“MUKHANG masaya ka?” kinahapunan ay dumating si Fritz para sunduin ang Yaya at anak nitong si Ismael.
Umangat ang makakapal na kilay ni Lawrence saka nakangiting isinandal ang likuran sa kinauupuang swivel chair. “Guess what?” siya man ay naramdaman ang kakaibang kasiglahang kalakip ng kanyang sinabi.
Nakangiting ibinagsak ni Fritz ang sarili sa mahabang sofa saka itinaas ang mga binti sa center table. “Ginawa mo pa akong manghuhula. Bakit nga?” amuse nitong tanong.
Noon siya tumayo saka naupo sa katapat na sofa ng kinauupuan ng kanyang kuya. “Naalala mo ba iyong naikwento kong babaeng dinala ko sa ospital two years ago?”
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Fritz na tila ba inaaalala ang sinabi niya. “Iyon bang dinala ninyo ni Rodel?”
Tumango siya. “Maniniwala ka ba kapag sinabi ko sa’yong siya ang dahilan kung bakit nag-drop ako sa university na pinapasukan ko noon sa Maynila? At maniniwala ka rin bang siya ang nag-iisang babaeng minahal ko ng buo? Oo minahal ko si Claire, pero hindi kagaya ng naramdaman ko kay Anya. Siguro iyon rin ang dahilan kung bakit naging madali sakin ang kalimutan siya.”
Taka siyang pinakatitigan ni Fritz. “What?”
Noon niya nakangiting iginalaw ang swivel chair. “Ganito pala ang feeling, kapag iyong taong una mong minahal at pinangarap mo talaga na makasama hanggang sa pagtanda mo ibinalik sa’yo?” ramdam niya ang matinding kaligayahang pumupuno sa dibdib niya at hindi iyon naitago sa tinig niya.
Totoo iyon. Si Anya naman talaga ang pinangarap niyang makasama hanggang sa pagtanda niya. Oo nga’t inalok niya ng kasal si Claire, dahil gaya ng sinabi niya noon pa mang una, minahal niya ang dating nobya sa sarili niyang paraan. Pero hindi kagaya ng naramdaman niya para kay Anya na mas malalim at hindi naglaho sa puso niya sa loob ng mahabang panahon kahit magkalayo sila. Kahit nabiktima sila ng mapaglarong kapalaran.
Ngumiti lang ang kapatid niya kaya nagpatuloy siya. “Ang totoo hindi na ako nag-expect na babalik pa si Anya sa buhay ko. Sa kabila iyon ng reality na ipinagdarasal ko iyon at kahit minsan hindi siya nawaglit sa isipan ko. Pero iyong ako pa mismo ang binigyan ng pagkakataon ng Diyos para iligtas siya sa kamatayan? Parang may kakaiba, at alam ko kailangan ko ng kumilos this time” buo ang loob niyang sabi.
“Bakit kayo nagkahiwalay noon?” naitanong ng kapatid niya kaya minabuti niyang isalaysay na dito ang lahat. “so meaning to say, hindi rin sila nagkatuluyan noong Tristan, kasi ang sabi mo Phil ang pangalan ng boyfriend niyang kasama niya nang mangyari ang aksidente?” matapos nitong marinig ang kwento niya.
Tumango siya. “I need to see her again” determinado niya wika.
“Yes you should, and this time tiyakin mong hindi na siya mawawala sayo, whatever happens ikaw parin ang pipili at gagawa ng pasya para sa kinabukasan mo. Kahit kung minsan may mga pangyayari sa buhay natin na hindi natin kontrolado, binibigyan parin naman tayo ng option” ang makahulugang paliwanag ni Fritz.
KALALABAS lang ni Anya nang banyo nang marinig ang magkakasunod na ring ng kanyang cellphone. Tinungo niya ang tokador saka iyon dinampot para lang magsalubong ang mga kilay nang makitang number lang ang nakarehistro sa screen ng kanyang telepono.
“Hello?” sagot niya nang tanggapin ang tawag.
“Hi, this is Lawrence, sana hindi kita naistorbo” ang mabait na sagot ng nasa kabilang linya.
Sa pagkakadinig sa pangalang iyon maging ng maganda at buo nitong boses ay mabilis na niragasa ng hindi maipaliwanag na kaba ang dibdib niya. “L-Lawrence!” ang kinakabahan niyang sagot saka minabuting maupo sa gilid ng kanyang kama. Pakiramdam kasi niya ay bigla siyang pinanlambutan ng mga tuhod lalo nang maalala niya ang ginawang paghalik kanin ng binata sa kanya. Dahil maging hanggang ngayon pakiwari niya ay nararamdaman parin niya ang mainit nitong labi na masuyong hinahaplos ang kanya. “m-mabuti napatawag ka?” minabuti niyang idugtong iyon.
“Gusto ko lang tiyakin kung nakauwi ka ng safe?” ang sa kabilang linya.
Hinaplos ng kakaibang tuwa ang dibdib niya sa narinig. “Yeah, salamat nga pala sa lunch kanina. Si Ismael, kumusta kumusta siya?” hindi niya maintindihan ang kakaibang pagtingin na mayroon siya sa bata pero talagang magaan ang loob niya rito.
Narinig niyang tumawa muna ng mahina si Lawrence bago nagsalita. “Mukhang na-capture ka ng makulit kong pamangkin ah!”
Parang nahawa sa kasiyahan sa tinig ng kausap siyang muling nagsalita. Sa isang iglap, sa kabila ng patuloy paring pag-aalboruto ng dibdib niya dahil sa masidhing kaba ay nakaramdam siya ng tila kapanatagan habang kausap ang binata, kagaya noon. Sa huling naisip ay nakaramdam siya ng panghihinayang na mabilis niyang iwinala sa kanyang isipan.
Kanina, over lunch ay kibuin dili niya si Lawrence. Naiilang kasi siya sa mga sulyap nito. At sa tila humihigop na titig sa kanya ng mga mata nitong may mahahaba at makakapal na pilik. Kaya masasabi niyang ang isang ito ang una at pinaka-matagal nilang palitan ng salita mula nang dalawin siya nito sa ospital two years ago.
“He’s really charming, hindi mo naman maiaalis sa akin ang ganoon hindi ba?” paliwanag niya sa masiglang tinig habang ngiting-ngiti.
“Siguro nga” anito. “anyway, free ka ba bukas ng hapon?”
Nabigla siya sa tanong na iyon kaya sandali siyang natigilan. “Y-Yes, why?” makalipas ang ilang sandali ay tanong sagot niya.
“Gusto kasi kitang makita” ang tahasang sagot ng binata.
Kahit sabihin pang sa telepono ang usapan nila ay naramdaman parin ni Anya ang mabilis na pag-iinit ng buo niyang mukha. “W-What?” ang nabigla niyang tanong.
“You heard me right? Gusto kitang makita, makasama. Please?” ang nakikiusap pang isinatinig ni Lawrence pagkatapos.
“A-Ano kasi” ang nag-aalangan niyang sagot.
“What?”
Nagbuntong hininga siya saka muling nagbuka ng bibig para magsalita. “Plano kong dalawin ang puntod ni Phil bukas” alanganin niyang sagot.
“Great, ipagda-drive nalang kita and then we can have dinner after. So paano I’ll see you tomorrow?” sa tono ng pananalita ni Lawrence para bang pumayag na siya sa gusto nitong mangyari.
“O-Okay” aniyang hindi napigilan ang matawa ng mahina saka na naputol ang linya pagkatapos.
Kahit hindi niya aminin, alam niyang excited siya para sa kinabukasan. At hindi niya alam kung kasalanan ba sa Diyos o sa yumao niyang nobyo na hindi niya ito naiisip sa mga pagkakataong kasama niya si Lawrence. Kagaya nalang kanina.