Kabanata 1

1043 Words
Year 2000. Limang araw bago ang ikawalong kaarawan ng kambal na ipinanganak sa gitna ng kabilugan ng buwan, nagpapakita ng kakaibang senyales ang isa sa mga ito. Si Loren, ang isa sa kambal ay hindi man lamang nakadarama ng gutom o uhaw. Kahit anong gawing kain nito ay isinusuka lamang iyon ng bata. Sa pagsapit ng gabi ay buhay na buhay ito at hindi man lamang tinatamaan ng antok o pagod kahit pa buong maghapon sila na kasama ng ina sa pagaani ng mga mangga at iba pang prutas na sa nayon ay ang pangunahing kabuhayan. Sa umaga naman ay nagmimistula itong nilalagnat at tila pawis na pawis na animo ay init na init. Hindi rin ito nais na masinagan ng liwanag kung kaya nagtatago sa makapal na kumot at humihiga na lamang. "Ina, ano po ba ang nangyayari kay Loren? May sakit po ba siya?" tanong ng isa pa sa kambal na siya namang normal ang pangangatawan. Isang buntong hininga ang narinig ng bata nag nagmula sa kanilang ina na ngayon ay kababakasan ng pagaalala ang may katandaan na ngunit maamong mukha nito. "Huwag kang magalala, anak. Mamaya rin ay sasadyain ko ang asawa ng kapitan upang humingi ng payo. Dati siyang manggagamot kung kaya baka may alam siya sa sinasapit nang iyong kapatid," pagod na paliwanag nang kaniyang ina. Hindi na kumibo pa ang bata at umupo na lamang sa papag na siyang hinihigaan ng kakambal. Hinaplos noon ang kaniyang kamay sa ilalim ng kumot at nagsalita na siya lamang ang makaririnig. "Nauuhaw ako..." garalgal na sambit ng kakambal. Dahil sa narinig ay dali dali itong nagtungo sa may kaliitang kusina nila sa bahay at nagsalin ng tubig sa baso saka iyon dinala sa kapatid. Bumangon ang kakambal na si Loren upang tanggapin ang basong ibinibigay ng kapatid at uminom roon. Subalit hindi pa man napangangatluhan ang paglagok sa tubig ay ibinuga na iyon ng bata. "Anong nangyayari?" takang tanong ni Caith, ang kambal ni Loren. Umiling ang bata at saka inilapag ang baso ng tubig at sinagot ang kakambal. "Hindi ko alam, Caith. Ang aking lalamunan ay totoong uhaw ngunit ang tubig ay hindi tinatanggap ng aking tiyan." Pagkuway paliwanag nito. Mabilis na tumayo si Caith at tinungo ang ina sa kanilang bakuran na naabutan niyang malalim ang iniisip habang inaayos ang mga basket na paglalagyan ng aanihing prutas. Nang matanaw siya nito ay agad na pinaaliwalas ang mukha at itinaboy ang pagaalalang nakabalatay sa kaniyang mga mata na nakita na rin naman ng anak. "Ina, si Loren po. Nauuhaw siya ngunit ayaw raw po na tanggapin ng kaniyang tiyan ang tubig." bakas ang pangamba sa boses ng bata para sa nangyayari sa kaniyang kapatid. Hinaplos ng ina ang buhok ng anak saka nagsalita. "Huwag mong iwanan ang iyong kakambal. Magtutungo ako sa baranggay upang sunduin si kapitana upang matignan na siya," mahinahon na pahayag ng ina. Tumango ang bata at tipid na ngumiti. Ilang sandali lamang ay lumakad ang ina paalis at hinatid niya iyon ng tingin bago pa nagtungo sa loob ng bahay upang samahan ang kapatid na may dinaramdam. Sa kabilang dako, ang ina ay naglalakad sa katirikan ng araw at tinatahak ang daan patungo sa tirahan ng kapitan ng maliit na nayon na kinabibilangan niya. Ang kaniyang pagiisip ay lumilipad sa kaganapan sa kaniyang isang supling. Hindi lingid sa kaniyang kaalaman ang katotohanan. Nang mag-isang taon ang kaniyang mga anak ay idinaos niya iyon kasama ang mga taong tumulong sa kaniya at kinagisnan niya matapos ang sinasabi nang mga itong insidente sa kakahuyan. Ilang taon na ang nakararaan ay hindi niya pa rin magawang paniwalaan ang sinabi sa kaniya ng mga taong tumulong sa kaniya at nagturing sa kaniya na isang pamilya. "Gabing gabi na noon at ang tanging sigaw mo ang nagmistulang ingay sa buong Nayon. Agad na nagtungo ang mga kalalakihan natin sa Nayon upang saklolohan ka. Nang matagpuan ka nila ay wala ka nang malay at putlang putla na. Sira sira ang iyong kasuotan at may ilang galos at pasa sa katawan. May dalawang bakas ng pangil sa iyong balikat na ngayon naman ay nakabakas pa rin sa iyong balat at sa aming tantiya, ikaw ay nilapastangan din ng gabing yaon." Paliwanag ng kapitan sa kaniya na sinang-ayunan ng mga opisyal at ilan sa kaniyang kapitbahay. "Hindi na bago sa amin ang ganoon. Alam na alam din namin kung sino at anong klaseng nilalang ang gumawa sa iyo noon. Iyon ay kung paniniwalaan mo kami," pahayag ng isa sa kaniyang naging malapit na kaibigan na anak ng isang opisyal. "Ano ho ang inyong ibig sabihin?" takong tanong niya na noon ay wala pa ring naaalala kahit katiting tungkol sa kaniyang pagkatao. "Sa lugar na ito, hindi lamang ordinaryong tao ang mayroon. Sa Nayon natin at sa kalapit bayan natin, maririnig mo ang usapan tungkol sa mga halimaw na uhaw sa dugo o kung tawagin nila ay mga bampira. Napakarami na ng kanilang naging biktima. Ang ilan sa mga iyon ay nangamatay o hindi kaya ay natulad sa kanila." Paliwanag ng kaniyang kapitbahay na hindi nalalayo sa kaniyang edad. "Batid kong mahirap paniwalaan ngunit lahat kami ay sigurado na isa kang biktima ng isang bampira. Hindi namin sinasabi na ang iyong anak ay maaring bunga ng kaniyang paglapastangan sa iyo sapagkat walang pruweba subalit nais namin na maging handa ka sana. Hindi mo masasabi o malalaman kung ano ang maaring mangyari." Muling nagbalik sa kaniyang balintataw ang mga salitang gumulo sa kaniyang isipan noon. Ibinaon niya iyon at pinilit na kalimutan. Gabi gabi ang pananalangin na nawa ay may isang lalaki siya na naging katipan noon bago pa nangyari ang trahedya at nawa ay iyon ang ama ng kaniyang mga anak. Subalit sa pagkakataong ito, hindi na maalis sa kaniyang isipan na maaring ang hinala nga ng mga taong tumulong sa kaniya ay totoo. Ilang beses na rin siyang nakasaksi ng mga biktimang binawian ng buhay o hindi kaya ay nauuwi sa pagiging halimaw na uhaw sa dugo. Ayaw man niyang paniwalaan iyon noong una ay hindi niya na maitatanggi na totoong kasama nilang nabubuhay ang mga halimaw at nakasalamuha na rin yaon. Ngunit paano kung sa pagkakataong ito, hindi lamang niya ito basta nakasasalamuha bagkus ay siya ang nagluwal at nagbigay buhay dito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD