Kabanata 2

2240 Words
Dirty “Ang taas naman ng hagdan nila dito, naynay. Nakakapagod,” ani Theo na akala mo naman kung makahingal ay bundok na ang pinanik namin. “Kaya ‘wag kang magpapanik-panaob anak, mahirap na at baka gumulong ka pa sa hagdan.” Nagtawanan sila Nanay sa reaksyon ni Theo habang napangiti na lang ako. Naglaho ang ngiting iyon nang makita ang malaking portrait na madadaanan namin. Maging si nanay ay napatigil sa paghakbang nang makita iyon. Seryoso ang bawat mukha ng tatlong tao na nasa portrait na ‘yon. Nakaupo sa gitna si Tito Carlos at katabi niya ang anak nila ni Nanay na sila Angeline at Kaiden. “Dalaga’t binata na ang mga anak ko, nay Pasing, parang kailan lang ay mga maliliit pa silang nag-uunahan sa pagtakbo mula sa school para sa meryendang inihanda ko,” may lungkot sa boses na saad ni Nanay. Sa mga pagkakataong ito, napapaisip ako kung bakit mas pinili ni nanay na iwanan ang mga anak niya at sumama kay tatay. Kung sa amin nga ni Kuya na hindi niya mga tunay na anak ay naging mabuti siya at hindi siya kailanman nagkulang ng pagmamahal, tiyak kong mas ang kaya niyang ibigay sa mga tunay niyang anak. “Aba’y oo, ang bilis lumipas ng panahon. Sayang nga at nasa maynila si Kaiden, pero pa-bakasyon na ata iyon eh. Gantong buwan iyon umuuwi at nagtatagal ng isang buwan din dito sa hacienda.” “Tiyak kong hindi siya matutuwa kapag nalamang nandito ako,” ani Nanay na may lungkot ang mga mata. “Hindi naman siguro, kumpara naman kay Angeline ay medyo mas mabait ang alaga kong iyon,” pilit na pagtawa ni nanay Pasing at inaya na kami patungo sa guest room. “Saan ba ang maleta mo dito, Chiara?” tanong sa akin ni nanay Pasing tinutukoy ang mga maletang magkatulong na ipinanik ng mga katulong dahil ayaw talaga nilang paghawakin kami noon. Napakalayo talaga sa inaasahan ko ang mangyayari sa amin. Mas inasahan ko pa nga ang ginawa ni Angeline kay nanay kesa sa pagtrato sa amin ni Tito Carlos na tila mga bisita sa mansyon niya. “Iyang pink na maleta ang kay Chacha, nay. Bakit mo naitanong?” “Ah doon ko na kasi ipapadiretso kay Cherry sa kabilang guestroom.” “P-po? Bakit po hihiwalay ako kay nanay at Theo?” “Oo nga naman, nay. Ba’t dala-dalawang kwarto pa ang ookupahin namin?” “Ay ako ba ‘gay napag-utusan lang ni Carlos. Ang sabi niya ay dalawang guest room ang ipahanda. Aniya’y masikip ang kama para sa inyong tatlo at baka matamaan pa daw ang bagong opera ng dalaga mo.” Napalunok ako sa nalaman at nagkatinginan kami ni nanay. Mukhang gaya ko ay nagugulat din siya. “Kakausapin ko na lang ho si Carlos, nakakahiyang dalawa pa ang kwarto—” “Naku Regina, mamaya pa ang sulpot no’n at kapag natiyempo na mainit ang ulo no’n baka kami pa ang mapagalitan dahil hindi siya sinunod. Sige na’t pagbigyan n’yo na, para namang hindi mo alam na bihira lang ang bisita dito sa mansyon at may tatlong guest room pa naman na matitira kung magkaroon.” Hindi na nakipagtalo pa si nanay kay Nay Pasing at sinunod na lang ang bilin ni Tito Carlos. Ipinadala nga sa kabilang guest room ang gamit ko. Dalawang pinto iyon mula kina nanay. Ayon sa kanya ay study area ang isa sa mga pinto na ‘yon at ang kabila ay ang opisina ni Tito Carlos kaya binilinan niya kami ni Theo na ‘wag magpunta ro’n at baka may masira kami o mapakialamang papeles. “Wow! Ang lambot ng kama! May kama na tayo, naynay!” pagtalon ni Theo sa kama. “Ang batang ito, may kama din naman tayo sa bahay ah.” “Oo nga nay, pero medyo po matigas iyon eh,” pagnguso ni Theo na nahiga na nang sawayin ni nanay sa pagtalon dahil baka mapagod na naman siya at hikain. “Ang bilis talagang pawisan ng batang ito, halika’t papalitan na kita, tulungan mo na rin akong ayusin ang mga damit natin,” ani nanay. “O sige, maiwan muna namin kayo, Regina. Ako na ang maghahatid kay Chiara sa magiging kwarto niya,” ani nanay Pasing na hinawakan ang pulsuhan ko. Natigil tuloy sa paggala ang mga mata ko sa guest room ng mga Figueroa. Ang guest room nila ay tila kasinlaki na ng bahay namin sa San Dionisio. Kumpleto sa kagamitan at meron pa nga akong maliit na ref na nakita. Talaga bang guest room lang ito? “Ang ganda-ganda talaga dito nay, sayang wala si taytay ano?” Napalunok ako sa narinig na sinabi ni Theo at napayuko. Ayon na naman ang pag-usig ng konsensya ko nang marinig ang sinabi niya. “Nakikiramay ako sa pagkamatay ng iyong ama, Chiara,” ani nanay Pasing nang makalabas kami ng kwarto at maglakad patungo sa guest room na tinutukoy niya. Isang tipid na ngiti na lang ang naisagot ko sa kanya at ginala na naman ang tingin sa malawak na kabahayan. Binuksan niya ang kwarto at halos parehas iyon ng istilo ng ayos ng mga kagamitan sa guest room nila nanay. Ang kinaibahan lang ay ang kulay no’n na lavender at ang malaking painting sa harap ng kama. Nagtagal ang tingin ko ro’n at namangha sa ganda ng pagkakagawa no’n. “Northern lights…” saad ko at nakangiting minasdan iyon. Merong dalawang pigura ng tao roon. A woman and a child. “Alam mo ang lugar na ‘yan, hija?” Napatingin ako kay nanay Pasing at tumango. “Nakita ko ho sa internet at sa isang palabas na napanood ko.” “Ganoon ba? Alam mo bang ang alaga kong si Kaiden ang nagpinta niyan. Napakagaling ano?” Natigilan ako ngunit agad ding tumango at hinarap ang painting. “Oho, napakaganda. Painter po pala siya?” “Hilig niya pero hindi pagpipinta ang kurso niya, ayon kasi kay Carlos ay wala siyang mapapala diyan. Ayan na rin ang huling ipininta niya bago siya magkolehiyo,” ani nanay Pasing. Napatango ako. “Sayang naman po ang talento niya.” “Kaya nga eh, napakagaling pa naman. Ilang contest kaya ang napanalunan niya sa pagpipinta pero ang masusunod talaga ay si Carlos. Panganay niya si Kaiden, naturalmente’y sa kanya iiwan ang lahat at kailangan niyang kumuha ng kurso na naaayon sa pagnenegosyo.” Nahampas niya ang noo at natigil sa pagsasalita. “Naku, nakalimutan ko nga pa lang iutos sa katulong iyong ilalabas na karne para sa dinner mamaya. Mauna na muna ako hija ah. Magpahinga ka na.” “Po? Maglilinis na lang po ako. May pwede po ba kayong ipagawa sa akin? Nagluluto din po ako—” “Ay hindi na hija, may mga nakatoka ng trabaho sa mga katulong dito sa mansyon. Magpahinga ka na lang lalo pa’t hindi ka pa naman tuluyang magaling hindi ba? Hindi ba’t nanggaling ka raw sa operasyon, ‘wag ka munang magkikilos masyado, hija.” Napatango na lang ako at nahihiyang nagpasalamat. Iginala ko ang tingin sa kwartong kinaroroonan nang makaalis si nanay Pasing pero hindi ako naging komportable sa nakikita. Magara ang kwartong kinaroroonan ko at di hamak na malaki kumpara sa maliit kong silid no’n pero hinahanap-hanap ko ang kwarto ko sa San Dionisio. Kung saan ako pinupuntahan ni tatay gabi-gabi para silipin kung tulog na ako o nag-aaral pa. Imbes na maupo sa malambot na kama na gustong-gusto ni Theo ay naupo ako sa lapag at pinakatitigan ang painting sa harap ko. Habang nakatitig doon ay unti-unting kumalma ang pakiramdam ko at hindi ko namalayang napapikit ako’t nakatulog. Nananakit ang likod at batok ko nang magising ako dahil nakatulog akong nakayukyok sa tuhod ko sa lapag. Nang sumilip ako sa labas ay nakita kong papalubog na ang araw. Napatingin ako sa mga gamit kong hindi ko pa naayos at hinila iyon patungo sa cabinet at pinagsasalansan ang mga damit ko ro’n. Natigil ako sa ginagawa nang makarinig ng mahihinang katok. Paglakad ko sa pinto ay nakita ko si nanay na may dala-dalang mga damit ko rin. “Nahalo sa maleta namin ni Theo,” aniya at iniabot sa akin ang mga ‘yon. “Salamat, nay,” saad ko at bumalik sa cabinet kung saan ko inaayos ang mga gamit ko. “Nakatulog ka?” tanong niya sa akin at naupo sa kama. Nakita kong napatitig din siya sa painting na nasa harap ng kama pero muling bumaling ng tingin sa akin. “Oho, hindi ko namalayan. Si Theo po?” “Mahimbing ang tulog, baka mamaya na ang gising no’n.” Bumuntonghininga ako at itinigil ang ginagawa’t hinarap siya. “Hindi ako komportable nay.” “Sa?” “Dito po. Hindi ho ba parang nakakahiya na nandito pa ako sa guest room samantalang anak ako n-ni tatay—” “Chiara, tama na. M-mabuti pa siguro habang nandito tayo kay Tito Carlos mo, masakit man ay ‘wag na muna nating pag-usapan pa ang tatay mo.” Gusto ko mang sabihing mahirap iyon ay napatango na lang ako. “Alam kong mahirap Cha, dahil hindi ito ang buhay na nakasanayan mo at gaya mo nahihiya din akong pumisan dito pero kailangan nating makisama at makibagay sa kanila dahil wala na tayong ibang mapupuntahan pa. Ang totoo’y natakot akong dalhin kayo dito dahil sa pangamba ko kay Carlos pero sa nakikita ko naman ay m-mukhang ayos naman siya at nagbago na.” “Oho n-nga po eh. Akala ko talaga aalilain niya tayo dito—” “At tuwang-tuwa ka naman na hindi iyon ang nangyari at talagang pinatira pa kayo sa magarang guest room imbes na sa maid’s quarter kung saan ka nababagay! Kayong tatlo!” putol ni Angeline sa akin na hindi namin namalayan ni nanay ang pagdating. Agad na napatayo si nanay sa kama at nilapitan si Angeline na mabilis na umatras tila takot na takot na mapadikit sa ina niyang nagsilang sa kanya. “A-Angeline, anak—” “Huwag mo akong sasabihan ng anak! Nakakainis at nakakadiri! Wala akong nanay na malandi at makapal ang mukha na isinasama- sama pa ang bunga ng kalandian niya dito sa pamamahay ng daddy ko! Pati ba naman anak ng kabit mo isinama mo pa?! Asan ang kahihiyan mo?!” sigaw ni Angeline kay nanay. “A-Angeline, pasensya ka na. Alam kong nasaktan ko kayo at hiyang-hiya akong ginagawa ko ‘to pero—” “Oh stop with that pity face of yours, nakakasuka! Tigilan mo nga ang pag-iyak-iyak mong ‘yan. Hindi bagay sa ‘yo. Stop explaining and just get out of our house! Wala kayo dapat dito!” tili niya at tila ba anumang oras ay magagawang masaktan si nanay. Kinuyom ko ang kamao ko pinipigilang magsalita at napatingin na lang ng masama sa mga masasakit na salitang sinasabi niya dahil alam kong wala ako sa lugar para makialam. “Angeline—” “Nay!” sigaw ko nang sa pangalawang pagkakataon ay malakas niyang itinulak si nanay. Hindi na ako nakapagpigil at habang tinutulungang tumayo si nanay ay hinarap ko siya. “Huwag mo naman sanang saktan si nanay, Angeline. P-pwede naman kayong mag-usap ng mahinahon—” Napasinghap ako nang lumapit siya sa akin at bago pa ako makaiwas ay malakas niya akong sinampal. “Angeline, Diyos ko po!” “Ang kapal ng mukha mong pagsabihan ako! Nasa pamamahay ka namin at sampid ka lang dito, hampaslupa!” Napasigaw si nanay at pinigilan si Angeline na hindi pa nakuntento sa pagsampal sa akin at hinila ang buhok ko. Napaiyak ako sa sakit sa higpit ng kapit niya sa buhok ko. “Tama na, Angeline, nasasaktan na si Chiara. Hindi pa siya tuluyang magaling baka mapaano siya,” pag-iyak ni nanay pero sadyang malakas si Angeline at hindi ako binitiwan. Tinangka kong abutin ang kamay niya pero hindi ko iyon naalis sa pagkakasabunot sa akin. “Angeline, enough!” ang sigaw na ‘yon ang nakapagpatigil sa inis na sigaw ni Angeline at pag-iyak ni nanay na nakikiusap na pakawalan ako. “Kuya!” Pagkasabing ganoon ni Angeline ay padaskol niya akong binitiwan. Nawalan ng balanse na tumumba ako. Napangiwi ako nang makaramdam ng kirot sa sugat ko dahilan para mapahawak ako ro’n. “Cha, a-asan ang masakit?” ani nanay na tinulungan akong makatayo. “Thank God you’re here na! Tulungan mo na nga akong mapalayas ang mga ‘yan! Look, wala pa nga silang isang araw dito, pinagtutulungan na nila ako!” pag-iyak ni Angeline na akala mo siyang nasaktan sa aming tatlo. Pero sa bagay, sa pisikal ay hindi siya nasaktan pero alam kong sa loob-loob niya’y masakit nga namang talaga ang pag-abandona sa kanila ni nanay. Nang mapatingin ako sa kanya ay napalunok ako nang magtagpo ang tingin namin ng lalaking may baritonong boses na pumigil sa kapatid niyang patuloy akong saktan. “K-Kaiden, anak ko…” ani nanay na nang lingunin ko ay bakas ang pinaghalong gulat at pangungulila sa mga mata at muling tumulo ang mga luha. “Let me see your hand,” aniya sa kapatid at walang emosyon na iniwas ang tingin sa amin ni nanay. Nakangusong ipinakita naman ni Angeline sa kuya niya ang mga kamay niya na masama pa rin kaming sinulyapan. “It’s dirty, now. Kung saan-saan mo kasi hinahawak. Hindi ka dapat nag-aaksaya ng oras dito, let’s go.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD