Kabado si Raine habang sinisipat ang suot niya sa salamin. Dumating na naman ang araw na kinakatakutan niya, ang christmas vacation.
Ayaw na sana niyang mag-empake. Pakikiusapan na lamang niya sana si Mr. Leo na kahit sa Pasko na lang siya pumunta sa bahay ng mga ito pagkatapos ay uuwi rin siya sa CHF sa gabi. Pero mapilit si Ms. Monet. Kailangan daw ay ipakita niya kay Mr. Leo ang pag-appreciate niya sa mga bagay na ginagawa nito para sa kanya. Tutal naman daw at isang linggo lang sa isang taon ang pakikipanirahan niya sa guardian niya at sa pamilya nito.
Kaya naman heto siya ngayo, nakaharap sa salamin at sinisipat ang sarili kung maayos na ang itsura niya.
"Uy girl! Kanina ka pa diyan a. Kahit pa magbabad ka ng ilang oras diyan, hindi na magbabago ang itsura mo!" ani Kira na nakapamaywang sa pinto ng kwarto niya.
Nakangisi siyang lumingon dito. "Alam ko, Kira. Naguumapaw ako sa kagandahan."
Nanikwas ang nguso ng bakla,. "Magkape ka nga para tablan ka naman ng hiya! Puro kagandahan mo na lang ang bukambibig mo ah!"
"E alangan namang kagandahan mo?"
"Siyempre, kung ikaw nag-uumapaw ang kagandahan, ako bumabaha ang kagandahan ko sa sang kalupaearth."
"Sa’n banda? Turo mo,” asar niya sa kaibigan.
Umirap si Kira. "Bruhilda ka talagang babaita ka! Ang lakas mong mang-asar a. Sige lang, manawa ka kaka-api sa kagandahan ko. Bawing-bawi ako mamaya ‘pag umeksena na si Madam Dragonica."
Agad na nalukot ang mukha niya, napairap din siya nang wala sa oras. Ang Madam Dragonica na tinutukoy nito ay si Ms. Rosie ang asawa ni Mr. Leo.
Mataray ito. Strikta. Animo laging may stiff neck sa taas ng chin-up tuwing nakikita siya. Noong bata siya, narasan niyang mapalo at makurot nito. Pero wala nang sasakit pa sa mga salita nitong makalusaw ng pagkatao.
Tinawag siya nitong anak sa labas, putok sa buho, oportunista, at kerengkeng.
Anong alam niya sa pagkerengkeng, kinse lang siya! Well technically, magsi-sixteen na siya. Birthday na niya next week, New Year's Day.
Madumi ang utak ni Madam Dragonica, kaya kuntodo iwas siya. Masakit din sa bangs kapag nakikipagusap ito sa kanya kasi naman minsan nagi-Italian ito. Gaya niya, half-French/Italian ito, pero laking Milan kaya matatas itong mag-italian. E siya, sa ganda lang talaga siya mukhang Italyana.
Mayamaya pa, may bumisina na sa baba. Tiyak niya iyon na ang sundo niya. Agad na tinambol ng kaba ang dibdib niya. Makailang-ulit siyang huminga ng malalim bago lumabas ng kwarto. Kaagapay niyang bumaba ng hagdan si Kira. Nasa puno na siya ng hagdan nang iabot sa kanya ni Kira ang malaking takip ng kawali.
"Para sa’n to?" taka niyang tanong sa kaibigan.
"Pag nagbuga ng usok ang dragon, gawin mong shield!" natatawang paliwanag nito.
Pinigil niya ang mapahagikgik. "Siraulo ka talagang baklita ka," aniya bago marahang itinuktok sa ulo nito ang takip ng kawali. "Nand’yan si Mr. Leo mamaya marinig ka!" saway pa niya sa baliw na kaibigan na tawa nang tawa.
"Oo na,sige na! Pinapatawa lang naman kita, girl. Basta may idea ka na kung sakaling magbuga ng apoy. Text mo ko girl, ha?" pahabol pa nito.
"Oo na, babye na!"
Agad siyang tumakbo patungo sa lobby ng CHF. Naroon na din ai Ms. Monet. Napabaling siya sa kotseng nakahimpil sa tapat ng gate ng CHF. To her disappoinment, hindi si Mr. Leo kundi si Carlo ang sundo niya. Kilala niya ang kotse nitong muntik ng sumuro sa kanya noong isang linggo.
"Magpapakabait ka do’nRaine ha?" bilin ni Ms. Monet.
"Opo, Miss. M-Mauna na po ako." paalam niya sa direktora.
Huminga siya nang malalim bago binuksan ang pinto ng passengers seat. Agad siyang umupo at ipinatong sa mga binti ang gym bag na naglalaman ng mga damit niya.
"Hello!" nakangising bati ni Carlo sa kanya habang minamaniobra nito ang manibela palabas ng ampunan.
Natigilan siya, napangiwi pagkatapos ay napanganga.
Bumukas ba ang langit at bumaba ang mga anghel? Anong sabi nito? Hello daw?
Milagro! Ngayon palang ito na- hello sa kanya.
Para tuloy siyang tanga na napatitig dito. Clean cut na ang gupit nito. Hindi gaya nang huli silang magkita na abot pa sa leeg ang buhok ito. Kumpleto tuloy ang porma nito sa pagiging sanggano noon. Naroon pa din sa kanang tenga nito ang maliit na silver hoop earring. Pero in fairness, mas gusto niya ang itsura nito ngayon.
Maginoo pero medyo bastos.
Napakurap-kurap siya napaluok bago itinuon ang mata sa daan.
Jusko! Sa’n nangggaling ang mga iniisip niyang iyon? Mamaya talaga sasadyain niyang magdadasal sina iadya siya nawa ng Diyos sa sumpa ni Gian Carlo LaRue Reyes.
"Wala ka man lang bang sasabihin?" pukaw nito sa kanya mayamaya
"H-Ha?"
"I said hello to you, Wala ka bang sagot?" anito, ang mga mata nasa daan.
"Hi?"
"Ano ba naman ‘yan, walang kabuhay buhay!" reklamo nito.
Napairap na siya. "May sakit ka ba?" tanong niya, iritado.
"Bakit?"
"Nagbabait-baitan ka e. Sa school naman hindi mo ko kinakausap kahit magbanggaan pa tayo sa lobby."
He smirked. "Bakit gusto mo ba na nag-uusap tayo sa school?"
"H-Hindi a!" tutol niya.
Ayaw niya itong makausap sa school dahil dadagdag na naman ito sa mga chismis na pinagtitiisan niya sa SGA. Suki siya ng chismis. Marami kasing marurumi ang utak sa SGA. Konting kausap lang, kinabukasan naka-headline na sa imaginary chismis board na may ka-something na naman siya. Ewan ba niya kung bakit gano’n mag-isip ang mga estudyante ng SGA. Mahilig lahat sa intriga. Pati rin si Carlo suki rin ng chismis dahil sa dami ng mga nahuhumaling na babae rito. Kaya ayaw niya ring magkakalapit man lang silang dalawa sa school. Treating Carlo a invisible would mean one less thing to care about.
"O ‘yon naman pala e. At saka wala namang batas na nagsasabing hindi kita pwedeng kausapin sa labas ng school ‘di ba?"
Napabuga siya ng hangin. Kahit talaga kailan hindi uubra ang katabilan niya rito. Pinili na lang niyang manahimik. Baka kasi kung saan saan na naman mapunta ang pag-uusap nila at hindi niya mapigilan ang sarili ng sapukin ito.
Mayamaya pa, huminto sila sa harap ng isang fast food chain.
"Bakit tayo dito?" takang tanong niya.
"Natural kakain."
Napairap siya. Pilosopo talaga. Kagigil
"E bakit dito pa po? Doon na lang sa bahay niyo po, pwede?" aniya na pigil na pigil pagtataray. "Baka hinihinitay na tayo─"
"Wala sila kaya ako ang sumundo sa ‘yo. Three days sila Mom at Dad sa Manila. May inaasikasong importanteng papeles si Dad. Kaya bumaba ka na nang makakain na tayo.” Sinipat nito ang writswatch nito bago muling bumaling sa kanya. “It's almost lunch. Hindi pa ‘ko nagb-breakfast.”
Nanlaki ang mga mata niya. Jusko! Sila lang dalawa sa bahay nito? Well, technically apat, dahil may dalawang maid ang mga Reyes. But still, may maids quarters ang mga ito na nakahiwalay sa main house!
Ibig sabihin tatlong araw niyang pagtitiisan na kausapin ang matigas na mukha ng mayabang na si Carlo? Napalunok siya. Kung mamalas-malasin ka nga naman.
Dumiretso siya ng upo at ibinaling sa labas ng kotse tingin. "B-baka may makakita sa atin dito na magkasama, iba na naman ang tsismis," alanganin niyang sabi.
His brows furrowed."Akala ko ba wala kang pakialam sa sasabihin ng tao?"
