Nataranta ang lahat ng pumasok sa lobby ang isang matangkad na lalaki habang tuwid ang likod nito na naglalakad. Ni hindi man lang siya nag-abala na tapunan ng tingin ang mga empleyado na bumabati sa kanya, habang sa likuran niya ay nakasunod ang ilang mga kalalakihan na pawang mga naka-black suit.
Ang lahat ay nanatiling tahimik na may seryosong mukha, at pawang mga yabag lang nila ang maririnig sa buong lobby.
Ang paghanga na nararamdaman ng mga kababaihan para sa batang CEO ng Welsh real estate company ay dinadaan na lang sa palihim na sulyap. Mula sa matingkad na brown nitong mga mata na pinarisan ng mahaba at malantik na pilik mata, matangos na ilong at manipis na mga labi ay sadyang pinagpala ang binata na wari mo ay nililok ng isang magaling na sculptor.
Mula sa mabalahibuhin niyang balat na hindi masyadong kaputian at matikas na pangangatawan na nababalot ng marangyang kasuotan.
Sadyang nangingibabaw sa lahat dahil masasalamin ang perpektong katangian na siyang pinapangarap ng lahat ng mga kababaihan sa isang lalaki.
Hindi maikakaila ang pagiging suplado ng binata dahil sa matapang na awra ng kanyang mukha.
Siya si Alistair Welsh ang nag-iisang anak ni Don Manolo at Doña Amanda Welsh.
Pilî lamang ang nakaka-daupang palad ng binata at madalas na mga sikat na celebrity ang nalilink sa binata ngunit kahit isa ay wala namang nagtatagal.
Dahil sa panloloko ng dating nobya ay nagbago ang pananaw niya sa mga babaeng umaaligid sa kanya, dahil para sa kanya ay tanging yaman lang niya ang nais ng mga ito kaya wala sa bokabularyo niya ang magseryoso sa isang relasyon.
“Pagdating sa loob ng opisina ay kaagad kong sinimulan ang aking trabaho, kagagaling ko lang sa isang meeting mula sa isang investor kaya alas-tres na ng hapon ako nakapasok sa opisina.
Hindi pa nag-iinit ang puwitan ko sa aking kinauupuan ay biglang bumukas ang pintuan at pumasok ang aking ina.
“Son, pasensya na kung sinadya pa kita dito dahil hindi na ako makapaghintay pa sa iyong pag-uwi.” Nakangiti niyang saad bago excited na lumapit sa akin, humalik muna siya sa pisngi ko bago umupo sa aking harapan.
“Mukhang mahalaga ang sasabihin mo Mama, ano ba ‘yun?” Seryoso kong tanong sa kanya habang patuloy na binabasa ang isang papeles na nasa kamay ko.
“Iho, nakalimutan ko kasing ipaalam sayo ang tungkol sa nalalapit mong kasal. At ngayong namatay na ang kaibigan kong si Esperanza sa tingin ko ay kailangan ng matuloy ang kasal na napagkasunduan ng pamilya natin sa kanilang pamilya.” Diretsahan niyang pahayag na siyang nagpatigil sa aking ginagawa.
Nag-angat ako ng mukha at sumalubong sa akin ang masayang mukha ng aking ina. Siya ang kaisa-isang tao na kailanman ay ayokong masaktan kaya ang naging sagot sa kanya ay taliwas sa totoong nararamdaman ko.
“Sure, Mama, Wala namang problema sa akin, if you want ako mismo ang pupunta sa bahay ng kaibigan mo para personal na makilala ko ang babaeng ipinagkasundo n’yo sa akin.” Nakangiti kong sagot, lalong lumapad ang ngiti ng aking ina labis niyang ikinasiya ang naging pahayag ko.
Mabilis na tumayo ito at lumapit sa akin saka niyakap ako ng mahigpit.
“Thank you so much, Son, maligaya ako dahil sa wakas ay magkakaroon na rin ako ng apo. Thirty years old ka na kaya dapat lang na magkaroon ka na ng sarili mong pamilya. Matanda na kami ng Papa mo, at sabik na rin kami na magkaroon ng maraming apo.” Parang nangangarap na pahayag niya sa akin, may kung anong damdamin ang humaplos sa puso ko para sa aking mga magulang kaya isang desisyon ang nabuo mula sa aking isipan.
Tumayo ako at niyakap ang aking ina habang hinahagod ang ito sa likod.
“Don’t worry, Mama, ibibigay ko ang nais n’yo.” Malambing kong saad, may pag-aatubili siyang bumitaw sa akin at bakas ang matinding kaligayahan sa mukha nito.
“Siguradong matutuwa ang Papa mo sa oras na malaman niya ito, kaya kailangan ko ng umuwi para sabihin sa kanya ang tungkol dito.” Masigla niyang sabi, humalik muna ito sa aking pisngi bago ako tinalikuran nito, ngunit nahinto siya sa paghakbang ng may biglang naalala at muli itong humarap sa akin.
“Oo nga pala, anak, nakalimutan kong sabihin sayo, kung hindi mo makita si Ashley sa kanilang mansion ay maaaring nasa kanilang ancestral house. Naalala ko kasi na mayroong bahay ang aking kaibigan na minana pa niya mula sa mga magulang nito at ako lang ang nakakaalam tungkol dito kasi sagrado ang lugar na iyon sa kanilang pamilya.” Mahaba niyang litanya bago siya tuluyang lumabas ng aking opisina.
Nang mawala sa paningin ko ang aking ina ay kaagad kong dinampot ang telepono at idinayal ang numero ng aking abogado.
“Hello, I need your presence here, right now.” Seryoso kong saad bago ibinaba ang telepono.
Kailangan kong makausap muna ang babaeng iyon bago kami maikasal.
——————————————-
Kinaumagahan ay maaga akong nagising dahil ngayon ko planong kausapin ang nag-iisang anak ng mga Hernandez.
“Sir, nandito na po si Attorney.” Sabi ng katulong kaya naudlot ang sanay paghigop ko sa aking kape. Kasalukuyan akong nag-almusal habang hinihintay ang pagdating ng aking abogado.
Ilang minuto lang ang lumipas ay lumitaw sa pintuan ng dining room si atty. Lopez.
“Please, sit down, Attorney.” Ani ko na inimuwestra ang kanang kamay ko na pinaupo ito malapit sa akin.
“Salamat, dala ko na ang lahat ng mga kailangan mo, at tulad ng iyong nais ay nakasulat ang lahat ng mga kahilingan mo pati ang magiging set-up niyong dalawa ni Ms. Hernandez. At after three years ay mawawalang bisa ang kasal n’yo, ang kailangan mo lang gawin ay papirmahan ang lahat ng mga ito kay Ms. Hernandez.
Nakalakip din dito ang inyong divorce paper.” Mahabang pahayag nito, napapatango ako habang binabasa ang marriage agreement para sa aming dalawa ni Ms. Hernandez.
“Salamat, Attorney.” Ani ko, pagkatapos mag kamay ay kaagad na rin itong umalis. Inayos ko ang folder at ipinasok ito sa aking attaché case saka naghanda sa pag-alis.
May dalawang oras din ang itinagal ng biyahe bago ako nakarating sa ancestral house na sinasabi ni Mama. Aaminin ko na nagustuhan ko ang lugar, at mula sa malayo ay natatanaw ko ang malaking bahay na tila sa panahon pa ng mga kastila ng maitayo ito.
Napaka tahimik ng buong paligid at wala ka man lang makikita kahit na isang tao.
Lumapit ang guard sa akin at maraming itinanong na kulang na lang ay ipagtabuyan ako nito.
“Sir, pasensya na po, pero hindi kayo pwedeng pumasok ng walang permiso galing sa itaas.” Magalang na pahayag nito sa akin, tila nagpanting ang tainga ko sa tinuran nito ngunit sinikap ko pa rin na kumalma.
“I’m not stranger, may permiso mula sa mga Hernandez ang pagpunta ko dito, dahil ako ang fiancee ni Ashley Hernandez.” Seryoso kong saad, natigilan ang guard at kita ko ang pag-aalinlangan sa mukha nito kaya dinampot niya ang telepono marahil ay para tawagan ang kanyang boss.
Ilang sandali pa ay binaba ng security guard ang telepono bago muling lumapit sa akin.
“Sir, since walang sumasagot sa tawag ko, ay iwan n’yo na lang po sa akin ang ID mo.” Magalang niyang wika, kahit gusto ko na itong bulyawan ay pinagbigyan ko na lang para matapos na.
Pagkatapos makuha ang aking ID ay saka pa lang niya binuksan ang malaking gate na gawa sa bakal. May sampung minuto ang itinakbo ng aking sasakyan bago ko narating ang bahay ng mga Hernandez.
Pumarada ang aking sasakyan sa harap ng malaking bahay at mabilis na sumalubong sa akin ang tatlong katulong.
Ang mga itsura nito ay wari mo’y nakakita ng multo dahil hindi nila inaasahan ang biglaang pagdating ko.
“S-Sir, ano ang maipaglilingkod namin sa iyo?” Tanong sa akin ng isa sa kanila na medyo may katandaan na. Sa tingin ko ay nasa edad 60 na ito at hindi naman nalalayo ang edad ng dalawa.
“Nais kong makausap si Ashley, I’m her fiance.” Mahinahon kong saad, natigilan ang mga ito at bahagyang nagkatinginan sa isa’t-isa.
“Tuloy ka muna sa loob at susubukan kong tawagan si Señorita Ashley.” Malumanay na wika ng mas nakatatanda sa kanila.
Tahimik akong humakbang papasok sa loob ng bahay at mas lalo pa akong humangâ ng tuluyan akong nakapasok sa loob. Makikita ang tila sinaunang mga kasangkapan, at ang mga furniture ay halatang matibay na sa tingin ko ay antic na ang mga ito.
“Maupo ka, Iho, sandali lang at ikukuha ka namin ng maiinom.” Ani ng isang katulong pagkatapos yumukod ng isa sa kanila ay sumunod na rin ito sa kanyang mga kasama patungo sa kusina.
Naiwan akong mag-isa sa malawak na sala’s, uupo pa lang sana ako ng makarinig ako ng isang boses ng babae na tila kumakanta.
Ang himig ng tinig nito ay wari mo’y galing sa isang Anghel na kay sarap pakinggan.
Parang may sariling isip ang aking mga paa at kusa itong humakbang patungo sa hagdan, hanggang sa natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakatayo sa harap ng pintuan.
Nakaramdam ako ng lungkot ng biglang naglaho ang himig ng babae kaya binuksan ko ang pintuan. Tumambad sa aking harapan ang isang malaking kama na sa bawat kanto ay may puting kurtina.
Napako ang aking mga mata sa isang magandang babae na tuwid na nakaupo sa isang silya habang sa harap nito ay isang makinilya at mga puting papel.
Nakatitig lang ito sa isang direksyon at ni hindi man lang ako nilingon nito ngunit sa tingin ko ay alam niyang nandito ako sa kanyang kwarto.
Pareho kaming nag pakiramdaman sa isa’t-isa at ilang sandali pa ay kumilos ang babae, bigla siyang tumayo at humakbang ng isang hakbang pakaliwa at sinundan ng tatlong hakbang pauna saka ito pumihit paharap sa aking direksyon.
Labis akong naguguluhan dahil tila tantyado ang bawat kilos nito, ngunit labis akong namamangha ng lumakad siya na wari mo’y isang modelo palapit sa akin. Nahigit ko ang aking hininga ng huminto siya sa mismong harapan ko na may isang dangkal lang ang layo mula sa akin.
Makapigil hininga ang bawat sandali na tila tanging t***k ng aming mga puso ang naririnig ko ng mga oras na ito. Nanatiling nakatitig lang ako sa kanyang mga mata na hindi man lang kumukurap at nanatiling nakatingin sa aking dibdib.
Umangat ang kanyang mga kamay at halos pigil ko ang aking hininga ng sapuin ng mga kamay nito ang aking mukha. Nagsimulang maglandas ang kanyang mga kamay sa aking noo, sunod ay ang aking kilay, mata, ilong hanggang sa naglandas ang hinlalaki nito sa aking mga labi.
Nang mga oras na ito ay parang gusto ko ng lamukusin ito ng halik dahil sadyang nakakatakam ang natural na mapula niyang mga labi. Matinding pagpipigil ang ginawa ko sa aking sarili dahil baka matakot ang dalaga sa akin.
Umangat ang aking kanang kamay at marahang iwinasiwas ito sa tapat ng kanyang mukha.
“Tama ka ng iyong iniisip, isa nga akong bulag, kung iyong mamarapatin Ginoo ay maaari ko bang malaman ang sadya ng isang estranghero sa aking silid? Di yata’t isang kapangahasan ang pumasok sa silid ng iba ng walang pahintulot?” Namangha ako ng sa wakas ay narinig ko ang tinig nito, para akong nakakita ng isang diyosa na galing sa langit at bumaba sa aking harapan. Pakiramdam ko ay para akong nasa panahon ng mga kastila dahil sa paraan ng pananalita nito maging ng kanyang kasuotan.
“Pasensya na, hindi ko sinasadya na pumasok dito, nakarinig kasi ako ng isang babaeng kumakanta hanggang sa dito ako dinala ng aking mga paa.” Hinging paumanhin ko sa dalaga.
Nang mga sandaling ito ay parang hindi ko na yata kilala ang aking sarili dahil sa unang pagkakataon ay ngayon lang ako humingi ng sorry. Ngayon lang din ako naging malambot sa harap ng ibang tao at ang babaeng ito ay wari moy hinihigop ang lahat ng lakas ko.”