CHAPTER 1
MALAKAS na pumapailanlang sa buong silid ang kantang Señorita nina Shawn Mendes at Camila Cabello. Dance practice lang naman ito, pero marami rin ang nanunuod sa amin na mga kasama namin rito na nagsasayaw rin kanina. Mayamaya, nang matapos ang kanta ay malakas na palakpakan ang umalingawngaw sa buong kuwarto. Hinihingal man ay inabot ko ang kamay ni Sir Arwin at pareho kaming nakangiti ng malapad at nag-bow.
“Ang galing mo talagang sumayaw, Sir.” Nakangiting saad ko rito.
“Ikaw rin naman. Kaya nga idol kita e!” anito na mahahalata nga sa mukha ang pagka-amazed dahil sa naging performance namin ngayon.
I know how to dance dahil bata pa lamang ay iyon na ang hilig ko. Nang minsan ay makita ako ni Sir Arwin na nagsasayaw sa gilid ng kalsada habang tinuturuan ko ang mga street kids, kinausap ako nito na kung puwede ay samahan ko itong mag-practice kapag may free time ako sa trabaho ko. May isang taon na rin simula nang makilala ko si Sir Arwin at naging magkaibigan kami. Apo ito ni Don Felipe. Mabait naman ito kaya nagkakasundo kaming dalawa at pumayag na rin akong samahan ito sa dance practice nito kahit hindi ko naman sigurado kung para saan ang pagpa-practice nito ng sayaw.
“Thank you!”
“Paano, practice ulit tayo bukas huh!”
“Oo naman, kapag naka-break ako.” Sagot ko.
“Alright. I gotta go. See you around, Psyche.” Anito at kaagad na tumalikod sa akin para lapitan ang bag nitong nasa gilid ng kuwarto at nagmamadali ng lumabas sa dance practice room.
Mayamaya ay bigla akong napalingon sa may pinto nang may pumalakpak na isang babae mula roon. Bigla naman akong kinabahan nang maglakad ito palapit sa kinaroroonan ko habang nakataas ang isang kilay pagkuwa’y namaywang.
“Hindi ko alam na magaling ka pala sumayaw, Psyche.” Anito.
Kahit alam ko na kung ano ang ibig sabihin ng ekspresyon ng mukha nito ngayon, tipid pa rin akong ngumiti. “A, s-salamat po ma’am.” Nauutal pang saad ko.
Tinitigan ako nito ng seryoso. “But, as far as I can remember... hindi naman ito ang trabaho mo rito sa Hotel, hindi ba? Hindi rito ang puwesto mo kun’di nandoon sa bar or sa swimming pool area.” Turan pa nito.
“Sorry po ma’am. Si Sir Arwin po kasi ang nagpapunta sa ’kin dito kanina—”
“I don’t care.” Anito dahilan upang maputol ang pagsasalita ko. “Wala akong pakialam kung sino pa ang nag-utos sa ’yo na pumunta rito at magsayaw imbes na nasa labas ka at nagsisilbi sa mga guest natin. For God sake, Psyche. Ilang beses pa ba tayo mag-uusap pagdating sa trabaho mo? Simpleng rule lang naman ang kailangan mong sundin pero bakit parang napakahirap para sa ’yo?” pagalit na saad nito.
Dahil sa mataas na boses nito; naging dahilan iyon para marinig ng mga taong narito pa na pinapagalitan na naman ako ng manager ko. Well, this is not the first time, kaya sanay na akong laging napapahiya sa harap ng maraming tao.
“Sorry po ma’am.” Saad ko na lang at yumuko habang hawak-hawak ko ang puting tuwalya na ibinigay sa ’kin ni Sir Arwin kanina.
Nagbuntong-hininga naman si Ma’am She ’tsaka tumalikod na sa ’kin. Pero mayamaya ay muli itong huminto at nilingon ako.
“Hurry up kung ayaw mong tanggalin kita sa trabaho mo.” Galit na saad nito.
Wala sa sariling napatakbo naman ako sa sulok ng kuwartong ito para kunin ang bag ko at para bumalik sa locker area at magpalit ng uniform ko.
“ANG SABI ko naman kasi sa ’yo... iwasan mo na ang mapagalitan ka lagi ni Ma’am She. Kilala mo naman ang ugali ng bruhang ’yon e!” anang Cj sa akin habang magkaagapay naming tinatahak ang mahabang pasilyo ng hotel para bumalik sa locker at magpalit ng uniform ko.
“E, hindi ko rin naman mahindian si Sir Arwin. At isa pa, sayang ang tip na binigay niya sa ’kin para samahan siyang mag-practice.”
May apat na taon na rin akong nagtatrabaho bilang waitress sa bar ng Casa de Esperanza. Sa loob ng apat na taon na iyon; masasabi ko na maayos naman ang trabaho ko. Hindi hassle. Nagkakaroon ako ng oras para magpahinga kapag tapos ko ng asikasuhin ang mga guest namin. I mean, hindi lang ako, maging ang ibang katrabaho ko. Ngunit lahat ng iyon ay nagbago simula nang mag-retiro ang dati naming manager at pumalit dito si Ma’am She. Ang matandang dalaga na wala ng ibang ginawa kun’di ang pagalitan at ipahiya ako sa harap ng madla, simula no’ng araw na maging manager namin ito sa bar. Hindi ko alam kung may lihim ba itong galit sa akin o trip lang akong pag-initan lagi?!
Sa tulong ni Don Felipe, ang may-ari ng Hotel na ito, kaya nakapasok ako rito at nakapagtrabaho. Napamahal na rin sa ’kin ang trabaho kong ito kaya hindi ko na magawang umalis. Well, wala na rin akong mahahanap na mas maayos na trabaho bukod dito dahil high school lang naman ang natapos ko. Napaka-suwerte ko na lang na nakilala ko si Don Felipe at natulungan ako nito.
“Kung sabagay. Kahit ako man ay papatusin ko rin ’yon. Sayang nga ang malaking tip ni Sir Arwin.” Pagsang-ayon sa ’kin ni Cj. “Pero mag-iingat ka na lang sa susunod para hindi ka makita ni Ma’am She.” Dagdag pa nito.
Napapabuntong-hininga na lamang ako nang malalim at tumango pagkuwa’y nagmamadali ng isinuot ang puting uniform ko nang makarating na kami sa locker area namin. “Sige na at mauuna na ako. Sabay tayo umuwi mamaya huh!” saad ko pa at muling lumabas sa locker area para pumunta na sa trabaho ko.
Pagkarating ko sa puwesto namin, nakita ko na naman si Ma’am She na may pinapagalitang dalawang katrabaho ko. Napailing na lamang ako at tahimik na pumasok sa loob ng stall ng bar na nakapuwesto sa gilid ng swimming pool area. Kaagad kong ginawa ang trabaho ko para hindi na mapagalitan. Marami kasing foreingner na naka-check in dito sa Hotel lagi kaya may mini bar kaming nakapuwesto sa gilid ng swimming pool area para sa mga nagsi-swimming at gustong uminom ng cocktail drinks.
“Psyche...”
Napapikit ako nang mayamaya ay narinig ko ang pangalan ko na tinawag nito. Nagpakawala ako nang malalim na buntong-hininga.
“Yes po ma’am?” nagkukumahog pa akong lumapit dito.
“Ikaw ang mag-serve sa mag-asawang ’yon. Ayusin mo ang trabaho mo kung ayaw mong tanggalin kita ngayon din.” Galit na utos nito sa akin.
“Yes ma’am.” Saad ko at nilapitan na ang customer para kunin ang order ng mga ito.
Dahil maraming mga turista ngayon ang naka-check in sa Hotel, marami rin ang nasa swimming pool at nag-e-enjoy sa palalangoy, kaya marami kaming customer. Kaliwa’t kanan ang kilos ko para asikasuhin ang mga guest namin. Ramdam ko man ang pananakit sa mga paa at binti ko pero pilit ko na lamang na inignora ito. Hanggang sa lumipas ang ilang oras at natapos din ang trabaho ko. Nang makuha ko sa locker ang bag ko ay kaagad akong naglakad papunta sa lobby. Nakita ko naman doon si Sir Arwin.
“Hi! Pauwi ka na?”
“Oo. Katatapos lang ng trabaho ko.” Sagot ko.
“Is that so?!” anito at sinuklay pa ang medyo mahaba nitong buhok gamit ang mga daliri nito. “Come on, ihahatid na kita.”
“Hindi na. Magje-jeep na lang ako.”
“Come on, don’t be shy. Para namang hindi tayo magkaibigan nito.”
Tipid at pilit akong ngumiti. “Um, kasi ano e... may kasama kasi ako pauwi. Magkasabay kami ni Cj.” Saad ko. Ewan ko ba, pero lately kasi parang may kakaiba na rin akong nafe-feel sa mga kilos nito. Ayokong mag-assume, pero feeling ko may gusto ito sa ’kin. Kakaiba ito kung tumitig sa akin minsan e. Mabait naman ito at guwapo rin. Marami ang nagkakagusto rito na mga kasama ko rito sa trabaho, pero hindi naman ako. Guwapo siya pero hindi ko siya bet. Kung hindi nga lang dahil sa pag-aaya nito sa akin na samahan itong mag-practice, ayokong nakakasama ito lagi lalo pa at isa iyon sa pinag-iinitan sa akin ni Ma’am She. Kasi inaakit ko raw ang apo ng Don Felipe.
“Puwede naman kayong dalawa ang ihatid ko.” Giit pa nito na mas lalong pinalapad ang ngiti sa mga labi.
“Bes,” tawag sa ’kin ni Cj nang hindi ko manlang napansin, narito na rin pala ito. “Wala ka pa bang balak umuwi? Kanina pa kita hinihintay sa labas.” Anito pero agad ding natigilan nang makita kung sino ang kausap ko. “Ay, sorry po Sir Arwin. Kayo po pala ang kausap ng best friend ko.”
“No worries, Cj. Let’s go at ihahatid ko na kayo.”
“Yown! Tamang-tama at—” mabilis na saad ni Cj, pero nang paningkitan ko ito ng mga mata at sunod-sunod at palihim akong umiling dito, agad itong napatikom ng bibig. “Ahhh—tamang-tama po, hindi puwede Sir Arwin. Kasi... may lakad po kami ngayon ni Psyche e.” Anito.
“Ganoon ba?” saad nito. “Well, puwede ko kayong ihatid sa pupuntahan ninyo.”
“Puwe—”
“Hindi na, Sir Arwin. Okay lang talaga. Salamat sa alok mo. Halika na Cj.” Mabilis na saad ko bago pa matapos ni Cj ang sasabihin nito. Walang paalam na hinila ko ito sa kamay hanggang sa makalabas kami sa entrance ng Casa de Esperanza. “Ikaw talaga!” panenermon ko kay Cj.
“Anong ako? E, gusto ko lang naman makatipid tayo sa pamasahe.”
“Wala ka talagang hiya ano? Apo ’yon ni Don Felipe. Mahiya ka naman kung tatanggapin mo ang alok niya.”
“Hoy bruha, ikaw na mismo ang nagsabi sa akin na huwag mahihiyang tumanggap ng grasiya mula sa taong willing naman magbigay ng tulong sa ’yo. Tapos ngayon ikaw itong nag-iinarte.” Napapairap pang saad nito sa akin. “Imbes na makakatipid tayo sa pamasahe pauwi e.” Dagdag pa nito.
“Mahal ba ang pamasahe sa jeep, Cj?” nakairap na tanong ko rito.
“Aba, mahal na kaya ang sixteen pesos na pamasahe ngayon, amiga.”
Napabuntong-hininga na lamang ako at muling umirap. Ayoko ng makipag-usap dito. Malamang na hahaba lang ang diskusyon naming dalawa. Baka abutin pa kami ng umaga rito sa labas ng Hotel.
Kaagad akong sumakay sa jeep nang may pumara sa tapat namin. Panay daldal pa rin si Cj habang nakasunod sa ’kin pero hindi ko na pinansin.