"NASISIRAAN ka na ba, Jeni? Bakit mo inilista ang pangalan ko kanina bilang lead vocalist ni Sir Luke. Mabuti na lang pumayag si Miss Jane na maging kapalit ko. Alam mo ba na nakita ko si Cold kanina? Kasama niya si Storm at iyong Hatt na nakilala ko sa mall," himutok ni Juvy habang nasa dressing room sila ni Jeni. Nagpapalit na sila ng damit dahil out na nila.
"Malay ko ba na naroon ang mga guwapong magkakaibigan, Juvy. Ibig mong sabihin iyong mga inalok mo kanina sila na iyon? Dapat pala ako ang tinawag mo, Juvy!" kinikilig na sambit ni Jeni na inalog pa ang magkabila niyang balikat.
Kinabahan siya kanina at halos hindi niya maihakbang ang kaniyang mga paa. Paano kung nakita siya ni Cold? Hindi pa siya handang sabihin dito ang totoo. Isang taon na ang lumipas pero hindi pa rin nakalimutan no Juvy ang lalaking iyon kahit na pilitin niya ang kaniyang sarili.
"Jeni!" masama niyang tinignan ang kaibigan. "Itigil mo na nga iyang kakailusyon mo. Hindi tayo nababagay sa mga lalaking iyon. Alam mo ba na masama ang ugali no'ng Hatt, kaibigan iyon ni Cold."
Humalukipkip si Jeni sa kaniyang kaharapan. "Sinasabi mo rin ba na masama ang ugali nina Storm, Cold at Luke? Juvy, hindi naman porket magkakaibigan sila ay pare-pareho na sila ng ugali. Hindi lang siguro naging maganda ang pagkakakilala mo kay Hatt. Pero si Storm, Juvy. Sobrang bait niya ay tinutulungan niya kami sa lupa namin."
Kumunot ang kaniyang noo." Wala kang nababanggit tungkol sa lupa ninyo, a?" takang tanong niya sa kaibigan at hinuli ang tingin nito. "Magsabi ka nga sa akin, Jeni. May relasyon na ba kayo no'ng Storm?"
"Wa-Wala! Bakit mo naman iyan naitanong?"
Nagkibit-balikat si Juvy at kinuha ang kaniyang bag na nasa kabinet. "Wala akong tiwala sa mga magkakaibigan na iyon, Jeni. Kung minahal man ni Rita si Cold, siguro dahil na-in love lang talaga ang kapatid ko. Hindi na ako magtratrabaho sa lugar na ito, Jeni." Nauna siyang naglakad at sinundan siya nito.
"Pero bakit naman? Malay mo kung napadaan lang sila rito? Sayang ang trabaho, Juvy. Isipin mo na lang ang Lola Conching mo. Nandito tayo sa Dagupan, kapag umuwi tayo ng Tarlac ng walang pera kawawa ang pamilya natin. Hindi kakasya ang sampung libo na separation pay natin da Toe Shoes," paliwanag ni Jeni sa kaniya.
Natigilan si Juvy sa paglalakad at nilingon ang kaibigan. "Sobrang naguguluhan na kasi ako, Jeni. Alam mo naman na nagtatago ako kay Cold dahil sa kasinungalingan na ginawa ko sa kaniya. Wala akong mukhang ihaharap sa kaniya, Jeni."
"Iwasan mo na lang siya... nakamaskara naman tayo e. Hindi tayo makikilala ng mga customers natin. Wala na akong alam na trabaho para pagkakitaan natin, Juvy."
Huminga ng malalim si Juvy at saka nagpatuloy sa paglalakad. Kasabay niya sa paglalakad si Jeni na nakahawak sa hawakan ng sling bag nito. "Pareho lang tayong umiiwas, Juvy. Ako dahil kaibigan kita at ikaw dahil kapatid mo si Rita."
Huminto sa paglalakad si Juvy at umupo sa labas ng bar habang isinasara ito ng security guard nila.
"Nadamay ka pa sa problema ko, Jeni."
"Huwag ka ngang magdrama ng ganiyan. Isang taon mo nang iniwasan si Cold. Hindi kaya panahon na para ipagtapat mo sa kaniya ang totoo? Sabihin mo na napilitan ka lang na magpanggap bilang si Rita," mahinang sabi nito na luminga-linga pa sa paligid.
"Hindi ko iyon p'wedeng gawin, Jeni. Hindi ko kaya. Paano kung kasuhan niya ako? Mayaman si Cold at tiyak ako na hindi niya palalampasin ang pagsisinungaling ko. Paano si Lola Conching? Kapag nalaman niya ito baka ako pa mismo ang papatay sa Lola ko dahil sa sobrang sama ng loob."
"Hay... may punto ka naman. Halika na, umuwi na lang tayo."
Tumingin siya sa kaniyang relo, pasado ala una na ng madaling araw. Sumakay sila ng tricycle at nagtungo sa boarding house na inuupahan nilang magkaibigan.
Nagtimpla sila ng kape nang makauwi silang dalawa at pinagsaluhan ang pandesal na binili nila sa bakery na malapit lang sa kanila. Nakaupo si Juvy sa silya at nakasandal naman sa may bintana si Jeni habang hawak ang tasa na may mainit na kape.
"Ano ang iniisip mo?" mahina niyang tanong dito.
"Nag-text sa akin kanina si Gina. At pinapauwi ako sa Victoria dahil nakunan daw si Nanay." Pinahid ni Jeni ang luha sa mga mata nito.
Tumayo si Juvy at kinuha ang tasang hawak ng kaniyang kaibigan. At saka niya ito niyakap.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin kanina? Kaya ka ba hindi nagpunta sa job fair dahil doon? Kaya ka ba naghanap ng trabaho nating dalawa?" naluluhang tanong niya sa kaniyang kaibigan.
"Kailangan na kailangan ko kasi ng pera, Juvy," umiiyak na sabi ni Jeni sa kaniya.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin? May last trip pa, p'wede ka pang humabol sa pag-uwi mo, Jeni." Kinuha niya ang kaniyang bag at ibinigay dito ang pera na galing sa separation pay nila. "Sige na, hiramin mo muna ito. May mga gamot pa naman si Lola Conching. Gamitin mo muna ito para sa nanay mo."
"Pero paano ka?"
Pilit na ngumiti si Juvy sa kaniyang kaibigan. "Kaya ko pa. Halika na, ihahatid kita sa terminal. May last trip pa naman."
Niyakap siya nang mahigpit ni Jeni. "Ibabalik ko kaagad itong pera, Juvy. Maraming salamat, fren."
"Sus, wala iyon. Sige na, halika na para makasakay ka pa."
Sinamahan ni Juvy si Jeni sa terminal at sumakay ito sa last trip na bus patungong Tarlac. Magpapasundo na lamang si Jeni ng tricycle patungong Victoria dahil wala ng jeep na bumibiyahe kapag hating gabi na
Ramdam niya ang lungkot ni Jeni dahil minsan na siyang nawalan ng mahal sa buhay. Nang mapag-isa siya ay pumatak ang luha sa kaniyang mga mata. Kinapa niya ang kaniyang bulsa at wala na siyang madukot doon. Mapipilitan siyang maglakad pauwi na nakasuot ng ternong padjama at blouse.
Tinahak ni Juvy ang daan patungo sa boarding house nila at pinayapa ang kaniyang sarili. Mababait ang tao sa lugar na tinutuluyan nila ni Jeni at sa loob ng limang taon ay marami na rin siyang naging kaibigan na tambay sa kanilang lugar.