Hacienda Figueroa
"Nay, hindi ba pwedeng manatili na lang tayo dito?"
Malalim na buntonghininga ang sinagot sa akin ni Nanay at tinigil ang pagtutupi ng mga damit ni Theo. Tinabihan niya ako sa kama at hinaplos ang buhok ko. Ang sugat kong may gasa ay maingat niya ring pinadaanan ng daliri niya.
“Cha, hindi na sa atin ang bahay na ‘to. Gusto nung mga nakabili na lipatan na agad ‘to. Wala na tayong magagawa pa kung hindi umalis.”
“Dahil sa akin…kasalanan ko.”
“Cha, walang sumisisi sa ‘yo kaya hindi mo din dapat sisihin ang sarili mo.”
Humikbi ako. “Hindi nga ba, Nay? Naaksidente kami ni Tatay dahil matigas ang ulo ko. Kung nakinig lang ako sa k-kanya at hindi nagpagabi ng uwi–”
“Chiara, tama na. Ang aksidente nangyayari talaga ‘yan. Ang mahalaga hindi ka natulad sa tatay mo at nabuhay ka. May bagay pa din tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos.”
Niyakap ko si Nanay awang-awa sa kanya. Alam ko ang hirap na dinaranas niya ngayon. Namatay si Tatay at naibenta niya ang tanging maliit na bahay na pinundar nilang dalawa para sa amin dito sa San Dionisio para lang may maipangbayad siya sa hospital sa pagpapagamot sa akin at sa pagpapalibing kay Tatay.
“Tama na, ‘wag ka nang umiyak. Nakausap ko na si Karding, padating na mayamaya ‘yon para ihatid tayo sa San Nicolas. Mag-ayos ka na.”
“Sa mansyon ng mga Figueroa…Nay, naiintindihan kong hindi na tayo pwede sa bahay na ‘to pero bakit doon tayo mapupunta? Hindi ba’t malaki ang galit sa inyo ng mga tao ro’n? Ni hindi nga tayo magawang makapunta sa San Nicolas eh.”
“Nakapag-usap na kami ng dati kong asawa, noong nasa hospital ka at kinailangan ng agarang pera para mapaopera ka, wala akong choice kung hindi ang kapalan ang mukha ko at humingi ng tulong sa kanya. Pagtatrabahuhan ko ‘yon sa mansyon at isa pa, wala pa tayong sapat na halaga para makapagsimula. Ang natitirang pera sa akin ay sapat na lang para sa mga gamot mo at ng kapatid mong si Theo.”
Tumango ako at hindi na nagsalita pa naunawaan na kung bakit kailangan naming gawin ang bagay na ‘to. May takot sa puso ko para sa nag-aabang na buhay sa amin sa kamay ng mga Figueroa pero tama naman ang nanay, wala kaming matatakbuhang iba.
Ang mga kaibigan ni Tatay ay pare-parehong hikahos sa buhay. Wala na rin kaming ibang kamag-anak dito sa Palawan na siyang mahihingan namin ng tulong. Mahina pa ang resistensya ni Theo simula nang maipanganak siya kaya kakailanganin din namin ng pera.
“Hayaan n’yo nay, kapag magaling-galing na ang opera ko. Maghahanap agad ako ng trabaho.”
Matindi ang tama ng aksidente sa akin at himala na nga lang daw na nabuhay ako. Ilang buwan din ang tinagal ko sa hospital matapos nilang alisin ang spleen ko na siyang na-damage ng tubo na pumasok sa katawan ko dahil sa aksidenteng kinasangkutan namin ng Tatay na siyang ikinasawi niya naman.
“S-salamat anak, patawarin mo sana ako kung kinakailangan mo munang huminto sa pag-aaral–”
“Nay naman, ako nga ang dapat humingi ng tawad sa inyo sa lahat-lahat. Saka salamat kasi kahit hindi n’yo ako tunay na anak, isasama n’yo pa din ako.”
“Anong hindi ka diyan? Hindi ka man nanggaling sa sinapupunan ko, anak kita dito sa puso ko, lagi mong tatandaan ‘yan.”
Namasa na naman ang mga mata ko kaya mabilis ko siyang niyakap. “I love you, Nay,”
“Mahal din kita Cha.”
“Ako din, pa-hug!” sulpot ni Theo na pawisang pumasok sa maliit kong kwarto.
“Susmaryosep kang bata ka, hindi ba sabi ko sa ‘yo ‘wag kang magtatakbo sa initan at baka magkasakit ka na naman. Halika’t pupunasan kita’t papalitan ng damit.”
Nang maiwan akong mag-isa ay dinampot ko ang picture frame na nasa tabi ng kama ko.
“Kuya, wala na ang tatay. Kami na lang tatlo ang magkakasama, nasaan ka na ba? Hindi ka na ba talaga babalik sa amin? Miss na miss na kita,” bulong ko at niyakap ko ang huling larawan na buo pa kaming pamilya.
***
“Cha, gising na nandito na tayo.”
Nagmulat ako ng mga mata at kinusot-kusot muna iyon bago sinuot ang salamin ko. Kahit nasa loob pa lang ng owner na nirentahan ni nanay patungong mansyon ng mga Figueroa ay naramdaman ko kaagad ang kaba nang matanaw ang matayog na gate.
Bumaba na si Nanay karga-karga si Theo at magkatulong na binaba nila ni Mang Karding ang mga gamit namin. Puro damit lang naman ang dinala ni Nanay kaya dalawang maleta at tatlong backpack ang mga ‘yon.
Kinuha ko ang sa akin na medyo magaan-gaan lang at inilagay sa likod ko.
“Hihilahin lang naman nay, kaya ko na,” saad ko at hinawakan ang isa sa mga maleta.
Binayaran na ni nanay si Mang Karding at iniwan niya na kami.
“Wow! Ang laki, diyan na ba tayo titira ngayon, naynay?”
Lumuhod si nanay sa harap ni Theo at inayos ang magulong buhok ng kapatid ko. “Theo, makinig ka sa sasabihin ni nanay ah. Hindi sa atin ang bahay na ‘yan, magtatrabaho diyan si nanay kaya makikitira lang tayo. Hindi ka pwedeng magkukulit sa loob niyan at hangga’t maaari ay doon lang muna kayo ni Ate sa kwarto na ilalaan sa atin. Bibilan na lang kita ng maraming laruan at coloring book sa bayan, ayos ba ‘yon?”
Ngumuso ang kapatid ko. “Hindi ba ako papasok sa school naynay? Hindi ba ang sabi n’yo ni taytay, papasok na ako ngayong taon?”
“H-hindi pa kaya anak eh, hayaan mo kapag nakaraos-raos na tayo, papag-aralin kita. Pangako. Basta makikinig ka sa akin at ‘wag kang magkukulit ah.”
“Okay naynay,” pagtango ni Theo.
Naaawa ako sa kapatid ko dahil hindi niya dapat pagdaanan ang mga bagay na ‘to. Nasa edad niyang dapat ay nasa paaralan na nga siya at nag-aaral na. Sana rin ay nandito pa si tatay para sa kanya.
“Huwag kang mag-alala Theo, wala din namang school si Ate kaya ako ang magiging teacher mo.”
“Yey!” sigaw ni Theo na umakap sa akin.
Nasa ganoon kaming ayos nang bumukas ang malaking gate.
“Regina!” tawag ng isang medyo may katandaan na babae na may kasamang isa pang babae.
“Nanay Pasing!” pag-akap ni nanay sa kanya.
“Tama nga si Carlos at nakarating na nga daw kayo. Pinasundo niya kayong mag-iina sa amin. Cherry, tulungan mo nga sila sa mga gamit nila.”
“Hindi na nay, hindi naman kami mga bisita. Katulad n’yo din akong mamasukan kay Carlos.”
“Kuu, parang hindi naman iyon ang tingin ko. Nagpapahanda nga ng tanghalian si Carlos para sa inyo. Tara na sa loob.”
“Cha, siya si nanay Pasing. Matagal na siyang nagtatrabaho sa mga Figueroa. Nay, ito si Chiara at ang bunso ko, si Theo.”
“Keganda’t kagwapong bata. Halika na kayo, paniguradong nagutom kayo sa biyahe. May kalayuan din ang San Dionisio dito eh.”
Mabagal ang paghakbang ko at gusto ko mang gaya ni Theo ay mamangha sa laki ng bahay at mga nakikita, hindi ko magawa. May kaba pa rin sa puso ko para sa dadatnan naming buhay sa mansyon.
Nasaksihan ko noon ang pag-iiyak ni Nanay sa tuwing umuuwi siyang bigo dahil hindi niya nagawang makita ang mga anak niya sa dati niyang asawa na si Carlos Figueroa.
“N-nandiyan ba si Angeline, nanay Pasing?”
“Kanina’y nasa kwarto pero sa gantong oras, pababa na ‘yon.”
Nang makapasok kami sa loob ng mansyon ay talaga ngang kamangha-mangha ang lugar. Hindi ko mapaniwalaang ito ang buhay na tinalikuran ni nanay para kay Tatay at sa amin.
Tanging sa mga palabas ko lang nakikita ang ganitong klase ng bahay. Dati’y natatanaw lang namin ito ni Kuya mula sa labas sa tuwing sumasama kami kay Tatay patungong hacienda ng mga Figueroa.
Talaga ngang tunay na hindi biro ang yaman na meron sila.
“What the hell!”
Ang matinis na boses na iyon ang umagaw sa atensyon namin nila nanay. Agad kong hinawakan sa kamay si Theo nang makita ang pagbaba ng isang dalaga mula sa mataas na hagdan.
Natitiyak kong siya si Angeline, kahawig siya ni Nanay at kahit simpleng bestida lang ang suot-suot niya ay namumukod tangi ang ganda at pagiging sopistikada niya. Mestiza rin siya at mamula-mula ang labi niya.
“Angeline, a-anak,” may saya sa boses na tawag sa kanya ni Nanay.
Pinanood ko kung paano siyang takbuhin ni nanay at mahigpit na yakapin.
“Get off me!” tili niya at malakas na itinulak si Nanay na bumagsak sa marmol na sahig.
“Nay!” sigaw ko at nilapitan siya para tulungang tumayo.
“How dare you touch me! Nakakadiri ka! Yaya Mabel, pakihanda ang bathtub, now! Maliligo ulit ako!”
“Anak–”
“Don’t call me that, you b***h! Ano bang ginagawa mo dito?”
“Hija, ‘wag mo namang pagsalitaan ng ganyan ang nanay mo,” saway sa kanya ni Nanay Pasing.
“No! Hindi siya ang nanay ko. Matagal ng patay ang mommy ko!”
Matalim ang tingin na inisa-isa niya kami.
“Ano bang meron at may mga pulubi sa pamamahay namin ngayon?”
“Angeline!”
Ang malakas na boses na iyon ang nagpatigil sa pagsasalita kay Angeline. Sabay-sabay kaming nagtaas ng tingin sa lalaking bumababa ng hagdan na may gamit na tungkod.
“You don’t talk that way to your mother! Apologize, now!”
“No! Bakit ako magso-sorry sa kanya? She hugged me at nakakadiri–”
“Are you going to apologize or I’m going to block all your credit cards?”
Nagkagat ng labi si Angeline at nilingon si Nanay.
“Sorry,” walang sinseridad niyang saad bago nagtatakbo papanhik sa taas.
“Angeline–”
“Carlos, t-tama na. Huwag mo nang pagalitan si Angeline. Ako din naman ang may mali, hindi ko dapat siya niyakap. Ang dumi ko pa naman at pawisan.”
Bumuntonghininga si Carlos Figueroa at napatingin ako sa kamay niyang dumapo sa balikat ni nanay.
“Pagpasensyahan mo na siya, Regina. Pagsasabihan ko na lang.”
“Hindi na kailangan, Carlos. Alam ko naman kung bakit ganyan si Angeline sa akin.”
Tumikhim ang kausap niya at sinulyapan kami ni Theo na nagtago sa likod ko.
“Siya na ba si Chiara? Napakalaki na at dalagang-dalaga na din.”
“M-magandang tanghali po, Sir.”
“Too formal, Chiara. You can call me Tito.”
Ngumiti na lang ako at hindi na nakapagsalita pa. Naninibago sa pinapakita niya, tandang-tanda kong hindi maganda ang tingin niya sa amin. Kaya nga namin kinailangang lumayo sa San Nicolas dahil sa kanya. Walang kabuhayan ang pamilya namin dito dahil sa takot nila kay Carlos Figueroa kaya hindi ko maintindihan kung bakit siya ganito sa amin. Marahil…naaawa?
“Bueno, siya ba ang bunso mo, Regina?”
“Ah oo. Si Theo, Carlos.”
Tumango si Tito Carlos at sinilip pa ang kapatid ko na nahihiyang nagpatuloy sa pagtatago sa likod ko.
“Cherry, ipanik mo na sa guest room ang mga gamit nila at ipatawag mo si Angeline para sa tanghalian.”
“Carlos, guest room? Hindi na, sa maid’s quarter na kami–”
“Puno na ang maid’s quarter, Regina. Hindi din kayo kakasyang tatlo roon.”
“Pero–”
“Sige na Cherry, kunin mo na ang mga gamit nila at magpatulong ka sa ibang katulong. Halina kayo sa dining area,” pag-aya ni Tito Carlos at nanguna na sa paghakbang.
Nagkatinginan kami ni Nanay na hinawakan ang kamay ko.
“Ayos lang ba kayo, nay?” bulong ko nag-aalalang nasaktan siya sa pagtulak sa kanya ni Angeline kanina.
“Ayos lang ako, anak. Huwag kang mag-alala.”
Nang makarating kami sa hapag ay hindi ko malaman kung tama bang makiupo kami roon. Mahaba ang lamesa at siguro’y nasa benteng tao ang kayang umokupa roon. Iba’t-ibang klase ng putahe ang naroroon at akala mo’y fiesta.
Isa pa’y napakaraming kubyertos ang nakalagay sa magkabilang gilid ng plato.
“Maupo na kayo.”
“Carlos, hindi mo naman kami kailangang isabay dito–”
“Tama ka na, Regina. Kumain na lang tayo,”
Pinaupo na kami ni Nanay at nanatiling tahimik si Theo sa gitna namin ni Nanay.
Pinanood ko si Nanay na kinuha ang puting towel sa mesa at inilagay iyon sa hita niya. Ginaya ko siya at ganoon din ang ginawa ko kay Theo.
Doon ko napansin na hindi gaya sa amin ni Theo ay hindi naninibago si Nanay. Sabagay, ito nga pala ang buhay niya bago pa siya mapunta kay Tatay.
Ang sabi nga noon ni tatay ay isang reyna noon ang nanay sa isang palasyo. Ito ang palasyo niya noon.
“Nasaan si Angeline?” tanong ni Tito Carlos sa katulong na nakaunipormeng sumulpot sa hapagkainan.
“Ay Sir, ayaw pong bumaba. Mamaya na daw po siya kakain.”
“Ang batang ‘yon talaga, papanikan mo na lang ng tanghalian at baka malipasan ng kain ‘yon ay magka-ulcer pa siya.”
“Sige po.”
“Kaya nga dapat hindi na kami sumabay pa sa ‘yo, para nakakain si Angeline.”
“Huwag mo na siyang isipin pa, Regina. Kailangan niyang matanggap na simula sa araw na ‘to ay dito na kayo titira. Siya nga pala, saan ka nga pala nag-aaral Chiara? Hindi ba’t nasa kolehiyo ka na?”
Umiling ako. “Titigil po muna ako sa pag-aaral, Tito.”
“Bakit hindi ka mag-aral sa school ni Angeline? Tingin ko nama’y matalino ka at kaya mong maipasa ang scholarship na ino-offer doon.”
“Hindi na Carlos, hindi pa kasi kaya. Kapag nakaipon-ipon na ako at mabayaran na kita–”
“Hindi ako naniningil Regina, ang usapan natin ay magtatrabaho ka. Sa hacienda ka mamamasukan para dito ka na lang din mag-oopisina. Siguro naman ay hindi ka pa nakakalimot tungkol sa pamamahala sa hacienda?”
“Huh? H-hindi ba ako mangangatulong dito–”
“Ikaw? Magiging katulong? May pinag-aralan ka naman. Hindi mo dapat sayangin ‘yon.”
“Carlos, anong–”
“Saka na tayo mag-usap. Nakalimutan kong may lakad pa pala ako sa bayan. Sa susunod na buwan ay ang panibagong semester sa Colegio de San Nicolas, Chiara. Kung ayos na naman ang iyong pakiramdam, mag-exam ka na sa susunod na linggo. Maiwan ko muna kayo,” ani Tito Carlos na tumayo na at iniwan kami.
Bakit mabait siya taliwas sa inaasahan ko?