CHAPTER 20

2192 Words
“WALA na po ba kayong ipag-uutos sa akin Don Felipe?” tanong ko rito matapos ko itong alalayan na makahiga sa kama nito. Pagkatapos ng pag-uusap namin kanina sa veranda, nagpahatid ang Don sa akin pabalik sa silid nito. Ayon dito ay kailangan daw muna nitong matulog ulit dahil mayamaya lang ay iipekto na ang side effect ng mga gamot na ininom nito. “Wala na hija. Go on, mamasyal ka na muna sa loob ng bahay para makabisado mo rito.” Nakangiting saad nito sa akin matapos kong ayusin ang kumot sa baywang nito. Ngumiti rin naman ako. “Hindi po ba nakakahiya?” “Ano ba naman ang batang ito,” sabi nito at nagbuntong-hininga. “Hindi ka na iba sa akin. At isa pa, starting today, rito ka na sa bahay ko titira. So, feel at home at huwag ka ng mahihiya. Ituring mo na ring sarili mong bahay ang mansion ko.” Pilit akong ngumiting muli. Puwede naman ako maging feel at home rito e. Pero ayaw ko lang gawin. Lalo pa at dito rin pala nakatira si sir sungit. Malamang na iba na naman ang iisipin niya sa akin kapag nagkataon. Kanina nga nang nasa veranda kami ng Don Felipe at nag-uusap, nakita ko siyang ang sama ng titig sa akin. Kung nakakamatay lang ang matalim niyang titig, malamang na kanina pa ako nawalan ng buhay sa mismong harapan ng Don. “Go on, maglibot-libot ka na muna. Wala ka namang gagawin habang natutulog ako.” Saad pa nito. Bahagya na lamang akong tumungo. “S-sige po Don Felipe. Lalabas na po ako,” sabi ko. “Okay.” Tumalikod na ako at naglakad na palabas sa silid ng Don. Maingat kong isinarado ang pintuan. Dahil hindi na kayang mag-akyat panaog ng Don sa mataas na hagdan, inuokupa nito ang isa sa tatlong silid na nasa ibaba. “Ma’am Psyche!” Napatingin ako sa babaeng naglalakad ngayon palapit sa akin. Halos kasing edad ko lang ata ito dahil bata pa rin namang tingnan. Isa ito sa nag-asikaso ng almusal namin kanina. “Psyche ang pangalan mo po hindi ba?” tanong pa nito nang tuluyan na iyong makalapit sa akin. Ngumiti ako at tumango. “Oo. Ako nga si Psyche,” sabi ko at inilahad ko ang kamay rito. Tinanggap naman nito ang palad ko. “Hi. Ako naman po si Natalija.” Anito. “Ikinagagalak kong makilala ka, Natalija.” “Nagpapahinga na po ba ang Don Felipe?” “Oo. Matutulog daw muna siya ulit.” Sagot ko. “Tamang-tama. Halika po at sa kusina na muna tayo. Naroon ang lola at gusto ka raw po niyang makilala.” Kaagad naman akong sumunod dito nang tumalikod na ito at naglakad na papunta sa malawak na sala at nagtuloy papunta sa kusina. Nang makapasok kami sa kusina, nakita ko ang isang matandang babae na naroon sa hapag at kumakain. Hindi ko ito nakita kanina. “Lola, narito na po si Psyche.” Anang Natalija. “Hello po! Kumusta po kayo?” “Ikaw po pala ang bagong nurse ni Don Felipe!” “Um, o-opo.” Sagot ko pa. “Magandang umaga sa ’yo Ma’am Psyche.” “Naku po, Psyche na lang po at huwag ng ma’am.” Saad ko naman na mas lalong lumapad ang ngiti sa mga labi ko. “Ayaw mong tawaging Ma’am?” tanong naman ni Natalija sa akin. Nagtataka pa ang mukha nito. “Um, hindi naman ako totoong nurse.” “Hindi ka nurse? E, bakit ka kinuhang nurse ng Don Felipe?” tanong nitong muli. Bahagya akong bumuntong-hininga. “Um, matagal na kaming magkakilala ng Don Felipe. Sa Casa ako nagtatrabaho. Tapos kahapon, kinausap niya ako na kung puwede ay ako na muna ang maging nurse niya habang naghihintay pa siya sa pagdating ng nurse niya na nasa amerika.” Pagpapaliwanag ko. “Ganoon pala?!” Anito. “Siya, halika ineng at maupo ka.” Umupo naman ako sa isang silya na nasa kabilang bahagi ng mesa, samantalang sa tabi ng matanda umupo si Natalija. Kumain na rin ito. “Ako nga pala si Nanay Sabel. Mayordoma ako ng Don Felipe.” “Ikinagagalak ko pong makilala kayo, Nanay Sabel.” “Sa Casa ka kamo nagtatrabaho, Psyche?” tanong ulit sa akin ni Natalija. “Psyche na lang din ang itatawag ko sa ’yo... ayos lang ba?” Tumango naman ako. “Oo naman. Walang problema.” “So, sa Casa ka nga nagtatrabaho?” tanong nitong muli habang may laman pa ang bibig nito. “Oo. Waitress ako sa bar ng Casa.” “Wow! Maganda ba roon?” “Ang batang ito oo, punong-puno ang bibig mo ng pagkain, panay daldal ka riyan!” Napahagikhik naman akong bigla nang paluin ni Nanay Sabel sa balikat si Natalija. Punong-puno nga naman ng pagkain ang bibig nito. Kumuha naman ito ng tubig at uminom. “Pasensya na po lola. E, gusto ko lang po magtanong kay Psyche. Alam n’yo naman pong matagal ko ng gustong makapunta sa Casa para makita kung gaano kaganda ang Hotel na pag-aari ng Don Felipe.” “Nakikita mo naman iyon sa mga magazine at palabas sa tv, hindi ba?” “Maganda pa rin po kasi kung totoong makikita kaysa sa papel at palabas lang lola.” Saad pa nito. Saglit kong pinagmasdan ang mag-lola habang kumakain. Hindi ko tuloy mapigilan ang sarili ko na makadama bigla ng lungkot nang maalala ko ang inay. Ganitong-ganito rin kasi kami ka-close ng nanay ko. “Sang-ayon ka naman sa sinabi ko Psyche hindi ba?” Naagaw agad ang atensyon ko nang magsalita si Natalija. Tumigin ako rito. “Hindi nga ba’t mas maganda ang Casa kung sa personal makikita?” Ngumiti akong muli at tumango. “Oo. Kung maganda sa paningin ang Casa sa mga magazine at camera, mas maganda iyon sa personal,” sabi ko. “Tingnan mo nga po lola. Si Psyche na mismo ang nagsabi.” Anito. “Hindi ka pa ba nakakapunta roon?” tanong ko. Umiling naman ito. “Hindi pa. Ayaw ako payagan ng lola e.” “E ano naman ang gagawin mo roon? Wala ka namang pera na gagamitin para mag-renta ng silid doon.” Bahagyang umirap sa hangin si Natalija at muling ipinagpatuloy na lamang ang pagkain nito. “Kumain ka pa ulit ineng.” Mayamaya ay saad sa akin ng Nanay Sabel. Umiling naman ako. “Nako, hindi na po Nanay Sabel. Busog pa po ako.” Pagtanggi ko. Kanina nga busog pa ako pero napilitan akong kumain ulit para lang ganahang kumain ang Don. Medyo mabigat na ang tiyan ko ngayon. Hindi pa naman ako sanay na masiyadong nagpapakabusog dahil may sakit akong katamaran kapag alam kong puno ng pagkain ang tiyan ko. “Siya nga pala Natalija, puwede mo ba akong samahan na maglibot dito sa mansion? Ang sabi kasi ng Don Felipe, mag-ikot-ikot na muna ako para maging pamilyar ako rito sa bahay niya.” Saad ko. “Oo naman. Mamaya pagkatapos nating kumain. Wala naman masiyadong gagawin ngayon na trabaho dahil tapos na kaming nag-general cleaning kahapon bago umuwi ang Don Felipe.” Habang kumakain ang mag-lola, nakipagkuwentohan muna ako sa mga ito habang hinihintay na matapos si Natalija. Ang dinig ko naman kanina sa pag-uusap nina Don Felipe at sir sungit ay baka matagalan siya bago bumalik mula sa kaniyang trabaho. Ngayon ang mas magandang pagkakataon na mag-ikot habang wala pa siya. Para hindi na rin ako kabahan sa bawat seryoso at matalim niyang titig sa akin. Para pa naman siyang kabuti at basta-basta na lamang sumusulpot sa kung saan. Nang matapos ngang kumain sina Nanay Sabel at Natalija, sinamahan ako nitong mag-libot sa mansion. Pakiramdam ko tuloy ay nagto-tour ako ngayon sa malaking mansion at si Natalija ang tour guide ko. Grabe, kung kanina mula sa labas ay masyado ng malaki ang mansion ng Don Felipe, mas malawak pa pala ito kung lilibutin sa loob. Ilang minuto na kaming naglalakad at kung saan-saan na ako dinala ni Natalija. Ramdam ko na ang pananakit ng mga takong sa paa ko. Dinala ako nito kanina sa garden at ipinakita sa akin ang magandang gazebo na nasa likuran ng mansion. Ipinakita rin nito sa akin ang malawak na library at opisina ng Don. Pagkatapos ay umakyat kami sa ikalawang palapag ng bahay. “Ayon naman sa dulo ang dating silid ni Don Felipe at namayapa niyang asawa na si Doña Emilia.” Saad sa akin ni Natalija habang itinuturo nito ang isang pintuan ng silid na nasa dulo ng pasilyo. “Iyon ang masters bed room. Tapos ’yong isa namang silid sa kanan, sa dulo, iyon ang silid ni Sir Vince at asawa niyang si Ma’am Denise. Kaso wala si Ma’am ngayon dito sa Pinas, nasa Canada siya dahil may negosyong inaasikaso. Si Sir Vince naman, hindi rin madalas maglagi rito nitong mga nakaraang buwan. Busy rin sa trabaho. Ang mayayaman talaga ano... buong oras lang ay iginugugol sa trabaho e marami naman na silang pera.” Saad pa nito at nagpakawala nang malalim na buntong-hininga. Napangiti na lamang ako. Sa totoo naman kasi ang sinabi nito. Marami akong kilalang mayayaman, pero patuloy pa rin sa pagpapayaman. Kunsabagay, sino ba naman kasing negosyante ang hahayaan na lamang malugi ang pinaghirapan nilang negosyo. Kaya kahit mayaman na sila, hala sige pa rin sa pagpapayaman. “Ang silid namang iyon,” sabi pa nito at itinuro ulit ang silid na kahilira ng silid ng mag-asawang Sir Vince at Ma’am Denise. “Iyon ang silid ni Sir Arwin. Pero hindi na rin siya naglalagi rito. Madalas nasa condo niya siya sa Makati.” Napatingin naman ako sa kuwartong nasa tabi ng masters bed room. Iyon ang silid na pinasukan ko kanina. Ang silid na ipinapagamit sa akin ng Don Felipe. Tumingin din ako sa katapat na silid niyon... iyon naman ang kuwarto na inuokupa ni sir sungit. I guess. Kasi roon ko siya nakita kaninang pumasok nang lumabas naman ako. “Tapos ito namang isa, ayan ang silid ni Sir Kidlat.” “Dito ba talaga siya nakatira?” nagulat pa ako sa naging tanong ko. Dapat kasi ay sa isipan ko lang ’yon. Pero wala na akong magagawa dahil nadinig na iyon ni Natalija. “Bakit mo naitanong?” balik na tanong niya sa akin. Nagkibit-balikat na lamang ako. “Dati, nagbabakasyon lang dito si Sir Kidlat. Tapos kalaunan, tatlong taon na ang nakararaan, dito na siya tumira. Close kasi ’yan sila ni Don Felipe e. Inaanak siya ng Don.” Napatango na lamang ako dahil sa mga sinabi ni Natalija. Although, alam ko naman ng inaanak siya ng Don. Nang maglakad na ito pabalik sa may hagdan, sumunod din ako rito. “M-mabait ba siya?” naitanong ko ulit. Curious lang ako kung ano ang pakikitungo niya sa ibang tao. Baka kasi hindi lang sa akin siya masungit. Baka ugali na talaga niya iyon. Nakita ko naman ang nakakalokong ngiti sa mga labi ni Natalija nang huminto ito sa paglalakad at tumingin ito sa akin. “Ayoko sanang sagutin ang tanong mo,” sabi nito. Nagsalubong ang mga kilay ko. “Huh? Bakit?” “Kasi... hindi ko masasagot ng tama ang tanong mo.” Tumitig ako rito. “Ibig kong sabihin, hindi ko masasabi kung mabait ba siya o masungit.” Tumawa pa ito ng pagak. “Ilang taon na rin kaming magkasama rito sa mansion, pero never ko pa siyang nakitang ngumiti manlang. Laging seryoso. Wala manlang kaimo-emosyon ang mukha niya kun’di poker face. Ganoon lang sa araw-araw na ginawa ng Diyos.” Natawa na rin ako ng pagak. Ayon naman pala. Ang buong akala ko ay sa akin lang siya may galit. Sa akin lang siya laging nagsusungit at magkasalubong ang kaniyang mga kilay. Siguro nga ay ipinaglihi siya sa sama ng loob, tapos nadagdagan lang iyon dahil sa inaakala niyang piniperahan ko lang ang Don Felipe. “Haynaku! Nakakahinayang nga ’yang si Sir Kidlat. Guwapo naman siya, pero laging seryoso. Parang laging kaaway ang mundo.” Saad pa ni Natalija ’tsaka nagpatuloy na ng pagbaba sa mataas na hagdan habang nakasunod ako rito. “Sinabi mo pa! Akala mo laging nireregla at mainitin lagi ang ulo.” Pareho kaming natawa ni Natalija dahil sa sinabi ko. Hanggang sa makababa na kami sa sala. “Ang sarap ngang banatin ang kilay ng sir sungit na ’yon e. Bugnutin. Siguro ipinaglihi talaga siya sa sama ng loob.” “Ewan ko ba kay Sir Kidlat.” Anito. “Pero ang dinig kong sabi ng Don Felipe dati kay lola, dahil daw sa nobya niya kaya nagkaganyan.” Iyon din ang sinabi ng Don Felipe sa akin no’ng una. “Bitter,” sabi ko. “Ampalaya ’yan kapag ganiyan. Hindi pa nakaka-move sa ex kaya ibinubunton ang galit sa ibang tao. Mapait ang buhay niya kaya—” “Are you talking about me?” Bigla kaming napalingon ni Natalija sa main door nang bumukas iyon at pumasok si sir sungit doon. Usual, magkasalubong na naman ang mga kilay niya. Matalim ang titig niya sa amin; or sa akin?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD