CHAPTER 21

2134 Words
“SALAMAT po Mang Oscar,” nakangiting sabi ko sa driver ng Don Felipe bago ako bumaba sa front seat at binuksan ang pinto sa backseat. Kinuha ko roon ang dalawa kong bag na may lamang mga damit at ibang gamit ko. Kanina kasing hapon, bago mag alas sinco, nagpaalam ako sa Don na uuwi muna ako sa apartment ko para kunin ang mga damit ko. Hindi naman ako nakapagdala kaninang umaga dahil hindi rin naman ako sinabihan ng Don kahapon na stay in pala ako sa trabaho kong ito. Magta-taxi na lang sana ako pauwi, pero igiinit naman nito na ihahatid na lamang ako ni Mang Oscar para hindi na ako mahirapang mag-commute. “Akin na hija at tutulungan na kitang magbuhat niyan.” “Naku, okay lang po Mang Oscar. Kaya ko naman po. Salamat po!” saad ko rito nang akma na nitong kukunin sa akin ang mga bitbit ko. “Salamat po ulit sa pagmamaneho.” Nakangiti pang saad ko. “Walang anuman hija. Siya at ako’y nasa quarters lang. Kung may kailangan ka pang puntahan, sabihan mo lang ako.” “Wala na po Mang Oscar. Salamat po ulit.” Pagkasabi ko niyon ay tumalikod na rin ako at pumasok sa main door. Diretso akong umakyat sa mataas na hagdan. Ngunit, nakakailang akyat pa lamang ako sa baitang nang makita kong palapit naman sa may puno ng hagdan si sir sungit. Bigla akong kinabahan nang makita kong seryoso siyang nakatitig sa akin. Bigla na naman akong sinalakay ng hiya kaya mabilis din akong nag-iwas ng tingin sa kaniya. Hindi ko malaman kung tutuloy ba ako sa pag-akyat ko o bababa ulit at hihintayin muna siyang makababa?! Pero mapaghahalataan naman akong umiiwas sa kaniya kung gagawin ko iyon. Kaya sa huli, wala na rin akong nagawa. Nakayuko akong dahan-dahan na pumapanhik. Hanggang sa magsalubong na kami. Laking pasalamat ko na lamang din at nilagpasan niya lang ako. Ang buong akala ko kasi ay kukumprontahin niya na ako dahil sa narinig niyang pag-uusap namin ni Natalija kanina. Nang marinig niyang pinagchi-chismisan namin siya. Ang akala ko nga kanina ay pagagalitan niya kami ni Natalija... mabuti na lamang at hindi. Dahil kung nagkataon, naku, ewan ko na lamang kung ano’ng mukha ang ihaharap ko kay Don Felipe. Baka isipin pa ng Don na pati ba naman sa pamamahay nito ay dala ko ang gulo. Nang makarating ako sa itaas ng hagdan, pasimple ko siyang nilingon sa ibaba. Dire-diretso naman ang lakad niya hanggang sa makalabas siya ng main door. Doon lamang ako nakahinga nang maluwag ’tsaka naglakad na rin papunta sa kwartong gagamitin ko sa pananatili ko ng dalawang buwan dito sa mansion. Medyo nahihiya pa rin ako sa totoo lang na gamitin ang silid na ito. Paano ba naman kasi, masiyadong malaki at maganda ang kwarto para sa isang katulad ko na trabahante lang naman ng Don. Parang masiyadong special ang dating para sa akin. Puwede naman ako sa maids quarter na lang. Maayos din naman doon. Dinala ako ni Natalija roon kanina at ipinakita nito sa akin kung saan natutulog ang mga kasambahay ng Don. At in fairness, maganda rin. Parang hindi maids quarters. Para kang nangungupahan sa mga studio type na bahay. Kumpleto rin sa kagamitan. Mas maganda pa nga ang puwesto nila kaysa sa apartment na inuupahan ko e. Nagpakawala ako nang malalim na buntong-hininga nang makaupo ako sa gilid ng malapad at malambot na kama. Inilapag ko rin sa ibabaw ng higaan ang dalawa kong bag ’tsaka muling pinasadahan ng tingin ang malawak at magandang silid. “Kausapin ko kaya ang Don Felipe mamaya na lumipat na lang ako sa maids quarter?!” saad ko sa sarili ko. “Nakakahiya kasi talaga kung dito ako matutulog. Ang laki-laki. Ang ganda-ganda. Baka ako pa ang sisihin kapag may nasirang gamit dito...” saglit akong tumigil sa pagsasalita ng mag-isa. Hinaplos ko ang cover ng kama na tila mga balahibo ng manok. Ang lambot. Ang sarap sa kamay. “...siguro, masarap matulog dito?” tanong ko pa sa sarili ko. Tila may tinig naman sa likod ng ulo ko ang nagsasabing subukan kong humiga para madama ko ang malambot na