REIGHN SELESTINE
Mag-isa na talaga ako dito. Isang araw, dalawang araw, tatlong araw ay okay na okay pa ako. Pero ngayon na isang linggo a ay unti-unti ko ng nararamdaman ang lungkot. Hinahanap-hanap ko na ang mommy ko, ang daddy ko at ang kwarto ko.
Lahat ng mayroon ako sa Pilipinas ay hinahanap ko na ngayon. Lalo na ang taong iniwan ako. Ang taong hindi na nagparamdam sa akin. Naiinis ako sa sarili ko dahil sobrang affected ako sa kanya. Naiinis ako dahil hindi ko pa rin siya makalimutan.
“Bakit ka ba umiiyak? Lagi ka na lang umiiyak? Hindi ka naman dapat umiyak pero napakaiyakin mo. Nakakainis ka!” galit na sabi ko sa sarili ko habang pinupunasan ko ang mga luha ko.
Nandito ako ngayon sa sala. Nanunuod lang naman ako kanina ng movie pero umiiyak na ako ngayon. Miss na miss ko na si daddy at mommy. Pero hindi dapat ako maging ganito. Dapat ay tatagan ko ang loob ko dahil ginusto ko ito. Ako mismo ang humiling nito sa daddy ko kaya hindi ako puwedeng umuwi dahil lang sa homesick ko. Kailangan ko itong labanan dahil baka biglang bumalik ang sakit ko.
One and half month pa bago ako pumasok sa school. Sa ngayon ay sinasanay ko pa ang sarili ko dito sa apartment ko. Sinasanay ko rin ang sarili ko sa bago kong environment. Habang pinupunasan ko ang mga luha ko ay may narinig ako na kumakatok mula sa labas.
Wala sana akong balak na buksan pero ilang beses itong kumakatok kaya naman binuksan ko na ang pinto at bumungad sa akin ang isang may edad na babae.
“Hi,” nakangiti na bati niya.
“Hi, are you looking for–”
“Pinay ka?” tanong niya sa akin.
“Yes po,” sagot ko sa kanya.
“Nakita ko kasi noong nakaraan ang daddy mo ba ‘yon. At nag-usap kami kaya ko nalaman na Pinay ka. May dala akong pansit, nagluto kasi ako dahil dinalaw ako ng panganay kong anak. Kaya naisip ko na bigyan ka,” nakangiti na sabi niya sa akin.
“Salamat po,” nahihiya akong tumanggi kaya naman tinanggap ko na.
“Kapag may kailangan ka ay magsabi ka lang sa akin. Sa tingin ko ay kasing edad mo lang ang bunso ko. Ipapakilala kita kapag pumunta siya dito sa apartment ko,” nakangiti na sabi niya sa akin.
“Salamat po ulit dito. Kapag po gusto niyo ng kausap ay punta lang po kayo dito,” sabi ko sa kanya.
“Ang ganda mong bata at ang bait mo pa. Mabait rin ang daddy mo kaya sinabi ko sa kanya na sisilip-silipin kita dito.”
“Thank you po ulit, tita.”
“Call me Nanay Veron, matanda na ako at parang hindi na bagay ang tita.” sabi niya sa akin.
“Okay po, nanay.” nakangiti na sabi ko sa kanya.
Nagpaalam na siya sa akin na babalik na siya sa apartment niya. Ako naman ay inamoy ko ang pagkain na binigay niya. Ang bango at bigla akong natakam. Naalala ko na ganito rin ang amoy ng niluluto ni Kuya Vin sa akin noon.
Paborito ko kasi ang pansit kaya kapag kasama ko siya ay ipinagluluto niya ako. Sa tingin ko naman ay mabuting tao si Nanay Veron kaya tinikman ko ang niluto niya. Napangiti ako dahil ang sarap ng pansit. Kumuha ako ng loaf bread at ginawa kong palaman ang pansit.
Nagtimpla rin ako ng orange juice. Umupo ulit ako sa sahig at nanuod ulit ako habang kumakain. Sa sobrang sarap ng pansit ay hindi ko namalayan na naubos ko na pala. Dahil sa busog na ako ay hindi na ako nagluto ng dinner.
Naiinip ako kaya naman lumabas ako para maglakad-lakad. Habang naglalakad ako ay pinag-aaralan ko kung paano tumatakbo ang buhay dito sa Amerika. May difference lang dahil nga dollars ang ginagamit na pera dito.
“I’m sorry,” sabi ko dahil may nabangga akong tao.
Hindi naman ito tumingin sa akin at naglakad lang palayo. Pero ilang segundo rin yata akong nanatili sa kinatatayuan ko dahil sa amoy ng lalaki na bumangga sa akin. Napa-buntong hininga ako dahil si Kuya Vin na naman ang naalala ko.
“Crush ko ba siya?” tanong ko bigla sa sarili ko.
Pero imposible naman dahil si Kuya Lance ang crush ko at si Kuya Vin ay kapatid lang ang turing ko sa kanya. Nasanay lang talaga ako sa kanya kaya ganun. Oo nasanay lang ako sa kanya kaya ko naalala ang mga bagay na konektado sa kanya.
Pabalik na sana ako sa apartment ko ng may napansin ako sa isang store. Dahil sa gusto kong alamin na tama ang makita ko ay naglakad ako papunta doon. At nang makita ko kung sino ang nakatayo sa loob ay napangiti ako.
“Kuya Lance,” tawag ko sa kanya.
“Reighn?” nakangiti na sambit niya na para bang hindi siya makapaniwala na nasa harapan niya ako.
“Ako nga, kuya.”
“Kumusta ka? Kumusta ka dito? Nalaman ko sa mommy mo na dito ka na mag-aaral.” sunod-sunod na tanong niya sa akin.
“Opo, kuya. Dito na po ako mag-aaral.”
“Bakit nasa labas ka? Gabi ah,” tanong niya sa akin.
“Gusto lang maglakad-lakad kaya ako lumabas. Babalik na sana ako kaya lang nakita kita at tama nga ako na ikaw talaga ang nakita ko.” nakangiti na sabi ko sa kanya.
“Nagbabakasyon lang ako. Two weeks lang ako dito at babalik na rin ako sa Pilipinas. Magsisimula na rin kasi ang training ko sa PBA.” nakangiti na sabi niya sa akin.
“Wow! Congrats po, ang galing niyo po kaya sigurado ako na maganda ang magiging future niyo sa basketball.”
“Thank you, Reighn. Saan ba ang apartment mo? Ihahatid na kita bago ako umuwi,” sabi niya sa akin.
“Ihahatid niyo po ako?” tanong ko sa kanya.
“Opo, para naman alam ko ang apartment mo kapag bumalik ako dito. Alam mo na baka may ipapadala ang mommy mo sa ‘yo.” sabi niya sa akin.
Ngumiti na lang ako sa kanya at hinayaan ko siya na ihatid niya ako. Sa totoo lang ay kinikilig ako habang sabay kaming naglalakad. Ang gwapo ni Kuya Lance at mabait rin siya. Manliligaw siya ni mommy kaya lang si daddy ang mahal ni mommy kaya na friendzone si kuya.
Siguro kong dalaga na ako ngayon ay siya ang gusto kong maka-date. Matangkad siya, very manly at gentleman din. Lihim ko siyang sinusulyapan habang naglalakad kami papunta sa apartment ko hanggang sa nakarating na kami.
“Salamat po sa paghatid sa akin, kuya.” nakangiti na sabi ko sa kanya.
“Ingat ka dito at alagaan mo ang sarili mo.” sabi niya sa akin.
“Opo, kuya aalagaan ko po ang sarili ko. Ikaw rin po, alagaan mo ang sarili mo.”
“Sige na pasok ka na sa loob. I’ll go ahead,” sabi niya sa akin.
“Bye, Kuya Lance.” nakangiti na sabi ko at kumaway pa ako sa kanya.
Nakangiti akong pumasok sa loob ng apartment ko. Sigurado rin ako na masarap ang tulog ko ngayon dahil nakita ko at nakausap ko ang crush ko. Aaminin ko na sobrangend kinikilig ako kanina habang sabay kaming naglalakad. Alam ko na bata pa ako pero crush lang naman eh at ang sabi naman ni mommy ay wala naman daw mali sa crush. Wala pa naman sa isip ko ang mag-boyfriend. Pumunta ako dito para mag-aral at para matutong tumayo sa sarili kong mga paa. Kaya focus ako sa goal ko at tamang kilig lang muna ako sa ngayon.
“Kailan kaya kami magkikita ulit ni Kuya Lance? Sana sa susunod na magkita kami ay dalaga na ako.” Nakangiti na saad ko sa sarili ko habang hindi maalis-alis ang ngiti ko sa labi.