MAGKAKASUNOD na katok ang gumising kay Lawrence kinagabihan. Hinagod niya ng tingin ang paligid. Nakatulog pala siya sa sala, sa center table naroon ang ilang basyo ng beer na ininom niya kanina. Sa apartment niya siya nagtuloy nang manggaling siya sa unibersidad. Buo na ang pasya niya, babalik na siya sa kanila. Uuwi na siya ng Don Arcadio.
Nang muling marinig ang magkakasunod na katok sa pinto ay tila ba noon lang siya nagising mula sa mahimbing na pagtulog. Wala siyang inaasahang bisita kaya patamad niyang binuksan ang pinto. Agad na lumukso ang puso niya nang mapag-alaman kung sino ang nakatayo sa labas. Pero gaano man ang pagnanais niyang yakapin at halikan si Anya ay ganoon rin katindi ang ginawa niyang pagkontrol sa sarili.
“H-Hi” kung hindi lang tahimik baka hindi niya narinig ang sinabi nito.
“Come in” ang malamig niyang sagot.
HINDI niya maintindihan kung bakit biglang nag-init ang mukha niya nang marinig ang tunog ng knob ng pinto matapos siyang patuluyin ni Lawrence. “L-Lasing ka?” tanong niya saka pinaglipat-lipat ang paningin sa binata at sa ilang basyo ng beer na nakapatong sa center table.
Umiling ito. “Bakit ka nandito?” ramdam niya ang kalamigan sa tinig ng binata at nasaktan siya doon pero hindi naman niya ito masisisi.
“Gusto kitang makausap, tungkol sa nangyari kanina. Okay na si Tristan, mabuti nalang nadala siya kaagad sa ospital kundi__”
“Kundi ano? Baka namatay na siya?” tuya sa kanya ng binata. “iyon lang ba ang sasabihin mo? Makakaalis kana, marami pa akong gagawin” pagtataboy sa kanya ni Lawrence sa mahinahong tinig.
“A-Anong gagawin mo? Tutulungan na kita para mabili__”
“Pwede ba Anya! Tigilan mo na ako! Kasi masakit na eh, ang sakit-sakit na!” nagulat siya nang magtaas ng tinig ang binata.
Noon mabilis na namasa ang kanyang mukha nang hindi niya napigilan ang mapaiyak. “I-I’m sorry Lawrence, hindi ko sinasadya. I’m sorry kung nasigawan kita kanina, huwag ka ng magalit sakin please?”
Nakita niya ang sakit na gumuhit sa mukha ng binata. “Anong akala mo sa akin bata? Masasaktan at magagalit dahil lang sa simpleng pagsigaw mo?”
“P-Pero bakit mo ako pinapaalis? Anong ibig mong sabihin?” aniya sa patuloy na pag-iyak.
Tumingala si Lawrence saka siya muling hinarap at nagsalita. “Gusto mong marinig ang totoo?” nanghahamong tanong sa kanyang ng binata.
“Oo, ano ang totoo?”
“Break na tayo! Ayoko na!” halos madurog ang puso ni Anya sa malakas na pagkakasabi ni Lawrence ng mga salitang iyon.
“A-Anong sinabi mo? Nakikipag-break ka sa’kin?” puno ng hinanakit niyang tanong.
“Hindi tayo para sa isa’t-isa. Naiintindihan mo? Oo mahal kita, mahal na mahal kita at alam ko sa sarili kong kahit ilang taon, kahit kaninong babae hindi ko na mararamdaman ang ganitong pagmamahal, hindi parin talaga tayo pwedeng magsama!” parang kulog na dumagundong sa pandinig ni Anya ang sinabing iyon ni Lawrence.
Umiiling siyang napahagulhol ng iyak. “Hindi totoo iyan, bakit hindi tayo pwedeng magsama?”
“Hindi mo ba nakita ang reaksyon ni Tristan kanina ha? Hindi lang kaibigan ang tingin niya sayo! Mahal ka niya! Hindi mo ba napapansin iyon? Ngayon, kung ikaw ang nasa katayuan ko anong gagawin mo? Alam mo ang kundisyon niya! Hindi ko kayang may buhay na maisasakripisyo nang dahil sa akin. Kaya habang maaga pa tapusin na natin ito” nasa tono ng binata na desidido ito sa sinabi nito at doon siya naalarma.
“No! No! Hindi ako papayag, ayoko!” ang humahagulhol niyang protesta.
“Kaya mo, believe me, kakayanin mo ito. Dahil sa ating dalawa, alam mo sa sarili mo mismo na ako ang mas higit na masasaktan” natigilan siyang hindi nakapagsalita sa sinabing iyon ng binata. “kahit minsan naman wala kang sinabing mahal mo ako. Oo nahahalikan kita, nayayakap. Pero iyong salitang gusto kong marinig mula sa’yo, parang kailangan ko pa yatang limusin?” puno ng hinanakit ang tinig ni Lawrence at iyon ang tila sumasakal sa kanya.
“Hindi totoo iyan, mahal kita. Hindi ko lang sinasabi sa’yo kasi hinihintay ko ang tamang panahon. Kasi masyado pang maaga” giit niya sa pagitan ng pag-iyak.
Tumawa ng mahina ang binata. “See? Kailan ba ang right time na hinihintay mo? Sa isang taon? Tapos ngayon sinasabi mo sa akin iyan dahil ayaw mong mawala ako? Bakit kita paniniwalaan Anya? Bakit?”
“Kasi iyon ang totoo, mahal kita! Maniwala ka naman sa akin please?” ang nagsusumamo niyang iyak.
Sa matagal niyang pagkakatitig sa mukha ng binata ay noon niya nakita ang pagkislap ng butil ng luha sa mga mata nito. Pero mabilis iyong pinahid ni Lawrence saka muling nagsalita sa mas pinatatag na tinig. “Sige na, bumalik kana kay Tristan, mas kailangan ka niya kaysa sa akin” balik na sa karaniwan nitong mabait na tinig.
“Ayoko! Dito lang ako hindi ako aalis! Kahit itaboy mo ako hindi ako lalayo sayo, doon parin ako sa lugar na maabot ka ng paningin ko. Kasi mahal kita, mahal na mahal kita. Kahit ayaw mong paniwalaan iyon ang totoo” ang iyak niya sa kalaunan ay nauwi na sa palahaw nang isubsob niya ang mukha sa sarili niyang mga palad.
Ilang sandaling nanatili siya sa ganoong ayos. Nagpatuloy sa ganoon pag-iyak nang maramdaman niya ang pagkabig sa kanya ni Lawrence saka mahigpit na niyakap. “Stop crying please? Pinapatay mo ako” anas ng binata nang ilayo siya nito saka masuyong hinaplos ang luhaan niyang mukha.
“I love you so much, kiss me. Please?” pakiusap niya sa kaparehong timbre ng boses na ginamit ng binata.
Nakita niyang nagpakawala ng malalim na hininga si Lawrence saka siya matagal na pinagkatitigan. “Oh damn!” anito nang marahil hindi makatiis saka siya maalab na hinalikan.
Para sa kanya iyon na yata ang pinakamaalab na halik na ipinadama sa kanya ni Lawrence. At siya man ay nasorpresa sa ginawa niyang mainit na pagtugon sa kapusukan ng binata. Habol pa niya ang hininga nang pakawalan ni Lawrence ang mga labi niya.
“Make love to me” aniya saka kinabig ang batok ng binata para sa isang mas mainit pang halik.
Nang pangkuin siya ng binata ay inisip niyang iyon na ang sagot nito sa kahilingan niya. Nanatiling magkahinang ang kanilang mga labi nang ilapag siya ng binata sa malambot na kama. Napuno ng excitement ang dibdib niya nang simulang kalasin ni Lawrence ang butones ng suot niyang blusa. Napapikit pa siya nang maramdaman ang mainit nitong palad sa ibabaw ng kanyang dibdib.
“I love you” bulong ng binata sa kanyang tainga.
“I love you more” aniya saka nakangiting hinaplos ang napakagwapo nitong mukha.
Nakita niyang pumunit ang matamis ngunit malungkot na ngiti sa mga labi ni Lawrence. “Forever, I will love you” pagkasabi niyon ay saka siya muling niyuko para sa mas matagal at maalab na halik.
“Sa tingin mo ba kakayanin natin ang sakit, at mabuhay nang magkalayo?” hindi niya napigilang ang muling mapaluha sa tanong na iyon nang maramdaman niya ang matinding sakit na gumuhit sa kanyang dibdib.
“Hindi magiging madali, hindi ko rin alam kung kakayanin ko” amin sa kanya ng binata saka nito buong pagmamahal na hinaplos ang kanyang noo. “alam mong mahal na mahal kita. Palagi mong iisipin iyon, kung kinakailangan magmahal ka ulit gawin mo. Hindi kita pipigilan” noon narin nagsimulang umiyak ang binata.
“I’m sorry kung kinakailangan nating mabuhay ng magkalayo, I’m sorry kung wala akong magawa, kung hindi kita maipaglaban. Pero sa kabila ng lahat ng ito one thing is for sure, walang sinuman ang makapagpapabago ng pagmamahal ko sayo, kahit ang mundo pa mismo.”
“L-Lawrence” aniyang kinabig ang binata saka niyakap ng mahigpit.
Ang totoo higit pa sa halik ang inaasahan niyang gagawin sa kanya ni Lawrence, pero nagkamali siya. Dahil pinatunayan lang sa kanya ng binata ang pinauna na nitong sinabi sa kanya noon. Hindi siya nito gagawan ng masama at mas higit na ligaya ang naramdaman niya nang nagmistulang musika na siyang naghehele sa kanya ang mabilis na t***k ng puso ng binata.