Chapter two

1457 Words
Thalia’s Point of view Sa sariwang hangin humuhugot ng lakas Samo’t saring isipin gumugulo sa isipan Ibayong sakit ang siyang bumabalot sa puso kong puno ng kalungkutan. Wari moy tuliro, nanatiling walang alam Pangahas na luha’y naglandas sa makinis na pisngi Naalala ko may kasamang lumbay Ang malamyos na tinig ng mahal kong ina At masuyong yakap ng mahal kong ama Puso ko ay nangulila, hinahanap ng lubos Malamig na simoy ng hangin Siyang yumakap sa akin Di yata’t akoy nasasaktan sa di malamang dahilan? Mga matang walang silbi ay aking ipinikit mapanglaw na dilim aking nasilayan naramdaman na lubos kawalan ng silbi Mula sa pag-iisa, tanging kaulayaw bisa ng hangin mong walang katulad. “Habang binibigkas ang bawat kataga mga daliri koy patuloy sa pagtipâ. Nanatiling nakapikit ang aking mga mata dinadama ang kakaibang simoy ng hangin. Kakatwang patuloy pa rin sa pagpatak ang luha ng kahinaan. “M-mama! Ahhhh...” hindi ko na kinaya ang nararamdaman na sakit, saglit na huminto sa pagtipa ang aking mga daliri at wala sa loob na napa-hawak ng mahigpit sa tapat ng aking dibdib. Nararamdaman ko na may hindi magandang nangyari sa aking mga magulang, ngunit wala akong magawa kung hindi ang tamihik na lumuha sa loob ng apat na sulok ng silid na ito at maghintay sa kung anong mangyayari sa mga susunod na sandali. Sa mga oras na ito ay hinawi ang sarili, sinikap na kumalma at binura mula sa isipan ang mga di kanais-nais. Tatlong ulit na huminga ng malalim upang mapawi ang bigat ng dibdib. Nakuha ang atensyon ko sa tunog ng seradura, sunod na bumukas sara ang pintuan at mula sa mabigat na yabag ay aking nakilala kung sino ang aking panauhin. Nakadama ako ng kasiyahan ng pumasok si Yaya Lina, kaagad akong umayos ng upo at naghintay sa kanyang paglapit. Naramdaman ko ang presensya niya sa aking harapan kaya dinig ko ang bawat hangin na ibinubuga nito. Inangat ko ang aking mga kamay sa ere, tila naunawaan niya ang nais kong mangyari kaya naramdaman ko ang mainit niyang palad na dumantay sa aking mga kamay. “Yaya, hindi mo kailangan na malungkot, pasasaan ba’t ang lahat ay magiging maayos.” Ani ko dito habang banayad na tinatapik ang kanyang kamay. “Hindi ako malungkot, Thalia, paumanhin ngunit masama lang talaga ang aking pakiramdam. Nagdala ako ng prutas para sa iyo, nais kong samahan ka dito baka sakaling gusto mo ng makakausap.” Sagot niya sa tinig na pilit pinasigla, kung iniisip niya na ako’y kanyang madadaya ay nagkakamali siya. Dahil nararamdaman ko na may nililihim siya sa akin. Ramdam ko ang bawat kumpas ng kanyang mga kamay at dinig ko ang isang impit na iyak na sinisikap niyang pigilin. Tumayo ako at humakbang ng isang beses patungo sa kanyang direksyon, ngayon ay ramdam ko ang kanyang presensya sa mismong harapan ko na marahil ay may dalawang dangkal ang layo mula sa akin. Umangat ang dalawang kamay ko at niyakap ito ng mahigpit. Dahil sa aking ginawa ay humulagpos ang bigat na nararamdaman nito at mula sa aking mga bisig ay tuluyan na siyang napaiyak. Kahit hindi niya sabihin ay nauunawaan ko kaya mas pinili ang manahimik na lamang habang kumakalat ang matinding sakit mula sa kaibuturan ng aking puso.” Ashley Point of view “Mama! Papa! Ahhhh...” Bakit sa inyo pa ito nangyari, paano na kami ni Thalia?” Ani ko sa pagitan ng pagtangis habang pinagmamasdan ang aking mga magulang na nakahimlay sa loob ng dalawang ataol. Matinding sakit ang nararamdaman ko at pakiramdam ko ay parang gusto ko na ring mamatay. Kararating ko lang galing sa isang business trip kasama ang aking Uncle Samuel dahil kasalukuyan ako nitong tinuturuan kung paano pamahalaan ang mga ilang negosyo ni Papa. Ngunit hindi ko inaasahan ang isang tawag na natanggap ko kinaumagahan mula sa isang pulis. Labis akong nagimbal ng sabihin nito na nabangga ng isang malaking truck ang kotse na sinasakyan ng aking mga magulang at dead on arrival na ang mga ito ng dalhin sa hospital. Parang gumuho ang mundo ko at labis akong pinanghinaan ng loob, kaagad na pumasok sa aking isipan ang kapatid kong si Thalia. Naramdaman ko ang isang kamay na dumantay sa aking balikat bago masuyong hinaplos ang aking likod. “Huwag kang mag-alala, iha, hindi ko kayo pababayaan, magpakatatag ka