Amusement ang nakita niya sa mga mata ng binata. “Nagkukwentuhan lang tayo. Ano?”
Napapikit siya sa kakulitan ng binata kaya siya napangiti. “Oo, hindi ba iyon naman ang sinabi ko sayo noon?”
Tila nasisiyahan sa isinagot niyang hinaplos-haplos ng binata ang kanyang palad. “Marami akong na-miss sayo, lalo na ang mga kamay mo” ang binatang nagpatuloy sa ginagawa nito.
“Ako din naman. Hindi kita nakalimutan, kahit minsan hindi nangyaring nawala ka sa isip ko. At alam ni Phil iyon” tahasan niyang hayag.
Nangingislap ang mga mata tinitigan siya ng binata. “Talaga?”
Tumango siya. “Iyon ang totoo, at hindi ko itinago sa kanya iyon.”
Masayang itinaas ng binata ang kamay niya saka iyon hinalikan. “Holding someone’s hand can mean a lot. Lalo na sa taong nasasaktan at nahihirapan. And most specially sa taong malapit sa puso mo? Kasi by holding their hands gently means touching their hearts” anitong pinagsalikop pa ang kanilang mga palad kaya siya napasinghap at namumula ang mukhang napatitig dito.
“Maniwala ka, hindi naging madali sa akin ang iwan ka” si Lawrence ulit.
Nag-init ang mga mata niya pero pinigil niya ang mapaluha. “Alam ko, kaya nga hindi ako nagalit sayo hindi ba? Kasi alam kong mahal na mahal mo ako. At isa pa, napakabata pa natin noon, hindi natin alam kung ano ba ang dapat gawin at ang pinakamabisang paraan ay ang magparaya” pagbibigay katwiran niya kay Lawrence.
Sa pagkakatitig niya sa mukha ng binata ay nakita niyang kumislap ang butil ng mga luha sa gilid ng magaganda nitong mga mata. “Sinabi ko noon sa sarili ko na, hindi man tayo binigyan ng chance na magkasama, alam ko hindi ka mawawala dito sa puso ko. At kung possible, sa puso ko mismo ako maninirahan, kung saan ka naroon, makasama lang kita” anitong hinalikan ang kanyang noo pagkatapos.
Hindi siya nakapagsalita dahil sa narinig. Ayaw na niyang isipin ang mga taong nasayang dahil nakilala at naging masaya naman siya sa piling ni Phil. Pero kailangan niyang amining mas pipiliin parin niya si Lawrence at magiging mas kumpleto siya kung ito ang kasama niya sa lahat ng masasayang pangyayari ng buhay niya.
“LAWRENCE hijo” ang si Aling Lilia, ang pinakasikat na alahera sa lugar nila. Bago magtuloy sa kanila ay minabuti niyang daanan muna ang tindahan ng ginang. “anong maipaglilingkod ko sa’yo?” anitong lumabas ng counter saka siya mahigpit na niyakap.
“Bibili sana ako ulit, ng engagement ring” ang nakangiti at maikli niyang sagot sa ginang. Dito rin kasi niya binili ang singsing na ibinigay niya kay Claire na tinanggihan naman ng dalaga.
Nakita niyang rumehistro sa mukha ng ginang ang kasiyahan para sa kanya. “Ibig sabihin?” ang makahulugan nitong tanong. Nakangiti lang siyang tumango kaya muling nagpatuloy si Aling Lilia. “heto, mamili kana sa mga naka-display dito sa estante” anitong iginiya siya palapit sa showcase.
Umiling siya. “Wala ho sa mga iyan ang gusto ko” nakangiti niyang sabi.
Nagtatakang pinakatitigan siya ng ginang. “Kung gayon ay ano pala?”
Sa pagkakataong iyon ay agad na lumipad ang paningin ni Lawrence sa nag-iisang diamond engagement ring na naka-display sa tower showcase ng jewelry store. “Ito po ang bibilhin ko Aling Lilia” aniya.
Literal na napanganga ang ginang sa sinabi niyang iyon. Hindi na siya nagtaka. Matagal na panahon ng nakadisplay doon ang singsing pero walang bumibili. Para kay Lawrence hindi iyon dahil sa presyo nito kundi dahil sa talagang nakalaan lang para sa babaeng pinili niyang mahalin magpakailanman ang naturang alahas.
Tumango ang matanda saka nakangiting tinapik ang pisngi niya. “Bago mo bilhin ang singsing na iyan anak, magkape muna tayo.”
Nagsalubong ang mga kilay niyang pinagmasdan ang ginang. “Ano pong?” ang naguguluhan niyang tanong na mabilis na naagapan ng kaharap.
“Magkwentuhan muna tayo. Marami akong gustong sabihin sa’yo, halika na?” anitong iginiya siya papasok sa opisina nito.
“I THINK I’m falling for him, again” kinagabihan habang nakatingala siya sa madilim na kalangitan at nakaupo sa pasemano ng kanilang terrace. “tama ba iyong term ko Papa? Kahit alam ko naman sa sarili kong hindi ko siya nakalimutan kahit kailan?”
“Walang masama doon anak” ang Papa niyang nakangiti lang siyang nilinga.
“P-Pero natatakot ako, baka saktan ulit niya ako Papa. Kasi kahit naman sabihin kong hindi ako nagalit sa kanya, hindi parin mababago noon iyong reality na nasaktan ako ng sobra. Iyon tipong hindi ako halos makakain dahil sa sobrang lungkot?” nasa tinig niya ang takot.
“Totoong hindi madaling kalimutan ang sakit na idinulot ng first love. Pero kaya itong ibaon ng buhay ng isang tunay at wagas na pagmamahal” ang Papa niyang tinapik ang kanyang balikat. “matutulog na ako, sumunod kana rin” bilin pa nito.
“CLAIRE! Naku anak lalo kang gumanda!” puno ng pananabik sa tinig na niyakap si Claire ni Celina, ang kanyang ina.
“I missed you too Ma!” aniyang hinalikan ang ina saka mahigpit na niyakap saka mabilis na naghagilap ang mga mata. “si Lawrence Ma, hindi ninyo kasama?” hindi niya napigilan ang malungkot nang hindi makita ang hinahanap.
Umiling si Celina. “Bihira kong makita ang batang iyon, hindi rin naman kasi ako nagagawi sa may kanila kaya wala akong balita. Alam mo namang may kalayuan ang lugar natin sa kanila.”
Tumango si Claire. “Hindi bale, pupuntahan ko nalang siya sa restaurant nila. Para masorpresa narin siya.”
“SO paano, mauuna na ako? Baka hindi muna ako makaluwas sa mga susunod na araw, magbubukas na kasi ng branch sa Tagaytay ang Festive kaya magiging busy lang ng kaunti” ang binata nang ihatid niya ito sa kinapaparadahan ng sasakyan nito. Pasado ala una ng hapon ilang minuto matapos nilang kumain ng pananghalian.
“Oo naman, walang problema sakin iyon” pero ngayon palang parang na mi miss na kita. Ang gusto sana niyang idugtong pero minabuti niyang huwag nalang.
Sandali muna siyang pinakatitigan ng binata saka nagsalita. “Mag-date naman tayo minsan” ang walang gatol nitong sabi.
“Date?” ang natatawa niyang tanong. “ano pa kaya sa tingin mo ang ginagawa natin kagaya nalang ng pagsisimba ng magkasama?”
Tumango ng nakangiti si Lawrence. “Hindi pa kasi kita naide-date kahit minsan. Alam mo iyong dinner with candle light, wine, romantic music and dance?” paliwanag ng binata sa tila nahihiya pang tinig.
Lumapad ang ngiti niya doon. Para kasi niyang nakikita ang isang teenager na Lawrence sa binata. “Really? Seryoso ka ba?” aniyang pilit na itinago ang kilig na nararamdaman.
“Pagdating sa’yo lagi naman akong seryoso” anang binata.
Walang anuman siyang nagkibit ng mga balikat. “Okay, kailan?”
“Teka, nagbago na ang isip ko eh” ang binatang nagkamot ng ulot pagkuwan.
Napasimangot siya doon. “Pinagtitripan mo yata ako eh” aniya.
Umiling si Lawrence. “Tsk, mas maganda siguro kung sumama ka nalang sakin ngayon. Magbakasyon tayo tapos noon tayo mag-de-date” suhestiyon pa nito.
Nagsalubong ang mga kilay ni Anya sa narinig. “Saan?”
Noon nagtaas-baba ang makakapal na kilay ng binata. “Sa amin, sa Don Arcadio. Saka di ba sabi ko naman sa’yo magiging busy ako these days? Baka kasi ma-miss kita, at least kung kasama kita hindi na mangyayari iyon” paliwanag pa nito mapapayag lang siya.
“T-Taga Don Arcadio ka?” ang sinabing lugar ng binata ang tuluyang nag-sink in sa kanya.
Tumango-tango si Lawrence. “Doon ako ipinanganak at nagkaisip” anito.