kama. Mayamaya, dahan-dahan nga akong tumagilid at iniunat ko ang braso ko at humiga. Napangiti akong bigla ng malapad nang maramdaman ko sa pisngi ko ang nakakakiliting mga balahibo na iyon. “Ang sarap nga. Nakaka-relax.” Muli akong humugot ng malalim na paghinga at dahan-dahang pinakawalan iyon sa ere. Ipinikit ko ang aking mga mata at mas lalo pang dinama ang kinahihigaan ko. Naku, parang hihilain ata ako ng antok ko ngayon. Nararamdaman ko kasing parang unti-unting bumibigat ang nakapikit kong mga talukap. Bago pa man ako tuluyang makatulog, nagmulat na ako ng mga mata ko at bumangon. Kinuha ko ang dalawang bag ko at inilapag na muna iyon sa sofa na naroon sa may paanan ng kama. Pagkatapos ay lumabas na ako ng silid at bumaba sa kusina. Tutulong na lang muna siguro ako kina Nanay Sabel at Natalija habang wala pang iniuutos sa akin ang Don Felipe. “Oh, nariyan ka na pala!” saad ni Natilja nang makapasok ako sa kusina. Naglakad ako palapit sa puwesto nito. “Nasaan ang Nanay Sabel?” tanong ko. “Natutulog. Bigla kasing sumama ang kaniyang pakiramdam kanina.” “Huh? Bakit?” “Masakit daw ang ulo niya. Paano naman kasi, kulang na ng tulog. Maaga ngang natutulog sa gabi, pero masiyado namang maaga kung gumising.” Anito. Hay! Pareho rin sa inay ko nang nabubuhay pa siya. Ang sabi ng inay, ganoon na raw talaga kapag matanda na. Kulang na sa tulog lagi. Maaga nga silang natutulog, pero maaga ring nagigising at maagang sinisimulan ang mga gawaing bahay. “Pinainom mo na ng gamot?” tanong ko pa. “Oo kanina pa.” “Ano pala ang niluluto mo?” pag-iiba ko ng tanong mayamaya. “Nagluluto ako ng chicken curry. Iyon kasi ang sinabi ni Sir Kidlat kanina.” “Paborito niya?” naitanong ko. “Mmm, hindi ko sure. Pero ito kasi lagi ang pinapaluto niya kapag dito siya sa mansion naghahapunan.” Napatango na lamang ako at dinampot ang carrot at peeler. Ako na ang nagbalat niyon. “Marunong akong magluto nito,” sabi ko. “Talaga?” nang mag-angat ito ng mukha at tumingin sa akin. “Ikaw na lang kaya ang magluto. Okay lang ba? Hindi kasi ako ganoon kagaling magluto. Baka hindi magustohan ni Sir Kidlat ang luto ko.” “Paborito ko ito kaya masarap ang luto ko nito.” Sa halip ay saad ko kay Natalija. Bumuntong-hininga ito nang malalim. “Hay, mabuti naman at nandito ka ngayon Psyche. Nice talaga ang timing mo at ang pagsama ng pakiramdam ni lola.” Ngumiti naman ako. “Don’t worry. Ako na ang bahala. I’m sure na magugustohan ni sir sungit ang luto ko.” Magkatulong kami ni Natalija sa pagluluto ng haponan namin. Pagkatapos naming magluto at mag-prepare ng pagkain sa lamesa, pinuntahan ko na rin sa silid niya ang Don Felipe. Kumatok ako ng tatlong beses bago ko hinawakan ang doorknob at pinihit iyon pabukas. Nakita ko namang nakasandal sa headboard ng kama ang Don habang nakasandal naman sa malaking closet si sir sungit at tila may seryosong pinag-uusapan ang dalawa. Saglit akong tumikhim at itinuon ang aking paningin sa Don. “Um, kakain na po Don Felipe,” sabi ko. “Ganoon ba hija? Alright. Come here hijo, tulungan mo ako.” Kaagad namang kumilos si sir sungit at inalalayan ang Don Felipe na makabangon sa kama nito at makaupo sa wheelchair. Papasok na sana ako para ako ang magtulak ng wheelchair, pero hindi na ako tumuloy nang siya na ang gumawa niyon. Binuksan ko na lamang ng malawak ang pinto upang makalabas silang dalawa at sumunod ako. “Nakuha mo na ba ang mga gamit mo sa apartment mo hija?” tanong sa akin ng Don habang tinatahak na namin ang daan papunta sa dining area. “Opo Don Felipe.” “Verygood!” anito. Lumingon naman sa akin si sir sungit. Hay! Kailan kaya siya titingin sa akin ng hindi seryoso at magkasalubong ang mga kilay? Nakakasawa na ring makita ang ganoong ekspresyon ng mukha niya. Hindi ba puwedeng ngumiti naman siya kahit saglit lang? Lihim na lamang ako napabuntong-hininga kasabay ng pag-iwas ko ng paningin sa kaniya. Hanggang sa makarating na kami sa dining area. Kagaya kaninang umaga, business na naman ang pinag-uusapan nila habang kumakain kami. Ayoko na sanang sumabay sa kanila, pero hindi naman pumayag ang Don na hindi ako kasama sa pagkain kaya wala na rin akong nagawa. Tahimik lamang ako habang nakikinig sa usapan nila na hindi rin naman ako maka-relate. “Natalija,” “Po, Don Felipe?” sagot nito nang matapos salinan ng tubig ang baso ng Don. “Akala ko ba ay masama ang pakiramdam ni Sabel? Sino ang nagluto ng haponan?” tanong nito. “Masama nga po ang pakiramdam ng lola, Don Felipe.” Anito. “Ang nagluto po ng haponan ngayon ay si Psyche. Nagpatulog po ako sa kaniya.” Bigla namang napatingin sa akin ang Don. “Really? Wow! Masarap ka ngang magluto hija.” Nakangiting saad nito. Tipid naman akong ngumiti. “Salamat po, Don Felipe.” “I’m sure, once na nakapagpatayo ka na ng restaurant mo... marami kang magiging customer. This is so good. Masarap ang pagkakaluto, hindi ba hijo?” Napatingin naman ako kay sir sungit nang tanungin siya sa Don. Ewan ko ba, pero may kung ano’ng kumikiliti sa kaibuturan ko ngayon at umaasang sasabihin niyang oo nga masarap ang luto ko. Inihanda ko ang sarili ko. “I don’t like the taste, ninong.” Biglang bumagsak ang mga balikat ko dahil sa sinabi niya. Ano raw? Hindi niya gusto ang lasa? Bakit? Ano ang problema? Hindi ba masarap? “Huh? Hindi ba’t ito ang paborito mo?” kunot ang noo na tanong pa ng Don. Binitawan naman niya ang kubyertos na hawak niya at dinampot ang baso ng tubig. Saglit siyang uminom doon bago muling nagsalita. “This is my favorite, yeah. But I don’t like the taste.” Saad pa niya. Huh? Aba! Okay lang ba siya? Paborito ko ito at sigurado ako na masarap ang luto ko. Walang halong biro; kahit sino ang tumikim nitong speciality kong ito, sigurado akong matutuwa at mapaparami ang kain. Tapos siya sasabihin niyang hindi niya gusto ang lasa?! Banayad at palihim akong nagbuntong-hininga. Pero ang paningin ko, nakatuon pa rin sa kaniya. Mayamaya ay tumingin din siya sa akin. Biglang naningkit ang mga mata ko. Walang-hiya ang lalaking ito! Hindi lang masungit at mapanghusga, mapanglait din ng ulam. “I don’t like the taste, ninong. Ang pangit ng lasa.” Saad pa niya. Ha?! Talaga lang huh? E, bakit siya kumain kung pangit pala ang lasa? Nakailang sandok nga siya kanina e. Kapal ng mukha ng mokong na ito. “Pangit ang lasa?” hindi ko na napigilan ang sarili ko. Ang seryosong tingin ko sa kaniya kanina ay biglang tumalim. “Kung pangit pala ang lasa ng luto ko, bakit ka pa kumain?” masungit na tanong ko. “Hija,” anang Don Felipe. “Kidlat was just kidding.” Tumawa pa ng bahagya ang Don. “I’m sure that he likes your chicken curry.” “I’m serious ninong. I don’t like the taste. Ayoko ng luto niya.” Muli akong napabuntong-hininga ng malalim habang nagtatagis ang bagang ko at binitawan na rin ang kubyertos na hawak ko. Wala sa sariling napatayo na rin ako sa puwesto ko. “I’m sorry po Don Felipe,” sabi ko nang balingan ko ng tingin ang Don. “Kumain ka naman sa niluto ko tapos lalaitin mo pang pangit ang lasa! Sana sumakit ang tiyan mo mamaya.” Pagkasabi ko niyon ay dinampot ko ang malaking mangkok at walang paalam na umalis sa dining area. “Psyche hija!” Pero hindi ko pinansin ang Don at nagdiretso ako ng lakad hanggang sa makapasok ako sa kusina. “Walang-hiya ang lalaking ’yon!” naiinis na sambit ko at inilapag ko sa kitchen counter ang ulam na dala ko. “Psyche,” Napalingon naman ako sa may pinto nang pumasok si Natalija. Lumapit ito sa akin. “Bakit Natalija?” iritadong tanong ko. “Um,” anito at kinuha ang mangkok. “Saan mo dadalhin ’yan?” kunot ang noo na tanong ko pa. “E, ang sabi ng Don Felipe... ibalik ko raw roon at hindi pa siya tapos kumain.” ’Tsaka lamang ako nakadama ng hiya nang maalala ko ang Don. Oo nga at hindi pa ito tapos kumain. Haynaku naman Psyche! Puro na lang ba kapalpakan ang magagawa ko sa buhay ko simula nang makilala ko ang sungit na ’yon?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD