Chapter Three

3697 Words
          “KUMUSTA naman kayo ni pogi?” tanong ni Bebs habang tinutulungan siya sa paghahain ng umagahan.           “Okay naman, nagka-kuwentuhan kami,” nakangiting sagot ni Anne.           “Yieee, ang ganda ng ngiti mo ah,” tudyo nito sa kanya.           “Ate, tumigil ka nga ng kakatukso mo diyan! Mamaya mo ma-develop pa si Anne doon. Masaktan pa ‘yan,” masungit na saway ni Miko sa kapatid.           “Hmp! Sungit! Ang sabihin mo nagseselos ka lang!” pang-aasar pa ni Bebs.           “H-Hindi ah!” mabilis na tanggi nito.           “Hayaan mo nga ma-develop eh, may karapatan naman main-love ang kaibigan ko, no?! Saka kung masaktan man siya, parte naman iyon kapag nagmahal ka.”           “Huu! Kalokohan!”           “Naku, huwag mo intindihin ‘yan panget na ‘yan! Palibhasa may gusto sa’yo,” patuloy na pambubuking ni Bebs kay Miko.           “Kayong dalawa talaga, kaya kayo palaging nagkakapikunan eh,” natatawang komento ni Anne. “Balik tayo kay Mamang Pogi, ano nga pinag-usapan n’yo?” “Wala naman masyado, iyong tungkol lang sa kondisyon ng mata ko, tinulungan niya akong magligpit, tapos pumasok na rin ako sa loob ng kuwarto pagkatapos namin kumain ng siomai. Pero siya na iyong nagprisinta na mag-lock ng gate pati ng pinto.” “Ang sweet!” Natawa si Anne. “Anong sweet doon?” “Ay naku, girl, kung sana ay nakita mo lang talaga, ang laki ng katawan. Halatang alagang gym. Ang sarap sigurong yumakap ni pogi! Kung ako ‘yan baka ginap—”   “Huy! Ikaw talaga, tama na ‘yan baka kung ano pa masabi mo,” saway niya dito. Natawa lang si Bebs, pagkatapos bigla siyang napapitlag sa gulat nang sundutin nito ang kanyang tagiliran. Mayamaya ay narinig na lang niya na bumukas ang pinto ng kuwarto ng pinag-uusapan nila.           “Good Morning,” narinig niyang bati ni Migs.           Agad ngumiti si Anne.           “Good Morning, nakatulog ka ba ng maayos?” tanong niya.           “Oo, ang sarap nga ng tulog dahil binuksan ko ang bintana. Usually, hirap akong matulog kapag walang aircon.”           “Tapos na kasi ang tag-araw kaya malamig na ang simoy ng hangin.”           “Mukhang mawiwili ako dito,” sabi pa ni Migs.           “Anne, doon muna ako sa shop,” pormal ang boses na biglang paalam ni Miko.           “O si—”           Hindi na natapos ni Anne ang sasabihin dahil narinig na lang niya itong naglakad palayo at padabog na sinarado ang pinto sa likod bahay kung saan ang daan papunta sa kubo kung saan ginagawa ang mga pots.           “Mukhang mainit ang ulo n’ya,” sabi pa ni Migs.           “Naku pasensiya ka na sa kapatid ko, masungit lang talaga ‘yon. Hayaan mo babatukan ko mamaya,” sagot ni Bebs.           “Ah kumain ka na. Sana magustuhan mo iyong hinanda ko na daing na bangus at fried rice. Pasensiya ka na, n-nakalimutan kasi kitang tanungin kagabi kung anong kinakain mo sa umaga.”           “Ito, paborito ko ‘to! Paborito namin magkakapatid ang ganitong klase ng breakfast. Pero aaminin ko, bihira na akong makakain ng ganito dahil paggising ko sa umaga, madalas umaalis ako agad kaya sa labas na lang ako bumibili.”           “Naku Sir Migs, siguradong magugustuhan mo ‘yan. Masarap magluto si Anne, sabi ko nga puwede nang mag-asawa eh, aasawahin na lang ang kulang!” makahulugang sagot ni Bebs.           “Shh! Ang ingay mo,” saway ulit niya.           Isang magaan na tawa ang narinig ni Anne mula kay Migs.           “Ibig sabihin wala kang boyfriend?” tanong pa ng lalaki.           “Ay naku wala!” mabilis na sagot ni Bebs.           “Sa ganda mong ‘yan?”           Malungkot siyang ngumiti.           “Sino ba ang magkakagusto sa isang gaya ko? Bulag? Alagain at pabigat.”           “Hep! Bago magka-seryosohan ang usapan. Kumain ka na rin bago ka pumunta sa shop. Iiwan lang muna kita diyan at may gagawin lang ako saglit sa bahay,” paalam bigla ni Bebs.           “Sige,” sagot ni Anne.           “Take your time, ako nang bahala sa kanya. Mamaya pa naman ako aalis eh,” sabad ni Migs.           “Talaga? Naku salamat at matatapos ko ang labada ko!”           “Oo, tapusin mo na dapat mong tapusin. Akon ang bahala kay Anne.”           “Thank you, Sir!”           Nang makaalis na si Bebs ay biglang binalot ng katahimikan ang paligid. Nakiramdam si Anne. Sumunod niyang narinig ay ang tunog ng kutsara at tinidor nito.           “Hmmm… ang sarap nga,” puri ng binata.           “Salamat,” nakangiting sagot niya.           “Alam mo, kung totoong mahal ka ng lalaki. Tatanggapin ka niya kahit ano pang kalagayan mo. Tandaan mo ‘yan,” biglang sabi nito.           Hindi nakaimik si Anne.           “You’re a beautiful woman, Anne. Hindi lang sa panlabas, naniniwala rin ako na maganda rin ang kalooban mo. Ikaw iyong tipo ng babaeng hindi mahirap mahalin.”           Those words hit her right at the corner of her heart. Wala naman sinabi si Migs na gusto siya nito pero pakiramdam niya ay may ibang kahulugan ang huling mga salitang sinabi nito. Sa pangalawang pagkakataon ay hindi na naman siya nakakibo pero ang dibdib niya ay kalakas naman ng kabog. Kahit noong nakakakita pa siya, ilang beses nang narinig ni Anne ang mga ganoon salita. Madalas ay hindi lang niya pinapansin iyon, pero bakit ba parang iba ang dating nang kay Migs niya narinig iyon? Hindi alam ni Anne kung ano ba ang dapat niyang sabihin, kaya pilit na hinalungkat ang kanyang utak para may maisagot.           “Ah… ah… s-salamat.”           She heard him chuckled. Pagkatapos ay narinig na lang niya itong pinagpatuloy ang pagkain at hindi na nagsalita pa. Kaya naman kumain na rin siya para mabawasan ang pagka-ilang na nararamdaman.           “By the way, puwede mo ba akong samahan?” tanong pa ni Migs.           “S-Saan?”           “Gusto ko sana maglakad-lakad sa tabing dagat, tutal maaga pa naman. Sabi kasi sa akin ni Bebs kahapon, hindi ka daw masyadong lumalabas ng bahay. Para naman maarawan ka kahit konti,” sagot ni Migs.           “Bakit? Namumutla na ba ako?” natatawang tanong niya.           “Hindi naman, pero mas maganda na rin na maglakad-lakad tayo.”           “S-Sige.”             “AKIN NA iyang cane mo,” sabi ni Migs.           Napangiti ang binata nang makita kumunot ang noo nito ngunit sinunod din naman ang kanyang sinabi. Nilapag niya iyon sa ibabaw ng mesa pagkatapos ay binalikan si Anne.           “Ngayon, kumapit ka sa akin,” sabi ulit niya.           Kinuha ni Migs ang kamay nito at pinahawak sa kanyang braso. Inalalayan niya ito sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa dalampasigan at hinayaan ang tubig dagat na dumampi sa kanilang mga paa.           “B-Baka madapa ako,” medyo nanginginig ang boses na sagot ng babae. Kahit hindi sabihin, bakas sa mukha nito ang kaba.           “Hindi ‘yan, kasama mo ako. Hindi kita bibitiwan.”           Napansin ni Migs na natigilan si Anne, pagkatapos ay ngumiti ito sa kanya. Nang mga sandaling iyon, pakiramdam ng binata ay parang bumukas ang pinto ng langit. Nang nasinagan ito ng araw tila lalong kuminang ang ganda ng dalaga. Kasunod niyon ay natulala na lang siya habang nakatitig sa magandang mukha nito. Her innocent beauty is captivating, those natural red lips seem like inviting him to kiss them. Kahapon nang makaharap ang dalaga ay napatunayan niyang di hamak na mas maganda pa ito sa personal. Pero hindi niya alam na mas may igaganda pa ito, ngayon na mas nakikita niya ito ng malapitan.           His heart is starting to beat so fast. Bago si Ava ay marami na rin siyang naging girlfriends. Lahat ng mga babaeng iyon ay hindi niya nagustuhan agad sa unang beses na pagkikita. Siya ang tipo ng lalaki na hindi mabilis ma-attract sa babae kahit gaano pa ito kaganda. Pero kakaiba ang nararanasan niya ngayon kay Anne. Ramdam niya ng mga sandaling iyon, there’s a strong attraction between the two of them.           Habang naglalakad, sinuyod ng mga mata niya ang lupang nabiling lupa ng kompanya na pagtatayuan ng Hotel Santillan. Malawak ang bakanteng loteng iyon na katabi mismo ng dalampasigan.           “Miguel, salamat ah?”           Napalingon siya sa dalaga.           “Para saan?”           “Dito, dahil pinilit mo akong lumabas dito. Alam mo bang simula nang nabulag ako dahil sa aksidente. Isang beses pa lang ako nakakapaglakad ulit dito.”           “Bakit naman?”           “Sinubukan ko maglakad mag-isa dito, hindi pa ako tumatanggap ng kahit anong tulong noon dahil hindi ko matanggap na bulag ako, pero nadapa lang ako. Nagalit ako sa sarili ng mga sandaling iyon. Pakiramdam ko napaka-useless ko at pakiramdam ko rin kapag may tumulong sa akin ay dahil sa awa. Simula noon, hindi na ako naglakad pa dito sa tabing dagat dahil hindi ko na rin naman makikita kung gaano kaganda ang paligid.”           Napangiti si Migs. “Salamat kung ganoon.”           “Magaan naman ang loob ko sa’yo, Miguel. Hindi ko rin maintindihan pero basta ang alam ko may tiwala ako sa’yo,” sagot nito.           Hindi pinigilan ni Migs ang sarili na ipatong ang kamay sa ibabaw ng kamay ni Anne na nakahawak sa braso niya.           “Hindi mo pa ako kilala ng lubos, Anne. How can you trust me? Kahapon lang tayo nagkakilala. Ganyan ka ba talaga sa lahat ng tao?” puno ng kuryosidad na tanong niya.           Ngumiti ulit ang dalaga. “Noon mabulag ako. Nagalit ako sa mundo. Lahat ng tao pinaghihinalaan ko, maniwala ka o hindi, pati sila Bebs at Miko. Pakiramdam ko kasi lahat ng tao ay sasamantalahin ako dahil bulag ako. Pero nang lumipas ang mga araw, naisip ko na lang, kung patuloy akong mabubuhay na puro hinala sa mga tao sa paligid ko, lalong walang mangyayari sa buhay ko. Kaya pinili ko na ibalik ang tiwala sa mga tao, dahil sa ayaw at gusto ko, kailangan ko ng tulong ng mga taong natitira sa paligid ko. Iyong mga taong, pamilya na rin ang turing ko. Isa pa, binuksan ko ang bahay ko para patuluyin ang ibang tao, kailangan ko magtiwala sa kanila, sa iyo. Ang katwiran ko naman, kung lolokohin nila ako, sila naman ang magdadala noon, basta ako, ginawa ko ang tama.”            Lalong nilamon ng guilt si Migs. Pero pilit niyang tinaboy iyon sa kanyang isipan.           “Thank you, Anne. Lalo mo akong pinapahanga sa sinabi mo.”            Marahan itong natawa. “Tara na nga, maglakad pa tayo. Malayo na ba tayo sa bahay?”           “Hindi pa masyado.”           “Mas maganda doon sa bandang dulo nitong dalampasigan, mas kulay puti ang buhangin,” sabi pa nito.           Hindi napigilan ni Migs ang matawa dahil nakaturo ang daliri nito doon sa mismong dagat. Natatawa pa rin na hinawakan niya ito sa kamay at tinuro iyon sa bandang harap nila.           “Doon ang deretso,” sabi pa niya.           Gustong kurutin ni Migs ang pisngi ni Anne nang mag-blush ito dahil sa pagkapahiya, pero kalaunan ay tumawa na lang din ito.             ISANG linggo. Ganoon katulin lumipas ang mga araw nang hindi niya namamalayan. Noong pinaplano pa lang ni Himig ang pagpunta doon, isa sa naging problema niya ay ang signal ng phone at WiFi. Pero nang makarating doon at makilala at makasama si Anne, hindi na namalayan pa ni Migs ang pagtakbo ng oras.           Sa umaga, ang alam ni Anne ay kung saan-saan siya pumupunta para kumuha ng larawan. Pero ang totoo ay nag-aabang ang kotse niya sa bayan at mula doon ay babyahe siya hanggang sa kabilang bayan at doon ay may inarkila siyang maliit na office space at doon siya nagta-trabaho. Kaya kahit wala siya sa opisina ay nakikipag-communicate naman si Migs sa mga tauhan niya sa pamamagitan ng video calls. At walang ibang laman ang memory ng camera niya kung hindi ang mga imahe ni Anne na palihim na kinuhanan ni Migs.           Para sa araw na iyon, naka-schedule siyang mag-video conference nang umagang iyon kasama ang magkapatid na Sebastian. Mayamaya ay isasama na sila sa video conference ang contractor ng project ng dalawang kompanya na mamahala sa construction ng Hotels at mall na itatayo nila.           “Kumusta, pare? Having a good time?” tanong ni Robby.           Napangiti siya. “I’m okay. Unti-unti nang nasasanay sa pansamantala kong environment.”           “Curious lang ako, buti hindi ka nakikilala ng mga kasama ni Anne diyan. Hindi ba sabi mo may magkapatid diyan na lagi niyang kasama diyan?” tanong naman ni Reggie.           “I’m not a celebrity. I’m a businessman. At bihira din naman akong lumabas sa TV. Isa pa, private company tayo kaya hindi tayo pag-aaksayahan ng media.”           “Sabagay, pero ano nang improvement ng plano mo?”           Doon siya bumuntong-hininga ng malalim at hindi agad nakasagot.           “Oh, sa itsura mo pa lang mukhang di maganda ang nangyayari,” sabi ni Reggie.           “Hindi sa ganoon. Ang totoo nga, madali kong nakuha ang tiwala niya.”           “Iyon naman pala eh, so, anong problema?”           Hindi na naman nakasagot si Himig. Sa halip ay sumandal siya sa backrest ng swivel chair.           “Teka, huwag mong sabihin nagbabago na isip mo?” hula ni Robby.           “It’s too late for that, isang linggo na ako dito,” umiiling na sagot niya.           Biglang humagalpak ng tawa ang magkapatid.           “Don’t tell me the great Himig Santillan is suddenly feeling guilty?” nanunudyong tanong ni Reggie.           Nagpaskil siya ng pilit na ngiti at hindi sumagot.           “Anong nangyari? Bakit biglang nagbago yata ang ihip ng hangin? Sandali ka pa lang diyan ah?” tatawa-tawa pa rin na tanong ni Robby.           Humugot siya ng malalim na hininga at tuluyan nawala ang ngiti sa labi.           “For the past week I’ve been here. Wala siyang ibang pinakita kung hindi kabaitan, gaya ng sinabi ko, pinagkatiwalaan niya ako. Masisisi mo ba ako kung ganito ang maramdaman ko?” sagot niya.           “Baka naman sa susunod na makausap ka namin, sabihin mo na lang na in love ka na sa kanya?” tumatawang tudyo rin ni Reggie.           Inalis niya ang tingin sa screen ng laptop at tumalikod.           “Tumigil nga kayo!” natatawa nang saway niya.           “But seriously, pare. You still have time to back out. Maaga pa naman, puwede ka pang umalis diyan,” sabi pa ni Robby.           Biglang nakaramdam ng lungkot si Migs nang maisip na iiwan niya si Anne. May katwiran ang kaibigan, kung gusto niyang hindi tuluyan magalit sa kanya ang dalaga. Dapat ngayon pa lang ay umalis na siya. Pero alam ni Migs na kapag umalis siya sa bahay nito, hindi na siya maaaring bumalik bilang Miguel na photographer gaya ng pagpapakilala niya dito, kung hindi si Himig Santillan. Ang nagma-may-ari ng Hotel na gustong kumuha ng lupain na kinamumuhian nito.           “Bahala na,” sagot na lang niya.             PASADO alas-singko na ng hapon nang makabalik si Migs sa bahay ni Anne. Naabutan niya si Bebs nagsasarado na ng pottery shop.           “Oh Sir, nakauwi ka na pala,” sabi nito.           Nagulat pa ang babae nang makita siya matapos lumingon.           “Migs na lang, huwag mo na akong i-sir,” nakangiting sagot niya.           “Sige, Migs.”           Tinulungan na niya itong magsarado ng shop.           “Nasaan si Anne?”           “Naku nandoon pa sa kubo, may ginagawa pa. Ayaw nga paawat eh, sabi ko magpahinga dahil pagabi na.”           “Nag-dinner na ba kayo?” tanong pa ni Migs.           “Hindi pa, pero sa bahay na ako kakain. Nagluto si Nanay eh. Dadalhan ko na lang ng ulam si Anne.”             “Hindi na, ako nang bahala sa kanya.”           Ngumiti si Bebs. “Naku, salamat sa pag-aalaga sa kanya, ha? Alam mo ba? Simula nang dumating ka dito, napanatag ako sa gabi dahil alam ko may kasama siya sa bahay at ligtas siya. Matigas kasi ulo n’yan si Anne. Ayaw pumayag na samahan ko siya sa bahay, nahihiya daw sa akin dahil nakakaabala na daw siya masyado.”           “Hayaan mo, ako muna ang bahala sa kanya.”           “Alam mo ba, Migs? Ngayon ko lang ulit nakitang ngumiti at sumaya ng ganoon si Anne simula nang mabulag siya. Kaya masaya din ako na dumating ka dito.”           Isang ngiti ang sinagot ni Migs sa sinabi ng babae.           “Ang totoo, Migs, medyo malaki ang problema ni Anne sa pera. Kaya kahit ganyan ang kalagayan niya pilit pa rin nagtatrabaho.”           Kumunot ang noo niya. “Anong ibig mong sabihin?”           Humugot ng malalim na hininga si Bebs. Halata sa mukha ang labis na pag-aalala sa kaibigan.           “Nagpatong-patong na iyong interes ng dapat bayaran ni Anne sa bangko. Sinanla kasi nila ito dati para ipambayad sa ospital at pagpapalibing sa tatay niya pagkatapos ng aksidente. Tapos humina pa iyong shop dahil halos konti na lang ang tao dito sa amin kaya wala na halos benta. Ang mga customers na lang na umo-order sa kanya iyong mga dati pa. Pero ngayon bihira na rin nga umorder ang mga iyon, hindi na tumatawag eh. Kaya tuloy hindi siya makabayad.”           Matapos marinig iyon, biglang lumakas ang loob ni Migs na ituloy ang pagkumbinse kay Anne na ibenta ang lupa. Kung noon bago siya pumunta dito ay pangsarili ang kanyang dahilan. Ngayon nagbago na iyon, gusto na ni Migs na kumbisihin ang dalaga na ibenta sa kanila ang lupa para sa ganoon ay makaahon na ito sa hirap sa buhay.           “Sabi ko nga sa kanya, mas makakabuti para sa kanya at sa future niya kung ibenta na lang niya itong lupa sa mga Santillan at Sebastian. Kaso nagagalit siya sa akin eh.”           Ngumiti si Migs. “Gusto mo bang kausapin ko siya?”           “Puwede ba? Paliwanagan mo naman siya. Alam ko, pinamana sa kanya itong lupa ng magulang niya. Pero kailangan nang maging praktikal ni Anne. Kapag tinanggap niya ang alok ng mga Santillan, malaki ang posibilidad na mapabilis ang paghahanap ng cornea donor niya. At kapag nakakita na siya ulit, makakapagsimula na ulit ang kaibigan ko. Ako na siguro ang pinakamasaya kapag nangyari iyon.”           Tinapik ni Migs sa balikat si Bebs. “Ang mabuti pa, hayaan na muna natin siya. Susubukan ko rin siya kausapin, kukuha ako ng tiyempo.”           Lumuwag ang pagkakangiti nito na para bang nakahinga ng maluwag sa narinig na sagot mula sa kanya.           “Beshie?! Tapos ka na?!”           Sabay silang napalingon nito.           “Oo, beshie! Tapos na! Nandito na rin pala si Migs!” sagot ni Bebs. Mula doon sa harap ng shop ay umikot sila sa papunta sa kubo. Napalunok si Migs nang makita ang ayos ng dalaga. Nakaupo ito sa isang silya at nasa harap ito ng potter’s wheel. May putik ito sa mga kamay maging sa braso, pati na rin sa pisngi. Pagkatapos ay medyo nagulo ang pagkakatali ng buhok nito. Nakasuot ito ng maluwag na palda na bahagyang nakaangat ang laylayan niyon kaya nakalantad ang makinis at maputing mga hita nito. Ang pang-itaas naman na suot ni Anne ay sleeveless. Sa hindi malamang dahilan ni Migs, Anne suddenly looks hot that moment. Biglang nanuyo ang lalamunan niya at lumikot ang pilyong bahagi ng kanyang utak. Kaya bago pa kung saan mapunta ang imagination ay minabuti na niyang umiwas ng tingin. “Paano? Una na akong umuwi, okay na kayong dalawa dito ha?” paalam ni Bebs. “Oo sige, ako nang bahala dito.” “Naku Migs, hulog ka talaga ng langit! Bye beshie!” “Ingat ka sa pag-uwi, ha?” bilin pa ni Anne. Nang maiwan silang dalawa ay katahimikan ang pumagitna sa kanila. “Migs?” ani Anne. “Oh? Nandito ako,” sagot niya. Natawa ang dalaga. “Akala ko pumasok ka na sa loob eh. Ang tahimik mo kasi.” “Sorry, pinapanood ko kasi ang ginagawa mo,” pagdadahilan niya. “Mauna ka na sa loob. Tatapusin ko lang ito, konti na lang naman.” “Sabay na tayong pumasok sa bahay, gusto ko panoorin kung paano ka gumawa ng ceramic. First time ko pa lang makakita na gumagawa ng mga ganyan.” Napangiti si Anne. “Hayaan mo, isang beses, tuturuan kitang gumawa nito.” Pinanood mabuti ni Migs kung paano maingat na hinulma ng dalaga ang bowl ceramic na ginagawa nito. Ang galaw ng mga kamay nito habang umiikot ang potter’s wheel. Ang maingat na hawak nito sa clay. Everything is an art. Kinuha ni Migs ang cellphone at kinunan ng video si Anne. Habang pinapanood ay hindi mawala ang ngiti sa kanyang labi. Halata sa mga kilos ng babae na sa kabila ng kapansanan, alam na alam nito ang ginagawa. Nang matapos ay agad sinave ni Migs ang video at kinuhanan ulit ng stolen shot si Anne. “Amazing,” sabi niya. “Ang alin?” “Ikaw.” Natawa ito. “Paano naman naging amazing iyon?” “I mean, the way you do your craft. Kontrolado mo ang kilos mo pati ng potter’s wheel na para bang napapasunod mo siya. Kahit hindi mo nakikita ang ginagawa mo, perfect ang kinalabasan.” “Bata pa lang ako, ginagawa ko na ‘to. Kaya kahit noong nawalan ako ng paningin, hindi ako masyadong nahirapan mag-adjust kasi nga kabisado ko na ‘to.” Kinuha nito mula sa wheel ang natapos nitong ceramic at pinatong sa ibabaw ng mesa. “Are you done?” tanong pa ni Migs. Tumango ito. “Kailangan pa ‘yan patuyuin ng ilang oras. Si Miko na ang gagawa ng mga finishing touches niyan,” sagot nito. “Sandali lang, maghuhugas muna ako ng kamay,” anito. Mabilis siyang tumayo at nilapitan ang dalaga. “Tulungan na kita,” prisinta niya. “Naku hindi na, kaya ko na ‘to. Alam ko naman kung nasaan iyong lababo,” tanggi nito. “Ah kasi, may clay ka sa mukha. Para malinis nang mabuti.” Hindi napigilan ni Migs ang matawa nang biglang mataranta si Anne. Hindi alam kung paano tatakpan o itatago ang mukha mula sa kanya. “Nakakahiya naman! Ang lakas ng loob ko humarap sa’yo, eh ang dumi ko pala.” Hinawakan niya ito sa braso at dinala sa may lababo. Imbes na hayaan si Anne mag-isa, si Migs ang naghugas ng mga kamay nito. Napansin niyang natigilan ito pagkatapos ay biglang namula ang mga pisngi. Matapos linisin ang kamay at pinihit niya ito paharap at sunod na nilinis ang mukha nito. Natigilan si Migs nang makitang binasa ng dila ang ibabang labi nito. He fights that strong urge inside him to kiss her. Hindi man sinasadya ng dalaga pero para bang inaakit siya nito. Kaya para kumalma ay tumingala si Migs at pumikit bago lihim na huminga ng malalim.           “Maganda ka pa rin naman kahit na may clay ang mukha mo kanina,” sabi niya nang makabawi.           “Binobola mo na ako niyan,” natatawang sagot nito.           “Hindi ah!” natatawa din sagot din niya.           “Ang mabuti pa pumasok na tayo. Malamig na dito sa kubo,” yaya nito sa kanya.           Muli niyang kinuha ang kamay ng dalaga at inikot iyon sa kanyang braso. Pagkatapos ay hinawakan niya ang cane nito.           “Tara?”           Nakangiting tumango ito. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD