Chapter 18

2964 Words
"Ikaw, feeling close ka talaga, kinausap ka lang ni sir feeling mo kaibigan mo na iyong tao," pagtataray na naman ni Guia sa kaibigan. Masamang tiningnan ni Argel ang dalaga at pasimpleng inilabas ang gitnang daliri na agad nahuli ng dalaga at pinilipit. "A-aray! Te-teka lang, bitawan mo ang kamay ko, a-ray mababali na!" namimilipit na saad nito saka napatingin sa dalawang kaibigan na walang imik at nakatingin lang sa kanya habang binabali ni Guia ang daliri n'ya, "kayong dalawa, tulongan n'yo ako! A-ray! Bitawan mo na nga, Guia!" Pabagsak na binitawan ni Guia ang kamay nito at nahampas pa sa arm chair. "Hayop ka, ang sakit noon. Babaliin mo ba ang daliri ko ha?" masungit na sambit nito nang may kasamang masamang tingin. "Oo! Tigilan mo na kasi iyang kalokohan na gan'yan. Sa susunod hindi ko na bibitawan iyan nang hindi nahihiwalay sa kamay mo!" pagsusungit naman ng huli. Napailing nalang ulit sina Yara at Denver, wala na nga yatang araw na matatahimik sila. Sanay naman na silang parang laging pusa at aso ang dalawa pero natutuliro pa rin talaga si Yara dahil napapagitnaan s'ya ng dalawa. Tumayo ang dalaga at binuhat ang bag n'ya kaya napatingala ang tatlo sa kanya nang may mga nagtatanong na mata kung saan s'ya pupunta. "Palit tayo ng upuan, Gelo. Dito ka sa gitna bago pa ako mabingi sa bangayan ninyong dalawa. Pakiramdam ko kasi maliit nalang ang kapit ng eardrums ko, malapit ng bumigay," nakataas na kilay na sabi n'ya habang seryosong nakatingin sa hindi makapaniwalang si Argel. Narinig n'ya ang paghagikhik ng mga kaklase na nasa unahan at likuran nila na nakarinig sa sinabi n'ya. Sinulyapan n'ya rin ang katabing si Guia at nakatulala itong nakatingin sa kanya. Hindi makapaniwala sa narinig. "Oy sorry na, balik ka na dito, Ya, promise simula ngayon hindi ko na kakausapin ang isang iyan." Hinila ni Guia ang braso n'ya para pabalikin s'ya sa upuan. "Hindi ko na mabilang sa daliri kung ilang beses ko nang narinig iyan, Guia," nanlulumong saad niya dito bago bumaling sa kaibigan na si Argel na hindi pa kumikilos, "tayo na riyan, Gelo at palit na tayo ng upuan." "Ya, ayaw kong katabi iyan, de-demonyohin lang ako ng isang iyan baka kung kailan last year na natin eh wala na akong matutunan," pakiki-usap ni Guia sa kanya. Agad na napalingon si Argel sa nagsasalitang si Guia at agad nanlisik ang mga mata. Napabuntong-hininga nalang si Yara dahil hindi pa man s'ya naka-upo ay magsisimula na naman ang dalawa. "Oh. Huwag mo na munang subukang sumabat, tumayo ka muna d'yan at paupo-in mo muna ako," pag-awat n'ya sa akmang sasagot na si Argel. "Ya," pagdadramang pagtawag ni Guia sa kanya pero hindi n'ya ito pinakinggan at kinuha at bag ni Argel saka inilagay sa dati n'yang upuan. "Baka naman wala nang magandang mangyari sa buong araw ko kapag kami ang magkatabi, Yara baby," pagrereklamo ni Argel kaya masama n'ya itong tiningnan. "Mas hindi ka matutuwa kapag ang araw ko ang nasira dahil sa inyong dalawa kaya tumayo ka na riyan at lumipat," seryosong sambit n'ya. Napakagat labi s'ya para pigilan ang tawa nang agad itong tumayo at lumipat sa upuan n'ya kaya naka-upo s'ya. Minsan lang s'ya magsalita nang ganoon ang tono kaya alam n'yang nagulat ang isang iyon kaya mabilis pa sa alas kwatro itong tumayo at lumipat. Para namang mangangain s'ya ng tao sa takot ng baliw na iyon. Nakasimangot na tumayo si Guia kaya dito naman nalipat ang paningin nilang tatlo. "Oh saan ka pupunta?" kinakabahan na tanong ni Denver nang tumingin ito sa kanya. "Palit tayo," matigas na saad nito kaya pataas ng kilay ang binata at napahagikhik naman si Yara. "No way! Ayokong magisa sa bangayan ninyong dalawa. Maupo ka na at parating na ang prof natin," sagot ni Denver dito. Napatingin silang lahat sa pinto at totoo nga kaya walang nagawa si Guia at bumalik sa pag-upo. Tahimik silang lahat nang pumasok ang professor nilang tinatawag nilang parang pinaglihi sa sama ng loob. "Huwag ka na ngang maarte na parang ako pa ang may nakakahawang sakit sa ating dalawa, pasalamat ka nga tumabi ako sa 'yo kahit na alam kong ikakasira ng buhay ko ito," madiing bulong ni Argel sa nakasimangot na si Guia. Walang kasing sama ang tingin ng dalaga dito at nangagalaiting napatingin sa mukha ng kaibigan. Narinig ni Yara ang sinabi ni Argel kaya nang tingnan n'ya ang kaibigan na si Guia at napailing ulit s'ya sa hindi na mabilang na pag-ulit. "Huwag mo akong kausapin, alam mo na sa ating dalawa, ikaw ang malas kaya buhay ko ang masisira dahil katabi kita," mataray na sambit ni Guia. Hindi na lang pinansin nina Denver at Yara ang bangayan ng dalawa at nag-focus sa problem na nasa board. Narinig pa nila ang ilang reklamo ng ilang studyante dahil sa hindi pinaliwanag na example at biglang pagbigay ng seat work. "Baka gusto mong humalik riyan sa arm chair mo," paghahamon ni Argel sa kaibigan na kahit kailan hindi nagpapatalo. Kinagat ni Yara ang ibabang labi para pigilan ang paglabas ng tawa n'ya. Pero mukhang narinig yata ng katabi ang mahina n'yang hagikhik kaya napatingin ito sa kanya. Iniling n'ya ang ulo dito. "Baka mautot ka n'yan, Yara baby," pabulong na sambit nito. Kibit-balikat lang ang isinagot n'ya dito at ibinalik na ang mga mata sa papel n'yang may math problem. Binaliwala na lang n'ya ang bangayan ng dalawang kaibigan na alam n'yang walang katapusan hanggang sa natapos s'ya sa ginagawa nang hindi na naiintindihan ang pinag-uusapan ng dalawa. Para na lang itong mga bubuyog na bumubulong pero hindi n'ya naiintindihan ang sinasabi. "Gusto ko na talagang ipakulam ang matandang iyon," reklamo ni Argel nang makalabas na ang professor nila sa room. May kalakasana ang pagkasabi nito kaya narinig ng ilang studaynte at nagtawanan ang mga iyon at sinang-ayunan pa nga ng ilan. "Hindi ba? Pasakit sa ulo, sa kanya ko kaya ipagawa ang mga problem na iyon ng isang oras, tingnan natin kung masasagotan n'ya," matapang na saad nito at may pag-wagayway pa ng kamay. Nagtawanan ang ilang kaklase na nakarinig at nakatingin dito kaya mas lumakas ang loob. "Suportado ka namin, Argel. Ikaw na ang bahala sa pinaglihi sa sama nang loob na isang iyon," sagot naman ng isang lalaking kaklase nila. "Pero syempre biro lang iyon, wala naman akong kapangyarihan sa kulam kaya hindi ko iyon magagawa. Siguro kapag may nagsabi sa kanya noong sinabi ko baka magkaroon ako bigla ng kapangyarihan at iyong sumbongero oh kaya sumbongera ang kukulamin ko," nakangising saad nito at kumindat pa. "Ang ingay mo," reklamo ni Guia dito kaya napalingon ito sa kanya. "Kulang ka ba sa pansin?" kunot-noong tanong ng huli dito. "Ikaw nga ang nagpapansin d'yan. Huwag kang magpahalata sa mga lalake d'yan, crush ka pa naman ng babae riyan. At saka oo nga pala, kailan ang date n'yo ni Cia---" Agad na tinakpan ni Argel ang bibig ng kaibigan na nanlaki ang mga mata dahil sa gulat. "Ouch!" napa-aray naman ito nang walang pagdadalawang-isip na kagatin ng dalaga ang kamay nitong nakatakip sa bibig. "Ang bastos mo! Akala mo