"Wala nga. Pero ayoko na may itsi-tsismis na naman sila sa ‘kin. Masyado nang magulo ang buhay ko para dagdagan ng isa pang tsismis lalo na kung kasama ka sa kwento," pairap na depensa niya.
Natawa ito. "Ayaw mo no’n sikat ka na ‘pag na-tsismis tayo," he said cockily.
Nalukot ang mukha niya. Kakaiba rin talaga ang confidence level nito. Abot hanggang heavenly bodies. Hindi na niya ma-reach!
Bumaba ito ng kotse at umikot sa gawi niya. Pinagbuksan siya ng pinto ng kotse.
Lalo siyang nataranta. "D-Do’n na lang tayo sa bahay ninyo. Ano… m-mas tipid. Dito mapapagastos pa tayo," alanganin niyang paliwanag.
Pumalatak ito. "Ang kuripot mo talaga! ‘Wag kang mag-alala libre kita. Tara na!"
Hinila na siya nito palabas ng kotse. Wala na siyang nagawa kundi ang sumunod na lang dito papasok ng fast food.
Ang San Gabriel ay isang progresibong lugar sa isang lalawigan sa Gitnang luzon. Maraming establisyemento, magagarang sasakyan, at pugad rin ng mga burgis at elitist. ‘Yon nga lang, marami ring chismosa.
Sikat sa San Gabriel ang mga Reyes. They own the largest Ranch on that side of the country that produces thoroughbred horses. Kilala din ang pamilya Reyes sa pagkakawang-gawa. Pero ang pinakasikat sa mga ito ay si Gian Carlo Reyes. Ang nag-iisang anak nina Mr. Leo and Ms. Rosie Reyes. Sikat ito dahil sa taglay nitong kaguwapuhan at fighting skills. Marami ang naghahabol dito at talaga namang sikat ang sino mang babaeng mapapadikit dito. Oo, sikat! Sikat api-apihin ng mga babaeng naloloko rito.
At iyon ang kinakatakot niya. Magulo at mahirap na nga ang buhay niya, pahihirapan pa ba niya? Gusto niya invisible lang siya. Mas madali ang buhay ng ganoon.
Ipipiksi niya sana ang kamay nitong nakahawak sa palapulsuhan niya pero mahigpit ang pagkakahawak nito. Nang tuluyan silang makapasok sa fast food, agad na nagsilingunan ang mga kumakain doon, matik din ang bulong-bulungan. Mabilis niyang ginulo ang buhok niya at tinakpan ang mukha niya na parang si Sadako.
Shit naman kasing buhay to e! Kailangan ko pa talagang magpa-pangit! Lihim niyang ngitngit.
Narinig niyang umoorder na sa counter si Carlo pero hindi pa rin nito binibitawan ang kamay niya. Nang bumaling ito sa kanya, bahagya pa itong napaigtad.
"Fck! What's with you?" iritadong tanong nito.
Tumingkayad siya at binilungan ito. "Marami kang nabiktima dito, ‘no? Ang daming nakairap sa akin ngayon o. Ayokong makita nila ang mukha ko. Baka gawan nila ako ng wanted sign because I’m with you."
Nalukot ang mukha nito. "You're a nutcase!"
Umirap siya. "Pakialam mo, ha? Bilisan mo na umorder! Sinabi na kaisng hindi ako kumportable na kasama ka e."
Naiiling itong muling bumaling sa cashier. Mayamaya pa, binitawan nito ang kamay niya at binuhat ang tray na naglalaman ng mga inorder nito. Inis siyang napasunod dito.
"Puwede bang ayusin mo ‘yang buhok mo? Para kang si Sisa!" inis na utos nito sa kanya nang makaupo na sila. Umirap siya pero sinunod din niya ang utos nito.
"That's better," komento nito, nangingiti. "Now eat!" muling utos nito.
Nanikwas na ang nguso niya. Kulang na lang kasi sabihin nitong sit, jump, roll, fetch at papasa na siya, papasa na siyang aso sa kakautos nito.
Patamad niyang kinuha ang burger at nagsimulang kumagat doon.
"So cheap! ‘Di ba last week si Daryl ang na-link sa kanya habang sila pa ni Mike? Tapos si Gian naman ngayon," pabulong na komento ng isang babae na nakaupo sa likuran niya.
"Matindi ang pangangailangan. Papasok-pasok kasi sa SGA wala namang pang-tuition." komento pa ng isa.
