at humanap ng isang tahimik na lugar doon. Natagpuan ko kaagad ang hardin at doon ay nagpasyang manatili.
Tanghali na. Hindi nga lamang halata dahil sa hindi naman sumisikat ang araw sa bahaging ito. Parang kailan lang ay nasa katirikan ako ng araw at nagtatanim ng pinya at iba pang mga gulay o prutas samantalang ngayon ay narito ako sa isang hardin at nakatanaw lang sa kawalan.
Hanggang kailan kaya ako magiging ganito? Subtitute at clone ng aking kapatid? Pagak akong natawa. Kung mag-isip ako ay akala mo’y hindi ko pa rin nagugustuhan ang kinahinantungan ng buhay ko. Pumitas ako ng isang rosas at inamoy iyon. Kamakailan lang ay wala namang rosa dito sa hardin at kung hindi ko lang hiniling na taniman ito ng bulaklak ay hindi magkakaroon. Ito ang palagian kong binibisita at dinidiligan. Napansin ko kaagad ang mga mura pang stem doon. Marahil ay doon pinitas ang mga rosas na hawak ng mga babaylan kanina.
Umikot ang mata ko at pinilit na huwag mainis ngunit lalo lamang iyon naramdaman.
“You are being unreasonable!” sikmat ko sa aking sarili.
Isang mahinang halakhak ang narinig ko mula sa aking likuran. Sa takot ko na baka ang High Reeves iyon ay mabilis akong tumayo at lumayo mula sa pinanggalingan ng tawa. Nang lumingon ako ay laking pasalamat na hindi si Marocco ang natagpuan kundi isang lalaki na katamtaman lamang ang puti, halos hindi kalakihan ang katawan at kulay asul ang mata.
“Don’t get scared, Missus. I am a warlock, Greo,” aniya at saka naglakad patungo sa akin.
Dahil hindi naman siya si Marocco, kahit papaano ay napanatag ako. Sinuklian ko siya ng isang ngiti.
“Nice to meet you, Greo,” sambit ko.
Inilahad niya sa akin ang kaninang inuupuan ko kaya naman tumango ako at naglakad patungo roon at saka umupo.
“An ordinary one,” pagbigkas niya.
Muling bumalik ang kaba sa dibdib ko at nanlalaki ang matang binalingan siya. Tumango siya sa akin at ngumiti ng tipid.
“I know just by your presence and can even read the expression you have earlier. You are burden by the fact that you aren’t like him and still not ready to be converted to his kind.”
Sinasabi niya ang mga katagang iyon na para bang isang simpleng usapan lamang ang mayroon kami. Luminga-linga ako at sinipat kung mayroon bang tao sa paligid.
“Stop saying that. If you know, you know. Someone might hear you,” sambit ko, tunog nakikiusap.
Binalingan niya ako at nginitian.
“If you love him, why not? Consider that as your sacrifice. Love is sacrifice. If you think that fact is burdening you from loving and owning him fully, then why not do something to lose that burden?”
Nag-e-echo sa pandinig ko ang mga salitang iyon at miski na naglalakad ako sa pasilyo pabalik sa pinagdarausan ng pagdiriwang ay iyong payo pa rin ng lalaking iyon ang aking iniisip.
Bumuntong-hininga ako at papasok na sana sa malaking pintuan ng silid kung saan nagaganap ang pagdiriwang nang makarinig ako ng mga boses na nag-uusap.
“That woman is not a vampire. I can sense it. That means the Lord of the Clan will be in big trouble once we perform the ritual tonight. He will be the one to suffer,” dinig ko ang mahihinang boses na iyon sa isang tagong parte ng pasilyo.
“It’s either he will turn her into one or we will kill the woman right before we said the sacred enchants,” ani isa pang boses, mas seryoso kaysa sa isa.
Napamaang ako at alam ko kaagad kung sino ang pinag-uusapan at kung sino ang mga iyon miski hindi nakikita ang kanilang mukha. Sigurado ako na ang dalawang empress iyon ng mga babaylan at ang tinutukoy nila ay si Magus.
“Why don’t we just kill the woman so that he’ll be free from everything. I do really like him the moment I set my eyes on him. The reason why I let our family to unite with them is only because I want him.”
Gustong-gusto ko silang lapitan ngunit hindi ko maaring gawin. Mabilis akong kumilos at pumasok sa pagdiriwang. Hinanap agad ng aking mata si Magus at nang hindi makita ay sumingit ako sa mga bisita. Ilang minuto na akong palingon-lingon ngunit wala siya. Isang hawak sa aking kamay ang kumuha sa aking atensyon. Nang tignan ko kung sino ay nakita ko si Trisha na may tipid na ngiti sa akin at tila nahihiya pa.
“Trisha,” sambit ko.
“Hinahanap niyo po si Lord Magus, hindi po ba?” tanong niya.
Balak ko pa sana siyang batiin ngunit natuon ang atensyon ko sa sinabi niya. Sunod-sunod ang aking naging pagtango.
“Nagtungo po siya marahil sa inyong silid,” aniya.
Hindi na ako nakapagpaalam at basta na lamang siyang tinalikuran at nagmamadaling binagtas ang daan patungo sa itaas. Nadaanan ko pa ang ilang mga gwardiya na nagbigay bati pa sa akin ngunit ‘di ko na nasuklian. Isa lamang ang nasa isip ko ngayon at iyon ay ang mahanap si Magus at tanggapin ang huling sagradong kagat mula sa kaniya. Nakapagdesisyon na ako. Handa na akong isuko ang aking pagiging tao.