Kabanata 3

2452 Words
Return KAIDEN Inabutan ko ng ilang libo ang driver na kinontrata ko sa airport para ihatid ako sa mansyon at umibis na ng sasakyan. Pinagmasdan ko ang lugar na kinalakhan ko at bukod sa mga pina-renovate ng ama ko sa mga nakalipas na taon, wala masyadong nagbago roon. Pero ang pamilyang nakatira? Malaki na ang pinagbago. Sobrang laki. Agad bumukas ang gate nang mag-doorbell ako. “Sir Kaiden, magandang gabi ho. Bakit hindi kayo nagpasundo sa drayber?” tanong ni Kuya Gusting sa akin. “Biglaan ho ata ang uwi n’yo,” saad niya ngunit alam kong may ideya siya sa biglaan kong pagdating. “Kumusta ho, Kuya?” tanong ko sa kanya. “Eto tumanda na naman,” pagtawa niya at sumaludo sa akin bago ako tumalikod at tinungo ang mansyon. Noong nakaraang taon pa ang huling uwi ko dahil napapayag ko ang ama kong sa Maynila namin ni Angeline salubungin ang bagong taon. Hindi nga lang siya sumama tulad ng inaasahan ko. “Kaiden!” tulad ni Kuya Gusting ay siyang nagugulat na reaksyon ni Nanay Pasing nang pumasok ako sa loob. “Bakit hindi ka nagpasabing uuwi ka?” “Para surprise,” sagot ko naman sa kanya at iginala ang tingin sa kabahayan. Kanina pa walang tigil sa pagtunog ang cellphone ko dahil sa mga tawag at text ni Angeline na inis na inis dahil sa guest room pa raw pinatuloy ni Daddy ang mga bisita niya. “Si Daddy?” “Hindi pa umuuwi mula kanina. Ang sabi ay may meeting siya sa bayan para ata doon sa gustong maging investor sa hacienda.” Tumango ako at pumanhik sa taas. “Teka Kaiden hijo,” “Ano ‘yon, Nay?” “Iyong mommy mo–” “Nasa taas kasama ng mga bastarda’t bastardo niya. Nabanggit na ho sa akin ni Angeline. Alam n’yo naman ‘yon.” Napakamot si nanay sa noo niya. “Oo nga eh, galit na galit. Kanina nga’y tinulak ang mommy mo.” Deserve. “Panik na po muna ako sa taas. Ipatawag n’yo na lang ako kapag dumating si daddy,” walang reaksyon sa sinabi niyang tumalikod na ako at pumanhik. “Sige, magpapadagdag ako ng ulam na siyang paborito mo para sa hapunan.” Dumiretso ako sa kwarto ko at inilagay lang ang backpack ko kapagdaka ay tinungo ko ang kwarto ng kapatid kong si Angeline. Napailing ako nang makita ang kalat ng kwarto niya na animo binagyo. Nagwala na naman ang bata. “Angeline!” hanap ko sa kanya pero nalibot ko na ang kwarto ay wala siya. Don’t tell me… “Ang kapal ng mukha mong pagsabihan ako! Nasa pamamahay ka namin at sampid ka lang dito! Hampaslupa!” Hindi ako tuluyang pumasok sa guest room at pinakinggan lang ang ingay na nanggagaling mula roon. Nangingibabaw ang galit na sigaw ng nakababatang kapatid ko na mukhang nangati na naman ang kamay at nagawang manakit. Hindi ko siya masisisi. Maling-mali na dito kayo nagpunta… “T-tama na, Angeline, nasasaktan na si Chiara. Hindi pa siya tuluyang magaling, baka mapaano siya.” Kinuyom ko ang kamao sa narinig na pag-iyak ng babaeng iyon na alalang-alala para sa anak niya samantalang kami ay hindi niya nagawang alalahanin lalo na si Angeline. “Angeline, enough!” sigaw ko sa kapatid ko na naabutan kong sabu-sabunot ang buhok ng babaeng inaakap naman ni Regina. “Kuya!” sigaw ng kapatid ko at binitiwan ang pagkakasabunot sa kanya na nawalan ng balanse at bumagsak sa lapag. “Cha! A-asan ang masakit?” Kinuyom ko ang kamao sa nakitang pag-aalala ng babaeng iyon para sa dalagang tinutulungan niya tumayo. Si Chiara. Ang anak ng kabit niyang si Mang Gregorio. “Thank God you’re here na!” pag-iyak ni Angeline na yumakap sa akin. Nagtagpo ang tingin namin ni Chiara na ibang-iba na ang hitsura sa batang natatandaan ko noong pinalitan ko pa ang nasirang salamin. Bumaba ang tingin ko sa brasong nakaakap sa kanya at binalingan si Angeline. “K-Kaiden, anak ko…” “Let me see your hand,” turan ko sa kapatid. Hindi ko pinag-aksayahan ng panahon na sulyapan ang babaeng emosyonal akong tinawag at kinuha ang kamay ni Angeline na namumula at may hibla pa nga ng buhok mula sa sinabunutan niya. Kung hindi pa ako dumating, hindi malabong makalbo siya ng kapatid ko. “It’s dirty now,” puna ko at inaya na siyang umalis. “Kaiden, sandali lang!” dinig kong tawag sa akin ni Regina pero nagpanggap akong walang narinig na nagpatuloy sa pag-alis kasama ang kapatid ko. “Naynay! Naynay!” Natigilan kami pareho ni Angeline sa paghakbang nang may humarang na batang paslit sa harap naming umiiyak. “Tabi nga diyan!” sigaw ng kapatid ko at tangkang tatabigin ang bata nang hinawakan ko siya at iniwas na roon. “T-Theo!” “Bakit mo ako pinigilang tabigin ang batang ‘yon? Nakakainis ang dwendeng ‘yon! Ang ingay!” iritableng sigaw ni Angeline na sumunod sa akin sa kwarto ko nang bitiwan ko siya nang makarating kami sa kwarto niya. Hinubad ko ang t-shirt kong suot at dumiretso sa walk-in closet. “Bata lang ‘yon, ‘wag mo nang patulan. Saka bumalik ka na sa kwarto mo at linisin ang mga kalat mo ro’n.” “No! I’ll stay here with you hangga’t hindi mo napapaalis ang mga ‘yon sa bahay natin.” “Bakit ako?” tanong ko naman sa kanya at dumiretso sa banyo nang makapili ng damit na susuotin pero ang magaling kong kapatid ay sumunod pa rin sa akin. “Did you see them? Ang kakapal ng mga mukha nilang matulog pa sa mga malalaking guest room dito! Anong karapatan nila?! At alam mo ba ang nalaman ko mula kay Ineng? Narinig niya daw si daddy na ipinapa-enrol ang Chiara na ‘yon sa school ko at pinapakuha ng scholarship! Scholarship na alam nating siya rin ang nagbibigay! What’s wrong with dad, Kuya? Meron na ba siyang dementia?!” gigil na gigil na mahabang litanya ni Angeline na mas pinag-init ng ulo dahil sa ikinuwento sa kanya ng isa sa mga maids namin. “Calm down, kakausapin ko si daddy.” “Really?” kumakalma na ang tono ng boses na aniya sa akin. “Oo, but fix your room. Kababae mong tao, napakakalat ng kwarto mo,” saad ko at tinulak na siya palabas ng banyo para makaligo na ako. “I want them out of this house as soon as possible. Not just this house, from our life, too!” Yeah, me too. *** “Hindi ako kakain kasabay sila!” inis na saad ni Angeline na alam kong siyang sasabihin niya kaya pinaalis ko ang katulong na pinapababa na siya at ako ang lumapit sa kapatid ko. “Let’s go, Angeline. You know dad, ayaw niya na nagpapahintay sa hapag.” “Pero Kuya, nandoon sila. Sasabay sa atin? Iyong mga pulubing ‘yon?!” “Sa inaakto mo, tingin mo sino sa inyo ang magmumukhang masama sa harap ni daddy? You know him, kung pumayag siyang patuluyin ang mga ‘yon dito, it only means one thing, sa mga mata niya, bisita niya ang mga taong ‘yon. Kung maggaganito ka, ikaw lang din ang mapapagalitan. Hindi ba kamo napagalitan ka na niya kanina?” Padaskol na umayos siya ng upo at hinawi ang mahaba niyang buhok. “Kakausapin ko siya after dinner, kahit madalas kaming nagtatalo. Nakikinig naman iyon sa akin.” “Yeah, sometimes.” “Isipin mo na lang wala sila doon.” Sabay kaming napatigil ni Angeline sa pagpasok sa dining room nang marinig ang malakas na pagtawa ng ama ko. “Dad’s laughing?” ani Angeline tila hindi makapaniwala. “Nakakatuwa ka namang bata ka, napakabibo. Hindi ba’t ganyan si Kaiden noon, Regina?” “Oo nga eh, marami ding tanong at hindi nauubusan ng kwento.” Kinuyom ko ang kamao ko at pinigilan si Angeline na tangkang pipihit na pabalik. “I hate them!” gigil niyang bulong ngunit sumama na rin sa akin nang hilahin ko siya papasok ng dining room. “Oh, nandiyan na pala kayong dalawa, bakit ba ang tagal n’yo? Nagugutom na kami lalo na ‘tong si Theo.” Wala akong maintindihan sa mga nakikita ko ngayon. Gusto kong isipin na baka tama nga si Angeline, may sakit na siguro ang ama namin at tila nakakalimot na. Hindi ko maunawaan kung bakit ganito niya pakitunguhan ang mga taong sumira sa pamilya namin. “Kaiden, m-magandang gabi, anak–” “Walang maganda sa gabi,” ani Angeline putol kay Regina. “Angeline, ano bang kabastusan ‘yan. Maupo na nga kayo.” Tumaas ang kilay ko nang agad na magyuko ng ulo si Chiara nang magtagpo ang tingin naming dalawa. Nahihiya? Dapat lang… “Tara na’t kumain tutal ay kumpleto na tayo,” masayang saad ng ama ko. “Naynay, gusto ko no’n oh.” “Aba’t pati pala paboritong ulam ng Kuya mo, gusto mo din, Theo,” anang ama ko nang ituro ng bata ang caldereta na siya ngang paborito kong ulam. “Masarap po ‘yan eh lalo na ang luto ni Naynay.” Umismid si Angeline sa tabi ko at walang kagana-ganang naglagay ng pagkain sa plato niya. Nagsimula na kaming kumain pero parang buhangin ang lasa ng bawat pagkaing isusubo ko dahil sa mga tao sa harap ko. “May party sa La Ciudad sa darating na sabado, Regina. Kaarawan ni Miguel, natatandaan mo pa ba siya? Samahan mo ako.” “Huh? A-ayos lang ba ‘yon, Carlos–” “Are you out of your mind, daddy? Gusto n’yo ba talagang pagpiyestahan ng buong San Nicolas?! Dadalhin n’yo ang makasalanang babae na ‘yan sa party nila Tito Miguel?!” “Angeline, tumahimik ka na! Nasa harap tayo ng hapag, pwede ba? Kung ayaw mong kumain at puro masasamang salita lang ang lalabas diyan sa bibig mo. Go to your room.” “I-I really don’t get you, dad. Nag-uulyanin ka na ba? Nakalimutan n’yo ba kung sino ang mga taong ‘yan? They ruined your life–no, our lives!” Hinawakan ko ang kamay ni Angeline ngunit hinaklit niya lang ‘yon at nanakbong nilisan ang dining room. “Ang batang ‘yan talaga, lumalaking walang modo!” sigaw ng ama ko at tumawag ng katulong para bigyan siya ng alak. “Walang problema kay Angeline, dad. You’re the one who’s the problem here,” saad ko ngunit ang tingin ay na kay Regina. Ngayon ko lang mas natitigan ang babaeng nagsilang sa akin. Kitang-kita na ang katandaan niya ngunit anumang galit ko sa kanya ay hindi ko maitatanggi na maganda pa rin siya, isang bagay na alam kong minahal sa kanya ng ama ko. “Pati ba naman ikaw, Kaiden? Kaya ka ba umuwi ngayon?” Hinarap ko ang ama ko. “Let’s eat, sayang naman ang inihanda nila Nanay Pasing. Let’s talk in private, dad.” Malalim na bumuntonghininga ang ama ko ngunit hindi na rin kumibo pa at nagsimula na nga kaming muling kumain kahit wala na akong kagana-gana pa. “K-Kaiden, pwede ba kitang makausap?” Walang emosyong binalingan ko ang babaeng tumawag sa akin habang naglalakad ako patungo sa opisina ng ama ko. Nagpanggap akong walang nakita at nilagpasan siya. “Kaiden, please. Alam kong hindi mo gustong nandito kami, alam kong malaki ang galit n’yo sa akin ni Angeline d-dahil sa ginawa kong pang-iiwan sa inyo pero sinubukan ko naman kayong balikan at kunin, maniwala ka anak–” “Stop explaining, woman. Wala akong nais na marinig na pagpapaliwanag mula sa ‘yo. Kahit ano pang sabihin mo, hindi no’n mabubura ang ginawa n’yo sa amin. Sa pamilyang ‘to.” Binilisan ko ang hakbang patungo sa opisina ng ama ko at walang katok-katok na binuksan ko iyon. Naabutan ko ang ama kong umiinom ng wine habang nagpapatugtog ng paborito niyang mga awitin. This is him whenever he’s happy. Isang bagay na matagal ko nang hindi nakita mula sa kanya. “Oh, nandito ka na pala. Ano bang gusto mong pag-usapan natin?” aniyang hininaan ang musika. “Gusto mo ba?” pag-alok niya sa akin ng inumin na inilingan ko. “What’s with you, dad? Talaga bang patutuluyin n’yo ang tatlong ‘yon dito sa mansyon?” “Tatlong ‘yon? Kaiden, ayusin mo ang pagtawag sa kanila lalong-lalo na sa mommy mo, at ang dalawa? Mga kapatid mo na sila simula sa araw na ‘to.” “Daddy!” sigaw ko sa kanya hindi pa rin mapaniwalaan ang mga naririnig ko mula sa kanya. “Nakalimutan n’yo na ba ang sinabi n’yo noon? Ang ginawa niya sa atin?! Iniwan niya tayo para sa lalaki niya at ngayon nandito siya kasama pa ang mga anak ng taong ‘yon? Nasaan siya at itinatapon ang mga taong ‘yon dito?!” “He’s dead.” “What?” “Patay na ang taong ‘yon kaya simula sa araw na ‘to ay dito na muli sa atin ang mommy mo. Makukumpleto na muli ang pamilya natin, hindi ba’t magandang balita ito?” nakangiti niyang saad sa akin. Kinilabutan ako sa ngiting ‘yon. “Dad, kahit na namatay pa ang lalaking ‘yon. Still niloko pa din niya kayo at pinagpalit sa iba. Nasaan ang pride n’yo para tanggapin sila?!” “Nilunok ko.” “Daddy!” “Wala ng anupamang salita mula sa inyo ang makakapagpabago ng desisyon ko. Mahal ko pa din ang mommy mo at gusto kong sa pagtanda namin ay kami pa din ang magkasama. Nakaraan na ang pagkakamali niya at kinakalimutan ko na ‘yon, ang mahalaga ay nandito na siya muli sa tabi ko.” Ngumisi ako at galit na pinakatitigan siya. “You’re pathetic, dad.” Galit na nilisan ko ang opisina niya ngunit napatigil at pumihit patungo sa guest room. Hindi iyon naka-lock kaya dire-diretso akong pumasok. “Ay kabayo!” gulat na saad ng babaeng nadatnan kong kalalabas lang ng banyo. Tanging puting kamison lang ang suot niya at tumutulo pa ang buhok niyang basa. Gulat na gulat ang itsura ni Chiara nang makita ako. Ang totoo’y panandalian din akong nagulat sa naabutan kong ayos niya. Bumaba ang tingin ko sa leeg niya patungo sa dibdib niya. Mukhang wala siyang panloob maliban sa kamison dahil bakat ang mga korona niya. Agad niyang pinagkrus ang braso sa dibdib at napaatras. Nagpanggap na walang nakitang kinuha ko ang malaking painting na siyang ipininta ko noon. “A-anong ginagawa mo?” “None of your business,” tugon ko sa kanya at binitbit ang painting palabas ng guest room.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD