MAAGANG nagising si Martin Tygo kinabukasan. Nakita niyang masyado pang himbing ang asawa kaya inayos niya ang unan nito at kinumutan ang babae bago siya umalis at pumunta ng kusina. Nadatnan niya si Sandra na nagluluto ng pagkain para sa alaga.
"Good morning," bati niya habang umupo sa silya kaharap ng babae.
Medyo nagulat ang babae pero nakabawi rin naman agad. "Magandang umaga ho, Sir Tygo. Gusto niyo po ba ng kape?"
"Sige, dark at walang asukal. Tango niya. Kumuha siya ng prutas sa mesa at tinitingnan ito bago siya nagsalita, "Sandra bakit ang aga mong naghanda ng almusal para kay Clio? Wala pang alas sais oh at tulog mantika pa ang alaga mo."
Matipid na ngumiti ang babae. "Medyo nagamit po niya ang emosyon kagabi kaya siguradong gugutumin ho siya ngayon."
Napakunot-noo siya. "Sandra, hindi ko malaman kung ano ang dapat kong maging reaksyon sa ginawa niya kagabi."
Mapakla ang ngiti ng babae pero hindi ito nagsalita bagkus ay ipinagpatuloy nito ang pagtimpla ng kaniyang kape. Nang abutin ni Martin Tygo ang kape ay tiningnan niya ang sariling repleksyon sa likido. "Sandra, anong ibig sabihin ng aksyon ni Clio kagabi? Bakit nagpanic siya at kumuha ng maraming pagkain at dinala sa kwarto?"
Napakamot ng ulo si Sandra. "Hindi po ako sigurado kung dapat ko ho bang sabihin sa inyo."
"Bakit?" nagtatakang tanong niya. "Paano ako mag-aadjust sa relasyon namin kung wala akong alam sa bagong Clio Xanthe na dumating sa aking pamamahay? She was not the same as before."
Napakagat labi si Sandra at tila nag-iisip kung dapat ba niyang isaliwalat sa lalaki ang totoo.
"Sandra may kinalaman ba ito sa mga Vivocente?"
Tahimik na tumango ang babae.
Bumuntong hininga si Tygo. "Base sa aksyon ni Clio kagabi, was she always deprived from eating?"
Nabigla si Tygo nang makitang tahimik na tumulo ang mga luha sa mata ni Sandra. Tila ba may gusto itong sabihin pero nagdadalawang-isip kung karapat dapat ba siyang sabihan.
"Sandra, alam kong kay Clio ang loyalty mo pero ako ang asawa niya at may karapatan akong malaman kung bakit ganito ang mga aksyon ni Clio.” Humigop siya ng kape bago nagsalita ulit, "I don't want to be left in the dark when it comes to my wife. Nagkakaintindihan ba tayo?"
Tahimik na tumango si Sandra .
"Uulitin ko ang tanong ko. Was she deprived from eating before?"
"O-opo sir," halos na bulong na sagot ni Sandra. "Si-sir, mabait naman ho si Ma'am Clio pero masyado lang ho siyang spoiled noon.Pero hindi na ho siya katulad ng dati pagkatapos ng aksidente. Kaya pagpasensyahan niyo ho ang lumalabas sa bibig o mga ginagawa niya."
"Sandra , alam mo naman siguro ang danyos na binigay ni Clio sa ibang tao, ‘diba?" Medyo may inis sa tinig ni Tygo ng maalala ang mga nagawa ng asawa niya dati. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili bago nagsalita, "Anong mga instances kung bakit siya ginutom? Baka kasi gawin niya ulit at gusto kong malaman ang mga trigger factors."
"A-ano ho.” Napakamot na naman sa ulo si Sandra .
"Sandra ..."
"Ginutom ho siya ng ilang araw nina Ma'am at Sir noong nagdesisyon silang ipakasal siya sa inyo," nanginginig na balitai ng babae.
"Ano?" Napanganga siya. "Ulitin mo nga ang sinabi mo, Sandra . Medyo hindi ko naintindihan."
"Gusto nila ni Sir at Ma'am na ipakasal siya sa inyo po pero ayaw po ni Ma'am Clio," sagot ni Sandra .
"Ayaw niya?" tanong ni Tygo.
"Gusto ho kasi niyang mag-aral pero ayaw ng mag-asawa. Kinulong ho siya sa kwarto ng ilang araw para raw pumayag siya. Inutusan ho kami lahat na huwag puntahan o bigyan ng pagkain si Ma'am Clio," kuwento ng babae.
"Anong ginawa ni Bastien?" nagtatakang tanong niya.
"Wala na po si Sir Bastien sa bansa," sagot ni Sandra. "Kontrolado ho kami ng mag-asawa sa bahay kaya hindi kami makasumbong kay Sir Bastien.”
“And?”
“Nalaman ko po na kumakain ng papel at umiinom ng tubig galing banyo si Ma’am Clio.” Nakatungo ang babae na tila nasasaktan ito para sa alaga.
Namilog ang mga mata niya sa narinig. Hindi niya akalaing ganoon ang gagawin ng mag-asawang Vivocente sa unica hija nila. "Pero diba paborito nila si Clio?"
"Sir, nagbago ho ang lahat nang magising si Ma'am Clio mula sa aksidente," mahinang sabi ni Sandra.
Maraming mga katunungan si Martin Tygo pero alam niyang hindi lahat ay masasagot ng yaya ni Clio. Ang ipinagtataka niya lang ay kung paano napa-'oo' si Clio sa pagpapakasal sa kaniya. "Sandra ilang araw bago pumayag si Clio?"
"Mga tatlong araw ho kung hindi ako nagkakamali," sagot ng babae.
"Tatlong araw siyang kumakain ng papel?" bulas niya. Hindi niya akalaing umabot sa ganoon.
"Eh s-sir, ano ho kasi, ‘yong anak ko si Marcu," sagot ni Sandra, "hindi niya matiis si Ma'am Clio kaya pasikretong binibigyan ng pagkain. Pero nalaman ho ni sir Donovan kaya..." Napaiyak na ng tuluyan si Sandra .
"Kaya...?"
"Binugbog po si Marcu sa harapan ni Ma'am Clio," mapait na sagot ng babae, "kaya po pumayag si Ma’am sa pagpapakasal sa inyo."
Hindi mawari ni Martin Tygo kung ano ang dapat niyang maramdaman sa mga oras na iyon. Bakit ganoon? Para bang may mga munting karayom na tumutusok sa puso niya?
“Why are you crying, Yaya Sandra?” Biglang pumasok si Clio.
Napatingin si Tygo sa asawa. "Good morning..."
"Anong ginawa mo kay Yaya Sandra?" Biglang naging defensive mode na ang aura ni Clio.
"Ah eh, Ma'am Clio, wala ho 'to." Singhot ng babae at napapahid sa mga luha. "Nagpapa-advice lang ho ako kay Sir kung ano ang dapat gawin para makabista kay Marcu."
"Totoo?" Hindi pa rin naniniwala si Clio.
"Totoo po.” Ngumiti si Sandra sa alaga habang inayos nito ang buhok ng babae. "Oh siya, nagluto ako ng aroz caldo. Umupo ka na riyan para makapag-almusal ka na."
Tumabi si Clio sa kaniya at tiningnan siya ng mataimtim. "Huwag mong sasaktan sina Marcu at Yaya Sandra..."
Humigop ng kape si Tygo. Pinanood niya ang asawa habang nakikipagkuwentuhan ito kay Sandra habang nag-aalmusal.
Hinila niya pabalik ang asawa sa master’s bedroom pagkatapos nilang mag-agahan. Umupo si Clio sa gilid ng kama at tiningnan ang basket ng pagkain na dala nito kagabi. Nakita ni Tygo na binilang ni Clio ang laman.
"May kulang ba?" tanong niya sa asawa.
Umiling si Clio."bibilangin ko ulit 'to mamaya baka nakunan mo ng isa o dalawa."
Napahawak siya sa kaniyang dibdib at tila pinipigilan ang kirot na nadarama ng makita ang ginawa ng babae. Lumuhod siya sa harapan nito at ipinatong ang kamay sa mga kamay nitong kuyom-kuyom ang mga pagkain. "Clio Xanthe, I promise na hindi kita gugutumin, okay?"
Tiningnan lang siya nito at nagkibit-balikat. Hinawi niya ang bangs ng babae. “Magpapalagay ako ng ref dito sa loob para malagyan mo ng pagkain. Okay ba?”
Ngumiwi si Clio. "Okay."
Umatras si Tygo at napangiti. He extended his hand and gently ruffled her head. "Oh by the way, mag prepare ka ngayon," he said. “May sorpresa ako sa’yo.”
"Why?" Her brows arched.
"Bibisita tayo sa inyo," balita niya. "Dumating si Bastien at Daphne."