“MAGPAHINGA na po kayo Don Felipe.” Nang matapos kong painumin ng mga gamot niya ang Don. Inayos ko rin ang kumot sa may baywang nito pagkuwa’y iniligpit ko na rin ang mga gamot nito na nasa bedside table.
“Salamat hija.”
“Walang anuman po. Kung may ipag-uutos po kayo mamaya tawagan n’yo lang po ako.”
Ngumiti ulit sa akin ang Don. “Go on, take a rest hija. I know you’re tired already.”
“Actually po, hindi naman po ako napagod sa trabaho ko ngayon kaysa po sa trabaho ko sa bar. Pero, sige po at lalabas na po ako para makapagpahinga na po kayo. Good night po Don Felipe.”
“Good night, sweetheart.”
Isang matamis na ngiti pa ulit ang ibinigay ko sa Don ’tsaka ako naglakad na palabas ng silid nito. Dahil hindi pa naman ako inaantok... sa halip na pumanhik sa silid ko ay nagdiretso ako sa kusina para kumuha muna ng tubig na malamig at parang nanunuyo ang lalamunan ko. Nadatnan ko naman doon si Natalija na abala sa pagpupunas ng kitchen counter.
“Hindi ka pa magpapahinga?” tanong nito sa akin nang makita ako nito.
“Hindi pa naman ako inaantok e.”
“Gusto mo ipagtimpla kita ng gatas para makatulog ka ng maaga?”
Saglit kong tiningnan ang wrist watch na suot ko. Alas nuebe pa lang naman. Hindi pa ako inaatok at hindi rin naman masakit ang katawan ko ngayon. Wala naman kasi akong ginawang mabigat na trabaho rito buong araw, hindi kagaya sa bar na marami akong trabaho kaya kapag umuwi ako sa gabi ay bumabagsak agad ang katawan ko at biglang nakakatulog.
“Hindi na Natalija, salamat.” Turan ko rito at naglakad palapit sa refrigirator. “Gusto ko lang ng malamig na tubig.”
“Sige. Pero kung gusto mong magtimpla kapag hindi ka makatulog agad, bumaba ka na lang dito. Nandiyan lang naman sa cabinet ang gatas.” Saad pa nito.
“Okay,” sabi ko. Pagkatapos kong magsalin ng tubig sa high glass ay nangalumbaba ako sa kitchen counter habang pinagmamasdan ang ginagawa nito. “Si sir sungit pala?” naitanong ko mayamaya.
Tumingin naman sa akin si Natalija at biglang ngumiti.
Nagsalubong naman ang mga kilay ko. “B-bakit ka nakangiti riyan ng ganiyan?” nagtatakang tanong ko.
“Crush mo siya ano?” walang atubiling tanong nito sa akin.
Napamaanga ako saglit. “H—”
“Naku, huwag kang mag-alala. Marunong naman akong magtago ng sikreto e. Secret lang natin na may crush ka kay Sir Kidlat.” Saad nito hindi pa man ako tapos sa gusto ko sanang sabihin. At halatang nanunudyo pa ito sa akin.
Nag-iwas ako ng tingin dito. “Hindi a,” sabi ko. Haynaku, okay ng alam nina Xia at Cj na may gusto ako sa sungit na ’yon. Hindi na kailangang malaman ni Natalija. At isa pa, no’ng nakaraan lang ako may gusto sa kaniya at hindi na ngayon. Sa ginawa niyang panglalait sa luto ko kanina, ah, hindi na siya dapat maging crush. Ang sungit na nga niya tapos pangit pa ang ugali niya at mapanglait pa. Hindi ko mapigilan ang mapairap sa hangin nang maalala ko na naman ang nangyari kanina sa hapag.
“Sus! Halata kaya.” Saad pa nito at mas lalong lumapad ang pagkakangiti sa akin.
“Pangit ang ugali niya tapos nilait pa niya ang luto ko kanina. So, sino ang magkakaroon ng crush sa lalaking katulad niya, aber Natalija?” mataray na tanong ko rito.
“Ako,” sabi nito. “Aaminin ko sa ’yong kahit masungit si Sir Kidlat minsan... crush ko siya.” Saad pa nito. “Okay lang naman pangit ang ugali, guwapo naman e.” Humagikhik pa ito.
Muli akong napairap kasabay nang pagbuntong-hininga ko ng malalim. “Ay, ayoko ng ganoon. Mas importante sa akin na maganda ang ugali kahit pangit ang mukha.”
“Hindi nga?” tanong nito. “So, kung liligawan ka ni tsetae... o ni Rene Requiestas, okay lang sa ’yo kahit pangit sila? Mababait naman ’yon sila.”
Biglang nagsalubong ang mga kilay ko. “Sino ’yon?”
“Makalumang artista. Hindi ka ba nanunuod ng palabas no’ng maliit ka pa?” tanong pa nito. “So, crush mo nga si Sir Kidlat?” dagdag na tanong pa nito.
Bumuntong-hininga na lamang ako at muling nangalumbaba sa kitchen counter at uminom ulit ng tubig.
“Alam mo, bagay kayo ni Sir Kidlat.”
“Huwag ka ngang magsalita ng ganiyan Natalija. Baka mamaya niyan, bigla na naman siyang sumulpot at marinig niyang pinag-uusapan na naman natin siya. Para pa naman siyang kidlat na bigla na lang... nasa harapan mo na pala.”
Humagikhik na naman ito ulit. “Alam mo ang sabi ng lola sa ’kin... kapag daw may gusto ka sa isang tao, in denial ka lagi kapag may nagtatanong sa ’yo tungkol sa bagay na ’yon o tungkol sa taong gusto mo.”
“Porket nag-deny may gusto na agad? Paano kung talagang wala?”
“E, nakikita ko sa mukha mo na gusto mo si Sir Kidlat. Ay... hindi lang pala sa mukha. Pati sa mga mata mo. Lalo na kanina habang tinitingnan mo siya. Kahit naiinis ka sa kaniya kasi nilait niya ang masarap mong luto, iba ang sinasabi ng mga mata mo.”
Oh, ganoon ka-visible sa mga mata ko na gusto ko siya? Ganoon ako kahalatang may gusto ako sa sungit na ’yon?
“Kumikislap ang mga mata mo kanina girl. Parang... Shining, shimmering, splendid.” Humagikhik pa ito. “Parang sinasabi ng mga mata mo... naku, kung hindi lang kita crush, ibabato ko sa ’yo itong chicken curry ko. Ganoon na ganoon ang ningning ng mga mata mo.” Tumawa ito ng pagak at muling ipinagpatuloy ang pagpupunas.
Oh, holy lordy! Nakagat ko na lamang ang pang-ilalim kong labi.
“Don’t worry... hindi ko sasabihin kay Sir Kidlat na may gusto ka sa kaniya. Secret lang natin ito.”
Muli akong napabuntong-hininga at ngumiti na lamang kay Natalija. “Sige na nga. Crush ko nga siya.” Kunwari ay napipilitang pag-amin ko.
“Bagay na bagay kayo.”
Kinilig naman ako masiyado sa sinabi ni Natalija. Pero... huwag na akong umasa. Dahil panigurado naman akong malabong magustohan din ako ni Sir Kidlat. Like duh! Ngayon pa nga lamang ay todo na ang pagsusungit niya sa akin. Tapos kung anu-ano pa ang iniisip tungkol sa akin at kay Don Felipe.
Pagkatapos naming mag-usap ni Natalija, nagpaalam na rin ako rito na papanhik na sa kwarto at gusto ko munang maligo bago matulog. Hindi naman ako pinagpawisan kanina at hindi naman ako nag-commute kanina pabalik sa apartment ko para kunin ang mga gamit ko, pero parang pakiramdam ko nanlalagkit ang buong katawan ko. Or sadyang nasanay lang ata ako na lagi akong naglilinis ng katawan ko pagkatapos ng maghapong trabaho ko sa Casa?!
Pagkaakyat ko sa silid na gagamitin ko, kaagad akong naghanda ng pajama ko ’tsaka ako pumasok sa malawak na banyo. Damn, mas malawak pa nga ata ang banyo na ito kaysa sa apartment ko. May malaking sink sa gilid habang malaking salamin din sa harapan nito, may malaking bathtub din na bilog, sa gilid niyon ay ang shower. Nasa kabilang gilid naman nakapuwesto ang bowl. Ang linis-linis tingnan ng buong banyo. I’m sure komportable ring matulog dito?! Mula sa tiles sa sahig, sa pader at kisame, puro puti ang kulay.
“Napakasuwerte naman ni Sir Arwin at naging apo siya ni Don Felipe. Sobrang yaman talaga ng pamilya nila.” Saad ko habang nagsisimula ng humakbang palapit sa malaking bathtub. Nakangiti pa akong umupo sa gilid niyon habang inililibot ang paningin sa buong paligid. Hinaplos ko rin ang gilid niyon. “Hindi na ako mangangarap na magkakaroon ako ng ganito kagandang bahay in the future. Kasi malabong mangyari.” Bumuntong-hininga ako at napatulala sa kawalan. Ilang sandali akong nanatili sa puwesto ko bago ipinilig ang ulo ko at tumayo na. Binuksan ko ang gripo sa gilid ng bathtub. Habang naghihintay mapuno iyon, naghubad na rin ako ng damit ko. Nang makita ko ang sabon sa gilid ng bathtub, kinuha ko iyon. “Lavender scent.” Basa ko sa nakasulat. Binuksan ko iyon at inamoy. Mabango at hindi masakit sa ilong. Nagbuhos ako niyon sa tubig at pinabula ko bago ako sumakay na roon. Feeling ko, kaagad akong na-relax nang magbabad na ako sa malamig na tubig. Oh, this is my first time to experience like this. Wala naman kasing bathtub sa apartment ko e. Malapad ang pagkakangiti ko habang masuyong hinahagod ang mga braso, binti at hita ko. Pagkatapos ay isinandal ko ang ulo ko sa gilid ng bathtub at tumitig sa kisame. Mayamaya ay pumikit na rin ako. Ah, nakakagaan ng pakiramdam.
Gusto ko pa sanang magbabad sa tubig, pero nagpasya na rin akong magbanlaw. Pagkatapos ay kaagad na rin akong nagbihis at lumabas ng banyo. Pagkatapos kong mailagay sa closet ang mga gamit ko, sumampa na rin ako sa kama para matulog na. Ngunit sa kasamaang palad, hindi pa rin ako nakakaramdam ng antok. Kahit ano’ng pilit ko na matulog, nakailang baling na ako sa puwesto ko, nagtalukbong ng kumot, nagpalit ng posisyon sa pagkakahiga, tinakpan ko na ng unan ang ulo ko, pero hindi pa rin ako makatulog. Namamahay ba ako? Baka nga. Kasi ito naman ang unang beses na matutulog ako sa ibang bahay bukod sa paglipat ko sa apartment ko noon.
“Urgh!” inis na tinanggal ko ang pagkakatalukbong ko ng kumot at umupo sa kama. Mayamaya ay naalala ko ang sinabi ni Natalija sa akin kanina... kung gusto ko raw magtimpla ng gatas ay bumaba na lamang ako sa kusina.
Saglit kong tiningnan ang oras sa cellphone ko na nasa bedside table. Quarter to twelve na pala. Oh, kailangan ko ng makatulog ngayon dahil maaga akong gigising bukas.
Naglakad ako palabas ng kwarto at maingat na tinahak ang mahabang pasilyo papunta sa may hagdan. Dim lang ang ilaw sa sala hanggang sa kusina. Hindi na ako nag-abalang buksan ang ilaw dahil nakikita ko naman ng maayos ang paligid ko. Kumuha ako ng baso sa lalagyan ’tsaka ko hinanap sa cabinet ang gatas.
MALALIM na buntong-hininga ang pinakawalan ni Kidlat sa ere habang nakatanaw siya sa madilim na kalangitan. Nakahiga siya sa lounge chair habang nakaunan sa isang braso niya ang kaniyang ulo. Kanina pa siyang naroon sa swimming pool area. Hindi pa naman siya dalawin ng antok niya kaya nag-decide siyang magpahangin na muna roon at magmuni-muni. Ewan ba niya at marami ang gumugulo sa isipan niya nitong mga nakaraang araw. Isa na roon ang tungkol kay Psyche at sa Ninong Felipe niya. Hindi pa rin mawala-wala sa isipan niya ang tungkol sa dalawa. He wanted to ask the old man what his real relationship with Psyche was, pero tila ba wala siyang lakas na gawin iyon. There is a voice in the back of his head telling him to believe what Psyche told him that what he is accusing her was not true, pero may tinig din sa kaniyang isipan ang nagsasabing... she’s lying. Oh, bakit ba niya pinoproblema ang bagay na iyon? His Ninong Felipe himself had told him earlier that she had no bad intentions. Nagtatrabaho lamang ito.
Mayamaya ay naputol ang kaniyang malalim na pag-iisip nang tumunog ang kaniyang cellphone na nasa ibabaw ng lamesa. Kinuha niya iyon at tiningnan kung sino ang nagpadala sa kaniya ng text message. It was Ulap. Nag-aaya sa kaniya na pumunta sa bar ni Judas. Usual, girls hunting na naman ang kapatid niya. Ano pa ba ang bago roon? He just ignored the message and sigh again.
Bumangon na rin siya sa kaniyang puwesto at nagpasya ng pumasok sa loob ng bahay. Dahil may bitbit siyang rock glass na nilagyan niya ng alak kanina, bago pumanhik sa ikalawang palapag ng bahay ay nagtungo muna siya sa kusina upang ibalik ang baso na ginamit niya.
Biglang nangunot ang kaniyang noo nang makita niya ang isang baso sa kitchen counter.
“A milk?” mahinang tanong niya sa sarili. Mayamaya ay nagbuntong-hininga siya. “Natalija,” naiinis na sambit niya sa pangalan ng dalaga. Malamang na ito ang nakainiwan ng baso roon. Kinuha niya iyon at naglakad palapit sa lababo. Itinapon niya roon ang laman niyon at hinugasan ang dalawang baso, pagkatapos ay lumabas agad sa kusina.
“HUH? NASAAN na ang gatas ko?” nang bumalik ako sa kusina. Saglit kong iniwan dito ang gatas at gumamit ako ng banyo dahil naiihi na ako. Pero... saan naman iyon mapupunta? Nagtatakang inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid. Hinanap ko ang gatas na tinimpla kanina, ngunit hindi ko naman makita iyon. “Sigurado akong dito ko lang ’yon inilagay at iniwanan. My God, m-may multo ba rito sa mansion ng Don Felipe?” bahagya akong nakadama ng takot dahil sa naisip ko. “Pero malabo. Ang ganda-ganda ng bahay ni Don Felipe e. Malabong may tumirang multo rito. Baka... baka nagpunta rito si Natalija at inakala niyang naiwan lang ang gatas kaya kinuha niya.” Nagpakawala ako nang malalim na buntong-hininga ’tsaka muling nagtimpla ng bago.
Palabas na sana ako ng kusina nang bigla akong magulat. Halos mabitawan ko pa ang basong hawak ko nang biglang lumitaw sa harapan ko si Sir Kidlat.
“Diyos ko!” gulat na sambit ko kasabay nang paghawak ng isang palad ko sa tapat ng dibdib ko. My God, parang tatalon sa tiles ang puso ko sa sobrang gulat. Napapikit ako nang mariin at malalim na paghinga ang pinakawalan ko sa ere. “May balak po ba kayong patayin ako sa takot, sir?” naiinis na tanong ko sa kaniya.
“What are you doing here?” sa halip ay seryosong tanong niya sa akin matapos niya akong suyurin ng tingin.
“Obvious ba? Dito ako nagtatrbaho kaya siguro nandito ako ngayon.” Pabalang na sagot ko at inirapan ko siya.
“Manners,” sabi niya at humakbang papasok sa pintuan kaya napaatras naman ako.
“Nagtatanong ka pa kasi.” Seryosong tingin din ang ipinukol ko sa kaniya. Heto na naman ang puso kong nag-uumpisa na namang kumabog dahil masiyado siyang malapit sa akin, pero hindi ko hinayaan ang sarili ko na magpaapekto sa mga titig niya. “P-puwede ba... h-huwag mo akong titigan ng ganiyan.” Mataray na saad ko sa kaniya nang mailang na ako sa mga titig niya. Ako na rin mismo ang nag-iwas ng tingin sa kaniya. “At... u-umalis ka sa daraanan ko kasi papanhik na ako.”
“What if I don’t?”
Bigla akong napatingin sa kaniyang muli. Nakita ko ang pag-igting ng panga niya kasabay nang paghawak niya sa kaniyang magkabilang baywang.
“A-ano?” nauutal pa ring tanong ko sa kaniya. Hindi siya aalis sa harapan ko? So ano ang gusto niyang mangyari? Tumayo sa harapan ko buong magdamag? Hindi niya ako paaakyatin sa kwarto?
“What are you really doing, Ms. Goncalves?”
Alright. Here we go again. Uumpisahan na naman niya. Wala sa sariling napabuntong-hininga ako nang malalim at buong tapang na sinalubong ang mga titig niyang nakakapanglambot ng kalamnan at mga tuhod.
“Alam mo, sinabi ko na sa ’yo na wala akong pakialam kung anuman ang iniisip mong masama tungkol sa akin... sa amin ng Don Felipe. Opinion mo naman ’yon. Kahit nakakasakit ng damdamin, hindi ko na kailangang magpaliwanag pang muli sa ’yo. Wala akong kailangang patunayan sa ’yo. Wala akong pakialam kung maniniwala ka sa sinabi ko o hindi. Nandito ako para magtrabaho ng maayos kay Don Felipe. Kaya sana, tantanan mo na ako. Dahil unang-una, wala naman akong ginagawang masama sa ’yo. Wala akong kasalanan sa ’yo. At pangalawa, you are free to ask Don Felipe kung ano ba talaga ang relasyon naming dalawa. Baka maging payapa na ang kalooban at isipan mo kapag nakuha mo na ang sagot na dapat mong marinig.” Mahabang lintaya ko sa kaniya.
Hindi naman agad siya nakapagsalita. Nakatitig lamang siya sa mukha ko na tila ba hindi narinig ang mga sinabi ko. Argh, nakakainis siya sa totoo lang.
Napabuntong-hininga akong muli at napailing. “Bahala ka sa buhay mo,” sabi ko at akma na sana siyang lalagpasan para lumabas na ako sa kusina, pero mabilis din akong napahinto at napaharap sa kaniya nang bigla niyang hawakan ang braso ko at hilahin niya ako pabalik sa kaniya.
Masiyadong mabilis ang mga pangyayari. Hinawakan niya ang batok ko at basta na lamang nanlaki ang mga mata ko nang maramdaman ko ang paglapat ng malambot at mainit niyang mga labi sa mga labi ko.
Oh, sweet Jesus! He kissed me... again? He kissed me again, seriously?
~~~~~
NOTE: Sorry po kung medyo matagal ang update ko. May ginawa lang akong importante. And please... leave a comment below para po ganahan akong mag-update ulit bukas HAHA. Wala akong DUB kay Dreame kaya commenta ninyo ang inspiration ko ngayon.