Bumuhos ang luha nina Celeste at Thamara matapos mabasa ang mensahe ni Cynthia. Hindi nila inaasahan na may mabigat pala itong pinagdadaanan. Wala silang ideya na ganoon pala ang nararamdaman nito lalo pa at sobrang masiyahin nitong tao. Ibang-ipa pala ang totoong Cynthia sa kilala nila. Napahawak si Celeste sa kaniyang dibdib. Naninikip ito. Hindi niya maitatanggi na labis siyang nasaktan para sa mahal na kaibigan. Gusto niyang yakapin ito nang mahigpit. Pero nasaan na nga ba ito? Iyon ang tanong nila sa kanilang isipan. Pagtayo niya sa kaniyang kinauupuan, agad niyang inaya si Thamara na hanapin ang kaibigan nila. Kinakabahan lang siya dahil anumang oras pwede mawala ang kaibigan nila. Katulad ng sabi nito, oras lang ang kalaban nito. Kung kailan ito dalawin ng sariling thoughts nito.