HINDI na maalis sa isip niya ang mga nangyari lalo na ang halos naging bangungot na pagpunta nila sa bundok na iyon. Pakiramdam niya nakaganti na ito sa kanya at pinagtatawanan na siya dahil sa naramdaman niya. Sinadya nga siguro nito na dalhin siya roon dahil alam na nito na may takot siya sa heights at ngayon nga yata ay alam na nito ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanya.
Nasa klase na siya nang umagang iyon, maaga na siyang pumasok dahil natatakot siyang bangungutin muli kung mananatili lang sa bahay. Inawasan na lamang niya ang mga tanong ng Tita-Ninang niyang si Stella. Tiyak mag-aalala lang ito kapag may nangyaring masama sa kanya. Kagaya nito na tumandang dalaga na lang at walang balak mag-asawa ay siya na ngayong inspirasyon niya. Buo ang paniniwala niyang sakit sa ulo ang mga lalaki at manggagamit. Hinding-hindi siya papayag na mapabilang sa mga babaeng nasaktan at luminya sa mga sawing at naging tanga at umasa sa mga lalaki.
“Okay Class, siguro naman nakahanap na kayo ng mga company na pwede nyong pag-ojt-han. You’ll start your 6 units next week. That means, magiging three days lang ang pasok nyo sa bawat subject, since you’re fully loaded on your OJT. I hope you find this course easy.”
Kasalukuyan siyang nakikinig sa lecture ng babaeng professor nila nang biglang mag-ring ang hindi pamilyar sa kanyang ringtone. Siniko siya ni Myra, ang katabi niya sa klase.
“Ate, nagri-ring yata ‘yong phone mo,” mahinang bulong nito.
“Huh. Hindi akin iyon, iba ang ringtone ng phone ko.”
Ngunit naging sunod-sunod ang ring at nag-vibrate pa, naramdaman niya iyon, kaya agad niyang binuksan ang sariling bag nang sitahin siya ng professor.
“Miss Torregoza,would you mind taking your phone away from the class. I told you guys to silent your phone while we’re in class, didn’t I?”
Napayuko siya at dahan-dahang tumayo, saka binitbit ang bag. Doon na niya nilabas ang phone.
“T-Teka, kanino phone ‘to? Nasaan ang phone ko?”
Kinalkal niya ang bag niya ngunit walang sariling phone siyang natagpuan. Makulit ang phone na hawak niya, nang pakatitigan pa niya iyon, nagulat siya nang makitang Iphone7 iyon. Napakunot-noo siya nang makitang numero niya ang tumatawag.
“This is creepy, tatawagan ako ng sarili kong numero. Hindi kaya siya ang nagnakaw ng phone ko. Or maybe we switch phones? But how?”
Napaisip muna siya kung sino ang posibleng nakasama niya para magpalitan sila ng phone nang halos wala ng tigil ang ring ng phone. Napipilitan na siyang sagutin iyon.
“Hello! Bakit na sa iyo ang phone ko?”
“High blood ka naman agad. Pwede bang mamaya ka na magalit at mamaya na ako magpapaliwanag? Tulungan mo muna ako. Nandito ako sa may Auditorium, hindi ako makaalis.”
“S-sino ba ‘to?”
“Si Sky ‘to, Sky Gohtencee, ang bilis mo namang malimutan ang gwapo kong pangalan.”
“Hindi ka rin mahangin noh. Paano napunta sa iyo ang—“
“Please, puntahan mo muna ako rito..”
Napipilitan si Sharon na sundin ang sinabi nito. Nagulat pa siya nang makitang napapligiran ng mga kababaihan at baklang estudyante ang Auditorium.
“Sharon, nandito ako!”
Natanaw nga siya nito. Ganoon nga ba talaga ito ka-gwapo para pagkaguluhan ng ganoon. Para namang naubusan ng lalaki ang School kung makalapit ang mga ito sa lalaking ito.
Hinawi niya ang babae at bakla roon, nagkaroon ng aisle saka niya iyon dinaanan. Salubong ang kilay na tiningnan niya si Sky.
“You’re making me a trouble, alam mo ba ‘yon?”
“I’m sorry, balak lang naman kitang puntahan dito sa School, hindi ko naman inaasahan na ganito ang mangyayari.” Napayuko ito na mukhang sinsero sa mga sinasabi saka inabot sa kanya ang isang pirasong bulaklak. “Para pala ito sa iyo,”
Napatingin siya sa isang pirasong dilaw na bulaklak.
Napangisi ito at napakamot ng ulo. “Sorry, naubos kasi nila.” Itinuro pa niya ang mga babaeng nakatingin sa kanila at tila nagde-day dream. “Hey! Para malaman nyo, taken na ako. This is my girlfriend!” anunsyo nito saka siya inakbayan.
Napasinghap si Sharon sa pagkakadaiti ng kanilang katawan at sa amoy nito na nanunuot sa kanyang ilong. Bakit ba ganoon na lang ito kabango? Mukhang mamahalin ang pabango nito at hindi mabibili sa isang simpleng tindahan. Sa inis niya ay siniko niya ito para maalis nito ang brasong mahigpit na nakaakbay sa kanya. Ngunit ang mokong, kinindatan lang siya parang pinaaalahanan na makisama siya.
Wala rin siyang nagawa at hindi na rin nakaangal. Mukhang natuhan naman ang mga ito at umalis rin. Silang dalawa na lang ang naroon sa loob ng Auditorium. Napaupo na lang siya saka ipinagsalukap ang dalawang braso.
Ngumisi siya. “Alam mo ba kung ano ang ginawa mo?”
Umiling-iling ito na parang inosente sa mga nangyari.
“Dahil lang naman sa’yo, napagalitan ako ng Professor ko at pinalabas ng room.” Inilahad niya ang palad. “Amin na”
“Ang alin?”
“Akin na ang phone ko!”
Kinuha lang nito ang sarili nitong phone, tumalikod sa kanya saka ibinalik ang iphone.
“Hey, give me back my phone!” asik niya sa binata.
“Sa’yo na ‘yan. Don’t worry, bagong bili naman iyan.”
Napaangat ang kilay niya sa sinabi nito. “Naiintindihan mo ba ako? Paranoid ka ba mister?”
Napahawak ito sa baba at makailang ulit na hinipo iyon na parang namomoroblema sa kanya. Saka bumuntong hininga. “Hindi ko talaga alam kung paano ipararamdam sa iyo ng interesado ako sa iyo. Look, alam kong naguguluhan ka sa inaasal ko. Pero kung gusto mo akong magpakilala sa iyo. Okay, call me, Sky, Sky Gohtencee. And I’m planning pursuing you.”
“What? Baliw ka nang talaga.”
“Hindi ka ba naniniwala?”
“Alam mo kung ano ang tingin ko sa iyo ngayon? Isang playboy na walang alam gawin kundi ang manakit at paglaruan ang mga babae. Matapos makuha ang mga gusto nila ay lalayasan na lang bigla.”
“Then I will prove you wrong. Alam kong isa iyong hamon. And I dare.”
“Get lost! Wala kang mapapala sa akin. Kahit manigas ka pa riyan o lumuha ka pa ng dugo.”
“Sleep with me, just one night,” seryosong sabi nito.
Nag-isang linya yata ang kilay niya sa inis dahil sa sinabi nito. “Kahit kailan, bastos ka talaga.”
“Just one night and I prove you na hindi lang iyon ang habol ko sa iyo.”
“Bahala ka sa buhay mo! Tigilan mo na ako. May klase pa ako, mabuti pang umuwi ka na lang.”
Nagtatakbo siya palabas ng Audi, napilitan na rin siya kunin ang phone dahil naroon ang numero niya at mahalaga iyon sa kanya. Bakit ba lapitin siya ng malas? At isang playboy Sky pa ang napunta sa kanya. Pinatay niya ang phone, para kahit may klase siya ay hindi na ito makakapanggulo pa sa kanya.
Isang klase pa ang inatendan niya. Pinilit niyang iwaglit sa isipan niya ang mga sinabing iyon ni Sky. Wala siyang balak pagkaabalahan iyon lalo pa at nais niyang unahin ang sariling pangarap.
TAPOS na ang klase niya nang lumabas na siya ng School. Napaangat siya ng tingin nang makita ang pamilyar na sasakyan na naka-park malapit sa school. Huminto siya sa paglalakad, nakita niyang nakasandal ang may-ari niyon. Pati ang pagsandal nito ay elegante at tila commercial ng isang luxurious car. Agad winaglit ng isip niya ang nai-imagine dito. Presko, iyon ang tamang deskripyon nito.
Lalapitan na sana siya nito nang may lalaking naunang lumapit sa kanya.
“Hi, Sharulyn, pauwi ka na ba?”
Napalingon siya sa nagsalita. Si Mister Troy Rojas, ang pamangkin ng Tita Pinky niya, isa sa manager ng Resto Bar at isa sa lalaking iniiwasan niya at ayaw niyang makita.
“Ihahatid na kita,” sabi sa kanya ni Troy.
“Sinong maysabing magpapahatid siya sa iyo?” mataas ang tonong tanong ni Sky kay Troy. “Hoy, Totoy, alam mo ba kung sinong pinopormahan mo?” paasik na sabi Sky kay Troy.
“Hoy Tanda! Masyado kang matanda para kay Sharon.”
“At masyado kang bata para sa kanya. FYI, Twenty seven lang ako.”
Hinawakan ni Troy ang braso ni Sharon, hindi rin nagpatinag si Sky, hinawakan din niya ang kabilang braso ni Sharon.
“Sa ‘kin ka sasama” sabay na sabi ng dalawa sa kanya.
“Tumigil nga kayo!”
Hinila ni Sky ang braso ni Sharon. “Tayo na.”
Hinila rin ni Troy ang braso niya. “Sasama ka sa akin at hindi sa matandang iyan.”
Pahaklit na binawi ni Sharon ang sariling mga braso. “Kayong dalawa, wala kayong mapapala sa akin. Magsiuwi na lang kayo. Magba-bus na lang ako.”
Tinalikuran niya ang dalawa at saka naglakad palayo sa mga ito. Nakakalimang hakbang pa lang siya nang marinig niyang nagsusuntukan na ang dalawa. Napahinto siya at hindi malaman kung sino ang dadaluhan sa mga ito.
“Ano ba! Tama na ‘yan! Tumigil na kayo! Ano ba, tatawag ako ng pulis!”
Ngunit hindi natinag ang dalawa, tuloy-tuloy pa rin sa pagsasalitan ng suntok ang mga ito. Hindi yata titigil ang dalawa hanggat wala ni isang natutumba. Dumating na ang guwardiya para pigilan ang dalawa. Nag-whistle pa nga ito ngunit wala pa ring pakialam ang dalawang lalaki.
Maloloka na yata siya sa dalawang ito. Nilapitan siya ng guwardiya. “Ma’am, kayo ba ang nagsimula ng gulo?”
Naguguluhang napatingin siya sa guwardiya. “Ano? Bakit ako?”
“Sabi po kasi nila, kayo raw ang dahilan kung bakit sila nag-aaway.”
“Ah, ga’non. Ako pa pala. Sige, kuya guard, pahiram ng batuta nyo. Ito lang ang paraan para tumigil sila.”
“’Mam, baka mapuruhan mo sila,” kinakabahang sabi ng guwardiya.
“Don’t worry, hindi sila ang patatamaan ko.”
Mabilis na nilapitan niya ang windshield ni Sky. “So, wala talaga kayong balak tumigil.” Isang malakas na hampas ang ginawa niya dahilan para magkapira-piraso ang salamin. Sinunod niya ang kotse ni Troy, isang hampas din ang ginawa niya.
Naghiwalay ang dalawa at kanya-kanyang takbo sa sariling mga kotse.
“Oh, ano hindi pa kayo titigil? Sige na, pagpatuloy nyo lang ‘yan at ipagpapatuloy ko rin ito.”
Ihahampas pa dapat ni Sharon ang batutang hawak nang pigilan ng kamay ni Sky ang kamay niya. Hindi niya namalayang nakalapit na ito sa kanya.
“Tama na ‘yan. I can pay the damage, ewan ko lang sa lalaking iyan.”
Napatingin si Sharon kay Troy, nakita niyang problemado nga ito at tila parang iiyak na dahil sa ginawa niya.
“Let’s go,”
Binitiwan niya ang batuta at nagpatianod na sa pagtakbo habang mahigpit na nakahawak ang kamay nito sa kamay niya. Hindi na nila alam kung saan na sila nakarating nang huminto ito. Kinuha nito ang dati niyang phone, na phone na nito ngayon nang hindi binibitiwan ang kamay niya.
“Hello. I’d like you to go on the Polytechnic University, repair the two cars for the damage, ASAP.” Matapos ay tumuon ito sa kanya. “Akala mo ba pakakawalan pa kita ngayon. You owe me one day for that, so you have no choice but to spend one day with me.”
Agad hinaklit ni Sharon ang kamay niya. “Says who? Kung hindi ko pa ginawa iyon, hindi kayo titigil. Hindi ko kasalanan kung bakit kayo nag-aaway.”
“Kasalanan mo dahil manhid ka.”
“Hindi ako manhid, ikaw ang manhid. Hindi ka na nga gusto, hinahabol-habol mo pa.”
“Sige, bigyan mo ako ng isang buwan. Isang buwan para sundin lahat ng nais mo at hayaan akong manligaw ng totoo sa iyo. Kapag hindi pa rin nagbago ang paniniwala at feelings mo, I’ll stop. I set you free.”