ang bango n'yang kamay mo? Ang kapal pa ng kalyo! Kapag ako talaga nag break out ang mukha ko dahil d'yan sa marumi mong kamay papatayin talaga kita!" mataray na sambit ng dalaga dito. Umismid ang mukha ni Argel saka agad na inilabas ang wet wipes nito mula sa bag saka pinunasan ang kamay. "Ang taray mo, ikaw pa talaga ang nag reklamo samantalang sa kamay ko dumikit ang oil ng mukha mo! At for your information, Ms. Pascual, walang kalyo ang kamay ko!" masungit na sagot nito habang madiing pinupunasan ang kamay. "Whatever!" irap ng kaibigan. "Kayong dalawa? Impossible ba talaga sa inyo ang katahimikan? Baka mamaya n'yan malingat lang kami nagpapatayan na kayo," seryosong saad ni Denver dahilan para mapatingin sa kanya ang mga kaibigan maliban kay Yara. Alam na ni Yara na wala nang pag-asang matahimik ang paligid ng dalawang ito. Kapag nangyari o dumating ang araw na iyon, may malaking problema. "Papansin kasi ang babaeng iyan, kaya ang pangit pangit laging parang pinagsakluban ng mundo ang mukha," pabulong na saad ni Argel sa sarili. Pabulong na sinadyang marinig ng mga katabi at dahil nga katabi nito ang pinaparinggan ay nagpantig din kaagad ang tainga ng isa. "Ikaw, nananahimik na ako ah ----" "Kapag kayong dalawa hindi tumigil kahit ngayon lang, maghihiwalay na tayo ng upoan. Please lang, manahimik muna kayo kahit malabo, kahit impossible, pilitin muna ninyong huwag magsalita. Isipin n'yo muna na hindi ninyo nakita ang isa't-isa dahil kapag nainis ako sa inyo baka pagsasaksakin ko kayo nitong hawak kong ballpen," mahinahon ngunit seryosong sabi ni Yara kaya nanahimik ang dalawa. Napangiti ang ilang mga nakaupo sa likuran nila na nakarinig sa sinabi ni Yara at napatingin ang mga ito sa kanya. Umiling s'ya para sabihin sa mga itong huwag tumawa, agad namang tinakpan ng mga ito ang mga bibig at yumuko para pigilan ang mga sarili. Alam ni Yara na kapag may tumawa ay mabubuhay na naman ang dugo ng dalawang damuho na parang mga bata, pero mas tamang sabihin na parang mga aso at pusa. "Tara na," saad ni Denver at naunang tumayo. Sumunod naman kaagad si Yara at tumingala pa ang dalawa sa kanila na parang hindi alam kung bakit sila tumayo. Tinaasan ni Denver ng kilay ang dalawa nang tumalikod si Yara sa mga ito. "Saan tayo pupunta?" pagtatanong ni Argel. "Hindi kayo uuwi?" nakataas na kilay na tanong naman ni Denver. Parang mga hinabol ng zombie ang dalawa sa pagmamadaling ilagay sa mga bag ang mga gamit nilang nakapatong pa sa arm chair at agad na tumayo. "Sabi ko nga uuwi na tayo," agad na sambit ni Guia at kumapit pa sa braso nang nakatayong si Denver bilang suporta sa pagtayo n'ya. "Maaga pa naman guys, labas muna tayo," seryosong sambit ni Argel kaya napatingin silang tatlo dito. Wala na sa mukha nito ang Argel na nag-ingay kanina. Hindi na ito ang Argel na nambabara kay Guia at ang Argel na nagpapabebe. "Saan tayo pupunta?" walang bakas ng pang-aasar na tanong ni Guia sa kaibigan. "Kahit saan, p'wedeng kakain tayo or kahit sa mga games station," sagot naman nito. Napagod na ba itong magpatawa? Napagod na ba itong magkuwari na okay lang s'ya? Napagod na ba itong magkunwari na masaya? Napagod na ba itong makipag-away kay Guia para lang magkaroon ng ingay sa paligid n'ya at hindi s'ya maboring? Napagod na ba itong magpanggap? Lahat iyon ang naglalaro sa isipan ng mga kaibigan n'ya habang pasimpleng nakatingin sa kanya. Nakangiti itong umakbay kay Yara nang palabas na sila ng room para pumunta sa parking lot kung nasaan ang mga sasakyan nilang tatlo. "Oo nga pala guys, paano na iyong lakad natin sa school fair, hindi na talaga tayo matutuloy?" malungkot na tanong ni Guia. "Pwede naman tayong tumuloy, gaya ng sabi ko kanina pwede tayong umalis dito ng monday afternoon or evening, pwede rin after lighting ng torch tapos balik tayo ng Thursday afternoon para makatulog pa tayo sa gabi bago mag Friday," mahabang sambit ni Denver. "Ano sa tingin mo, Yara baby?" pagtatanong ni Argel kay Yara. "Puwede, possible naman na bukas baka ipamigay na ang program kaya malalaman natin kung ako nga ba ang magsisindi ng torch pero sana hindi," natatawa n'yang sagot. "Argel, Denver, Guia at Yara!" Napahinto silang apat sa paglalakad nang marinig ang pangalan nila. Sabay silang lumingon sa kabilang daan at bumungad sa kanila ang kumakaway na tatlong babaeng nakasuot ng uniform ng council. "Sino ang mga iyan?" tanong ni Denver. Agad na namukhaan ni Yara ang dalawang babae na papalapit sa kanila. Ito ang mga humarang sa kan'ya noong nakaraan na papunta s'ya ng library. "Mga officer yata, nakasuot ng org's uniform eh," Sagot ni Denver. "In fairness magaganda ah, bakit kaya hindi nalang isa sa mga ito ang sumali sa pageant? Hindi ko pa nakita na walang make-up iyong Hope Martinez, hindi ko nga alam kung maalala ko ang mukha noon kapag makakasalubong ko," litanya ni Guia habang diretsong nakatingin sa tatlong matatangkad na babae. Sa tingin nila ay mga graduating na rin ang mga ito pero mukhang mas mga bata. "Mabuti nalang nakita namin kayo dahil kung hindi ay baka dumiretso kami sa room n'yo tapos wala na kayo roon," agad na sambit ng isang babae. "May kailangan ba kayo sa amin?" magalang na pagtatanong ni Yara sa mga ito. Agad na inilabas ng isang babae ang apat na nakatuping mga papel saka inabot sa kanila, tinanggap naman lahat iyon ni Argel na s'yang pinakamalapit sa nag-abot. "Nanghihinayang pa rin talaga kami na hindi isa sa inyong dalawa, Yara at Guia ang sumali sa pageant. Mas mataas sana ang kumpyansa namin na mananalo ang department natin. Tatlong magkasunod na taon na tayong talo eh," nakangusong sambit ng isang babae at ngumiti ng tipid. "Ano ba kayo, okay lang iyon. Hindi ba, sumali na last year ang candidate natin ngayon?" pagtatanong ni Guia sa mga ito. "Oo at natalo, kung hindi lang malandi iyon hindi aabot sa first runner-up iyon," mataray na sambit ng isang babae. Napa-ubo ng wala sa oras ang dalawang lalake kaya nahampas ng isang babae ang nagsalita. "Ano ka ba! Baka mamaya n'yan isipin nila mahina ang pambato natin, kahit totoo naman," Napatawa na silang lahat sa sinabi ng isa pa. "Ano ba ang sinasabi n'yo?" natatawang tanong ni Guia. "Wala po, hayaan n'yo na po iyon. Alam naman na namin na matatalo na naman tayo this year, noong nalaman namin na hindi si Yara ang sasali, umasa kami na ikaw, Guia. Kaya lang noong nakita na namin ang final list ng candidate, nawalan ng lakas ang buong club. Tapos nagpapaganda pa kami ng props noong binigay nila sa amin ang list," naiiyak na sabi ng isa. Hindi nila kilala ang tatlong babae dahil hindi naman nila ito mga kaklase, siguro kaklase ni Hope Martinez ang tatlong ito kaya ganoon nalang nila pagsalitaan ang babae. "Puwede n'yo naman na gamitin ang mga props na nagawa ninyo para kay Hope," saad ni Yara kahit na nasabi n'ya na iyon noong unang naka-usap n'ya ang dalawa dito. "Naku hindi na, kaya n'ya na ang sarili n'ya. Hindi kami magpapagod sa madaya, kahit manalo s'ya hindi naman pride ng department iyon dahil alam na ng mga kalaban n'ya kung paano s'ya gumalaw, eew. Sige na mauna na pala kami, mga program pala iyan, pinahabol ni dean na ibigay sa inyo, nakalimutan raw kanina. Babush!" Napatanga silang apat nang biglang tumalikod ang tatlo pagkatapos tila pagtutula at paglalabas ng sama ng loob ng isa. "Parang makina ang bibig n'ya sa bilis n'yang magsalita," kumento ni Argel nang makabawi sa pagtawa. "Alam ko naintindihan ko ang mga sinabi n'ya kanina noong nagsasalita palang s'ya pero noong natapos na s'ya parang wala akong naintindihan," natatawang sabi ni Denver. "Bakit parang galit na galit sila doon sa Hope Martinez na iyon, ano ba kasi ang mayroon doon sa in-indian mo, Gelo," natatawang saad ni Guia kaya napapailing na lang si Argel. "Sabi ko naman sa inyo, dapat magtiwala din kayo sa instinct ko. Mukhang hindi maganda ang record ng babaeng iyon mabuti nalang hindi ko sinipot kung hindi ay baka nakadikit na rin ang pangalan ko sa pangalan noon," parang kinikilabotang sambit nito at pinagpagan ang magkabilaang braso kaya napatawa ang mga kaibigan. "Akin na nga iyang program tingnan natin, tara na." Hinablot ni Yara ang hawak nitong papel saka binigay isa-isa sa mga kaibigan at naglakad na diretso papunta sa parking lot. Hindi n'ya na muna tiningnan ang laman nito hanggang sa makarating sila sa entrance na bahagi papasok sa parking lot mula sa loob ng campus. Ito lang iyong dalawang magkabilaang pinto na walang nakalagay na exit kung hindi magkabilaang entrance. "Naalala ko pala bigla, si sir Corpuz kasabay ninyo sa second night hindi ba, Yara baby?" biglang tanong ni Argel at biglang pagpatong ng braso nito sa balikat n'ya kaya bahagya s'yang napayuko. "Oo, bakit?" pagtatanong n'ya, iginala n'ya ang paningin at agad na nakita ang sasakyan n'ya maging ang sasakyan ni Denver na nasa tabi n'ya. "Sayang! Akala ko kasabay namin, na-imagine ko na sana na katabi ko ang upuan n'ya, haay," nanghihinayang na sambit nito. "Para kang tanga," saway ni Yara dito kaya napanguso ang huli. "Bakit nga kaya ang guwapo n'ya 'no? Saan kaya s'ya pinaglihi. Basta pupusta talaga ako na may crush sa iyo si sir Zoren, Yara baby. Ibebenta ko ang kidney ko kapag tama ako!" may pagkindat na saad nito sa kanya bago lumayo at lumapit sa sasakyan nitong nasa ikalima mula sa sasakyan n'ya. Hindi n'ya namalayan na nasa tapat na pala s'ya ng sasakyan n'ya kung hindi pa biglang bumitaw sa kanya ang damuho na iyon. Lumingon s'ya nang wala s'yang marinig na boses nina Denver at Guia at nakita n'ya ang dalawang nakatingin sa sasakyan sa unahan at nag-uusap. Kaya pala walang Guia na sumabat sa mga pinagsasabi ni Argel kanina dahil malayo pala sa kanila ang dalawa. Sa ginagawa ni Denver na pagtuturo ng mga sasakyan ay mukhang may pinapaliwanag ito sa dalaga patungkol sa mga sasakyan. Hinintay n'ya na makalapit ang dalawa na dahan-dahan ang bawat hakbang habang seryosong nag-uusap. Inilabas n'ya ang cellphone at napakunot ang noo nang makitang may tawag s'yang hindi nasagot. Unregistered ang numero at hindi ito pamilyar sa kanya. "Hindi ito kay ninang dahil wala namang text para sabihan ako na nagpalit s'ya ng phone number. Isa pa post paid ang gamit noon at kakapalit lang noong nawala ang cellphone n'ya," aniya sa sarili. "Hoy, sinong kinakausap mo?" biglang sulpot ni Guia sa harapan n'ya kaya napaigtad s'ya at napatingin dito. "May hindi ako nasagot na tawag at hindi ko alam kung kaninong number."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD