"Ms. Yara, hindi pa naman po ako umaakyat sa kwarto ninyo. Kakalinis ko lang po kasi kahapon, bukas pa po ako ulit maglilinis sa taas," sagot ng kasama nila sa bahay na si Gina at s'yang naglilinis sa mga kwarto nila at nang tanungin n'ya ito patungkol sa nakitang bote ng beer.
"Pero hindi sa akin ito, hindi naman ako umiinom sa loob ng kwarto ko. Impossible rin naman na dadalhin ni ninang doon ang bote kung s'ya ang uminom. Isa pa, hindi umiinom ng beer si ninang," kunot-noong saad n'ya.
Kung ganoon ay kanino ang bote na ito? Sino ang nagdala nito sa loob ng silid n'ya?
"Titingnan ko po ang bawat sulok ng silid po ninyo bukas, Ms. Yara. Kaya lang po hindi ko po talaga alam kung kanino at kung sino ang nagdala ng bote na iyan sa loob ng kwarto po ninyo. Isa pa po, wala naman po kayong stock na ganyang alak sa ref," nagtatakang sambit ng kasambahay nila.
Napapikit si Yara sa narinig dahil isa pa iyon sa ipinagtataka n'ya. Paano na may beer dito sa loob ng bahay nila kung wala naman silang stock nito. Ang mayroon lamang sila sa loob ng ref ay wine.
Magsasalita pa sana ang dalaga nang biglang may bumusina sa labas kaya sabay silang napalingon dito ng kasambahay nila.
"Ang mga kaibigan ko na yata iyan, pasuyo na lang ako sa gate, please. Iyong malaking gate ang bubuksan, ipapasok nila ang mga sasakyan nila," aniya na agad naman na sinunod ng dalawang kasambahay.
Bumuntong-hininga na lang s'ya at mukha wala naman s'yang makukuha na sagot kahit pa punuin n'ya ng tanong ang isip. Una iyong libro, ngayon naman ay itong bote ng alak. Ilan at ano pa kaya ang makikita n'ya sa loob ng kwarto n'ya na hindi n'ya alam saan o kanino galing?
Wala naman sigurong ibang tao na pumupunta sa loob ng kwarto n'ya maliban sa kasambahay nila, ano? Ang ninang n'ya nga na hindi nga pumapasok ng silid n'ya kung wala s'ya. Iniling ng dalaga ang ulo dahil ayaw n'ya na iisipin n'ya na naman ang bagay na ito kagaya nang kung paano s'ya nabulabog ng libro na iyon na hanggang ngayon ay hindi n'ya alam kung kanino at kung sino si Mariel Formanes. Hindi n'ya rin muna binigyan pa ng pansin, marami s'yang mga bagay na mas kailangan bigyan ng pansin kaysa sa isang bagay na mukhang hindi naman importante.
Hindi na s'ya lumabas para salubongin ang mga kaibigan, hindi naman kailangan ng mga iyon ng welcome hug. Ang mga kaibigan n'ya na komportable na rito sa bahay n'ya at wala nang mga hiya, ay alam n'yang didiretso sa kusina.
Kilala n'ya ang mga iyon. Napailing s'ya nang marinig ang ingay na nagmumula sa sala ng bahay nila. Boses iyon ng kaibigan na si Argel, hindi n'ya iyon maikakaila.
"Yara baby, dumiretso na kami dito kasi sabi ng kasambahay ninyo na nandito ka raw sa kusina," matinis ang boses na sambit nito na para bang isang taon na ang lumipas noong huli nilang pagkikita.
"Palagi ka naman talagang dumidiretso sa kusina na para bang taga dito ka," pairap na sagot ni Yara kaya nakatanggap din naman s'ya ng irap mula rito. Napapailing na lang ang dalawang kasunod na sina Guia at Denver.
"Nasa van na ni Denver ang mga gamit namin, iyo na lang," ani Guia sa kanya na tinanguan n'ya.
"Okay, mamaya na ko na lang ilalagay ang sa akin kapag paalis na tayo. Kain na tayo," aniya at tinawag ang tagaluto nila upang ipaghanda ang mesa para sa kanila.
"G, samahan mo nga ako sa kwarto ko. I just have something to show you," saad n'ya sa kaibigan na babae. Agad silang umakyat ng hagdan habang hinahanda pa ang mga pagkain sa mesa.
Pakiramdam n'ya ay kailangan n'yang sabihin sa kaibigan ang ilang mga bagay na nangyayari sa loob ng silid n'ya na hindi n'ya maintindihan. Hindi n'ya matatanong ang ninang n'ya dahil panigurado na hindi na sila magpapang-abot ngayon.
"Ano ang mayroon, Ya?" pagtatanong ng kaibigan n'ya nang makapasok na sila sa kwarto n'ya.
Nakita n'ya ang bag n'ya na nakapatong sa kama, itinuro n'ya ito, "ayan pala ang bag ko, pero hindi iyan ang gusto kong sabihin," panimula n'ya sa seryosong boses.
Seryosong nakatingin sa kanya ang kaibigan na naghihintay ng susunod n'yang sasabihin. Sa hindi malaman na dahilan ay biglang nabuhay ang kaba sa dibdib n'ya.
"Bakit parang kinakabahan ka?" kunot-noong tanong nito. Umiling s'ya para iparating dito na hindi naman..
"I'm not, it's just that, I'm wondering why." Inilibot n'ya ang mga mata sa buong bahagi ng silid n'ya na abot ng mga mata n'ya. "Do you remember the book? The one that I asked you guys kung sa inyo ba?"
Agad itong tumango sa tanong n'ya, "oo, yeah? What about that book? Nakilala mo na ba kung sino iyong Mariel Formanes na nakasulat doon?" pagtatanong nito kaya umiling s'ya.
"Hindi, hindi ko pa nga alam kung kanino ang libro na iyon eh. Hindi iyon sa akin pero dito ko iyon nakita sa closet ko." Itinuro n'ya ang bahagi kung saan n'ya napulot ang libro. "Hindi ko alam kung paano iyon napunta dito," aniya.
"Hindi iyon kay tita Alicia? Sa naglilinis dito sa kwarto mo, naitanong mo na rin ba?" pagtatanong ng kaibigan n'ya na alam n'ya na agad ang sagot.
"Hindi kay ninang, hindi rin alam ng tagalinis ng kwarto ko ang tungkol sa libro. Kanina naman may nakita akong bote ng beer," sambit n'ya kaya napatingin sa kanya ang kaibigan nang may nagtatanong na mga mata at kunot ang noo sa pagtataka.
Magsasalita na sana ito nang biglang may kumatok sa pinto kaya pareho silang napatingin dito. Bumuntong hininga na lang si Yara at niyaya ang kaibigan na lumabas na lang.
"Uminom ka ba?" pabulong na tanong nito nang pababa na sila ng hagdan.
Umiling s'ya dito, "no, hindi ko alam kung kanino ang bote na iyon. Kung sino ang uminom noon. Si ninang hindi naman umiinom ng beer at wala naman kaming stock na beer," sagot n'ya kaya mas lalong gumuhit sa mukha ng kaibigan ang kaguluhan.
"Naguguluhan ako," sambit nito. Tumango na lang si Yara nang makarating na sila sa tapat ng hapag at naroon ang mga kaibigan. Chill lang na nakaupo si Denver at nakatutok sa cellphone habang si Argel ay gusto nang sunggaban ang mga pagkain na nakalatag sa mesa.
"Parang natatakot na yata ang mga pagkain sa 'yo," nakangising saad ni Yara sa kaibigan na hindi hinihiwalay ang mga mata mula sa pagkain.
"Nagugutom na ako eh, maupo na kayo nang makakain na tayo," saad nito kaya napatawa na lang ang tatlong kaibigan.
Nang mahila nina Yara at Guia ang mga upuan at maka-upo ay agad na binaba ni Denver ang cellphone at nagsimula na silang kumain. Napailing silang tatlo nang walang awa na pinuno ni Argel ang sariling pinggan.
Hindi na lang pinansin ng tatlo ang isa dahil wala naman nang bago rito. Lagi na lang nilang pinupuna ang katakawan ng kaibigan gayong alam naman nila kung bakit ito naging ganito. Kung hindi sa pagpapatawa, sa pagkain nito binubuhos ang stress kaya masaya na rin sila na kahit papaano ay nasa isip din nito ang pag-e-exercise.
Kaya nila palaging pinupuna ang pagkain ng kaibigan iyon ay dahil bigla lang itong naging ganito kaya alam nila na hindi normal sa kaibigan ang pagkain ng ganito karami. Si Argel ang mas madalas mag diet noon pero bigla na lang itong walang pakialam sa dami ng kinakain. Naiintindihan nila iyon, pinupuna nila ito para maramdaman ng kaibigan na napapansin nila s'ya, na alam nila ang ginagawa nito, na may pakialam sila dito.
"Ano pa ba ang bago, magulat tayo kapag ang laman ng pinggan n'yan ay kasing dami na lang ng pagkain ng manok," sambit ni Denver habang sinusubo ang sariling pagkain.
Agad na nag-angat ng tingin si Argel at walang pasabing itinaas ang gitnang daliri na ikinagulat ng dalawang babae habang si Denver ay agad napatawa. Sabay na kinuha nina Guia at Yara ang kanya-kanyang baso ng tubig at uminom. Parehong masama ang tingin ng dalawa sa kaibigan dahil sa hindi nila inaasahan na gagawin nito.
"Hoy! Nasa harap ka ng mga pagkain, umayos ka nga baka ikaw papakuloan ko doon sa kusina!" saway ni Guia sa kaibigan at agad nitong narealize kung bakit nabilaukan ang mga kaibigan.
"Sh*t! Sorry na! Ikaw kasi eh," singhal pa nito kay Denver na hindi nakatingin sa kanya pero pilit tinatago ang mga ngiti sa pagnguya.
"Mabuti na lang wala dito si ninang dahil kung nagkataon, pinatapon ka na sa labas at hindi ka na makakabalik dito," nakangising saad ni Yara at agad na nanlaki ang mga mata nito.
"Oh, no! Paano na ang mga masasarap na pagkain kapag nangyari iyan! Sorry tita Alicia, sorry Lord, nadala lang po ng sariling damdamin. Hindi na po mauulit, pangako," madramang sambit nito.
Umismid lang ang mga kaibigan at tumuloy na sa pagkain. Naunang matapos si Yara sa pagkain kaya kumuha s'ya ng baunan upang paglagyan ng mga pagkain na dadalhin nila.
"Magbabaon ka, Ya?" pagtatanong ni Guia nang makita ang ginagawa ng kaibigan. Napalingon si Yara nang marinig boses ni Guia. Nasa loob s'ya ng kusina kung saan nagluluto ang tagaluto nila.
"Oo, magdadala na lang tayo ng pagkain para sa dinner at para na rin hindi na tayo mag drive-thru sa fast food. Iyon nga lang malamig na ito mamaya pero ayos lang naman," aniya na ikinangiti ng kaibigan.
Hindi sila mahilig sa fast food pero minsan ay wala silang choice lalo na kapag mahaba ang nagiging byahe ay napapatigil talaga dito para kumain.
"Napakatalino mo talaga! Pwede ba natin damihan tapos itatago ko ang ilang container para hindi makita ni Gelo, baka bago pa tayo makapag-isip na magdinner ay wala na tayong pagkain dahil nakita na ng halimaw na iyon," natatawang sambit nito na ikinatawa din ni Yara.
"Mabuti na lang ay marami ang niluto mo, ate Maica," nakangiting sabi ni Yara sa tagaluto, "huwag mo munang takpan, G, mainit pa baka mapanis. Hayaan muna natin lumamig, may tatlong minuto pa naman tayo," aniya nang akmang tatakpan ng kaibigan ang umuusok pa na pagkain sa baunan.
"Ops, sorry! Kailangan din natin ng tubig, Ya," saad ni Guia.
Agad na nag-angat ng tingin si Yara sa kasambahay, "ate Maica, may container ba tayo na pwedeng paglagyan ng tubig? Iyong hindi na kasing laki ng container na ginagamit natin?" pagtatanong n'ya dito.
"Kahit isa lang ate ----"
"Ay iyong sa 'yo na lang, G," pagputol ni Yara sa sinasabi ni Guia, napatingin sa kanya ang kaibigan na parang hindi alam kung ano ang sinasabi n'ya, "iyong palagi nating dala kapag nagbabyahe tayo! Hindi mo dala?"
Nanlaki ang mga mata nito at agad na binitawan ang hawak na takip ng pinaglagyan ng pagkain, "oo nga pala! Dala ko, ano ba iyan!" natatawang saad nito nang maalala ang inilagay sa likod ng sasakyan.
"Dala mo ngayon? Nasa sasakyan mo?" paglilinaw ni Yara dito at agad itong tumango.
"Oo dala ko, mabuti na lang natamaan iyon kanina ng paningin ko kaya nadampot ko, sandali kukunin ko lang," anito at patakbong lumabas ng kusina upang kunin ang tinutukoy nilang paglalagyan ng tubig.
Hindi sila mahilig magbaon ng maliliit na water bottle dahil ayaw nila ng kalat, kaya sa tuwing umaalis sila at dahil may dala naman silang sariling sasakyan ay palagi silang may dalang container na sapat para sa kanilang apat. May kanya-kanya silang tumbler at doon na lang sila naglalagay ng tubig na nakukuha nila sa dalang container.
"Saan ka pupunta, Guia?" pagtatanong ni Denver nang makita ang nalakad takbo na si Guia palabas ng kusina, nasa dining pa rin silang dalawa ni Argel na ngayon ay kumakain ng ice cream.
"Kukunin ko lang sa sasakyan ko ang container na paglalagyan ng tubig, nakalimutan ko na dinala ko nga pala iyon," sagot ng dalaga.
Tumayo si Denver para samahan ang kaibigan sa labas ng bahay, wala namang pakialam si Argel sa mga ito at tuloy lang sa pagkain habang nanonood ng kung ano sa cellphone nito.
"Mabuti at nadala mo pala ang bagay na iyon," ani Denver.
"Muntik ko na nga iyong makalimutan mabuti na lang nakita ko noong palabas na ako ng bahay," mahinang natawa si Guia sa sinabi.
"Tinawag ka yata ng container noon," natatawang sambit ni Denver saka kinuha ang container nang mabuksan ni Guia ang likod ng sasakyan n'ya.
"Tingin ko din eh, ayaw n'ya magpa-iwan dahil alam n'ya na ka-kailanganin natin s'ya," natatawang sagot ng dalaga.
Naabutan nilang dalawa ang hindi pa tapos na si Argel pero hindi na lang nila iyon pinansin at dumiretso na sa loob ng kusina kung saan naroon ang kaibigan na si Yara at naghahanda ng mga pagkain na dadalhin nila.
"Dadalhin natin iyan?" agad na tanong ni Denver at itinuro ang mga pagkain na nasa mesa.
"Oo para hindi na tayo mag fast food," sagot ni Yara.
"Akin na po ang container, sir, lalagyan ko lang po ng tubig," saad ng tagaluto ni Yara kaya napalingon dito ang binata at umiling.
"Hindi na ate Maica, ako na ang gagawa," saad ng binata kaya napatingin ang babae kay Yara na agad naman itong nginitian ng dalaga.
"Mabigat iyan ate Maica, hayaan mo na si Denver," ani Yara kaya tumango ang tinatawag n'yang ate Maica.
Natapos ni Guia ang paglagay ng mga pagkain sa paper bag at sakto lang iyon dahil biglang lumutang ang ulo ng kaibigan nilang si Argel sa pinto habang itinatago nito ang katawan.
"Nakita ka namin," ani Guia kaya umayos ito ng tayo at malawak ang ngisi na humarap sa kanila.
"Pakilagay nito sa labas, Gelo." Inabot ni Denver sa kaibigan ang container na puno ng tubig at walang pasabi iyong dinala nito sa labas.
Nagkatinginan ang tatlong naiwan at sabay na napahalakhak.
"Masyado yatang nabusog ang isang iyon," ani Yara dahil wala silang narinig na reklamo mula sa kaibigan na madalas ay ganoon ang nangyayari.
"Hindi ko rin naman inaasahan na tatanggapin n'ya iyon, tuloy-tuloy pa s'ya," natatawang sambit ni Denver dahil sa walang reaksyon ng kaibigan nang tanggapin ang inaabot n'ya.
"Naparami yata ng kain ng ice cream iyon. Ate Maica, sa susunod na pupunta kami rito, itago mo ang mga pagkain ninyo ha, nawawala sa sarili ang kaibigan namin kapag nakakakain eh," sambit ni Guia sa tagaluto nina Yara na natawa sa sinabi ng dalaga.
"Hindi ko po alam na inilabas pala ni sir Argel ang ice cream," nakangiting sambit ng ate Maica nila. Nanlaki ang mga mata ni Guia at napatingin kay Yara maging kay Argel na parang matutunaw sa hiya para sa kaibigan.
"Ipapahiya talaga tayo ng isang iyon," saad ng binata. Hindi naman na bago sa kanilang apat ang walang paalam na pagbubukas ng ref ng isa't-isa kapag nasa bahay sila ng kahit sino sa kanila.
"Ayos lang po sir, sanay naman na po kami sa inyo," pagbibiro ng ate Maica nila kaya sabay silang tatlo na humalakhak ng tawa.
"Napaka honest mo naman ate Maica," natatawa at nakangusong sambit ni Guia.
"Tara na guys, Denver, ikaw na magdala ng paper bag sa sasakyan mo. Make sure na hindi malalaman ni Gelo kung ano ang laman n'yan. Aakyat lang muna ako sa kwarto ko para kunin ang mga gamit ko," ani Yara na agad tinanguan ng mga kaibigan. Bumaling s'ya sa ate Maica n'ya na seryosong naglilinis ng pinaglutuan, "ate Maica, kayo na ang bahala dito ah. Aalis na kami, sasabihin ko na lang din kay ninang," paalam n'ya dito at nakangiti itong tumango sa kanya.
Nakita n'ya ang kasambahay na si Marie paglabas n'ya ng kusina na nagpupunas ng mga display nila sa sala at may nakasalpak na earphone sa tainga nito. Hindi n'ya na lang muna ito ginulo at dumiretso sa hagdan para kunin ang mga gamit n'ya sa kwarto n'ya.
Napalingon s'ya nang makarinig ng tumatakbong mga paa at nakita n'ya ang kaibigan na si Guia na papalapit sa kanya kaya huminto s'ya.
"Tulongan na kita sa mga gamit mo," sambit nito nang makalapit sa kanya. Hindi naman s'ya tumutol.
"Kaya ko naman na iyon pero thank you, nailipat mo na ba ang mga gamit mo sa sasakyan ni Denver?" pagtatanong n'ya dito.
Agad itong tumango sa kanya, "oo kanina pagdating namin, inilipat namin kaagad kaya mga gamit mo na lang ang kulang doon," sagot nito saka kinuha ang bag n'ya. Isang traveling bag lang naman ang dala n'ya bukod sa isang sling bag na pinaglalagyan n'ya ng mahahalagang bagay katulad ng wallet, phone at nilang maliliit at importanteng gamit kapag bumabyahe.
"So hindi mo alam kung sino ang naglagay ng bote ng beer dito sa loob ng kwarto mo?" biglang tanong ng kaibigan kaya napatingin s'ya dito. Hindi n'ya inasahan ang biglaang tanong nito dahil pinilit n'ya na iwaglit sa isip ang bagay na iyon.
"Hindi," simpleng sagot n'ya.
"Hindi kaya may pumapasok dito sa kwarto mo habang wala ka, Ya? Baka isa sa mga kasambahay ninyo, natanong mo na ba silang lahat?" seryoso itong nakatingin sa kanya habang pagtatanong.
"Si Gina ang naglilinis ng mga silid namin ni ninang pero ang sabi n'ya ay hindi pa naman s'ya umakyat ng kwarto ko ngayong araw dahil bukas pa ang paglilinis n'ya. Nagulat at nagulohan lang ako kung paano nagkakaroon ng mga bagay sa loob ng kwarto ko at hindi ko alam kung sino ang naglagay. Sigurado ako na hindi ako," seryosong sagot n'ya habang pababa sila ng hagdan.
Agad na sumalubong sa kanila ang kaibigan na si Denver nang makita sila nito at kinuha ang bitbit nilang bag.
"Thank you," sabay nilang sabi dito.
"Saka na lang ulit natin pag-usapan. Tanungin mo muna si tita Alicia tungkol riyan," ani Guia na tinanguan ni Yara. Iyon ang plano n'ya, tatanungin n'ya ang ninang n'ya pagbalik nila.
Hindi rin malabo na baka masabi ng mga kasambahay nila iyon sa ninang n'ya.