Prologue
“DAPAT ho pala hindi muna tayo umalis sa bahay nila Tita. Palakas ng palakas ang ulan, madulas ang kalsada,” may pag-aalalang sabi ni Anne sa ama na maingat na nagmamaneho ng kanilang jeep.
“Sinabi ko naman sa’yo na ako ang bahala, di ba?” kampanteng sagot ng kanyang ama. “Bukas ng umaga ipi-pick up ng mga kliyente iyong order nila. Malaking halaga iyon kaya hindi tayo puwedeng magpa-umaga.”
“Siya nga pala, ‘tay. Bayaran na rin po ng tuition ko, malapit na rin kasi midterms namin. Hindi ako makakapag-exam kapag hindi ako bayad,” paalala ni Anne sa ama.
“Hayaan mo anak, malaki iyong kikitain natin bukas. Tiyak na makakabayad ka, pati iyong mga balanse mo, mababayaran na natin,” nakangiting sagot ng tatay niya.
Napangiti si Anne ng makita ang saya mula dito. Isang potter ang kanyang ama. Ang abilidad sa paggawa ng magagandang pots ay minana pa nito mula sa mga ninuno nila. At bilang nag-iisang anak, walang ibang magmamana niyon kung hindi siya. Para kay Anne, wala iyong problema sa kanya. Lumaki siya na nakikita ang tatay niya na gumagawa ng maraming pots. Sa paglipas ng mga taon ay natutunan na rin mahalin ng dalaga ang pottery. Sa katunayan, sa edad niyang iyon na bente-dos ay bihasa na siya sa pottery.
Simula nang pumanaw ang kanyang ina noong sampung taon gulang pa lamang siya ay sila na lang dalawa ng tatay niya ang naging magkatuwang sa buhay.
“Talaga po? Salamat ‘tay sa pagpapa-aral sa akin,” sabi pa niya.
Bahagya itong natawa. “Ikaw naman anak, responsibilidad ko na pag-aralin ka
saka alam na alam ko naman na gusto mong makatapos ng pag-aaral. Ako pa nga dapat ang magpasalamat dahil ipagpapatuloy mo pa rin itong pottery.”
“’Tay, kayo na nga ang nagsabi, simula pa lang sa mga ninuno natin, ginagawa na nila itong pottery. Kaya nga po business management ang kursong kinuha ko para naman mapalago ko pa iyong pottery business natin. Ayoko naman maputol iyon sa akin, hanggang sa magka-asawa yata ako, ito pa rin ang gagawin ko at ipapamana sa magiging mga anak ko.”
Napatingin siya sa kamay nang hawakan iyon ng ama. “Salamat anak. Basta ipangako mo sa akin kahit anong mangyari, mawala man ako, hindi mo ihihinto ang pagpa-pottery.”
“Pangako po.”
Tumingin ito sa kanya pagkatapos ay ngumiti bago hinaplos ng isang kamay ang buhok niya. Nang lumingon si Anne, agad napalis ang ngiti at nanlaki ang mga mata nang makita ang isang sasakyan na sumalubong sa kanila at nakatakda silang banggain.
“’Tay!” malakas na sigaw niya.
Agad kinabig ng kanyang ama ang jeep, nagbakasali na maiwasan nila ito, pero nasagi pa rin ng sasakyan ang huling bahagi ng jeep nila at muli silang nabangga sa gitnang parte. Sa lakas ng impact ng pagkakabangga sa kanila, halos tumilapon sila palayo at nag-tumbling ang jeep nila ng dalawang beses.
Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan. Humalo doon ang sigaw nilang mag-ama at malakas na tunog ng kanyang pag-iyak. Nang tuluyang bumangga ang jeep nila sa malaking puno, tuluyan nabasag ang windshield ng jeep at tumalsik ang mga bubog sa kanila. Isang malakas na daing ang lumabas sa bibig ni Anne matapos iyon. Ngunit ang daing na iyon ay unti-unting naglaho nang unti-unti rin siyang makaramdam ng pagkahilo.
“T-Tay… ‘Tay…” halos pabulong na niyang tawag sa kabila ng panghihina.
Hindi sumagot ang kanyang ama kahit ilang beses niya itong tawagin. Ang
tangi niyang narinig habang dahan-dahan pumipikit ang kanyang mga mata ay ang boses ng mga taong nagkakagulo at ang malakas na buhos ng ulan.
“Miss… miss!”
“T-Tatay…” patuloy niya.
“Buhay pa ‘tong babae! Bilisan n’yo dalhin natin sa ospital!”
“Iyong driver?!”
“Wala na, pare.”