"Kaya nga. Eto pa ha? Sabi ni Mom, she's also into older man. Meron daw ‘yang sugar daddy. Gosh! Sooo desperate!" dagdag pa ng isa.
Napatigil siya sa pagnguya. Napakurap-kurap siya at nagbuga ng hangin. Ito ang mga usap-usap na ayaw niyang marinig kaya mas pinipili niyang laging mapag-isa. Iyon ang mga tsismis na kahit hindi naman totoo, masakit pa rin kapag narinig mo. Maraming mapanghusga sa San Gabriel. Na ang turing sa mga gaya niyang walang kayamanan ay basura at walang karapatang respetuhin. Kumuyom ang mga palad niya. Gusto niya sanang lingunin ang mga elitistang chismosa pero parang ayaw na rin niya. Baka hindi niya kasi mapigilan ang sarili niya na gantihan ang mga ito.
Nagulat pa siya nang bigla na lang tumayo si Carlo at naglakad papunta sa likuran niya─ sa table ng mga elististang chismosa. Nilingon niya ito.
"Hi girls!" bati ni Carlo sa mga ito. Matik na parang mga aso na kumawagkawag ang buntot ng mga ito. "Mind if I join you?"
Sabay-sabay na napailing ang mga ito. Umupo si Carlo sa bakanteng upuan sa tabi ng mga ito at sumubo ng fries na nakalapag sa mesa.
Umikot ang eyeballs niya. So, pakikipag-flirt lang pala ang plano ng mayabang kaya sila nagpunta doon? At dahil sa kagustuhan nitong makipag-flirt, tinitiis njya ngayon ang malait-lait ng mga makikitid ang utak.
Lihim siyang nagngitngit. Kung hindi lang niya alam na magaling si Carlo sa martial arts, hahamunin niya talaga ito ng suntukan e.
Nagbuga siya ng inis na hininga bago umayos ng upo at nagpatuloy sa pagkain.
"What is it that you're saying again?" mayamaya ay tanong nito sa mga chismosang elitist. Pasimple siya muling lumingon.
"W-what?" sabay-sabay na sabi ng mga babae, taranta.
"I heard you're talking about my date. And...." Humalukipkip ito, sumandal sa upuan at ngumisi.
Napakurap siya. Date? Ako ba ‘yon?
Napangiwi siya. s**t naman! Pahamak talaga 'tong lalaking to!
"Nagtataka ako how a lowlife like the three of you were accepted at SGA?” Dahan dahan itong umiling. "I know your families."
Tinuro nito ang unang babae. "You, you're Dad have a mistress and your Mom has been keeping it to you." Bumaling ito sa isa pa. "You, your mom used to p********e herself to rich men and plans to make you like her." Bumaling ito sa pangatlo. "And you. Do you know your business is on the verge of bankcruptcy? Don't answer that, I know you're gonna lie." Ngumisi ito pagkatapos tila nag-eenjoy sa mga itsura ng mga kaharap na pulos nakanganga at namumutla.
Natawa ito, sarkastiko. "Truth hurts right? So, stop talking s**t about other people lest you’re perfect yourselves!" Mahina ngunit may diin na sabi nito, pagkatapos ay tumayo.
Walang anu-ano ay hinila siya ulit palabas ng fast food. Hindi na niya nabitbit ang burger niya.
"T-Teka," naguhuluhan niyang sabi.
"Sakay!" galit na utos nito nang makarating sila sa sasakyan.
Agad siyang tumalima. Ang balak niyang pag-angil sana rito dahil iniwan nila ang grasya sa loob ng fast food ay agad na nalusaw nang makita niya ang madilim na mukha nito.
Malayo-layo na ang nalalakbay nila nang bigla itong magpreno. Salubong ang kilay na humarap ito sa kanya.
"Totoo ba lahat ng sinabi nila kanina?"
Nalukot ang mukha niya. Ano, pinagtanggol siya para solong-solo nito ang panlalait sa kanya?
"Siyempre hindi," inis na sagot niya. "Pinagtanggol mo pa 'ko, hindi ka naman pala naniniwala! May sayad ka?" nanlalaki ang matang singhal niya rito.
Pinakatitigan siya nito bago umilimg at nagbuga ng hininga. "I really wonder where Dad got you?"
"’Di ba nga, distant relative niyo ako?” depensa niya.
"Hindi ako naniniwala."
"E ‘di 'wag! Wala namang magbabago kung maniwala ka o hindi, ‘di ba?" Umirap siya, humalukipkip bago inis na sumandal sa upuan. Nagbuga naman ito ng hininga bago muling pinaandar ang sasakyan.