ADAM
Galing ako sa taas dahil pinapahanap sa 'kin ni Blue 'yung notebook niya ng mga ginawa raw niyang kanta. Abala sila kanina sa kusina ng mommy at tita niya—ilang araw na rin naman akong nandito dahil nagre-review kami at oras na nga ng hapunan. Maya't maya nga kaming kumakain dahil maya't maya niya 'ko tinatanong kung nagugutom ako, kahit ang seryoso niyang nagbabasa tatayo siya para kumuha ng makakain—ano pang hahanapin ko sa iba?
"Kalalabas lang ng mag-ina," tita ni Blue 'yon nang makitang pababa ako ng hagdanan.
Awkward. Kung alam ko lang kami na lang ni Blue ang umalis at ayokong maiwanan sa tita niya, iba na ang pakiramdam ko sa mga tingin niya.
Sa sala na lang ako, doon ko binuklat ang notebook ng mga kanta na sinasabi ni Blue. Hindi ko pa siya naririnig kumanta, pero kahit boses palaka siya ayos lang, marinig ko lang ang boses niya sumasaludo na 'ko.
Dahil sa binabasa kong lyrics 'di ko napansin na naro'n na ang tita ni Blue, kundi ko pa maririnig ang inilapag niyang beer sa harapan ko at harapan niya. Nakahalukipkip siya sa kabilang sofa.
"Inumin mo." Sabi niya
Seryoso ba siya na mag-iinuman kaming dalawa?
Binukas ko na lang ang canned beer, dama ko nang may sasabihin siya. Nilagok ko 'yon at muntik ko nang mabuga ng magsalita siya.
"Nag-iisang anak si Blue."
Ibinaba ko na lang 'yon at pilit nilunok ang nasa bibig ko na.
"Hindi ko alam kung manhid ang kapatid ko para 'di niya maramdaman ang namamagitan sa inyo ni Blue o mamamagitan pa lang. Pero sabagay, nakikita mo naman na para lang kayong magkakabarkadang tatlo kapag magkakasama kaya ako na lang ang magsasalita, Adam."
Tiningnan ko siya dahil ayokong isipin niya na sumusuko na kaagad ako. Pero pipilitin kong ayusin ang pananalita ko.
"Masaya ko na dumating ka sa buhay niya, napasaya mo siya." Nakita kong binuksan niya ang beer niya nang 'di iniaalis ang tingin sa 'kin. "Hindi ko naman ikakaila na mas naging masaya siya dahil nandiyan ka, at kung paaalisin kita sa tabi niya alam ko na malaking kawalan 'yon sa kanya. Kahit nakikita ko na nang malinaw, tatanungin pa rin kita, ano ang ugnayan ang gusto mo kay Blue?"
"Gusto ko ho siyang maging sa 'kin."
Halatang nagulat pa siya, akala ko ba malinaw na sa kanya?
"Alam ko rin ho na nag-iisa siyang anak, at 'di madali kung makikita ninyo siya na pumasok sa relasyon na lalaki rin ang kasama niya. Hindi ko rin naman inaasahan 'yung mararamdaman ko sa kanya, pero hindi ko gugustuhin na sana sa babae na lang, sa kanya ko 'to naramdaman kaya wala na 'kong pakialam kung lalaki rin siya." Mababa lang 'yung tono ko dahil napansin ko sa kanila ang gano'ng uri ng pag-uusap, ayokong isipin niyang galit ako makipag-usap dahil nakasanayan ko lang talaga 'yung malakas na pagsasalita pero kapag nandito ako, parang awtomatiko na nagbabago ako.
"Adam, bukas ang pamilya namin sa 'yo kahit pa magkaibang-magkaiba kayo ni Blue. Tanggap ka namin kung ano ka, ituturing ka naming kapamilya pero hindi sa relasyon na gusto mong pasukin kasama si Blue." Saglit siyang huminto, "Para kayo sa babae at hindi sa kapwa ninyo lalaki. Ikaw ang kinakausap ko dahil alam ko na ikakasama 'to ng loob ni Blue kung sa kanya ko ididirekta, hindi ka niya gustong mawala sa buhay niya. Pero alam ko na alam mo na 'yung damdamin niya sa 'yo ay dahil ikaw lang ang pinagkakatiwalaan niya, 'wag mong gawing mali 'yung paniniwala niya na para kayo sa isa't isa. Mas kaya mo 'kong intindihin, hindi totoo 'yung nararamdaman mo sa kanya."
Naikuyom ko 'yung palad ko pero pinilit kong kumalma. Ayokong maging problema namin ang pamilya niya, ayokong nasasaktan si Blue.
"Naiintindihan ko 'yung opinyon ninyo, tita." Pilit akong ngumiti, "Iniisip ko rin naman na iyong nararamdaman niya sa 'kin, katulad ng iniisip ninyo dahil sa edad niya at mas sanay pa siyang mag-isa, baka nalilito lang siya sa pagdating ko. Pero 'yung nararamdaman ko sa kanya, hindi ako nagkakamali, gusto ko siya, mahal ko siya at hindi ko 'to naramdaman sa iba. Kung mamahalin niya 'ko hindi ko siya papakawalan at 'yung pagmamahal na 'yon hindi na 'yon katulad ng iniisip ninyo na dala lang ng kabataan niya."
"Adam, hindi kita gustong masaktan pero naniniwala ako na hindi kayo pareho ng nararamdaman. Kaya habang hindi pa malala 'yang nararamdaman mo, pigilin mo na at maging normal na magkaibigan na lang kayong dalawa. H'wag mo na siyang hayaang pumasok sa relasyon na hindi niya naiintindihan."
"Adam!"
Iyong sasabihin ko nawala na nang marinig ko ang masayang boses ni Blue at nang mommy niya na sabay tinawag ang pangalan ko.
Kusang kinuha ng tita niya 'yung beer at pasimpleng tumayo at naglakad patungo sa kitchen.
Apektado ako, pakiramdam ko nga kailangan kong manigarilyo. Nasaktan ako, bakit hindi? Mahal ko si Blue, totoo 'to, at hindi ko lang matanggap na hindi niya naiintindihan ang nararamdaman niya sa 'kin parang 'yung 'Then I am too..." niya biglang binasag ng tita niya 'yung kahibangan na interpretasyon ko ro'n.
"Kumain muna kayo bago 'yang ice cream na 'yan," mula sa kumedor ay boses ng tita ni Blue.
Iyong ngiti nang mag-ina nauwi sa ngiwi dahil mukhang mas gusto nilang unahin 'yon ng ilapag sa glass table.
Pilit kong nginitian si Blue na ngiting-ngiti sa 'kin.
Hanggang sa hapagkainan, hindi ko halos malunok 'yung kinakain ko. Gusto ko ngang pigilin 'yung mag-ina na gustong ipatikim lahat sa 'kin ng nakahaing ulam at pareho pa nila 'kong nilalagyan sa plato.
Alam ko naman na iyong tuwa ng mommy ni Blue, mawawala 'to kung malalaman niya na iba ang tingin ko sa anak niya at napalapit na rin naman ako sa kanya, sa kanila, naging mas bahay pa nga ang tingin ko rito kesa sa 'min.
"Ihahanda ko na 'yung ice cream!" masiglang wika ng mommy ni Blue.
"Sinong uminom ng beer na stock ko rito?" ang mommy ni Blue 'yon na halatang nagulat.
Iyong kinakain ko muntik nang bumara sa lalamunan ko. Nakita kong nagulat din 'yong tita ni Blue.
Nilingon ko si Blue dahil dama ko na nakatingin siya sa 'kin, hindi siya nakangiti nang bumaling ako, pero ilusyon ko lang na nagtatanong 'yung tingin niya dahil bigla siyang ngumiti.
Nang matapos kaming maghapunan, dinala niya 'yung mga gamit namin sa k'warto niya at sinabing doon na lang kami. Mas okay naman 'yon dahil nga nahihirapan akong sakyan ngayon 'yung kadaldalan ng mommy niya dahil parang 'di pumapasok sa isip ko—nakahinto ako sa pinag-usapan namin ng tita niya.
"Ang bilis ng oras, dito ka na lang matulog, Adam."
Nasa kalagitnaan kami nang sarilinang pagre-review nang sabihin niya 'yon. Nasa kama siya at nasa side table naman ako malapit sa pintuan.
Nang balingan ko siya nginitian ko lang siya, "Kailangan kong umuwi, hindi ko dala 'yung uniform ko."
Hindi naman niya na 'ko tiningnan at nanatili sa paglilipat ng libro niya.
"Inaasahan ko 'yung lagi mong sagot. May nangyari ba no'ng umalis kami ni mommy?"
"Wala, ano namang mangyayari?" obvious ba 'ko masyado?
Sa libro lang ako tumingin kahit lagpasan ang mata ko. "Magkikita naman tayo bukas, tulog na nga lang ang nagiging paglalayo natin," nilakipan ko 'yon ng tawa.
Hindi ko napansin na malapit na siya sa 'kin kaya nabigla ako nang hawakan niya 'yung magkabilang tainga ko ng palad niya. Pero makakarinig pa rin ako no'n dahil nakadampi lang naman 'yon.
"Kung kinausap ka ni tita, 'wag mo na lang isipin nang husto. Sa 'kin ka na lang makinig, kagaya nang sa 'yo lang ako makikinig kung tungkol sa 'ting dalawa 'yon. Kung maaapektuhan ka no'n, maaapektuhan din ako," naramdaman ko na nanginginig ang mga palad niya kaya nilingon ko siya. Nabigla ako nang makita kong may luha na siya sa mga mata niya.
"Ano ka ba, hindi ako naaapektuhan saka wala siyang masamang sinabi sa 'kin. Masaya nga 'ko nang sabihin niya na bahagi na 'ko ng pamilya ninyo." Tumayo ako. Pinahid ko ang luha niya at iniangat ko ang mukha niya. "Iniisip ko lang kung makakapasa ako, 'yun lang 'yon!" pinisil ko ang mga pisngi niya.
Darating din 'yung araw na malalaman nilang hindi 'to laro lang, hindi 'to pangbatang damdamin lang, maaga lang namin natagpuan ang isa't isa. Kung hindi pa niya gaanong nauunawaan ngayon lahat, darating din kami do'n.