“MUKHANG napapadalas yata ang pasyal dito ni Lawrence ah?” ang Mama niya matapos niyang samahan sa may labasan si Lawrence.
Matamis ang ngiting sumilay sa mga labi ni Anya saka tinulungan sa pagliligpit ng mesa ang kanyang ina. “Hindi ko pa nga po pala naikukwento sa inyo.”
Umangat ang magagandang kilay ng Mama niya. “Ang alin? Na siya ang first boyfriend mo?”
Taka niyang pinakatitigan si Loida. “Kinuwento sa inyo ni Papa?”
Tumawa ng mahina ang Mama niya saka tumango-tango. “Sa totoo lang masaya kaming makita kang masaya. Kung nakikita mo sana ang kakaibang kislap sa mga mata mo ngayon, parang noong nasa kolehiyo ka, noong unang taon mo sa kolehiyo” nasa tono ng pananalita ni Loida ang sinabi.
Nakuha niya ang ibig nitong sabihin kaya lumuwang ang pagkakangiti ni Anya doon. “Sa tingin ninyo? Hindi naman masamang subukan ko ulit kung sakali hindi po ba?”
Magkakasunod na umiling si Loida. “Pwede kayong magsimulang muli, at sa nakikita namin ng Papa mo, mahal na mahal ka niya. I’m sure nakikita at nararamdaman mo naman iyon. Besides napakabata pa ninyo noong maging kayo?”
“Thank you Ma” ang tanging nasabi niya sa kabila ng labis na tuwang nararamdaman.
“Anything, basta magpapasaya sayo. In love, hindi option ang pagsuko dahil lang sa nasaktan ka.”
“Tatandaan ko po” maikli niyang sagot.
“GUSTO mo bang magkape muna?” araw iyon ng linggo at gaya ng dati nagsimba sila ng magkasama ni Lawrence. Gaya nga ng sinabi sa kanya ng binata, idinaan nito sa proseso ang lahat, niligawan siya nito. Iyon na ang ikatlong linggo na nagsimba sila ng magkasama. Bukod pa iyon sa mga biglaang pagdalaw nito sa kanyang tuwing weekdays.
“Sure, hindi yata kita kayang tanggihan” sagot ng binata saka na bumaba.
“Nakalimutan ko, wala nga pala sina Mama at Papa. Umuwi ng Nueva Ecija kasi may dinaluhang kasal doon” kwento pa niya saka inilabas ang susi sa kanyang bag. Nagkita lang kasi sila ng binata sa simbahan kaya hindi nito alam kung tungkol doon.
“Meaning pwede kitang masolo ngayon?” pagkabukas ng pinto ay impit pa siyang napatili nang hapitin siya sa baywang ng binata. Dahil doon ay naihulog niya sa sahig ang hawak na susi.
“A-Ano bang ginagawa mo?” sa nanginginig na tinig ay pinilit niyang pakawalan ang sarili pero hindi siya binitiwan ng binata at sa halip ay itinulak nito pasara ang pinto saka iyon ini-lock.
Naramdaman ni Anya ang mabilis na pag-iinit ng kanyang mukha. Pakiramdam niya ay nagbalik siya sa nakaraan, pitong taon narin ang nakalipas. Sa loob ng apartment na inuupahan ni Lawrence kung kailan niya unang naranasan ang mahalikan.
“P-Please, pakawalan mo ako” pakiusap niya.
Hindi nagsalita ang binata at sa halip ay mataman siyang pinakatitigan. Ang malalagkit nitong titig sa kanya parang kayang tunawin maging ang pinakamalaki niyang pagtutol. Ang mabango nitong hininga humahaplos sa kanyang mukha. Para iyong kamandag na gumapang sa kabuuan niya kaya mabilis siyang nawala sa katinuan.
“Gusto kitang halikan, alam mo ba?” ang paanas nitong tanong sa kanya.
Napalunok si Anya kasabay ng mabilis na pagtatayuan ng maliliit niyang balahibo sa batok. “P-Please, akala ko ba hindi mo ako mamadaliin?” alam niyang kapag hinalikan siya ni Lawrence ay mabilis siyang madadarang at iyon ang sa ngayon ay iniiwasan niyang mangyari.
Nakahinga siya ng maluwag nang ngumiti sa kanya ang binata. “Right, I’m sorry” anitong kinabig siya saka niyakap.
Tumango siya saka inayos ang sarili. “Ipagtitimpla kita ng kape” aniya saka napapikit nang mapunang nakasunod ito sa kanya. “ikaw Lawrence, anong nangyari sa’yo after, alam mo na?” ang makahulugan niyang tanong makalipas ang ilang sandali ay inilapag niya sa mesa ang kape ng binata.
“Thanks” anito. “you mean noong?” ang binata.
Tumango-tango siya. “Yeah.”
“I’ll be honest with you” simula ng binata. “pagkatapos mo, isang relasyon lang ang pinasok ko, at siya ang babaeng inalok ko ng kasal.”
Hindi maikakaila ni Anya ang sakit na gumuhit sa dibdib niya dahil sa narinig. Pero kailangan niyang tanggapin iyon, gaya ng ginawang pagtanggap ni Lawrence sa nakaraan niya. “Really?”
Tumango ang binata saka humigop ng kape. “Yes, ang totoo nalaman ko sa mother niya ang plano niyang pag-alis patungo ng America. Iyon ang dahilan kaya ako nag-propose ng kasal sa kanya. Para sana pigilan siya, pero mas pinili niya ang pangarap niya” nakahinga siya ng maluwag nang maramdamang walang kahit kaunting bitterness sa tinig si Lawrence.
“Ganoon ba? Kaya nga kung minsan parang ayaw ko ng maniwala sa happy ending” aniyang sinundan ng mahinang tawa ang sinabi.
Ngumiti lang muna si Lawrence bago nagpatuloy. “Walong araw pagkatapos noon, nangyari ang aksidente ninyo ni Phil. Nakita ulit kita” sa huling sinabi nakita ni Anya ang kakaibang kislap sa mga mata ng binata.
“W-Walong araw?” ang hindi makapaniwala niyang bulalas.
“Oo” anito. “Call me crazy if you want at wala akong pakealam. But I have to tell you this. Kahit sabihin mo pang hindi ka naniniwala sa happy ending, para sa akin you are my happy ending, my true love, my first love, my forever. And to think na naramdaman kong ulit lahat iyon two years ago? Kung papaano kong naramdaman ang lahat noong una kitang nakita sa university, para sa akin magic iyon. Kasi ang totoo, hindi ka naman talaga nawala sa puso ko, hindi rin ako napagod na mahalin ka. Alam ko hindi iyon fair para kay Claire pero mahirap na kalaban ang puso” ang mahabang paliwanag ng binata.
Tila napapahiyang nagbaba ng tingin si Anya. Kaya naman nagulat nalang siya nang makitang kumilos ang binata. Hinila nito ang isang silya saka ipinuwesto paharap sa kinauupuan niya. “Naalala ko, noon hindi ko ugali ang mangulit ng kahit sino alam mo ba? Pero nung nakita kita? Nung nagkabanggaan tayo, iba ang naramdaman ko. Iyong feeling na alam kong magtatagal at hindi maglalaho” sa pagkakataong iyon ay naramdaman niya ang kakaibang init ang damdamin na humaplos sa puso niya.
“L-Lawrence”
Tumawa muna ng mahina si Lawrence bago muling nagsalita. Habang siya, sa lahat ng sinasabing iyon ng binata, pakiramdam niya nakikita niya ang nakaraan. “Alam mo ba kung ano ang nasa isip ko noon pa mang una kitang makita?” ang binata. “hindi ko ugali ang ipilit ang sarili ko sa isang tao, kahit sa babae, pag nararamdaman kong ayaw niya sa akin. Pero ikaw kasi, I really like you, kahit ipagtabuyan mo ako, ipagsisiksikan ko parin ang sarili ko. Kung iyon ang tanging paraan para mapansin mo ako, gagawin ko” anito.
Natawa siya doon. “Kaya pala minadali mo ako?”
Tumango si Lawrence. “Pero tell me, nagawa ko naman iyong sinabi ko hindi ba?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Anya sa tanong na iyon. “What?”
“Hindi ba sinabi ko noon na sagutin mo lang ako and I’ll make you fall in love with me?” ang binata sa nagpapaalala nitong tinig kaya mabilis siyang pinamulahan ng mukha.
“Huwag na nga nating pag-usapan iyan” tanggin niya saka tumayo pero mabilis na hinawakan ng binata ang kamay niya kaya muli siyang napaupo.