ADAM
SA lahat ng sinabi ko sa kanya, ngayon lang ako pumalpak. Hindi ako nakipagkita sa kanya, nag-text lang ako na 'busy ako' pagkatapos ng klase ko
Tiniis ko siya ng ilang araw kahit tinitiis ko rin ang sarili ko.
Kung saan-saan na 'ko pumupunta, kay Charles, sa mga ungas na muntik ng manakit kay Blue para lang damahin 'tong pesteng kawalan na nararamdaman ko. Dati naman masaya 'ko na ganito 'yung buhay ko—mag-inom hanggang sumuka, makipaglaro sa mga babae—pero bakit iba na? Ayoko siyang makita pero kapag naiisip ko na may kasama siyang iba, badtrip na badtrip ako.
Bihira rin ako pumasok, at hindi ko pa natatapos ang buong araw simula nang layuan ko siya.
"Hoy!"
"Tigilan mo 'ko, Claude, sasapakin kita!"
Nakatayo siya sa harapan ko habang asar na asar ako dahil sinisikmura ako.
Ilang araw na ba 'kong nag-iinom?
"Ilang beses ka ng pinupuntahan ni Asul dito, break na ba kayo kaya ganyan kayong dalawa?"
"Pumupunta siya rito?" hinihimas ko pa 'yung sikmura ko nang mag-angat ako ng tingin kay Claude.
Tumango siya, "Ilang beses na, sabi nga niya hindi ka niya matawagan."
Tumayo na 'ko at 'di ko na pinansin ang sinasabi niya. Nakokonsensiya na naman ako, bakit ba kasi hinahanap pa niya 'ko? Ibang sim ang ginagamit ko dahil ayoko ngang pansinin siya dahil kung mag-message siya baka 'di na naman ako makapag-isip ng maayos. At hindi ko rin alam kung may maayos pa 'kong isip ngayon.
Nawalan na naman ako ng ganang makinig sa klase. Pero umuwi lang ako sa bahay ko at nagpahinga—kinagabihan, lumabas ako at pumunta sa bar kung saan kami magkikita ng mga kaibigan ko. Wala na 'kong choice kundi kausapin sila.
Live band ang madalas tumutugtog dito at hindi gaanong pakalat-kalat ang mga lumilingkis na babae. Hindi pa 'ko kumakain pero mag-iinom kaagad ako, huli na 'to—bukas may desisyon na 'ko.
"Tinamaan ka na ba ng lintik, Adam, my Friend?" si Judeus 'yon na dumarami na ang tattoo. Ano pa kapag natapos na 'to ng college?
Hindi ako kumibo, nilagok ko lang 'yung alak sa baso ko.
"Itanong ninyo muna sa kanya kung lalaki o babae ang problema niya." si Xander 'yon.
Panigurado nasabi na ni Claude sa kanya ang tungkol kay Blue dahil curious 'yon.
"Lalaki ang problema mo?!" sabay-sabay na tano'ng ng tatlo.
"Bakla ka, Adam?" si Mitch 'yon na tila nabigla.
"Paano ka namin mabibigyan ng matinong payo kung 'di ka nagsasalita?" malakas na hinampas ni Judeus ang mesa.
"Baka naman hindi pag-ibig, iniisip ninyo kaagad pag-ibig ang problema niya, hindi nga marunong magmahal 'yan," si Nick na sumingit na.
"How do you know if you're in love?" tanong ko sa kanila na parang wala sa sarili.
Nagtinginan sila at mukhang mga clueless kaya nagsalin na lang uli ako ng alak sa baso.
"Do you think you're in love?" si Mitch.
Tumango ako.
"Pero babae?" singit ni Judeus.
Umiling ako.
"Ano?!" tanong nilang lahat maliban kay Xander.
"You know what, wala naman akong pakialam kung babae, lalaki, bakla, tomboy siya! Kung mahal ko siya edi mahal ko siya, ang problema ko kasi rito, nahuhulog ako sa kanya pero tingin ko 'yung mga sinasabi niya sa 'kin 'di naman kami pareho ng kahulugan!" asar na sabi ko. Maraming nagtinginan sa 'min pero masyado ng masikip sa pakiramdam kailangan ko ng ilabas.
"Alam mo naman palang mahal mo, edi paibigin mo!" sinundan 'yon ng mura ni Judeus.
"Tama. Ang corny mo rin, e. Dami mo pang drama, ang dali naman ng solusyon. Kakaganyan mo makukuha pa ng iba 'yon sa 'yo," si Xander.
"May pa how do you know if you're in love pa, mahal na naman pala." Si Nick 'yon.
"Iba kasi si Blue." Asar na wika ko.
"Alien ba siya?" si Judeus.
"Hindi niya naiintindihan 'yung sinasabi niya." Ubos pasensiyang sagot ko.
"Bobo ba 'yan?" tanong uli ni Judeus.
"Hindi! Hindi ninyo kasi kilala—"
"Pinakilala mo ba? Papuntahin mo rito, ako bahala—" si Judeus.
May tinawagan si Xander at sinabi niya 'yung lugar kung nasaan kami.
"Ayan, tinawagan ko na si Blue—"
"Tigilan mo 'ko, Xander." Paano siya magkaka-number no'n, hindi naman sila magkakilala. Tigilan nga nila 'ko ng kalokohan nila.
"Kumanta ka na lang muna, tapos balik ka rito kapag kakausapin mo na kami ng matino." Suhestiyon ni Mitch.
Hindi ko naman sila pinag-iisipan ng kakaiba ni Nick noon, pero iyong kakaibang lapit nila sa isa't isa dahil nagkagusto rin ako kay Blue, posible kaya na may ganito rin sa mga kaibigan ko?
Nakita ko nang subuan ni Nick ng special mixed vegetable salad si Mitch.
"Hindi ko gusto, pero kapag ikaw naman gumawa niyan magugustuhan ko." Ngiti niya kay Nick—mahilig naman talaga magluto si Nick, pero para nga lang kay Mitch dahil sobrang pili niya sa pagkain. Iniisip ko nga na mas gugustuhin pa ni Nick na maging personal chef ni Mitch kesa humawak ng kompanya nila. Sa pagiging vegetarian ni Mitch, at special dish ni Nick para kay Mitch natuto kaming lahat kumain ng gulay.
Bumaling na lang ako sa stage kesa maghinala, balak namin gumawa ng band group noon pa. Pero dahil sa pamilya namin, 'di namin magawa 'yung isa sa passion namin dahil talagang tututol sila. Pero patungo na rin kami ro'n, pero gagamit kami ng ibang way para makakakanta 'pag magkakasama na kaming lahat.
Sinunod ko na lang si Mitch at pumunta 'ko sa stage.
Madalas ko naman 'tong ginagawa kaya sanay na 'yong mga banda sa 'min.
"Anong kakantahin mo, Boss Adam?" tanong ng guitarist sa 'kin.
"Iyong mailalabas ko 'yung lahat ng frustration ko, isang Lakas Tama!" hindi pa 'ko lasing, ganito lang talaga nararamdaman ko at ito ang perfect song.
Nagsimula na silang tumugtog, hindi ko pinansin 'yung mga nag-cheer sa 'kin, ganitong-ganito lang 'yung nararamdaman ko sa kanya.
Kung anong lakas ko sa babae, 'di ko magawa sa kanya samantalang mas virgin naman siya sa virgin na babaeng nakilala ko.
Kapag nakikita ko siya pakiramdam ko tuwang-tuwa na 'ko na tila lumaklak ako ng kung anong energy drink at high na high ako.
Oo na, in denial pa 'ko sa umpisa pero damang-dama ko nang siya na 'tong nasa puso ko. Dinagdagan pa niya 'yong pagkakagusto ko sa kanya ng mga pa-fall niyang words na 'di naman niya ibig ipakahulugan ang tingin ko na kahulugan ng mga salitang 'yon—nahulog ako sa kanya, at hindi niya alam 'yon.
Anong problema ko? Siyempre, kung gugustuhin ko siya, paano kung gustuhin niya 'ko dahil 'di niya 'yon naiintindihan o dahil ayaw niya 'kong mawala dahil kaibigan niya 'ko? Pero hindi dahil pareho kami ng nararamdaman.
Hindi ko alam kung ilang beses akong kumanta, basta nag-concert ako rito. Humuhupa naman 'yong nararamdaman ko, pero hindi kasama do'n 'yung pagmamahal ko sa kanya.
Nakita ko pa nang lumabas si Xander, hindi kami nagsasama ng babae kapag magkakasama kami kaya nagtaka ko bakit siya lumabas.
Nang bumalik siya unti-unti akong natigil sa pagkanta dahil nakita ko si Blue—bawal pa siya rito! Nakatingin siya sa 'kin kaya ibinalik ko na 'yung mic kahit nagtaka sila pati 'yong mga naka-free concert. Biglang nanlamig ang pakiramdam ko dahil iba 'yung tingin niya sa 'kin—iba 'yon sa madalas niyang ibigay na tingin sa 'kin, parang bigla hindi na siya 'yung sweet na si Blue.
Naunahan pa nila 'kong maupo at huli akong nakaupo pero kalapit ko siya. Hindi pa siya nagsasalita.
"Ito na ba 'yon, Xander?" si Judeus na hahawak kay Blue kaya agad ko 'yong tinabig.
"Cute nga siya," si Mitch na tinitignang mabuti si Blue. Siya ang mukhang babae sa grupo namin dahil sa haba ng buhok niya at features niya pero mas sadista pa sa 'kin 'yan.
Pinapawisan ako, bakit 'di siya nagsasalita? Dapat 'pag ganito tinatawag niya na 'ko na para siyang pinagsasamantalahan dahil titig na titig sa kanya lahat. Pero 'di siya kumikibo. Nabaling ang atensiyon sa 'kin ng mga kaibigan ko at sabay-sabay silang ngumisi at umiling.
"Inom ka, para may lakas ka 'pag sinapak mo si Adam." Inusugan ng baso na may nakasalin ng alak si Blue ni Xander.
"Hindi pa—" hindi ko natuloy ang sasabihin ko dahil kaagad kong pinigil ang kamay ni Blue na dinampot 'yung baso.
"Pagagalitan ako ng tita mo, ng mama mo—"
Wala 'kong pakialam kung natatawa nang mahina 'yung mga ungas kong kaibigan.
"Minor ka pa—"
Inalis niya 'yung kamay ko at mabilis na ininom 'yon.
Nakita ko pa 'yung itsura niyang tila gustong ibuka uli 'yung bibig niya para ibalik 'yon pero pinilit niyang lunukin kahit mapait.
"Loko 'to, ininom niya!" siniko ni Nick si Xander.
"Ang hirap kausap nitong dalawang 'to, paano ba natin sila tutulungan?" si Mitch na binalingan si Judeus.
"Gusto mo bang bugbugin namin si Adam?" si Judeus kay Blue.
Nag-angat siya nang tingin, ano 'yon?! Gusto niya nga 'ko ipabugbog?!
"Hindi."
Nang isagot niya 'yon nakahinga naman ako ng maluwag.
"Ang cute niya," tinusok ni Mitch 'yung pisngi ni Blue.