alang-alang sa iyong kapatid.” Malumanay na payo ni Uncle Samuel, mahigpit na yumakap ako sa kanya at sa malapad niyang dibdib ay doon ko binuhos ang lahat ng bigat na aking nararamdaman, walang patid ang aking pag-iyak. “Alam na ba ni Thalia ang nangyari sa inyong magulang?” Malungkot na tanong ni Uncle Samuel habang hinihimas ang aking likod. Humiwalay ako mula sa pagka-kayakap sa kanya saka pinahid ang aking mga luha bago sumagot. “Marapat na huwag muna niyang malaman, baka panghinaan pa siya ng loob, hihintayin ko na maoperahan muna siya bago ko sasabihin ang lahat.” Ani ko bago muling hinarap ang labi ng aking mga magulang. Napag desisyunan ko na sa mansion iburol ang labi ng aming mga magulang dahil natatakot ako na baka malaman ng publiko ang tungkol kay Thalia. Hindi sana’y sa presensya ng ibang tao ang aking kapatid at mas pinagtutuunan ko rin ang kanyang kapakanan. “Uncle maiwan muna kita dito dahil simula ng dumating ako ay hindi ko pa na dalaw ang aking kapatid.” Paalam ko sa kanya, marahan naman siyang tumango kaya iniwan ko na ito at tinungo ang aking sasakyan na nakaparada sa harap ng mansion. Nagsisimula ng dumating ang mga tao at ang ilan sa kanila ay mga kasosyo ni Papa sa negosyo. Ngunit higit na maraming supporters nito ang nakikiramay. Mahigit na isang oras ang itinagal ng biyahe bago ko narating ang aming ancestral house. May trenta minuto na akong nakatayo sa harap ng kwarto ni Thalia ngunit nagdadalawang isip ako kung papasok ba ako o hindi. Natatakot kasi ako na baka hindi ko mapigilan ang emosyon ko sa harap ng aking kapatid. Pinuno ko muna ng hangin ang aking dibdib at ilang segundo ang nakalipas bago ko ito pinakawalan. Nanginginig ang kamay na pinihit ko ang seradura ng pinto at dahan-dahan itong binuksan habang pilit na pinasisigla ang sarili upang hindi mahalata ng aking kapatid ang totoong saloobin ko. May kung anong damdamin ang humaplos sa puso ko ng masilayan ko ang aking kapatid na tahimik na nakaupo sa isang silya. Kung titingnan mo siya ay wari mo’y isang normal na tao na nakamasid sa magandang tanawin ngunit hindi maikukubli ng mga mata nito ang katotohanan. Lumapit ako sa kanya at masuyong hinagkan ang makinis niyang pisngi, pumikit ang kanyang mga mata na wari mo ay dinadama ang mainit na halik na kanyang natanggap. “Isang buwan na lumipas ng huli kitang nakasama, di yata’t ako’y kinalimutan mo na?” Tanong niya sa akin na may halong hinampo, hinaplos ng awa ang puso ko kaya ikinulong ko siya sa aking mga bisig. “Patawarin mo ang ate, bunso, matanda na kasi sina Papa at kailangan na nila ng katuwang sa mga negosyo kaya masyado na akong abala. Alam ko naman na nauunawaan mo ako.” Malambing kong saad habang hinahaplos ang likod nito, nang maalala muli ang aming mga magulang ay hindi ko na napigilan ang aking emosyon. Kusang pumatak ang aking mga luha habang kagat ang ibaba kong labi. Nagulat ako ng yakapin ako nito saka hinagod ng palad niya ang aking likod na wari mo ay sinisikap na pagaanin ang aking nararamdaman. “Kahit hindi mo sabihin sa akin ay nauunawaan ko, ngunit labis na ikina-sasama ng loob ko ay kung bakit kailangan n’yo pang mag lihim sa akin. Maaaring bulag ako, pero hindi ako tanga upang hindi maunawaan ang mga nagaganap sa aking paligid.” Puno ng lungkot ang tinig nito at halatang masama ang kanyang loob. Labis akong namamangha sa aking kapatid dahil sa talas ng pakiramdam nito, tama sina mama at papa na kay hirap dayain ang aking kapatid. Ipinanganak siyang matalino at lubos na kahanga-hanga ang ugali nito maging ang katatagan niya. Aaminin ko na sa aming magkapatid ay ako ang mahina ang loob samantalang si Thalia ay nasa kanya na ang lahat, maganda, matalino at talentado. Isa lang ang kulang sa kanya at iyon ay ang kanyang paningin.” “P-patawarin mo ako, Thalia, ayoko lang na mag-alala ka.” Hinging paumanhin ko sa kanya bago mas hinigpitan ang yakap sa katawan nito. “Kahit hindi n’yo sabihin sa akin ay nararamdaman ko.” Ani nito sa garalgal na tinig hanggang sa tahimik na itong umiiyak. Napuno ng emosyon ang buong kwarto at walang may nais na magsalita, tanging mga iyak lang namin ang maririnig habang nanatiling yakap ang isa’t-isa.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD