Kabanata 4

1897 Words
Disgusto “Naynay, hindi ba tayo gusto nila Kuya at Ate? Iyong mga anak ni Tito Carlos.” Natigilan ako sa pagkuha ng damit ni Theo na pinupunasan ni nanay mula sa paglilinis ng katawan. Malalim akong bumuntonghininga at naalala ang nangyari kanina. Hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot para kay nanay sa pakikitungo nila Angeline sa kanya, at kaba para sa amin ni Theo dahil sa mga taong lantaran ang pagpapakita ng disgusto sa mga presensya namin. “Sus, ikaw na bata ka, kung anu-anong napapansin mo. Saka anak, hindi ba sinabi ko sa ‘yo kapag kakain tayo, dapat ‘wag masyadong maingay. Kanina ay napakatabil mo, sa susunod ‘wag na ah.” “Si Tito Carlos naman po nagpapakwento sa akin eh, mabait siya naynay.” “Cha? Asan na ang mga damit ni Theo?” Doon lang ako muling kumilos sa pagkuha ng pantulog ni Theo at inabot iyon kay nanay. “Naynay, pwede ba akong manood sa magandang tv na ‘yan?” pagturo ni Theo sa flat screen TV. May pakikiusap ang mga mata na alam kong hindi matatanggihan ni nanay. “Saglit lang Theo ah, kailangan mo na ding matulog.” “Sige po, saglit lang promise!” pagtaas pa ng kamay ng kapatid kong si Theo na bumungisngis pa. Binuksan ni nanay ang TV at nilagay sa cartoons ang channel. “Nay…iyong kanina, talaga bang ayos lang na dumito tayo?” pabulong kong tanong sa kanya. “Mabait naman si Tito Carlos pero…” Hinaplos ni nanay ang buhok ko at nang makita ko ang lungkot sa mga mata niya ay hindi ko na napagpatuloy pa ang sasabihin ko. “Alam kong nasaktan ka ni Angeline, at hindi malabong maulit muli ang nangyari. Alam kong mahirap, anak, ang makisama sa mga taong ayaw naman sa ‘yo pero wala akong magagawa. I-isa pa, malabo man ay gusto kong maayos ang relasyon namin nila Kaiden at Angeline.” Tumango ako. “Naiintindihan ko, nay. Iiwas na lang po ako hangga’t maaari kina Angeline para hindi kami magkasakitan.” “Patawarin mo sana ako, Chiara–” “Nay hindi, alam ko ang mga sakripisyo n’yo para sa akin kaya wala kayong dapat ihingi ng tawad. Magiging ayos po ako at sana maging ayos na din kayo sa mga anak n’yo.” Matapos ang maikling pag-uusap na ‘yon ay umalis na ako ng kwarto nila Nanay at tinungo na ang guest room na nakalaan para sa akin. Nakakapanibago talaga ang rangya at ganda no’n. Muli kong pinakatitigan ang painting na nakasabit at nakaramdam ako ng paghanga para sa mga kamay na gumuhit doon. Tunay na may talento siya sa pagpipinta. Napatingin ako sa dalawang bulto ng katawan na naroroon at naisip kong hindi kaya si Nanay at si Kaiden iyon? Naiintindihan ko naman ang pakikitungo nila sa amin lalo na kay Nanay. Siguro kung ako din ang nasa posisyon niya ay baka parehas din ang maging reaksyon ko. Tumayo ako at napagpasyahan na maglinis na ng katawan para makatulog na. Nagtagal ako sa banyo dahil hindi ko magawang malaman kung paano papaganahin ang shower na naroroon. Walang tabo at timba naman para sa gripo. Pati banyo ay masyadong magara at mateknikal. Natutunan ko din naman at nakapaglinis na ako ng katawan. Hindi na ako nag-abalang maglagay ng bra at sinuot na lang ang kamison ko na siyang ginagamit ko sa pagtulog dahil doon ako komportable. Hindi ko na tinangkang gamitin pa ang blower na naroroon dahil hindi naman ako sanay. Kinuskos ko na lang ng towel ang buhok ko pero dahil may kahabaan iyon ay medyo tumutulo pa iyon nang lumabas ako ng banyo para lang magulat sa naabutan kong tao sa kwarto na tinutuluyan ko. “Ay kabayo!” reaksyon ko at gulat na sinulyapan ang lalaking nasa kwarto na bumaba ang tingin sa leeg ko patungo sa dibdib ko?! Bastos! Sa isip-isip ko at pinagkrus ang braso ko roon at napaatras pa sa takot. Tila walang nangyari naman na nagpatuloy siya sa paghakbang at natigilan ako nang kunin niya ang painting na hinahangaan ko mula kanina pa. “A-Anong ginagawa mo?” “None of your business,” masungit niyang sagot at tuluyan nang binitbit palabas ng guest room ang painting. Hinabol ko siya ng tingin at sinulyapan ang nabakanteng dingding dahil sa kinuha niya. Napabuntonghininga ako at binagsak ang sarili sa kama. Paano ko ba sila papakitunguhan, Tay? Kung hindi lang kina Theo at nanay ay nanaisin ko na lang umalis dito… Tumayo ako sa takot na baka muling pumasok ang magkapatid sa kwarto. Alam kong hindi ko naman kwarto ang tinutuluyan ko pero dahil sa pangamba ay naglock na ako at muling bumalik sa pagkakahiga. Kahit basa pa ang buhok ay namalayan ko na lang na bumigat na ang mga mata ko sa kaantukan. Sa pagpikit ko ay lumitaw ang imahe ng batang binilan ako ng salamin noong bata pa ako. Si Kaiden na malawak ang ngiti sa akin habang kumakain kami ng siomai na inilibre ni Kuya. Ngunit saglit lang ay napalitan iyon ng Kaiden na puno ng disgusto ang tingin sa amin ni nanay kanina. *** Papasikat pa lang ang araw nang magising ako. Inayos ko ang pinaghigaan ko at lumabas ng kwarto. Saglit pa akong huminto sa paglabas at sinilip pa ang paligid sa kabang makasalubong ko ang magkapatid na Figueroa. Tuluyan na akong humakbang nang makita si nanay na nag-iipit na lumabas ng kwarto nila ni Theo. “Nay,” tawag ko sa kanya. Nilingon niya ako. “Bakit ang aga mo na namang nagising anak?” “Maaga din naman po kasi akong nakatulog. Kayo po?” “Bababa ako ng kusina at tutulong sa mga katulong na maghanda ng almusal. Isa pa’y gantong oras naman talaga ang gising ko.” “Tulungan ko na po kayo.” “Nako, ‘wag na. Magpahinga ka na lang–” “Nay, ang sabi ng doktor dapat magkikilos ako lagi para mas madali ang paghilom ng sugat ko at kailangan kong kumilos para lumakas ang resistensya ko.” “Ito talagang bata na ‘to, hindi na nauubusan ng argumento. O siya, halika na sa baba.” Patungo na kami sa kusina nang makasalubong namin si nanay Pasing kausap ang isa sa mga kasambahay din na si Cherry. “O anong meron at napakaaga n’yo na gumising?” “Tutulong ako sa pagluluto ng almusal, nay Pasing,” sagot ni nanay sa kanya. “Sus eto namang si Regina, kayang-kaya na namin iyon eh. Maaga pa, at dapat ay matulog na muna kayo.” “Sanay kaming ganto ang gising nay, para namang hindi n’yo ako kilala.” “O siya sige, halika na sa kusina at tanda ko’y gustong-gusto ng dalawa ang sinangag mo. Ipagluto mo nga sila.” “Tutulong din po ako.” “May dalawa pa kaming makakatulong ng nanay mo, Cha. Matulog ka na lang muna,” sagot sa akin ni nanay Pasing. Tumawa si nanay. “Hindi ‘yan mapapakali na walang ginagawa, nay. Narinig kong inuutusan n’yo si Cherry na diligan ang mga halaman sa garden, tulungan mo na lang siya, Cha.” “Sige po, nay.” Hindi na rin naman tumutol si Nanay Pasing at pinasama na ako kay Cherry na mabait naman at nakakwentuhan ko habang dinidiligan namin ang mga bulaklak at halaman sa pool area ng mga Figueroa. “Napakaganda mong bata, siguro may boyfriend ka na,” panunukso sa akin ni Cherry na limang taon ang agwat ng edad sa akin pero ayaw magpatawag ng ate. Inayos ko ang salamin ko at nakangiting umiling. “Wala ah.” “Pero may nanliligaw panigurado,” patuloy niyang panunukso. Hindi ako nakasagot at naalala ang kaibigan kong si Jojo na naiwan sa San Dionisio. Ni hindi man lang ako nakapagpaalam sa kanya. “Ay meron nga?” Ngumiti ako at tumango. “Kababata at kaibigan ko, si Jojo. Kaso ay wala naman akong nararamdaman sa kanya kaya pinatitigil ko na siya sa panliligaw sa akin.” “Tumigil naman ba?” Umiling ako. “Hindi, lagi nga niya akong dinadalaw noon sa hospital.” “Hospital? Ay oo nga pala, naaksidente ka nga pala. Kung ganoon ay dapat ninobyo mo na. Mukhang napakamaalalahanin at mabait pa sa ‘yo.” Tumawa ako. “Ganoon ba ‘yon dapat? Kung mabait sa ‘yo ay dapat mo nang sagutin?” “Oo?” hindi siguradong sagot niya sa akin na mas ikinatawa ko pa. “So…you’re a maid here, too? And a talkative one?” Namilog ang mga mata ko sa narinig na boses at naharap ang nagsalita sa tabi kong hindi ko namalayan ang pagdating. “Damn it!” sigaw ni Kaiden nang nawala sa isip ko ang host kong hawak at natutok sa kanya ‘yon. Nabitiwan ko ang hawak at kagat-labing hindi malaman ang gagawin nang humakbang siya palapit sa akin. Basang-basa ang pang-itaas niya at kita ko ang galit sa mga mata niya dahil sa nagawa kong pagbasa sa kanya. “S-sorry,” nanginginig ang boses na saad ko, natatakot. “Sorry? Will that fix everything huh? Matutuyo ba niyan ang pagkakabasa ko?” “K-kukuha lang ako ng tuwalya,” natataranta kong saad. “No, you stay here!” paghila niya sa pulsuhan ko at inilapit ang sarili sa akin. Ramdam ko ang malakas na t***k ng puso ko nang magtagpo ang mga mata namin. “Get me some towel Cherry, and a robe!” “C-coming, Sir!” sagot ni Cherry at iniwanan kaming dalawa. “Hindi ko naman ginustong m-mabasa ka!” nauutal kong saad nang balikan niya ako ng tingin. “Hindi sinasadya? Gaya ng pagsulpot n’yo dito ng nanay at kapatid mo?” Hindi ako nakasagot at nag-iwas lang ng tingin sa kanya. Humakbang siya patalikod at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang tinutumbok ng mga paa niya. “Anong gagawin mo?” natatakot kong tanong sa kanya. “I’ll get even. Hindi ko ugaling hindi ibalik ang binigay sa akin. You made me wet then I’ll make you wet, too.” Bago pa ako makapagsalita at makakawala sa mahigpit na paghawak niya sa pulsuhan ko ay nahila niya na ako patungo sa swimming pool at pareho kaming bumagsak roon. Dahil hindi handa ay nakainom ako ng tubig ng pool at nang tangkain kong tumayo ay nataranta ako nang walang matapakan ang paa ko. Hindi ako marunong lumangoy! Iniangat ko ang kamay ko at pilit iniangat ang katawan ngunit muli akong nakainom ng tubig hanggang sa may maramdaman akong brasong umakap sa bewang ko at inangat ako. Uubo-ubo ako nang makasagap ng hangin. “A-ahh,” ingit ko nang maramdaman ang hapdi ng opera ko dahil sa malamig na tubig ng pool na pinaglubugan namin ni Kaiden. Nang idilat ko ang mga mata ay nanlabo ang paningin ko dahil nawala rin ang suot-suot kong salamin. Nang gumalaw si Kaiden na akap-akap ang bewang ko ay awtomatiko akong napakapit sa damit niya sa takot na bitiwan niya ako at muling lumubog. Nang hindi pa makuntento ay awtomatikong pumulupot ang braso ko sa leeg niya. “P-please, h-hindi ako marunong lumangoy,” naiiyak kong saad. “H-huwag mo akong bitiwan.” Narinig ko ang pagtikhim niya at walang sali-salita na naramdaman ko ang paglangoy niya habang nakasabit ang braso ko sa leeg niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD