Chapter One
"Sigurado ba kayong ayos lang na rito ako tumuloy?" worried na ani ko sa kakambal. Sinulyapan ko rin si Timothy, ang asawa ng kapatid ko na agad ngumiti nang makitang nakatingin ako.
"Oo naman! Kaysa mag-isa ka sa apartment mo. At least dito mababantayan ka namin. May bakanteng silid pa rito sa first floor. Iyong kasambahay naman ay uwian, nagtutungo lang iyon dito para maglinis at maglaba. Sa umaga, ako naman ang nagluluto. Ikaw na nga lang ang bahala sa lunch kasi wala kami ni Tim kapag may work."
"Salamat, Meri."
"Ano ka ba, Claudette? Wala iyon, 'no. Saka gusto rin kitang makasama." Amin nito. Hindi kami lumaking magkasama ng kakambal ko. Naiwan ako sa poder nila Lola habang si Meri naman ay kasama nila Papa at Mama na lumuwas ng siyudad. Si Lola ang kinalakihan kong magulang, saka lang ako lumuwas noong nakapagtapos ng pag-aaral para magtrabaho na rin.
Mas maganda ang buhay ng kapatid ko kaysa sa akin. Gusto ng magulang namin na manatili ako sa bahay nila, pero dahil mataas ang pride ko at may hinanakit ako sa kanila ay nag-apartment ako. Si Meridette lang ang kasundo ko dahil noon pa man ay nagre-reach out na ito sa akin.
Tanda ko naman na 2 years ago ay nagkaayos kami nito. Naging close kami nito, pero dahil sa aksidente iyong mahigit 2 years ko rito sa siyudad ay nawala sa utak ko. Naaksidente ang kinalululanan kong taxi at naapektuhan ang alaala ko.
"Tim, hatid mo si Claudette sa room n'ya. Maghahanda lang ako ng merienda natin." Agad namang lumapit si Timothy at binuhat ang maleta ko. Bago pa ako sumunod dito ay napatingin pa ako sa wedding picture nilang mag-asawa. Grabe, magkamukhang-magkamukha talaga kami ng kakambal ko. Dahil habang nakatitig ako sa larawan ng dalawa ay parang nakita ko na rin ang sarili ko na nakasuot ng wedding gown.
"Halika na, Clau." Yaya ni Timothy sa akin. Binalikan ako ni Tim at inalalayang maglakad. Nakasaklay pa kasi ako dahil sa fracture ng paa ko. Therapy lang ang kailangan, makakalakad ulit ako ng maayos.
Mabait si Timothy. Noon ngang nasa ospital ako'y si Tim ang kahalili ni Meri sa pagbabantay sa akin. Halos sa ospital na nito ginagawa ang trabaho para lang mabantayan ako at makapagpahinga naman si Meri. Nagpaubaya naman ako sa pag-alalay nito. Nauna saglit na pumasok sa silid at inilagay ang maleta sa gilid ng kama. Saka ako muling binalikan at inalalayan.
"Kapag may kailangan ka ay magsabi ka lang sa amin ni Meri. Para naman maibigay namin ang kailangan mo. Huwag kang mahihiya sa amin, do you understand?" ani nito na bahagya pang ginulo ang buhok ko. Napangiti naman ako at tumango rito.
"Okay, Tim. Salamat talaga sa inyo, ha!"
"Wala iyon. Sige, labas muna ako. Puntahan ko lang ang kakambal mo." Tumango na rin ako at pinanood ang paglabas nito. Nang makalabas ito ay napabuntonghininga ako.
Hindi ko rin magawang bumalik at magpatuloy sa trabaho dahil hindi pa ako ready.
Ang laki ng epekto ng aksidente sa akin. Sana lang talaga makatulong ang pag-e-stay ko rito sa bahay ng mag-asawa para maka-recover ako agad.
Gamit ang saklay ay humakbang ako patungo sa kama. Umupo ako sa gilid no'n saka sinubukan hilutin ang hita na medyo nakaramdam nang pangangalay.
"Clau---" bumalik si Timothy. May dala itong baso ng tubig at agad napatingin sa ginagawa kong pagmasahe sa hita. Lumapit agad ito na kita naman ang pag-aalala sa kanyang mukha.
Ipinatong nito sa bedside table ang baso saka lumuhod sa harap ko.
"Saan ang masakit?" agad nitong tanong sa akin saka maingat na ipinatong sa hita nito ang paa ko.
"Dito." Turo ko sa hitang bahagya kong hinilot."Nangawit." Nanulis ang ngusong ani ko rito.
"Dapat kasi binuhat na lang kita. Hindi ka kasi nakinig sa kapatid mo." Sermon nito saka sinimulan iyong hilutin. Bahagya akong napapikit nang bahagyang maibsan ang sakit sa hinihilot nito.
Mainit ang palad ng lalaki, nakatulong para guminhawa ang pakiramdam ko.
"Tawagin mo kami kapag may kailangan ka." Ulit nitong paalala. Tumango naman ako rito. Nahuli pa yata nitong bahagyang awang ang labi ko dahil sa ginagawa nitong maingat na pagmasahe sa hita ko.
Napadpad sa tuhod ko ang palad nito. Saka iyon naman ang maingat nitong minasahe. Napakagatlabi na lang ako sa dinulot no'ng pakiramdam sa akin.
Ang bait talaga ni Timothy. Swerte ng kapatid ko sa kanya.
Nang matapos ito'y maingat na n'yang inilapag ang bag ko saka tinungo ang maleta ko.
"Sabi ni Meri tulungan daw kitang ayusin ang mga gamit mo. Marunong naman akong magtupi kahit papaano." Nakangiting ani nito saka binuksan ang maleta ko.
"Ah, ako na d'yan. Nakakahiya naman sa 'yo, Tim. Saka iyong iba d'yan ay labahan pa. Hindi pa kasi ako nakapaglaba."
"Ayos lang iyon. Ituro mo na lang ang labahan para isama na lang sa labahan namin. Hindi mo pa rin naman kayang maglaba." Mahinahong ani ng lalaki."Ito ba?" tanong nito sa akin sabay angat ng naka-plastic na damit.
"O-oo, iyan nga." Sagot ko rito.
"Dadalhin ko na ito sa labas. Pero ayusin ko muna ang mga damit mo."
Tumango naman ako rito at nagpasalamat. Hindi rin naman ito papayag na tumangi ako. Sa totoo nga n'yan ay nahihiya ako sa asawa ni Meri. Ang bait kasi nito, tapos magiging pasanin pa ako nilang mag-asawa sa loob ng ilang linggong pananatili ko rito.
Nalingunan ko itong abala na sa pagsasaayos ng damit ko sa cabinet. Napangiwi ako nang makitang sunod nitong inayos ang mga underwear ko.
"Hala! Ako na d'yan." Nabiglang ani ko. Akmang tatayo na sana ako pero muling napabalik sa pag-upo ng kumirot ang binti ko.
"Ayos lang, maupo ka muna kasi hindi mo pa naman kaya." Sagot ng lalaki saka ibinalik ang atensyon sa ginagawa. Pakiramdam ko'y pulang-pula na ang mukha ko lalo't sinisipat-sipat pa iyon ng lalaki para tiyaking maayos talaga ang pagkakalagay n'ya.
"Clau..." dinig kong tawag ni Meri.
"Iwan mo na iyan, ako na ang bahala." Tawag ko kay Tim. Pero pinagpatuloy pa rin n'ya.
"Pasok, Meri!" tugon ko sa kapatid. Bumukas ang pinto.
"Hi, Love." Bati ni Meri kay Tim.
"Hi." Busy namang tugon ni Tim habang nag-aayos pa rin ng damit ko.
"Nakapaghanda na ako ng merienda. Mamaya na muna iyan. Tara na muna sa kusina." Lumapit si Meri sa akin at inalalayan akong tumayo."Masakit pa ba?" tanong nito sa akin.
"Medyo makirot. Nabigla ata dahil sa ginawa kong paglalakad kanina papasok dito."
"Dapat kasi hindi ka muna lumakad. Love, pakibuhat naman si Clau." Malambing na ani ni Meri sa kanyang asawa. Ako na ang nahihiya, ang laking abala ko sa kanila.
"Halika, kapit ka sa leeg ko." Udyok ni Tim nang makalapit sa akin saka ako binuhat nito.
Si Meri pa ang nagbukas ng pinto para makalabas kami ni Tim.
Hiyang-hiya ako. Pero wala naman akong magawa dahil sa kalagayan ko. Buhat ako nito hanggang sa kusina. Saka n'ya ako pinaupo sa upuan.
"Gusto mo ba ng extra chair para pagpatungan ng paa mo?" concern na tanong nito sa akin.
"Hindi na, okay na." Tumango naman si Tim saka ito umikot at umupo sa tabi ni Meri.
Nakilala ko si Tim noong sunduin ako ni Meri sa terminal. Bagong salta ako sa siyudad kaya naman hindi ko alam ang pasikot-sikot. Isinama ni Meri si Tim para ipakilala sa akin. That time, ako ang number 1 supporter ng dalawa. Kinikilig kasi ako sa kanila, bagay na bagay silang dalawa.
"May mga gusto ka bang kainin? Para mailagay natin sa menu." Dinampot ko ang ginawang sandwich ni Meri.
"Ano ba kayo? Kung ano ang gusto n'yong kainin ay iyon na lang din ang akin. Huwag n'yo rin akong masyadong inaalala kasi mas lalo lang akong mahihiya na mag-stay rito."
"Iniisip mo bang pabigat ka, Clau? Sana'y hindi iyan ang iniisip mo. Kasi masaya akong makasama ka sa iisang bahay. Alam mo naman na gustong-gusto kita na maka-bonding."
"Nahihiya ako, syempre!" amin ko."Kaya huwag n'yo akong masyadong inaalala. Kasi kaya ko naman ang sarili ko."
"Hays! Ang kulit. Basta kapag may kailangan ka, magsabi ka. Period!" giit ni Meri na ikinatawa ko na lang. Ang kulit naman talaga eh.
Nagpasalamat ako nang lagyan ni Tim ang baso ko ng orange juice. Saka nito nilagyan ang baso ni Meri.
"Papalagyan ko rin ng tv ang room mo para hindi ka ma-bored."
"Hala! Huwag na, may TV sa sala. Doon na lang ako manonood." Mabilis na ani ko.
"Basta, ibibili ka namin." Si Meri na nakangisi. Ito na naman sila, ine-spoil ako. Nagkibitbalikat na lang ako dahil halata namang igigiit pa rin nila.
Nang matapos kaming mag-merienda ay nagligpit na si Meri. Nakaramdam ako ng ngawit kaya tumayo na ako at nagpaalam sa kakambal na abala na sa paghuhugas.
"Tim, pakialalayan nga si Clau." Malakas na tawag ni Meri sa asawa n'ya.
Agad namang dumating ang lalaki saka lumapit sa akin. Sabi alalayan, pero binuhat na ako nito.
"Saan kita dadalhin?" tanong nito sa akin.
"Sa kwarto." Nahihiyang sagot ko. Dinala naman ako nito sa kwarto. Balak pa nga sana nitong ipagpatuloy ang pag-aayos ng damit ko pero mariin na akong tumangi.
Matutulog muna ako bago ko ituloy ang nasimulan ni Timothy.
Nagising ako papadilim na. Nagising ako dahil sa katok ng lalaki at marahan nitong pagbukas ng pinto.
"Nagising ba kita? Sorry, kailangan mo kasing uminom ng gamot. Bilin ni Meri."
"Bakit? Nasaan ang kakambal ko?" takang tanong ko rito.
"Tumawag kasi ang best friend n'ya. Kaya dali-daling umalis."
"Oh, bakit hindi ka sumama?" madalas naman sumama ang lalaki sa asawa n'ya sa mga lakad ng mga kaibigan ni Meri eh.
"Girl's night out daw. Hindi na rin ako sumama kasi may gagawin pa akong trabaho."
