Chapter 4

2004 Words
HINDI na muling bumalik si Juvy ng Victoria matapos niyang makita ang kalagayan ni Cold. Isang taon na rin ang nakakaraan mula nang huli niyang makita si Cold na matindi ang pagdurusa. Sa gagawin niyang ito ay tuluyan na niyang isasara ang kaniyang nakaraan. Kailangan niyang layuan nang tuluyan ang binata at kalimutan ang mga nangyari para makapagsimula silang muli ng kanilang buhay. Busy si Juvy sa pagtitinda ng mga sapatos nang lapitan siya ng isang lalaki na may kasamang maganda at seksing babae. Nakakapit ang babae sa braso ng lalaki na matangkad at matipuno ang pangangatawan. "Hatt, I like this one. Very simple ng design ng shoes pero napaka-elegant. What did you think?" nakangiting tanong ng seksing babae habang hawak ang red na sapatos na may print na rose. "Belle, kahit ano namang sapatos ay bagay sa iyo," nakangiting sabi ng lalaki sa seksing babae na tinawag nitong Belle. "Do you think. Luke will also like it?" malungkot na tanong ni Belle. Nagkibit-balikat ang lalaki at tumingin ito sa kaniya. "Belle, ibigay mo na iyan sa sales lady. May size thirty six ba kayo miss?" tanong ng lalaki na nakangiti nang malapad sa kaniya. Lumabas ang magkabilang dimples nito habang nakatingin sa kaniya. Muntik malaglag ng kaniyang puso habang nakatingin sa guwapong binata na mas guwapo pa sa mga bidang aktor sa Pilipinas. Para itong half Turkish at half Pinoy. Hindi naalis ni Juvy ang tingin sa guwapong binata. "Y-Yes, sir," mabilis na sabi niya nang hawakan nito ang kaniyang ilong dahil bigla siyang natulala. "Hatt, bigla na lang tumitigil ang mundo ng mga babae dahil sa iyo," narinig niyang sabi ng babae. Pinamulaan siya ng mukha at tinawag niya si Jeni para ibigay ang size na hinahanap ng babae. Hindi siya lumabas ng stall hangga't hindi nakaaalis ang lalaki at ang kasama nito. "Thank you for buying shoes from Toe Shoes," magiliw na sabi ni Jeni sa mga ito. Kinagat ni Juvy ang kaniyang mga labi. Kinurot siya ni Jeni sa tagiliran at saka tumawa ng malakas. "Nakita mo na ba ang prince charming mo, Juvy? In fairness ang guwapo niya para siyang isang artista. Pero mas guwapo pa rin si Storm para sa akin." "Tumahimik ka nga, Jeni. Naguwapuhan lang ako sa mokong na iyon kaya ako natulala kanina. Nga pala nabasa mo ba iyong memo? Magbabawas na raw ng sales lady ang Toe Shoes dahil wala ng gaanong bumubili. At ang chika pa ay isasara na ang Toe Shoes at mawawalan na tayo ng trabaho. Marami na kasing kakumpitensya at nangananib na maapektuhan tayong mga trabahador." Sumandal si Jeni sa lagayan ng mga sapatos. "Balak ko na talagang magtrabaho sa Taiwan, Juvy. Wala na rin naman kasing ibang trabaho na mapapasukan dito. Ang baba ng kinikita natin, baka tanggapin ko na lang iyong alok sa akin ng Tita Rebecca ko na magtungo ng Taiwan para mamasukan bilang caregiver doon. Gusto mo bang sumama?" Umiling si Juvy sa kaniyang kaibigan. "Kung ako lang gusto ko, Jeni. Pero may Lola Conching ako na malulungkot kapag umalis ako. Alam mo naman na wala na akong ibang kamag-anak maliban sa Lola Conching ko. May mga Tita at Tito naman ako pero wala namang pakialam sa akin." Bumuga nang malalim si Juvy at saka sinapo ang noo. "Naiisip ko na nga na bumalik na lang kay Cold." Siniko siya ni Jeni sa kaniyang sinabi. "Isang taon na ang lumipas, Juvy. Nakalimutan ka na no'n at tiyak ako na may asawa na iyon ngayon. May job fair bukas ng hapon sa first floor ng mall." Kinindatan siya ni Jeni at saka nangislap ang mga mata. "Sana nga may asawa na siya talaga. Alam mo dapat maging masaya na talaga siya. Guwapo naman siya at tiyak ako na maraming babae ang magkakandarapa sa kaniya." "Talagang kinalimutan mo na si Cold no? Naku, Juvy. Tinamaan ka no'ng lalaki kanina," pang-aasar sa kaniya ni Jeni. Inayos nito ang mga sapatos sa lagayan at tinignan ang record ng mga sapatos na available pa sa stock room. "Mukhang pinapaubos na lang talaga ni Lady M ang mga sapatos sa stock room," malungkot na sabi ni Jeni. "Kailangan na nating makahanap ng ibang trabaho," mahinang sabi ni Juvy. "Payag ka na magpunta tayo sa job fair?" Tumango si Juvy at nginitian ang kaniyang kaibigan. Kailangan nilang makahanap ng trabaho kaagad para may pamalit sila sa trabahong mawawala sa kanila. Bawat sentimo kay Juvy ay napakahalaga dahil kailangan niyang makabili ng maintainance ng kaniyang lola sa sakit nito sa puso. Habang inaayos ni Juvy ang mga sapatos sa display cabinet ay dumating ang kanilang boss. Malungkot ito na tumingin sa kanilang dalawa ni Jeni bago ito magtungo sa may counter. Kinausap nito ang kanilang branch manager at naging emosyonal ang kanilang boss. Mayamaya ay ipinatawag na sila nito at ibigay sa kanila ang brown na sobre. "Juvy... and Jeni... halos limang taon din kayong naging sales lady ng Toe Shoes kaya naman gusto ko kayong pasalamatan. Ito na ang huling linggo na magbubukas ang Toe Shoes. Ite-take over na ito ng Alcahan Shoewear," malungkot na paliwanag ni Lady M. Malungkot silang nagkatinginan ni Jeni mawawalan na talaga sila ng trabaho. Inaalala niya ang maintainance ng kaniyang Lola Conching. At ang mga bayarin nila sa kuryente at sa mga pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi sapat ang separation pay niya para maitawid ang araw-araw. KINAHAPUNAN ay nagtungo sina Jeni at Juvy sa gotohan para doon na sila maghapunan. Tinitipid nila ang kanilang mga sarili para sa kanilang mga pamilya. "Bakit ba kasi hindi tayo ipinanganak na mayaman," himutok ni Jeni habang nakatingin sa goto na nasa mangkok nito. "Kung ipinanganak tayong mayaman baka hindi tayo nagkakilala. Kapag mayaman tayong dalawa hindi tayo ganito kasaya. Hindi lahat ng mayayaman masaya sa buhay nila Jeni. Iyong iba sa kanila mas gustong maging mahirap," malalim niyang paliwanag. "Tama ka naman. Palagi na lang kasi tayong namomroblema sa pera, Juvy. Palagi na lang tayong said na said buwan-buwan," madamdaming sabi ni Jeni na nagpahid ng luha sa mga mata. Kinabig niya ang balikat ng kaniyang kaibigan. "Tahan na... may job fair bukas hindi ba? Pupunta tayo roon at magkakaroon tayo muli ng trabaho," aniya para palakasin ang loob ng kaniyang kaibigan. "Sana talaga makahanap kaagad tayo ng trabaho, Juvy, Hindi ako pwedeng umuwi sa amin hangga't wala akong nahahanap na ibang trabaho." Malungkot na tumingin si Juvy sa kaniyang matalik na kaibigan. May naiisip siyang solusyon sa problema niya ngunit hindi iyon magiging madali, Kinagat ni Juvy ang kutsara na nasa loob ng kaniyang bibig. Isa na lang ang solusyon sa problema niya. Ang pagbalik niya sa buhay ni Cold bilang asawa nito. Pero paano niya iyon gagawin? "BRO! Long time no see a? It's been a couple of years mula noong mawala ako rito sa Victoria," masayang ani Hatt na bagong dating lamang mula sa America. Kasama nito ang pinsan na si Belle at may planong mag-stay ang mga ito sa hacienda. Matagal na rin siyang hindi nadadalaw ng kaniyang mga kaibigan kaya naman nagtataka si Cold na bigla na lang dumalaw ang mga ito. Nakipagbeso sa kaniya si Belle. "Hi!" Nginitian lamang niya ito at nilampasan naman niya si Hatt. Walang pasabi ang mga ito sa biglang pagdating. "Yeah. Maraming nagbago rito." Kumuha si Cold ng brandy sa liquor cabinet. Umupo si Cold sa sofa at saka tumingin dito. "Since it's a couple of years of working alone. Maraming nagbago sa hacienda," sarkastikong aniya rito. "May tourist attractions akong binuksan para sa mga darayo sa twin falls na nadiskubre ni Manong Fidel. Balak namin iyong pagtayuan ng café para dagdag na rin sa kita nitong hacienda bukod sa mango farm. May idagdag si Storm na rest house kapag nabili niya ang lupa ng mga Ramos. Ano pa ba ang mga bago rito?" Napatayo si Storm sa sinabi niya. "Cold, relax! Inawat siya ni Storm sa pagsasalita niya. "Isa ka pa, Storm!" "Ano bang problema mo, bro! We're sorry dahil wala kami rito para patakbuhin ang negosyo nating magkakaibigan. Busy kami sa kaniya-kaniya naming career," sumbat ni Hatt sa kaniya. "Sinisisi mo ba kami dahil iniwan ka ng asawa mo?" Masamang tinignan ni Cold si Hatt. "Ano ba kayo! Para kayong mga bata!" saway ni Storm sa kanilang dalawa ni Hatt. "Wala naman akong problema. Iniwan ninyo sa akin ang hacienda at pinatakbo ito mag-isa. At ngayon na kumikita ang ranch nandito kayo bigla? Ano ang iisipin ko? Dapat ba ikatuwa ko na nandito kayo o mas mararamdaman ko na mag-isa lang talaga ako?" sarkastikong tanong niya habang ikinukuyakoy ang paa. "Bro, huwag no namang masamain na nandito kami ni Hatt. Nandito nga kami para i-take over ang pagpapatakbo sa hacienda. Alam namin na pagod ka na at kailangan mo rin ng pahinga mula sa mga problema mo," malumanay na sabi ni Storm. Ibinagsak niya sa lamesa ang baso niya. "Kayo na ang bahala rito! Minsan iniisip ko na dahil may mababa akong share sa hacienda na ito ay iniwan na lamang ninyo ako para patakbuhin ito mag-isa." "Bro, alam mo naman na sa ating magkakaibigan ay hindi naging isyu ang pera. Pangarap natin ito kaya may hacienda. At ipinatayo natin ito na sama-sama," madamdaming ani Hatt. Tinapik nito ang kaniyang balikat. "I know na maraming mga nangyari, mga personal issues at masiyado na tayong naging malayo sa isa't isa. Pero bro, keep in your mind na hindi kami nandito dahil lamang sa business kun'di dahil nag-aalala kami sa iyo. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa inyo ni Rita. Hindi ako nakauwi sa araw ng kasal mo at hindi ko nakilala ang babaeng iyon. Kung may dapat kang sisihin, si Rita iyon at hindi kami na palaging nandito para sa iyo!" "Hatt! Pare-pareho lang kayo na nang-iwan sa akin!" "Iniwan ko ang trabaho ko sa Manila para pumunta rito. At iniwan ni Hatt ang trabaho sa America para tumulong sa atin. Sina Luke at Damien, darating next week. Nandito kaming lahat para sa iyo, bro." "Hindi ko kayo kailangan!" Itinulak ni Cold ang mga ito at kinuha ang susi ng kaniyang kotse. Sinundan siya ni storm ngunit hindi niya itinigil ang kaniyang kotse palabas ng gate. Hindi niya gustong kaawaan siya dahil matagal na niyang kinaaawaan ang kaniyang sarili. Naging bato ang kaniyang puso dahil sa ginawa ni Rita sa kaniya. Nagtungo si Cold sa isang bar gaya ng dati ay nagpupunta siya roon para maglasing at para makalimot. Isang taon na ang lumipas at natutunan niyang isara ang kaniyang puso para magmahal. Nawalan na siya ng gana na mag-bake at ipinasara na niya ang kaniyang negosyo dahil hindi na niya iyon naasikaso. Palagi na lamang siyang nagtutungo sa bar pagkatapos ng kaniyang trabaho sa hacienda. Inaaliw niya ang kaniyang sarili upang makalimot sa pamamagitan ng mga babae na dumaraan sa buhay niya. Nagkaroon ng karelasyon si Cold ngunit hindi niya nagawang seryosohin ang babaeng iyon. Kapag ipinipikit niya ang kaniyang mga mata ay mukha ni Rita ang nasa isip niya. Palagi na lamang itong sumasagi sa kaniyang isip. Ipinahanap niya si Rita ngunit wala siyang nahanap. Hanggang sa tumigil na siya at hindi na hinanap ang babeng nang-iwan sa kaniya. Umupo siya sa stool chair habang tumutungga ng inorder niyang isang case na beer. May nakakandong sa kaniyang babae na ubod ng seksi. Nakadikit ang mukha nito sa kaniyang mukha at halos lumuwa na ang dibdib nito na nakatambad sa kaniyang harapan. Hindi pinapansin ni Cold ang ginagawa ng babae sa kaniyang kandungan kahit na pilit siya nitong inaakit. Ipinikit niya ang mga mata at mukha na naman ni Rita ang kaniyang nakikita. Itinulak niya ang babae at saka lakas ng pagkakatulak niya rito ay nawalan ito ng balanse. Natumba ito sa sahig at nagsilapitan ang mga bouncer sa kaniya. Hinatak siya ng mga ito palabas ng bar at saka siya pinagsusuntok ng mga ito hanggang sa humandusay siya sa labas ng bar. Hindi na alam ni Cold ang mga nagyari at boses na lamang ng kaniyang mga kaibigan ang naririnig niya na sumaklolo sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD