WALA sa loob na napahawak si Anne sa parte ng kanyang pisngi na hinawakan ni Migs noong linisin nito ang clay doon noong nakaraan gabi. It was just a simple gesture. Bagay na hindi niya dapat bigyan ng malisya, pero kahit anong tanggi sa sarili ay iba pa rin ang dating niyon sa kanya. Kung paano hawakan ni Migs ang kamay niya. Kahit hindi niya nakikita, malakas ang pakiramdam ni Anne na nakatingin ito sa kanya.
Sa tulong ng cane na hawak ay nagawa siyang gabayan nito papunta doon sa bakuran sa ilalim ng malaki at matayog na puno saka naupo sa mahabang upuan na kahoy.
Biglang kumabog ng malakas ang dibdib niya nang marinig na may mga yabag na papalapit sa kanya. Kasunod niyon ay dinala ng hangin palapit sa kanya ang pamilyar na amoy ng pabango na iyon.
“Migs?”
Napangiti siya nang marinig ang tawa nito. Mabilis na umatake ang malakas na kabog sa kanyang dibdib. At hindi maintindihan ni Anne kung bakit sa tuwing nariyan ang lalaki ay agad naghahalo ang nararamdaman niyang kaba at saya.
“Ang galing ah? Paano mo nalaman?” may paghanga na tanong nito pagkatapos ay naramdaman niya na umupo ito sa kanyang tabi.
“Iyong pabango mo.”
“Strange. Hindi naman ako nagpabango eh.”
She chuckled. “Ganon nga yata kapag nawawala ang paningin, iyong ibang parts ng senses, lumalakas.”
“Naku, paano na ‘yan? Hindi na kita mapa-prank,” biro pa ni Migs.
“Walang chance!” natatawang sagot ni Anne sabay lingon sa gawing kaliwa kung saan niya narinig ang pinanggalingan ng boses nito.
Bumuntong-hininga si Migs. “Kung hindi ko lang alam na bulag ka, iisipin ko
na nakikita mo ako?”
Kumunot ang noo niya. “Anong ibig mong sabihin?”
“Your eyes are looking straight right at me.”
Muling umahon ang malakas na kabog sa kanyang dibdib. Madalas ay ini-imagine ni Anne ang itsura ng mukha ni Migs. It would’ve so great if she can only see him. Ngumiti ulit siya.
“Ang sabi ni Bebs sa akin, guwapo ka daw at mukhang may dugong foreigner,” sabi niya.
“My Moms are both Dutch, they grew up in Netherlands.”
Kumunot ang kanyang noo. “Moms? As in marami?”
“Dalawang lang naman,” natatawang sagot ni Migs.
“Teka, hindi ko masyadong maintindihan.”
“Ganito kasi iyon…”
Kinuwento ni Migs sa kanya ang tungkol sa pamilya nito. Hindi maiwasan ni Anne ang humanga.
“Ang saya siguro ng may kakambal at may kapatid na quadruplets. At masaya siguro na may dalawang nanay.”
“Masaya nga sana, kaso, pareho na silang wala,” sagot nito na medyo may bahid ng lungkot.
“At least nandiyan pa ang Daddy at mga kapatid mo,” sabi niya.
“That’s why I’m grateful.”
Bahagyang pinihit ni Anne ang katawan paharap sa binata. Pagkatapos ay huminga ng malalim para mabawasan kahit paano ang kaba. Matagal na niyang gustong gawin ang nasa isip niya ng mga sandaling iyon pero sa tuwina ay palagi siyang nauunahan ng hiya.
“Migs?”
“Hmm?”
“Puwede ba kitang hawakan sa mukha?”
“Oo naman!” mabilis na sagot nito.
Napapitlag pa siya nang kunin nito ang kamay niya at nilapat ang palad sa pisngi nito. Mabilis pa rin ang pintig ng puso na maingat na hinawakan ni Anne ang bawat parte ng mukha nito. Simula sa pisngi, ang matangos nitong ilong, ang mga mata, kilay, ang buhok at ang huli ay ang labi nito. Doon siya kinabahan, kasabay ng paglaro ng malikot niyang imahinasyon.
Sa edad na bente-singko, wala pang naging nobyo si Anne, kaya hindi pa rin niya naranasan kung paano mahalikan. Puro trabaho at pag-aaral ang inatupag niya at hindi pinansin ang mga nanliligaw sa kanya. Noong nabulag naman siya ay isa-isang nawala ang mga ito. And Anne is also an ordinary girl, dreaming her first kiss will be perfect, romantic and memorable. Patawarin siya ng konserbatibo niyang mga magulang, pero hindi niya maiwasan na isipin at pangarapin kung paano humalik si Migs.
Nang mahimasmasan ay bigla niyang binawi ang kamay, bago pa man maibaba ay nahuli iyon ng binata at binalik ang palad niya sa pisngi nito.
“How is it? Tama ba ang nai-imagine mong itsura ko?”
Napangiti siya saka tumango. “Tama si Bebs, guwapo ka nga.”
“Nabanggit niya minsan sa akin ang tungkol sa problema mo dito sa lupa.”
Bigla siyang natigilan at unti-unting napalis ang ngiti.
“Please, huwag kang magalit sa amin. Sinabi iyon ni Bebs dahil nakita ko kung paano siya nag-aalala para sa’yo. Inamin niya sa akin na kung siya ang tatanungin mas gusto niyang tanggapin mo ang alok na pera at medical assistance ng mga bumibili nitong lupa mo. She wants you to have a good life. Kapag napabilis ang operasyon sa mata mo. Gaganda na ang buhay mo. At sa tingin ko, may katwiran siya. Kailangan mo magpaka-praktikal. There’s nothing left for you here. Nag-alisan na ang mga tao. At kahit hindi mo ipagbili sa kompanyang iyon itong lupa mo. Puwede
pa rin siyang mawala sa’yo kapag hindi mo nabayaran ang bangko.”
Binawi ni Anne ang kamay mula kay Migs.
“Hindi n’yo ako naiintindihan,” sagot niya.
“Kung ganoon, ipaliwanag mo sa akin para maintindihan kita.”
Huminga siya ng malalim at pilit na pinigilan ang pagbagsak ng luha.
“Kapag umalis ako dito, wala akong ibang mapupuntahan. Natatakot akong lumabas sa mundo ko. Bulag ako, Miguel. Paano kung sa pag-alis ko dito ay samantalahin ako ng masasamang tao? Marami nang nagbago sa akin simula ng mawalan ako ng paningin. Matagal na akong nakakulong sa dilim. Natatakot ako. Isa pa, para na rin binalewala ko ang pangako ko sa tatay ko na ipagpatuloy ang Pottery kapag binenta ko ang lupang ito.”
Narinig niya itong bumuntong-hininga.
“Hindi naman ibig sabihin ihihinto mo na itong pottery shop mo kapag umalis ka dito. You can always fulfill your promise to your parents anywhere.”
Hindi siya kumibo.
“Anne, huwag kang matakot na lumabas sa mundo mo. Kasama mo si Bebs at si Miko. Ako. Kasama mo ako.”
Anne smiled bitterly. “Ikaw? Paano mangyayari na sasamahan mo ako? Hindi ba’t ilang araw na lang ay aalis ka na dito? Iiwan mo na ako.”
“Paano kung sabihin ko sa’yo na ayoko pang umalis? Na gusto ko pang magtagal dito. Gusto pa kitang makilala. Makasama.”
Muling naghari ang kaba sa dibdib niya.
“Anong sinasabi mo?”
“What I’m saying is… I… I like you.”
Bumilis ang pintig ng kanyang puso.
“Ilang araw pa lang tayong magkakilala, Migs. Wala man akong experience sa
mga ganyan, pero hindi naman ako tanga.”
“Bakit? Kailangan ba talaga may dahilan para magustuhan kita? Hindi ba puwedeng gusto lang kita? Siguro dahil maganda, mabait, you’re so fragile and I always have this feeling that I want to take care of you… ewan ko! Hindi ko alam!”
Tumikhim si Anne. Pilit na pinipigilan ang damdamin gumugulo sa tahimik niyang mundo.
“Mauna na ako sa loob,” paiwas niyang sagot at tuluyan iniwan si Migs.
“BEBS! Tapos na ako, pakiabot naman iyong towel ko,” tawag ni Anne sa kaibigan matapos buksan ng bahagya ang pinto ng banyo.
Naghintay siyang sumagot ito pero nanatiling tahimik ang paligid.
“Beshie?”
Muli ay wala pa rin Bebs na sumagot.
“Umalis na siya kanina pa habang naliligo ka. Binilin ka niya sa akin.”
Biglang napapitlag sa gulat si Anne nang si Migs ang sumagot.
“Ah… ganun ba?”
“May kailangan ka?” tanong nito.
“Iyon kasing t-tuwalya ko nakalimutan ko sa kuwarto,” sagot niya.
Sa hindi malamang dahilan ay bigla siyang kinabahan. Nasa labas naman ito at nakatago siya sa likod ng pinto kaya hindi kita ng lalaki ang katawan niya.
“I’ll get it for you.”
Saglit lang ang lumipas at bumalik ito agad. Nilabas ni Anne sa awang ng pinto ang kamay niya. Tila boltahe ng kuryente na tumulay sa kanyang balat nang hawakan ni Migs ang kamay niya para ilagay ang tuwalya doon.
“S-Salamat.”
“If you need anything, just call me,” sabi pa nito.
“Okay.”
Agad niyang tinulak ang pinto pasarado. Pagkatapos ay humawak siya sa pader para gumabay at kinapa ang gripo at isarado iyon. Pero ganoon na lang ang gulat ni Anne nang may maramdaman na gumapang sa binti niya kaya napasigaw siya ng malakas at nabitiwan ang tuwalya.
“Anne! Anong nangyayari?!” narinig niyang sigaw ni Migs mula sa labas.
Hindi siya sumagot at patuloy siyang nagtatalon habang sumisigaw dahil doon ay nadulas siya. Nagulat siya lalo nang biglang bumukas ang pinto.
“Anne!” nag-aalalang bulalas nito.
Naramdaman na lang niya na hinawakan siya nito sa braso.
“M-May g-gumapang sa akin!” takot na takot na sabi niya.
Kasunod niyon ay narinig na lang niya ang malakas na tunog ng tsinelas.
“Ipis,” sabi ni Migs. “Okay ka lang? May masakit ba sa’yo?”
“Iyong balakang ko lang, konti,” sagot niya. “Iyong ipis, w-wala na?”
“Pinatay ko na,” natatawang sagot nito pagkatapos ay inalalayan siyang tumayo.
Noon lang siya nakahinga ng maluwag. Mayamaya ay narinig niyang natawa si Migs.
“B-Bakit ka tumatawa diyan?”
“Kung hindi ko nakita iyong ipis, iisipin ko na gumawa ka lang ng paraan para papasukin ako dito sa banyo.”
“Anong ibig mong sabihin?” kunot ang noo na tanong niya.
Hindi ito sumagot agad. Sa halip ay naramdaman ni Anne na lumapit ito sa kanya at pinihit siya patalikod.
“Iisipin kong sinasadyang mong i-seduce ako,” pabulong na sagot nito sa tapat ng tenga niya.
Doon lang naalala ni Anne na wala nga pala siyang saplot sa katawan. Mabilis niyang niyakap ang sarili pagkatapos.
“Dito ka lang,” sabi nito. Narinig niya na lumabas ito at agad din bumalik.
“Itaas mo ‘yong dalawang kamay mo,” utos nito.
“B-Bakit? Anong gagawin mo sa akin? Manyakis ka!”
Nakagat ni Anne ang ibabang labi matapos marinig ang sarili. Wala na kasi siyang maisip na matinong sabihin. Kanina, umamin ang binata na gusto siya nito. Imbes na sumagot ay tinalikuran lang niya ito. They haven’t talked since then. Pagkatapos ay sa ganitong tagpo pa sila mag-uusap. Alam ni Anne na namumula na ngayon ang kanyang mukha dahil sa sobrang kahihiyan. Kung may advantage ang pagiging bulag niya, iyon ay hindi niya nakikita ang malamang ay mapang-asar na ngiti nito ng mga sandaling iyon.
Natawa ang lalaki. “Kung manyak ako, kanina pa kita sinunggaban. And please, it’s not like it’s my first time to see a woman naked. Normal na lang sa akin makakita ng ganyan. Remember? Photographer ako. Minsan nude photos ang subject ko,” paliwanag nito.
“Yabang!” pagsusuplada niya.
“Itaas mo na kasi sabi ang kamay mo,” ulit nito.
Kabado at nahihiya man ay sumunod siya sa sinabi nito. Naramdaman na lang niya na may binalot na lang ito sa kanyang katawan.
“Ayusin mo pagkakatapis, baka malaglag ‘yan makita ko na naman ‘yan katawan mo,” tila lalong nang-aasar na sabi nito.
Ganoon nga ang ginawa niya. Inipit mabuti ni Anne ang tuwalya bago humarap sa binata.
“Can you walk?” tanong pa nito. Kung kanina ay naririnig pa niya ang pang-
aasar sa boses ni Migs. Ngayon ay napalitan na iyon ng tinig na tila nag-aalala.
Sinubukan maglakad ni Anne pero kumikirot pa rin ang balakang niya.
“Ah!” daing niya.
“Buhatin na lang kita,” sabi ni Migs.
“H-Hindi na!” tanggi niya.
Pero hindi nakinig ang lalaki. Nilagay nito sa mga balikat ang dalawang braso niya.
“Yumakap ka sa akin. I’ll carry you to your room.”
Napayapos ng mabuti si Anne sa leeg ni Migs nang buhatin nga siya nito. Doon lang niya namalayan na walang suot na pang-itaas ang binata. She’s completely naked behind that towel and he is half naked. Biglang nag-init ang pakiramdam niya. Her heart is continuously beating fast. Maging ang kanyang isip ay hindi matahimik. Nararamdaman niya sa kanyang pisngi ang pagtama ng mainit na hininga nito. Umangat ang isang kamay niya at hinawakan ito sa bandang mata para kumpirmahin ang hinala.
“Nakatingin ka ba sa akin?”
“Oo. Gusto kong samantalahin na titigan ka ng malapitan gaya nito.”
Halos pabulong nitong sinabi iyon kasabay ng mabigat na paghinga nito.
“Naiilang ako.”
“Kung wala lang ako sa’yo, hindi ka dapat naiilang. Ibig sabihin, apektado ka sa presensiya ko. O baka naman kaya ka naiilang dahil nakita ko ang katawan mo?”
“’Yan ka na naman eh, hindi ko alam na mahilig ka pa lang mang-inis!”
“Nang-iinis? Ganoon ba ang interpretasyon mo sa ginagawa ko?” tanong din nito habang maingat siyang binaba.
“Bakit hindi ba?”
“Nagpapapansin lang ako dahil kanina mo pa ako hindi kinakausap.”
Hindi siya nakasagot matapos marinig iyon. Ang buong akala ni Anne ay tuluyan nang lalayo si Migs o kaya ay bibitiw na ito sa kanya. Pero nanatili ang kamay nito sa beywang niya. Kapwa tahimik at walang kahit sino ang tila may balak na magsalita. She supposedly pushes him away by this time. Pero ni hindi makuhang ikilos ng dalaga ang kamay. Sa halip, maging ang mga kamay niya ay nakahawak pa rin sa balikat nito na para bang walang gustong bumitaw sa kanila.
The next thing she heard is his heavy breathing. Sunod ay hinaplos nito ang buhok niya bago tuluyan itong bumitaw at lumayo sa kanya.
“Magbihis ka na. You can return my towel later,” sabi lang nito at tuluyan nang lumabas ng kuwarto at sinarado ang pinto.
Nang tumama ang likod ng binti sa gilid ng kama ay saka lang siya napaupo doon. Iyon ang unang beses na naramdaman niya ang ganoon klase ng tensiyon at lakas ng kaba.
“Kalma, Anne. Kalma,” pag-aalo niya sa sarili.
Bago pa lang siya nakakabawi sa nangyari nang marinig na muling bumukas ang pinto. Sa sobrang taranta ay bigla siyang napatayo.
“B-Bakit? M-May nakalimutan ka ba?” nagkakandautal na sagot niya.
“Nakalimutan ko lang sabihin na luluwas ako ng Manila bukas. I’ll be back maybe after three days.”
Natigilan si Anne. Parang tinangay bigla ng hangin ang kaba niya. Mawawala si Migs ng tatlong araw, sa isang iglap ay nakaramdam siya ng kalungkot. Isipin pa lang na hindi niya ito makakasama sa mga susunod na araw. Hindi maririnig ang boses nito, ang pang-aasar at puri nito sa kanya. Pakiramdam ni Anne ay parang nilalamukos ng mariin ang kanyang puso sa sakit.
“Ah… s-sige.”
Hindi na ulit sumagot ang binata. Sa halip ay narinig na lang niya na sinarado na nito ang pinto. Muli siyang napaupo sa gilid ng kama at binagsak ang katawan sa ibabaw niyon. Kasabay ng pagbalot ng lungkot sa buong sistema niya.
DAHAN-DAHAN bumangon si Anne nang umagang iyon matapos magising sa ingay na nagmumula sa labas. Napahawak siya sa labi matapos maalala ang tila isang panaginip. Pumasok daw sa loob ng kuwarto niya si Migs at hinalikan siya sa labi bago ito lumabas ito. And it’s weird that she felt like her dream is real. Dahil parang naramdaman talaga ng dalaga na dumampi ang labi nito sa kanya.
Napabuntong-hininga siya saka napangiti na lang sa naisip. Ganoon na ba talaga katindi ang epekto sa kanya ni Migs at nalilito siya kung ano ang totoo at panaginip lang?
Biglang naipaling ni Anne ang ulo nang marinig ang boses ni Migs mula sa labas. Agad siyang napangiti at mabilis na kinapa ang cane niya na palaging nasa ulunan, sa tabi ng unan. Nang makuha iyon ay agad siyang tumayo at naglakad papunta sa pinto.
“Migs?!” tawag agad ni Anne pagbukas ng pinto.
“Oh, kanina ka pa gising?” tanong ni Bebs.
“Good morning, Anne,” bati naman ni Miko.
“N-Nasaan si Migs?” sa halip ay tanong niya.
“Ha? Kanina pa umalis at lumuwas ng Maynila. Hindi ka na nga pinagising at tulog na tulog ka kasi. Pero pumasok pa siya diyan sa kuwarto mo at tiningnan ka.”
Dismayado at unti-unting napalis ang ngiti ni Anne. Kung ganoon si Miko pala ang narinig niya. Lihim siyang bumuntong-hininga. Nagsisimula pa lang ang araw pero namimiss na agad niya si Migs. Pakiramdam niya ay nababaliw na siya dahil pati ang boses ng kaibigan ay hindi na niya nakilala.
“Bakit? Nadismaya ka ba na ako ang nandito?” biro pero makahulugang tanong ni Miko.
Dinaan ni Anne sa ngiti ang tanong nito. “Hindi ito naman. Nasanay lang kasi ko na si Migs na palagi ang nandito. Ikaw kasi, ilang araw kang hindi pumunta dito.”
“Nagbabantay ako doon sa shop sa bayan. Gabi na ako palaging nakakauwi,” paliwanag ni Miko.
Ang tinutukoy ng lalaki ay ang shop na bago lang nilang tinayo doon sa bayan, ilang araw bago niya buksan ang bahay at gawin bed & breakfast para pandagdag din sa pambayad sa bangko.
“Halika na dito, kumain na tayo,” sabi ni Bebs at inalalayan siyang makaupo.
“Kumusta pala ang benta?”
“Matumal pa rin. Siguro sa isang araw, suwerte nang maka-lima ako.”
Mabigat ang dibdib na humugot si Anne ng malalim na hininga.
“Binigay na sa akin iyon ni Miko. Binayad ko na rin, kaso kulang pa rin. May babayaran pa para dito sa bills mo sa bahay.”
“Di bale, makakabenta din tayo ng malaki. Tiwala lang.”
“Nga pala, Anne. Nagkausap kami ni Turing,” sabi ni Bebs na ang tinuturo ay ang nobyo nito na nagtatrabaho sa Canada.
“Oh, kumusta na siya?”
“Sa awa ng Diyos, citizen na siya.”
“Talaga?! Ang galing naman!”
“Ayun nga, nagkausap kami. Pinapa-asikaso na niya sa akin ang mga papeles ko. Kukunin na daw niya ako para doon kami magpakasal.”
Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Anne.
“Iiwan mo na ako?” malungkot na tanong niya.
“Hindi naman sa ganoon, beshie. Pero alam mo naman na pangarap ko na makarating doon. Ang totoo, noong isang buwan pa ito sinabi sa akin ni Turing. Hindi ko lang talaga masabi sa’yo kasi baka magtampo ka.”
Pinilit ngumiti ni Anne.
“Ano ka ba? Ba’t naman ako magagalit?”
“Baka kasi isipin mo iiwan kita sa ere.”
“Para kang sira, hindi ah!”
Naramdaman na lang ni dalaga na hinawakan ni Bebs ang kamay niya.
“Ito rin ang isa pang dahilan kaya kita kinukumbinse na tanggapin ang alok ng mga Santillan at Sebastian. Gusto ko kapag umalis ako, nasa maayos ka ng kalagayan. Ayokong iwan ka mag-isa dito na ganyan ang kondisyon mo. Dahil kapag nakaalis ako, si Miko na ang bahala sa Mama at Papa ko.”
Imbes na magalit ay tila hinaplos ang damdamin niya dahil sa sinabi ng kaibigan. Hanggang sa hindi napigilan ni Anne ang maiyak.
“Natatakot ako. Hindi ko alam kung kaya kong mag-isa.”
“Kaya mo, beshie. Kaya mo. Nauunahan ka lang ng takot. Pero naniniwala ako na malalagpasan mo ‘to. Kapag naoperahan ka na at nakakita ka na ulit. Kapag nilakasan mo ang loob mo, makikita mo na mas maraming opportunidad ang darating sa’yo. Iyon bilin ng tatay mo sa’yo na ipagpatuloy ang pottery shop. Mas matutupad at mapapalago mo iyon kapag binenta mo itong lupa mo at base sa pagkakakilala ko sa mga magulang mo. Tiyak na maiintindihan nila ang magiging desisyon mo,” umiiyak na rin paliwanag ni Bebs.
“Kasi beshie, wala nang buhay dito sa atin eh at may pangarap din ako. Gusto ko rin umasenso at magkaroon ng sariling pamilya. Hindi naman puwedeng nandito lang ako. Gusto ko rin magamit ang pinag-aralan ko.”
Nang yakapin ni Bebs at gumanti din siya ng yakap dito.
“Sorry ah, kung sa tingin mo nagpapaka-selfish ako,” umiiyak pa rin na sabi nito.
“Naiintindihan ko. Alam ko naman din na hindi habang buhay kang nasa tabi ko. Huwag kang mag-aalala, hindi naman ako galit. Ang totoo, kinukumbinse na rin ako ni Migs. Halos pareho kayo ng sinabi. Hayaan mo, pag-iisipan ko ng mabuti,” sagot niya.
“Thank you, Beshie.”