Halos gapangin na ni Raine ang pag-akyat sa hagdan patungo sa kanyang kwarto. Kagagaling lang niya mula paglalakad pauwi galing SGA.
Nilalakad lang niya ang papunta sa SGA at pauwi ng CHF dahil halos pitong kanto lang naman ang layo ng SGA sa CHF.
Pagoda. ‘Yan ang laging drama ng buhay niya. Kasi naman, gusto niyang yumaman nang bongga. Hindi lang para sa kanya kundi na rin para sa mga bata sa CHF. Mayroong 30 na bata na kinukupkop ang foundation. Lima sa mga ito ang may sakit at pawang mga abandonado.
Kaya todo kayod din si Raine, para kahit papano makatulong sa CHF na naging tahanan na niya sa loob ng sampung taon.
Pahirap na pahirap na rin kasi ang pagkuha ng mga sponsors at donors para sa foundation. Minsan naririnig niya si Ms. Monet at Ms. Dianne na nag-uusap tungkol sa mga bayarin ng foundation. At kahit anong gawin na paglilihim ng mga ito, ay alam niya na nagkukulang ang pondo ng CHF para i-cover ang mga gastusin ng foundation.
She actually donates half of her monthly allowance to CHF. Noong una ay ayaw tanggapin ni Ms. Monet dahil baka daw magalit si Mr. Leo. Pero nagpumilit siya, her monthly allowance is actually worth three months of her monthly expenses. Aanhin naman niya ang sobra?
Marahang ipinihit ni Raine ang doorknob ng kanyang kwarto. Agad siyang dumiretso sa pang-isahang kama at niyakap ang stuff toy niya. Dahan-dagan siyang nagbuga ng hininga at tumihaya, ang mga mata ay nasa kisame.
Nakakapagod maging mag-isa. Kaya ramdam niya ang pinagdaraanan ng mga batang abandonado sa CHF. Kasi siya, lumaki rin siyang walang magulang.
Ni hindi man lang niya maalala ang kanyang mga magulang. Tinanong na niya iyon noon kay Dr. Andrew, ang doktor niya. Ang sabi nito na may selective ammesia raw siya. Probably a result of a traumatic experience.
Napapikit siya.
Bakit ba kasi wala siyang maalala? Ano ba talaga ang nangyari?
In her heart she wanted to know her roots. But because she doesn’t know where to start, it's not on top of her list. But she promised herself that she'll surely do to that in the future.
Mayamaya pa, nakarinig siya ng katok sa pintuan at ang marahang pagpihit niyon.
"Girl! Hilata na naman?" nakairap na puna ni Kira sa kanya. Nakapigtails ang maikli nitong buhok.
"Siyempre pagoda. ‘Wag mo muna akong asarin pwede? Magre-recharge lang ako promise," aniya na hindi natinag sa puwesto niya.
Tumikwas ang nguso ng bakla. "Pa’no ka hindi mapapagod, kulang na lang pati utang ng buong Pilipinas bayaran mo na sa OA mong pagbabanat ng buto a? Imbes na pagpapaganda ang inaatupag mo, puro ka sideline dito, sideline doon. Aba daig mo pa si Madam Selya?"
"Selya?" nagtataka niyang tanong.
"Selya, ang babaeng walang pahinga," madramang sagot ni Kira, niyapos pa kunwari ang katawan at ngumuso.
"Eewww! Ampangit mo!" nandidiri kunwari na kantayw niya bago bumangon sa kama. "Lumabas ka na nga. Magpapalit lang ako tapos baba na ‘ko. Mauna ka na sa kusina. Sigurado nagluluto na si Tito Boy at Tita Letty." Ang tinutukoy niya ay ang mga cook ng CHF.
"Uy, bilisan mo ha? Para maaga tayo matapos then mi-make upan kita ulit," excited na pahayag ng bakla.
Nalukot ang mukha niya. "Make up na naman? Magrereview ako ‘no! O siya, sige na! Labas na! Labas na." Tinulak na niya palabas ng pinto si Kira. Madali siyang nagpalit ng damit pambahay at bumaba sa kusina.
Siya at si Kira ang nakatoka sa pagsusukat ng mga kakainin ng mga alaga ng CHF. Maingat niyang binuhat ang tray na puno ng rasyon ng pagkain para sa mga bata na naghihintay sa dining.
Pulos nakangiting mga mukha ng mga bata na maayos na nakaupo sa dalawang mahabang lamesa ang sumalubong sa kanya sa dining room.
"Magandang gabi nag-iisang Dyosa Raine!" sabay-sabay na bati ng mga bata sa kanya.
Naghagikhikan ang mga ito pagkatapos. Kagabi lang niya kasi tinuro iyon sa kanila at siyempre feel na feel niyang matawag na dyosa!
"Magandang gabi mga pretty and cute little darlings ni Dyosa Raine! " ganting bati niya sa mga ito na kuntodo rin ang ngiti habang inilalapag ang panghapunan ng mga ito sa lamesa.
"Ate Raine, ang ganda ganda mo talaga. Sana paglaki ko maging kagaya kita," nakangiting bati ni Mimi. May leukemia ito at inaalagaan ng CHF.
"Ay, sure na sure na ‘yan, Mimi! Magiging super ganda ka rin gaya ni Ate paglaki mo. Basta magpagaling ka at kumain ka nang mabuti," aniya bago masuyong hinaplos ang pisngi ng bata. Agad na napangiti ang paslit.
"O mga cute little darlings, anong gagawin bago kumain?" tanong niya sa mga bata.