"Gano'n ba? Pasensya na sa abala. Akin na iyong gamot ko." Inilahad ko ang kamay sa lalaki para kunin ang gamot. Lumapit naman ito at iniabot sa akin ang gamot na kailangan kong inumin. Agad kong tinanggap iyon at isinubo. Saka akmang kukunin na ang baso ng tubig pero ito mismo ang naglapit no'n sa bibig ko. Nabigla ako pero ininom ko na rin dahil hindi ko gusto ang lasa ng gamot. Bahagya pa nitong pinunasan ang labi kong nabasa. Bahagya itong ngumiti. Maasikaso ang lalaki. Ang swerte ng kapatid ko sa napangasawa n'ya.
"Naghahanda ako ng dinner. Gusto mo ba akong samahan doon? Buti naalala ko na may gamot ka pa lang need inumin ng ganitong oras. Kaya pinatay ko muna iyong stove."
"Baka makaabala ako, Tim."
"Tsk. Kailan ka pa naging abala sa akin at sa kakambal mo? Never, Claudette." Gano'n sila kabait sa akin.
Binuhat na ako nito habang ako na ang pinahawak nito ng baso. Dinala sa kusina at pinaupo sa upuan na nakaharap sa pwesto nito habang nagluluto.
Paborito ko ang niluluto n'ya. Sinigang na baboy. Halatang marunong sa kusina, 'di tulad ko na madalas take-out foods ang kinakain dahil hindi sanay magluto.
Nakasunod lang ang tingin ko rito. Hindi maiwasang mabilib sa skills nito sa pagluluto.
"Ang swerte ni Meri sa 'yo. Halatang magaling kang magluto." Kumento ko rito para naman may pag-usapan kami.
"Aba! Pinag-aralan ko talaga kasi iyong babaeng mahal ko ay hindi magaling maghanda sa kusina." Nakatawang ani nito."
"Magaling sa kusina si Meri, 'di ba? Don't tell me, hindi pasado ang luto n'ya sa 'yo." Nakatawang ani ko.
"That... no comment."
"Isusumbong kita sa kanya." Biro ko rito na ikinatawa lang naman nito.
Nang matapos itong magluto ay agad naman s'yang naghain. May schedule rin daw kasi ang gamot na kailangan kong inumin kaya kailangan daw ay makakain muna ako ng hapunan bago uminom ulit ng gamot.
Nang makasandok na ng kanin balak ko na sanang abutin ang ulam nang awatin ako nito. Tumayo ito at kumuha ng platito at kutsilyo. Gamit ang tinidor nito ay tinusok n'ya ang isang hiwa ng karne saka hinati-hati iyon bago ibinigay sa akin.
"Binilin din ba ni Meri na ganito ako kumain?" nakatawang ani ko. Namangha kasi ako. Ako kasi iyong tipong bago kainin ang ulam na karne ay hinihiwa-hiwa muna iyon bago kainin."
"Madalas kitang makitang ginagawa iyan." Sagot nito."Gusto mo ba ng bagoong?"
"Hala! Ang galing mo naman, alam mo bang favorite ko rin iyon? Kapag sinigang na baboy ang ulam, kailangan may kapares na sawsawan ng bagoong."
"I'm so amazing." Nakangising ani ng lalaki saka tumayo at kumuha naman ng bagoong.
Nagpatuloy kami sa pagkain. Nang matapos ay ito pa rin ang nag-ayos ng kinainan namin. Pinainom ako ng gamot, ito na rin ang nagdala sa akin sa kwarto.
"Lilinisan na kita." Para akong naitulos sa narinig kong sinabi nito. Magkamukha kami ni Meri pero hindi ako ang asawa nito. Parang kumalat ang init sa mukha ko. Nang tignan ko ito'y nasa mukha rin nito ang pagkabigla sa lumabas na salita sa bibig nito. Biglang naging awkward ang paligid namin. Pulang-pula na nga ang mukha ko, habang ito'y biglang nag-iwas nang tingin. Napakamot din sa ulo, natauhan siguro sa sinabi n'ya.