PROLOGUE
TEN YEARS BEFORE…
“LAWRENCE dalhin mo muna itong bibingka sa tindahan ni Kumareng Lilia. Naipangako ko kasi sa kanya na kapag nagluto ako padadalhan ko siya. Gamitin mo nalang iyong traysikel para madali ka” ang nanay niya si Roma na iniabot sa kanya ang maliit na bilao ng bibingka.
Tumango siya saka kinuha sa sabitan ang susi ng traysikel. “Sige nay” aniyang nagmamadali nang lumabas dala ang kakanin.
Si Aling Lilia ay kaibigan ng nanay niya. At ito ang pinakasikat at pinakamahusay na alahera sa kanilang bayan, ang Don Arcadio. Pero hindi kagaya ng nanay niya, walang kasama sa buhay ang ginang dahil matandang dalaga ito. Ayon sa kwento ng nanay nila ay nasa Italy raw ang ilang kamag-anak nito. Iyon lang ang alam niya, wala ng iba.
Hindi nagtagal dahil nga naka-traysikel siya ay narating niya ang tindahan. Si Rodel na anak ng katiwala nila sa bukid ang nakita niyang nasa labas ng tindahan at kasalukuyang nagma-mop ng sahig.
“Rodel!” tawag niya sa kababata at matalik na kaibigan.
“Uy! Ano iyang dala mo?” ang tila natatakam na agad nitong tanong.
Tumawa siya ng mahina. “Sira, para kay Aling Lilia ito. Teka anong ginagawa mo dito?” tanong niya.
Nagkibit ng balikat ang kaibigan niya. “Nagtatrabaho ano pa? Sayang din kasi ang kita. Tuwing Biyernes ng hapon hanggang Linggo ng hapon ako dito” paliwanag ni Rodel.
Naaawa niyang pinakatitigan ang kababata. “Sige hintayin kita sa bahay mamaya, maraming ginawa si nanay eh, siguradong meron kayo doon” paniniyak niya.
Tumawa si Rodel. “Halika pumasok ka muna, tatawagin ko si Aling Lilia” anitong pinatuloy siya sa tindahan.
Sa loob, ilang sandali narin siyang nakaupo nang mahagip ng paningin niya ang isang mataas na estanteng salamin. Nagsalubong ang mga kilay ni Lawrence saka ibinaba ang hawak na bilao at tumayo. Puno ng paghanga niyang pinakatitigan ang isang maganda at eleganteng singsing.
“Ang ganda hindi ba?” napakislot si Lawrence nang marinig ang tinig na iyon.
“Aling Lilia!” aniya.
Mabait ang ngiting pumunit sa mga labi ng ginang. “May kwento ang singsing na iyan” anito sa kanya saka kinuha ang susi sa bulsa ng suot nitong bestida saka buksan ang showcase at inilabas ang singsing.
“Ang ganda naman po nito, siguro mahal ito” aniyang buong paghangang sinuri ang hugis pusong diamante na nasa dulo ng white gold na singsing.
“Kaya dapat mahal na mahal mo rin ang pagbibigyan mo niyan kung sakali. May kasabihan nga hindi ba, diamonds are forever. Ang ibig sabihin, kailangang ibigay mo ang singsing na ito sa babaeng kaya mong mahalin magpakailanman” ang makahulugang turan ng ginang.
Napangiti siya. “Kapag mayaman na ako, bibilhin ko iyan at ibibigay ko sa babaeng pakakasalan ko” siya man ay nasorpresa sa sinabi niyang iyon.
Tumango ang ginang. “Hihintayin ko ang araw na iyon hijo” nasa tinig naman ni Aling Lilia ang tiwala sa sinabi niya. “siya nga pala, mabuti at napadalaw ka?”
Noon niya ibinalik sa ginang ang singsing saka kinuha ang bilao ng bibingka at ibinigay iyon sa matanda. “Mauuna na po ako” aniyang sinulyapan pa muna ang singsing na naibalik na ni Aling Lilia sa kaninang kinalalagyan nito. Habang sa isip niya ay ang pangakong binitiwan niya sa sarili niya.
Para ka lang sa babaeng mamahalin ko, sa babaeng bibigyan ko ng forever. Aniya pa.