"Magdadasal po!" sabay sabay na sagot ng mga ito.
Agad na nagdasal ang mga ito sa pamumuno ni Ms. Monet. Matapos niyon, puro kalansasingan na lang ng mga kubyeryos ang maririnig sa dining.
Bitbit ang tray, agad namang bumalik sa kusina si Raine kasunod si Kira.
"Hoy bruhilda! Anong kasinungalingan na naman ang pinagtuturo mo sa mga bagets?" si Kira na nakataas ang kilay.
"Tinuturuan ko silang magsabi ng totoo! Honesty is the best policy, Akihiro! Remember that," natatawang sagot ni Raine.
Nalukot ang mukha ng bakla. "Sino si Akihiro?" naeeskandalong sabi ni Kira. Nakapamaywang na ito at tila umuusok ang bunbunan.
"Ikaw! Honesty nga, di ba? Mr. Akihiro Furukawa, sixteen years old from the Land of the rising sun! Jepen!" Napahalakhak siya pagakatapos. Aliw na aliw siya sa dahil lalong lumukot ang mukha ni Kira.
"Akihiro?" Pinandilatan siya ni Kira. "Haler!! Nakapigtails ako o? Nakashorts at blouse. Sa ganda kong ‘to pagkakamalan mo akong min? Juskelerd! Sablay talaga ‘yang Dr. Andrew na ‘yan! ‘Di magamot gamot yang toyo mo!”
Muli siyang natawa. Nakitawa na rin sina Tito Boy at Tita Letty.
"Gusto mo share tayo sa toyo ‘ko? Hindi ko ipagdadamot sa ‘yo," sundot niya ulit.
"Ay ‘di na girl! Ayos lang ako. Iyong iyo na yang kabaliwan mo. Walang Sisa sa Jepen! Di bagay sa fes k,” pairap na sagot ng bakla, marahan pang tinapik-tapik ang pisngi.
Natawa na lamang sila ng mga kasama sa kusina. Basta mukha talaga ang pinag-uusapan, ayaw na ayaw ni Kira ng nao-okray.
Mayamaya pa, biglang may sumungaw na pamilyar na bulto mula sa backdoor. Matangkad ito, matangos ang ilong at naghahalo na ang itim at puti sa buhok nito.
"Mr. Leo!" bulalas niya bago ito nilapitan at nagmano sa may katandaan nang lalaki. Ngumiti ito sa kanya.
"Kumusta ka na, hija?"
"Maayos po. Maayos na maayos po," masiglang bati niya. Bumati rin si Tito Boy, Tita Letty at Kira sa bisita.
"Mabuti naman kung gano’n," anito, bahagya pang ginulo ang buhok niya.
"Bakit po pala dito kayo sa likod dumaan? Nakakahiya naman po dito sa kusina mausok po at medyo magulo,” nakangiwing sabi niya.
"Ayos lang yon, hija. Napansin ko kasi na medyo madilim na at baka abala na kayo sa paghahanda ng hapunan ng mga bata kaya dito na ako dumiretso. Siya nga pala nasaan si Ms. Monet?" tanong nito.
"Nasa Dining Room po. Halika po, sasamahan ko po kayo," prisinta niya, nagpatiuna nang naglakad patungo sa dining.
"Mr. Leo!" bulalas ni Ms. Monet na nakakunot ang noo. Agad itong lumapit sa kanila.
"Dumaan lang ako para ipaalala na susunduin ko si Raine next week para sa christmas vacation niya sa Rancho."
"O-Opo sige po! Ipapaalala ko po ‘yan kay Francine. ‘Wag po kayong magalala," nakangiting sagot ni Ms. Monet.
Napatango-tango si Mr. Leo. "Can we talk in private, Ms. Monet. I have some important things to discuss with you."
"Sure! Right this way Mr. Leo," ani Ms. Monet. "Raine, pakiutusan si Letty na magdala ng juice sa opisina ko. Salamat."
Tumango siya at tumalima sa utos ni Ms. Monet. Matagal na nag-usap ang dalawa. At di mapigilan ni Raine ang magtaka. Inutusan sila ni Ms. Dianne na mauna nang kumain at ito na lang daw ang bahala sa mga bata. Naunang umakyat ng kwarto si Kira. Pagkakain, sumunod siya sa kaibigan matapos ang ilang minuto.
Napadaan siya sa opisina ni Ms Monet. Hindi pa rin ito tapos mag-usap pati si Mr. Leo.
Ano kayang pinaguusapan ng mga ito?
Wala sa sariling inilapit niya sa nakapinid na pintuan ang tenga niya.Wala naman siyang maintidhan masyado. Pulos safety, secret at pondo ang naririnig niya.
‘Wag na nga! aniya nang manawa sa pakikinig sa nakapinid na pinto.
Inatake siya ng guilt pagkatapos. Mukhang seryoso ang mga ito sa pag-uusap e. Hindi siya dapat nage-eavesdrop. Bad manners ‘yon.
Dapat hindi lang ganda at talino ang meron siya. Dapat pati good manners and right conduct din. ‘Yon ang ingredient sa pagiging dyosa na dapat i-embibe niya araw araw.
Nang marating niya ang kwarto, nag-half bath muna siya bago hinarap ang mga aralin. Second day kasi ng exams bukas, kailangan niyang mag-review.
Mayamaya pa, narinig niya ang papalayong sasakyan ni Mr. Leo. Sayang hindi na siya nakapagpaalam. Baka akala nito tulog na siya.
Hindi bale, magkikita naman sila next week. Muli niyang itinutok ang atensyon sa pagre-review.