"Ang gwapo ng asawa mo. Marami sigurong naghahabol na babae at bading doon, 'no? Pasalamat ka't maganda ka. Kung 'di baka ipagpalit ka lang din no'n." Nanananghalian ako rito sa karinderya ni Aling Emily. Wala pang ibang customer, kaya may oras itong makialam ng buhay nang may buhay. Hindi ko naman asawa iyon. Pero dahil nga iyon ang alam ng matanda, hindi ko na lang itinama. Hindi ko kayang tanggapin ang mga panghuhusga kapag nalamang 'kabit' lang ako. Hindi ko ginustong maging gano'n. Pero sa takbo ng mga nangyayari sa amin ni Timothy, kahit tumangi ako sa mga offer n'ya, maituturing pa rin na other woman ako dahil may nangyari na sa amin, naglalaan na s'ya ng oras para sa akin. "Alam mo ba bago s'ya pumasok sa sasakyan n'ya kaninang umaga, nagpunta pa s'ya rito. Ibinilin ka n'ya."