Chapter 1
Nakatanaw si Cold Santillan sa malawak na lupain nilang magkakaibigan sa Victoria bayan ng Tarlac. Nasa kaniyang tabi ang kaniyang kabayo na si Jackpot na nakikiramay sa kaniyang sugatang puso.
Hindi niya maipaliwanag kung bakit siya iniwan ni Rita matapos silang ikasal. Bigla na lamang itong nandiri sa kaniya at iniwan siya nang walang pasabi kung bakit.
Limang taon niyang kasintahan si Rita nang magdesisyon siyang alukin ito ng kasal at pumayag naman ito. Masaya ang relasyon nila ng dalaga, nauunawaan siya nito kapag inuuna niyang asikasuhin ang negosyo niya sa Maynila. Pagkatapos ay sinusuyo niya ang kasintahan ng isang surpresang dinner date tuwing umuuwi siya ng Victoria. Ngunit nagbago ang lahat nang masasaya nilang pagsasama, isang linggo bago ang kanilang kasal.
Bente sais anyos si Rita at bente nuebe anyos naman siya, may sarili siyang negosyo sa Maynila na bakeshop. At nagdesisyon siya na ibenta ang bakeshop niya sa Maynila pati na rin ang bahay at kotse niya. Ginamit niya ang pera para mag-invest ng lupa sa probinsiya at nakabili nga silang magkakaibigan ng dalawang daang ektarya ng lupain sa Victoria. Na pinagtataniman nila ng mais, mangga, at mga rootcrops na produkto.
Ang kaniyang matalik na kaibigan na si Storm Dela Vega ang siyang may pinakamalaking investment sa kanilang limang magkakaibigan.
Hindi niya namalayan ang paglapit ng kaniyang kaibigang si Storm na bihis na bihis. Nakasuot ito ng business suit, slacks at blazers. At kumikinang pa ang black shoes nito habang nilalaro sa daliri ang susi ng kotse nito. Pupunta ito ng Maynila para gawin ang pictorial nito sa isang clothing magazine. Pinsan niya si Storm sa mother's side, ang pamilya nito ang kumupkop sa kaniya noong bata siya dahil maaga siyang nawalan ng mga magulang. May bunso siyang kapatid si Kristal na kasama niya sa hacienda. Nag-aaral ito ng kursong animal science dahil gusto nitong maging veterinarian para na rin sa mga alaga nilang kabayo.
"Nakatanaw ka na naman sa malayo, bro. Iniisip mo na naman ba si Rita? Halos isang linggo ka ng ganiyan, bro," malungkot na sabi ni Storm na nakatingin sa kaniya. "Nag-aalala na kami sa iyo, baka mamaya matuluyan ka na at mabaliw dahil lamang sa isang babae."
"Hindi ko maiwasan na isipin siya, bro. Galit ako sa ginawa niya sa akin pero nangungulila pa rin ako sa kaniya. Mahal na mahal ko siya, alam mo iyan. Marami akong gustong itanong kung bakit niya ako biglang iniwan," madamdaming sabi niya na nakipagsukatan ng tingin sa kaniyang kaibigan.
"Ano kaya kung sumama ka sa akin sa Maynila, naroon si Luke." Tukoy nito sa kaibigan nila na playboy tulad ni Storm.
"Ano naman ang gagawin ko roon? Magsasayang ng oras para mambabae?" nakangisi niyang tanong at saka umiling-iling. "Dito na lang ako, bro. Maraming trabaho rito sa hacienda na kailangang gawin. Dito ko na lamang itutuon ang oras ko kaysa sa ibang bagay. Hindi ko sasayangin ang oras ko sa mga kalokohan."
Tumawa sa kaniyang sinabi si Storm na nagtaas ng kaliwang kamay. "Bro, nagpaparinig ka na naman tungkol sa pamamahala nitong hacienda. Tatapusin ko lang ang kontrata ko at tutulungan ka na namin nila Luke dito sa hacienda. Nagbabalak kami ni Luke na bilhin ang lupa sa kabilang bayan ang San Nicolas. Magandang magpatayo ng resort doon, binabalak namin na magpapatayo tayo ng swimming pools... isang resort. P'wede nating gamitin ang pera ng hacienda para roon. What do you think, big bro?" kumislap ang mga mata nitong tanong sa kaniya.
"Pag-usapan na lang natin nila Hatt iyan, siya ang financial advisor natin. Tapusin muna ninyo ang mga trabaho ninyo para mas maging aayos ang plano. Anyway, sige na umalis ka na. Pupunta pa ako ng manggahan kasama ni Jackpot." Tumayo siya mula sa inuupuang damuhan at saka kinuha ang tali ni Jackpot.
"Papasalubungan ka na lamang namin ni Luke ng babae kapag umuwi kami next week." Kinindatan pa siya nito bago talikuran.
"Gago!" natatawang aniya habang pinapanood ang paglakad ng kaibigan niya palayo. Tinungo ni Storm ang garahe ng kotse nila at siya naman ay sinakyan na si Jackpot patungo sa manggahan nila.
Siya ang pinakamatanda sa kanilang apat na magkakaibigan, si Storm ay bente syete anyos, isang successful na businessman at freelance model. Anak mayaman si Storm at nasa ibang bansa na nakatira ang mga magulang. Si Hatt naman ay bente otso anyos, isang engineer na nasa ibang bansa ngayon dahil may project na inaasikaso. Si Luke ay bente singko anyos, isang band singer at hotel manager. Samantalang siya naman ang nasa hacienda at nangangasiwa nito habang busy pa sa kaniya-kaniyang trabaho ang kaniyang mga kaibigan.
Ang one fourth ng kinikita ng mga good products nila ay nakatabi sa bangko. Doon niya kinukuha ang pera na pampasahod sa mga trabahador nila at pambili ng mga fertilizers at iba pang mga kailangan sa pagtatanim. Ang natitirang three fourth ay pinaghahatian nilang apat na magkakaibigan. Dahil sa talento niya sa baking ay ginamit niya ang kaniyang naipong pera para magpatayo ng bakeshop sa kanilang lugar. Fresh fruits na galing sa kanilang tanim ang inihahalo niya sa mga toppings ng ginagawa nilang tinapay.
Lumago ang bakeshop niya sa tulong ni Rita na noon ay kasama niya sa pag-uumpisa ng kaniyang negosyo. Hanggang sa naging matamlay na ang lasa ng mga tinapay na ginagawa niya matapos siyang iwan ni Rita. Sa ngayon ay si Manang Oria ang namamahala sa bakeshop niya sa Victoria.
May kaniya-kaniya silang vacation house sa hacienda. Ngunit iisang garahe lamang ang mayroon sila na nagmumukha ng auto shop at carwash sa lapad at luwang niyon na kasya ang dalawampung kotse.
Apat na taon na sa kanila ang Hacienda Victoria at marami na silang mga nagagawa sa kanilang lupain.
Nang makarating siya sa manggahan ay naabutan niya ang kanilang mga trabahador na nagtsismisan pagdating niya. Kalat na kalat na sa buong hacienda ang ginawa ni Rita sa kaniya kaya naman hindi na siya nagtataka.
Bumaba siya sa kaniyang kabayo at dinala ito sa kuwadra. Pumunta siya sa bodega ng manggahan na nagsisilbing opisina niya. Doon na rin siya natutulog kapag pagod na pagod dahil sa trabaho.
Buwan ng enero at maraming mga aning mangga ngayon. Hindi sila nahirapang mag-ani ngayong taon dahil maganda ang mga bunga ng mangga. Hindi katulad noong nakaraang taon na maraming peste at maliit ang ani nilang mangga. Sagana ang ani nila sa lahat ng kanilang mga tanim maliban sa puso ni Cold na nanlalamig.
Sinalubong kaagad siya ng kaniyang kanang kamay na si Manong Arturo, ito ang may hawak sa mga magsasaka na trabahador nila. Isang dekada na itong magmamangga kaya naman tiwala na siya rito. Nasa edad singkuwenta'y singko anyos ang matanda.
"Sir, maraming mga tindera sa palengke ang nagpapa-deliver ng mga bagong ani natin ngayon. Iyong sinu-supply-an natin sa Taiwan, apat na tonelada raw ang bibilhin," masayang pagbabalita ng matanda.
Yumuko si Cold at kumuha ng isang mangga at kinagat iyon. Matamis ang kanilang aning mangga at maganda ang kulay, dilaw na dilaw ito at napakabango.
"Mabuti kung gaanon, Manong Arturo. Maraming kita mas malaki sahod." Kinindatan niya ang matanda na nagtanggal pa ng sumbrero.
"Naku, sir. Ipinanalangin talaga namin na maganda ang ani ngayon dahil magtatapos na ng kolehiyo ang anak kong si Bea. May pambayad na ako ng exam niya sa LET, sir." Tukoy ni Manong Arturo sa Liscensure Exam for Teachers. Secondary ang kurso ng anak nitong si Bea.
"Congratulations kung ganoon, manong. Dahil masagana ang ani natin ngayong taon sabihin mo sa mga kasamahan mo na may pagdiriwang sa bahay ko. Darating kasi sa isang linggo ang mga kaibigan ko at makukumpleto na ang mga guwapong haciendero," nakangiting sabi niya sa masayang mukha ng matanda. "Dalhin mo ang buo mong pamilya, manong. Apat na baka ang kakatayin at sampung baboy. Isang paraan na rin ng pasasalamat dahil sa sipag ninyo sa pagtratrabaho, manong. Maaga akong magpapasahod ngayong buwan para may maibili ka ng regalo sa anak mo, Manong Arturo."
Halos maluha-luha ang mga mata ng matanda sa kaniyang sinabi.
"Maraming salamat, sir. Napakabuti ninyo, sana ay matauhan si Ma'am Rita at---" biglang tumigil ang matanda sa pagsasalita. "Pasensiya na, sir."
"Ayos lang iyon, manong. Nasaksihan ninyo ang kasal ko noong isang buwan kaya naman hindi na ako magtataka. Kung babalik man si Rita ay para ipaliwanag sa akin kung bakit niya ako iniwan."
Hindi umimik ang matanda sa kaniyang sinabi. Iniba na lamang nito ang usapan tungkol sa mga mangga na i-export nila sa Taiwan.
Pinipilit niya ang kaniyang sarili na kalimutan si Rita pero hindi pa rin nawawala ang pagmamahal niya sa dalaga.
Buong maghapon niyang inabala ang kaniyang sarili sa pag-aasikaso ng kanilang negosyo. Marami siyang dapat unahin para sa kanilang hacienda kaysa isipin ang isang babae na nang-iwan sa kaniya.