KINABUKASAN. Sinabi niya sa 'kin na sa 'min naman siya pupunta kaya pumunta kami sa mall na malapit para bumili ng kakainin namin.
Araw nang sabado kaya mas mahabang oras na magkasama kami. Hindi ko alam kung iniisip niya 'yung tungkol sa pag-uusap namin ng tita niya kaya biglang gusto niya na sa 'min na lang kami sa araw na 'to. Noong una, iniisip ko na masyado siyang isip bata—mas bagay 'yon sa cuteness niya. Pero nang tumatagal, simula nang hindi kami nag-usap ng matagal, napansin ko na may iba siyang ugali. Hindi naman 'yon nakakabawas sa kanya dahil kahit magbago pa siya, hindi mawawala 'yung damdamin ko sa kanya. Hindi siya ngingiti nang ngingiti kung may nararamdaman siyang kakaiba sa mood ko, napapansin pala niya kaagad kapag may 'di ako magandang nararamdaman, matigas din ang ulo niya—sinabi niya na kung tungkol sa 'min siya lang ang pakikinggan ko at gano'n din siya, so, it means wala siyang pakialam sa sasabihin kahit ng malapit sa kanya? Iniisip ko noon na siya 'yung taong madaling makuha sa mga salita, kung sasabihin ng marami na pareho kaming lalaki at magiging malaking isyu 'yon sa paningin ng iba, tingin ko susuko siya kahit pa pareho na kami ng nararamdaman. Hindi naman sa wala akong tiwala sa kanya, worry ko lang 'yung sinasabi ng tita niya, kayang-kaya ko siyang ilaban pero hindi ko alam kung kakayain ko kung sa kanya mismo magmumula na pakawalan ko siya dahil hindi tama.
Napadiretso ako nang tayo mula pagkakahawak sa cart nang may malamig na dumapo sa pisngi ko.
"Ang lalim nang iniisip mo," nginitian niya 'ko habang iniaalis sa pisngi ko ang canned root beer. "Ito lang p'wede mong inumin, okay?" inilagay niya na 'yon ng maayos sa cart.
Noon ko lang napansin na marami na palang nakalagay sa cart namin, samantalang narito pa rin ako sa unang tinayuan naming stand, nakaikot na siya nang maraming beses?!
"Ako na 'yung magbabayad," sabi niya nang nakapila na kami.
"Ako na." Sagot ko.
"Bawasan mo 'yung pera ko, ilang buwan na silang naghihintay umalis sa wallet ko." Natatawang biro niya.
"Maliit na bagay, sa susunod ibibili pa kita ng isla, pagagawaan ng resort, ititira sa pinakamalaking bahay—"
Napansin ko na maraming nakatingin sa 'min kaya natahimik ako. Napakamot na lang akong kilay kita ko 'yung pamumula ng tainga ni Blue na nakatalikod sa 'kin alam ko na pulang-pula na siya.
Sabay pa kaming nag-abot ng bayad sa cashier kaya nalito 'yung babae kung kanino 'yung kukunin niya. Nilingon ako ni Blue at nginitian ko lang siya kaya kusa na siyang nagbaba. Iyan ang gusto ko sa kanya, hindi nakikipagtalo.
"Ang ganda ng boses mo, Adam. Isa pa,"
Nasa loob kami ng kabilang ng k'warto ko kung nasaan ang kumpletong instrumento ng banda. Dito kami madalas magkakaibigan at kasama ko ngayon si Blue, nakaupo kami sa carpet lang at gumagamit lang ako ng acoustic guitar.
"Baka 'yung lyrics mo 'yung maganda," ngiti ko sa kanya—isa 'yon sa laman ng notebook niya.
"Sa 'yo na lang lahat 'yan, kantahin mo."
"Akala ko matagal mong ginawa 'to?" itinaas ko 'yung notebook niya.
Tumango siya at ngumiti, "Pero gusto kong marinig sa 'yo 'yan, ipagsusulat pa kita nang marami."
Hindi biro ang sumulat ng kanta, kaya 'di ko alam kung tatanggapin ko 'to, pero iyong ibinibigay niya sa 'kin siyempre naman tuwang-tuwa ako. Kung p'wede nga lang ipa-frame ko bawat page nito, dahil galing 'to sa kanya.
"May ginawa ako para sa 'yo," bigla siyang namula at hindi makatingin nang diretso sa 'kin. Nakagat na naman niya 'yung ibabang labi niya. "Pero kakantahin ko 'yun sa 'yo kapag ayos ko na, pero 'wag kang umasa na maganda 'yung boses ko," nangingiting tiningnan niya 'ko.
Natulala na naman ako sa kanya. Iyong puso ko kabog na naman nang kabog—kakantahan niya 'ko? Pinaggawa pa niya 'ko ng kanta? Gusto ko nang marinig 'yung boses niyang kumakanta, baka iyon na lang ang pakinggan ko maya't maya, wala akong pakialam kung magkanda-sintu-sintunado siya, para sa 'kin boses anghel siya iyong tipong bubukas ang gate of heaven kapag narinig ko.
Napansin ko na naman 'yung labi niyang mas pinapula nang paulit-ulit niyang pagkagat do'n. Marahan kong nilapit ang mukha ko sa kanya, mabigat na 'yung paghinga ko nang titigan ko siya. Hindi naman siya umiiwas pero nagsisimula na siyang mamula, hinihintay ko na itulak niya 'ko pero hindi niya ginawa kaya inilapat ko 'yung labi ko sa labi niya. Ito ang unang beses na pinalalim ko 'yung halik ko sa kanya, hindi ko hinihiwalayan ang labi niya, masyadong matamis sa panlasa ko ang mga 'yon. Inalalayan ko siyang humiga. Itinukod ko 'yung braso ko para hindi ko siya madaganan, hindi niya rin ako halos matingnan. Mabigat pareho 'yung paghinga namin at nadadala na 'ko nang init na pinipigil ko pa ring tupukin ako. Bumaba ang halik ko sa kanya at sa kauna-unahang pagkakataon naramdaman ko na tinugon niya 'yung halik ko, kaya dinahan-dahan ko 'yon para masabayan niya. Tuluyan na kaming nagkadikit—I feel the burning heat inside me, I want more... I need more... Pero tumabi na lang ako sa kanya sa pagkakahiga, mabigat pa rin 'yung paghinga ko. Hindi kami nagkikibuan at pareho lang kaming nagpapakiramdaman. Ayokong magpadala sa init na nararamdaman ko hangga't hindi pa siya sigurado sa 'kin.