Thalia’s Point of view
Nagugunita ko ang nagdaang araw,
Sa piling ni Ina at Ama kong mahal
Sa aking pagsilang sa madilim na mundo
Sila’y naging gabay sa aking paglaki
Mula sa pagmamahal at kalinga
Kakulangan kailan ma'y di alintana
Ngayong ako’y tuluyang iniwan
Puso ko’y puno ng kalungkutan
Oras at araw na lumipas ay lubhang
walang buhay
Paano haharapin ang bukas
Kung sa tuwina ay ramdam ang pag-iisa
Sinisikap maging matatag
Ngunit katotohanan sumasampal
Isang katanungan tumimo sa isipan
At para saan pa itong aking buhay?
“Dinig ko ang bawat patak ng aking mga luha mula sa papel sa aking harapan, isang buwan na rin ang lumipas ng pumanaw ang aming mga magulang.
At halos isang buwan na ring hindi na nagparamdam sa akin ang aking kapatid. Nauunawaan ko na sadya siyang abala sa pagpapatakbo ng mga naiwang negosyo nang aming mga magulang, katuwang ang aming Uncle Samuel.
Ngayon ko mismo nararamdaman ang pagiging walang silbi, para akong isang preso na naghihintay ng kamatayan.
Dinukot ko ang panyo mula sa aking bulsa saka pinahid ang mga luha sa aking mga mata.
Ang lahat ay napunta sa ilalim ng pamamahala ni Uncle Samuel, siya rin ang naging gabay ni Ate Ashley sa pagpapatakbo ng mga negosyo ngunit hinayaan nila akong manatili sa kwartong ito.
Kung noong una nauunawaan ko, ngunit ngayon ay pakiramdam ko tuluyan na akong nakulong sa apat na sulok ng silid na ito.
Tatlong beses na huminga ng malalim upang pakalmahin ang aking sarili, nang sa tingin ko ay maayos na ang aking pakiramdam ay muli kong sinimulan ang pagtipâ sa aking makinilya habang nakatitig sa walang hanggang kadiliman.
Biglang natigil sa ere ang aking mga daliri dahil sa biglaang pagbukas ng pintuan, gumalaw ang aking ilong at pilit kinikilala ang pabango na aking nalalanghap. Nanatili akong tahimik na hindi gumagalaw mula sa aking kinauupuan, tila pareho kaming nagpa-pakiramdaman ng estranghero na pumasok sa aking silid.
Hindi na ako nakatiis at ako na mismo ang kusang lumapit sa kanya, mula ng buksan niya ang pintuan ay hindi pa siya gumagalaw sa kanyang kinatatayuan kaya alam ko kung saan ang eksaktong pwesto nito.
Nahinto ako sa mismong harapan niya at tulad ng aking nakasanayan na siyang ginagawa ko sa aking ama ay nagsimulang kumapa ang aking mga kamay sa mukha ng estranghero.
Masasabi kong matangkad ang lalaking ito dahil nahirapan pa akong abutin ang kan’yang ulo, di hamak na mas matangkad siya kaysa sa aking ama.
Labis akong namamangha sa aking natuklasan, di yata’t ang taong ito ay may perpektong hugis ng mukha? Maging ang manipis niyang mga labi at matangos na ilong, kay kinis din ng kanyang balat. Kakaibang pakiramdam ang nanunuot sa aking mga kalamnan ng magdikit ang aming mga balat. Kay hirap ipaliwanag ang lahat, marahil ay dahil ito ang unang pagkakataon na nakadaupang palad ko ang ibang tao kaya naninibago ako ng husto.
Gusto kong matawa ng maramdaman ko ang pagkumpas ng kanyang kamay sa harap ng aking mukha. Marahil ay huli na bago pa niya matuklasan na isa akong bulag.
“Ginoo, maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?” Malumanay kong tanong sa kanya, hindi ko mawari kung bakit hindi ko magawang alisin ang aking kamay na kasalukuyang nakahawak sa kaliwang pisngi nito habang ako ay nagsasalita.
Naramdaman ko ang mainit na palad na dumantay sa likod ng kamay ko at tila matinding kilabot ang bumalot sa buong pagkatao ko dulot ng init na nagmumula sa kanyang balat.
Imbes na bawiin ang aking kamay ay mas pinili na manatili ito doon, parang natatakot ang puso ko na sa isang iglap ay maglaho siyang bigla sa aking harapan.
“Alistair.” Tipid niyang sagot ngunit matindi ang naging epekto nito ng marinig ko ang malagom niyang tinig. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa aking mga labi, dahil ng mga sandaling ito ay matinding kasiyahan ang bumabalot sa puso ko.
“Alistair? hm, kay sarap pakinggan ng iyong pangalan nababagay lamang sa perpekto mong mukha.” Batid ko na ngumiti siya dahil ramdam ko ang pag-angat ng kanyang pisngi.
“Ginoo, kung iyong mamarapatin ay maaari ba kitang tawaging, Ali?” Nakangiti kong tanong, ang tinig ko’y kababakasan mo ng pananabik sa taong kausap.
“Sure, but may I know your name, first?” Tanong niya sa malambing na tinig, hindi ko maiwasan ang hindi humanga sa kanya dahil sa pagiging matatas nito sa wikang ingles.
Binawi ko na ang aking kamay na nakahawak sa pisngi nito saka magkasalikop ang mga kamay na yumukod sa kanyang harapan tanda ng paggalang bago ipakilala ang sarili.
“Paumanhin kung aking nakalimutan na ipakilala ang sarili, ako si Thalia, at iyong nakikita na isa akong bulag. Nais kong malaman kung ano ang iyong pakay sa pagpasok mo dito sa aking silid?” Magalang kong pahayag na sa huli ay isang katanungan. Pagkatapos sabihin iyon ay inayos ang sarili habang naghihintay sa kanyang sagot.
“Patawad kung naging pangahas ako, at pumasok ng walang pahintulot, gayong nagkakilala na tayo ay maaari ba tayong maging magkaibigan?” Seryoso niyang tanong sa akin, na siyang ikinatuwa ng puso ko.
“Isang karangalan ang magkaroon ng kaibigang tulad mo, nararamdaman ko na isa kang mabuting tao.” Nakangiti kong sagot, pakiramdam ko sa pagdating ng taong ito ay muling nagkaroon ng buhay ang aking paligid, dagling naglaho ang lahat ng kalungkutan sa puso ko at napalitan ito ng matinding kasiyahan dahil sa pagdating ng bagong tao sa buhay ko.”
Halos hindi kumukurap ang mga mata ni Alistair na nakatitig sa magandang mukha ni Thalia lalo na ng ngumiti ito sa kanya.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti ang binata, at tila nahulog kaagad ang puso niya sa dalagang bulag.
“Diyos ko, mahabaging langit! Anong ginagawa mo dito, lalaki?” Galit na tanong ni Yaya Lani kay Alistair bago mabilis na pumagitna sa kanilang dalawa. Itinago sa kanyang likuran si Thalia upang protektahan mula sa estrangherong lalaki.
“Ngayon din ay umalis ka dito at huwag ka ng babalik.” Galit na singhal niya sa binata habang ang dalawang kapatid nito ay hindi maintindihan kung ano ang gagawin.
Naningkit ang mga mata ni Alistair dahil sa unang pagkakataon ay ngayon lang niya naranasan ang ipagtabuyan. Ngunit ng makita ang mukha ng dalaga ay sinikap niyang kumalma dahil parang ayaw na niyang mawala sa paningin si Thalia.
“Yaya, pakiusap, huwag mo siyang ipagtabuyan, alam ko na mabuti siyang tao.” Naluluha na pahayag ng dalaga, parang piniga ang puso ng binata ng makitang lumuha ang mga mata nito.
“Hindi natin kilala ang taong ito, Thalia, kaya huwag kang masyadong magtiwala.” Ani ni Yaya Lani.
“Humihingi ako ng tawad sa pagpasok ko ng walang pahintulot, hindi po ako masamang tao, kaya nakikiusap ako sa inyo na huwag ninyo akong paalisin. At hinihingi ko rin ang inyong permiso na payagan akong dalawin si Thalia.” Magalang na sagot ng binata nang hindi inaalis ang titig sa mukha ng dalaga.
Muling tumingin si Yaya Lani sa mukha ni Thalia at makikita ang matinding pagsusumamo nito na pagbigyan ang kahilingan ng binata.
Nakadama ng awa ang matanda kaya muling bumaling sa binata.
“Pinahihintulutan kita na lumapit kay Thalia, ngunit huwag mo sanang kakalimutan ang limitasyon mo sa pagitan ninyong dalawa.” Seryosong pahayag ng matanda, nagliwanag ang mukha ni Thalia at mahigpit na niyakap ang kanyang Yaya.
“Salamat, Yaya, at pinagbigyan mo ako, dahil dito ay labis mo akong pinasiya.” Masayang pahayag ng dalaga bago inilahad ang kamay sa ere.
“Ali?” Tawag nito sa binata tila naunawaan naman niya ang nais mangyari ng dalaga. Umangat ang kanyang kamay at inabot ang malambot na palad ng dalaga, mahigpit naman itong hinawakan ni Thalia bago bahagyang hinila palapit sa kanya.
Nakadama ng awa ang matandang babae dahil ang kanyang alaga ay tila isang bata na sabîk sa isang kalaro, ngunit sa totoo lang ay ibayong kabâ ang kanyang nararamdaman sa oras na malaman ni Samuel na hinayaan niyang makalapit kay Thalia ang binata.
“Maaari ko bang malaman kung ilang taon ka na Ali?” Excited na tanong ng dalaga habang humahakbang patungo sa pahabang lamesa kung saan siya madalas na nakaupo sa tuwing gumagawa ng tula.
Habang kausap ang binata ay patuloy na binibilang ng dalaga ang kanyang mga hakbang at isa-isang hinahawakan ang bawat madaanang bagay.
Namangha si Alistair dahil tila isang normal kung kumilos ang dalaga na kung titingnan mo ay parang hindi siya bulag.
“Ehem, thirty,” tipid na sagot niya sa dalaga ng hindi inaalis ang paningin sa magandang mukha nito.
“Maaari mo ba akong kwentuhan kung ano ang ginagawa mo sa araw-araw? O kung ano ang trabaho mo? Paumanhin kung masyado na akong madaldal. Nawa’y huwag mong masamain ang pagiging makulit ko, sapagkat ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng makakausap mula sa tagalabas.” Nahihiyang pahayag ng dalaga bago napakamot pa siya sa kanyang ulo.
Napangiti si Alistair dahil ang cute ng dalaga sa tuwing nahihiya ito, hindi kasi niya alam na namumula na ng husto ang kanyang mukha halatang nahihiya siya sa binata.
“Maupo ka Ali,” ani nito bago umupo sa katabing bangko ng binata, habang si Alistair ay lihim na nakaalalay sa bawat kilos ng dalaga dahil nag-aalala siya na baka ma-disgrasya ito.
“Iha, hinay-hinay lang sa mga tanong mo at baka matakot sayo si Ali at hindi na siya bumalik dito.” Natatawa na saad ng kanyang Yaya dahil sa labis na pagkagiliw sa dalaga.
Nagpanic si Thalia sa kanyang narinig at mabilis na kinapa ang kamay ng binata, kaagad naman itong inabot ni Alistair at nagulat siya sa ginawa ng dalaga ng dalhin nito sa pisngi ang kanyang kamay.
“P-pakiusap, huwag mo naman sana akong iwan,” nagsusumamo niyang saad, habang mahigpit na hawak ang kamay ng binata.
Alistair’s Point of view
Nakadama ako ng awa para kay Thalia, halatang matagal na itong nakakulong sa loob ng kwarto dahil hindi maikakaila ang matinding pananabik niya sa ibang tao.
“Don’t worry, araw-araw akong pupunta dito, kung gusto mo ay dito ko na rin gagawin ang aking mga trabaho para may kasama ka.” Malumanay kong pahayag, pagkatapos sabihin iyon ay bigla akong natigilan. Ilang oras lang ang lumipas ay parang hindi ko na kilala ang aking sarili.
Bakit pagdating sa babaeng ito ay napakalambot ng puso ko?
“Talaga?” Hindi makapaniwala na tanong niya sa akin, kita sa mukha nito ang matinding kasiyahan dahil sa sinabi ko.
“Ilang taon ka na, Thalia?” Tanong ko sa kanya at nakangiti naman siyang sumagot.
“Ako ay labing siyam na taon pa lamang, ngunit huwag mong damdamin kung ang iyong lingkod ay di hamak na mas bata pa sayo, Ginoo.” Ani niya sa pabirong paraan habang kinukuha ang ilang mga piraso ng papel sa kanang bahagi nito bago inabot sa akin.
Hindi ko mapigilan ang aking sarili na tumawa dahil sa nakakatuwang pagkatao ng dalaga na sinabayan pa ng pagiging makata nito.
Kaagad na tinanggap ang mga papel at labis akong namamangha dahil sa mga tulang nakasulat doon na kung titingnan mo ay parang isang professional ang sumulat nito dahil napakalinis ng pagkakagawa.
“Ikaw ba ang gumawa ng lahat ng ito?” Hindi makapaniwala na tanong ko sa kanya, mabilis naman siyang tumango ng hindi nawawala ang magandang ngiti sa labi nito.
Sa totoo lang ay kanina pa ako nagpipigil sa aking sarili, parang gusto ko kasing lamukusin ng halik ang mapulang labi nito at yakapin ng mahigpit ang malambot niyang katawan.
“Paano akong maniniwala na ikaw ang may gawa nito?” Tanong ko sa kan’ya na tila pinagdududahan ang kakayahan nito.
Napangiti ako ng magusot ang mukha nito na tila hindi nagustuhan ang aking sinabi.
“Ginoo, Maaaring isa akong bulag, ngunit hindi sinungaling, iyo sanang pakatandaan, na hindi mo malalaman, ang halaga ng isang libro kung hindi susuriin ang nilalaman nito.” Matalinghaga niyang pahayag na labis kong ikinahanga sa kanya, “hm, sadya talagang tunay.” Narinig kong bulong pa nito.
“May sinasabi ka?” Ani ko, ngunit ngumiti lang siya bago marahang umiling.
Napalingon naman ako sa matandang babae na natatawa sa aming usapan bago ito nagpaalam sa amin.
“S’ya maiwan ko muna kayo, at ihahanda ko lang ang pagkain para sa ating tanghalian.” Ani nito bago tuluyang lumabas ng kwarto.
Lumipas ang maghapon na namalagi lang ako sa kwarto ng dalaga, labis akong naaliw sa kanya at parang ayoko ng umuwi sa bahay ngunit batid ko na hindi papayag ang mga nagbabantay sa dalaga. Kailangan ko munang makuha ang loob ng lahat para malaya kong makasama si Thalia ng walang nagbabantay sa aming dalawa.
“Ali, mangako ka na babalik ka dito bukas.” Malungkot na saad ng dalaga na siyang umantig sa aking puso. Wala sa loob na kinuha ko ang dalawang kamay nito at dinala sa aking bibig.
“Pangako, babalikan kita.” Nangangako kong sagot pagkatapos na halikan ang likod ng kanyang mga kamay. Mabigat ang mga paa na lumabas ng kwarto na hindi na ito nilingon pa dahil kapag ginawa ko ‘yun ay baka hindi na ako umalis sa tabi nito.”