NAGISING si Anya kinabukasan na wala na ang binata sa tabi niya. Mabilis siyang napabalikwas ng bangon saka pagkatapos ay nilamon ng kaba at takot ang kanyang dibdib. Nag-iinit ang mga mata niyang binuksan ang cabinet ng damit ni Lawrence para lang mapahagulhol nang iyak nang makitang napakalinis niyon at wala na ni isang piraso ng damit at gamit ang natira.
Impit siyang napahagulhol sabay naupo sa tinulugang kama. Wala na ang lalaking pinakamamahal niya, iniwan na siya. Gusto niyang magalit pero bakit parang hindi nagkakapuwang iyon sa puso niya? Dahil ba alam naman niya ang dahilan kung bakit ito nagawa ng binata sa kanya? At alam niya mismo sa sarili niyang pareho lang silang nasasaktan?
Nagpahid siya ng luha saka lumabas ng silid. Sa sala agad na nahagip ng paningin niya ang isang papel sa ibabaw ng center table. Malalaki ang mga hakbang niya iyong nilapitan, dinampot at binasa.
Anya,
Alam mong pareho tayong hindi magiging masaya kung may isang taong patuloy na mahihirapan. Or worst pwedeng mapahamak. I’m sorry,alam ko nauunawaan mo dahil higit kaninuman ikaw ang inaasahan kong pinakamakakaunawa. Gawin natin ito para sa kaibigan natin, at hayaan nating tadhana ang magpasya para sa kapalaran nating dalawa.
Masaya na akong narinig mula sayo na mahal mo ako. Alam ko hindi ganoon katagal ang pinagsamahan natin but you have given me so much to remember. Ipagdarasal ko ang muli nating pagkikita. And when that happens, we can continue our journey to forever.
Please don’t hate me, mahal kita. And I will love you, forever. Hanggang sa muli nating pagkikita.
Lawrence
Muling namasa ang mga mata niya dahil doon. Saka nakangiting niyakap ang sulat na parang si Lawrence iyon. Oo, nauunawaan niya ang lahat, at hindi siya galit sa binata. Hindi siya galit dahil alam niyang totoo ang pagmamahal na mayroon sila. Isang uri ng pagmamahal na nakatitiyak siyang kaya niyang baunin hanggang kamatayan, hanggang magpakailanman.