Kapwa napakurap-kurap ng mga mata si Mihan at ang lalaking nabagsakan niya habang magkadikit pa rin ang kanilang mga labi. Nakadagan pa siya sa malaking bulto nito at amoy na amoy niya ang bango nitong tila pinaghalong preskong cedarwood at citrus. Lalaking-lalaki ito.
Agad niya ring napansin ang kulay-lupang mga mata nitong may maliliit na green flecks.
Kakaiba at nakabibighani.
Napakurap pa siyang muli at halos maduduling na sa kalapitan nito. Naghinang pa ang mga mata nila nang ilang segundo.
Biglang siyang may narinig na mga lalaking nagkakantiyawan at nagsisipulan. Dahil dito ay agad siyang nagbawi. Napaungol nang mahina ang lalaking nadaganan niya nang itinukod niya ang mga kamay sa pawisan nitong dibdib para makatayo. Damang-dama niya talaga ang tigas ng katawan nito at ayaw niya pang isipin ang bukol sa sentro ng katawan nitong aksidente niyang nahipo sa pamamagitan ng kanyang hita. Nanlaki pa ang mga mata niya at napahingal nang makatayo. Kinabahan siya dahil sa nadama at napalunok pa. Pero ayaw na niyang isipin iyon.
Hindi puwede. Guni-guni ko lang iyon.
Inilipat niya ang mga mata sa kasamahan ng lalaki habang tumatayo na rin ito mula sa lupa at saka nagpagpag. Narinig niya ang pagsasalita nito pero hindi niya maintindihan dahil yata sa Espanyol iyon. Ibig sabihin ay foreigner nga itong nadaganan niya at hindi lang mestizo na taga-Pilipinas.
“P-pasensiya na. I’m sorry,” paghingi niya ng despensa na napahiya at namula ang pisngi.
Napatitig sa kanya ang lalaki. “Mierda! I thought you were a man who screamed like a girl!” anang lalaki at nagkatawanan ang ilan nitong kasamahan.
Sinipat-sipat pa siya nito mula ulo hanggang paa at napangiwi siya. Siguro ay dahil iyon sa sobrang iksi niyang buhok na pixie cut kaya napagkamalan siyang lalaki. Sa taas niyang limang talampakan at limang pulgada ay mas matangkad sa kanya ang estranghero na nasa anim na talampakan, sa tantiya niya.
“Are you okay?” naitanong niya rin kahit paano. Hindi niya maiwasang huwag mapahanga sa lapad ng dibdib at balikat nito. Maganda ang tindig na halatang nagdyi-gym at nag-eehersisyo araw-araw. Medyo may tanned skin ito dahil siguro sa pagbibilad sa araw.
Napaiwas siya ng tingin. Baka kasi kung ano ang maisip nito kapag titig na titig siya. Baka sabihin pang may pagnanasa siya kahit humahanga lang siya nang simple. Pero kita naman na niya ang magagandang katangian ng guwapo nitong mukha—ang maikli nitong buhok na kulay-lupa at halatang natural lang, ang hindi masyadong kakapalan na kilay, ang matangos nitong ilong na tila kay sarap pindutin o kaya ay pisilin at ang mga labi nitong malarosas na alam niyang malambot dahil nahalikan na niya nang aksidente.
Bigla siyang nag-iinit sa isiping iyon. Para siyang sinilaban na ewan. Bakit ba kasi pati labi niya ay lumanding din sa lalaking iyon? Tila hanggang ngayon ay damang-dama niya pa rin ito. Hindi niya makalimutan.
Nang tingnan niyang muli ang lalaki ay kita niya ngayon ang pagnanasa sa mga mata nito habang kagat nito ang itaas na labi na tila may iniisip na malalim. Kadalasan na lalaki kapag nakikita niyang may pinagnanasahan na babae o kaya nang-aakit ay ibabang labi ang kagat-kagat. Pero ang isang ito ay kakaiba nga. Gayunpaman ay hindi naman siya nakaramdam ng pagka-intimidate o kaya ay pagkaasar dahil pinagnanasahan siya. Hindi niya rin naisip na manyak ito kahit sa klase ng tingin ng mga mata nito sa kanya. Siguro ay dahil kampante siya sa sarili at sa kanyang abilidad.
Subukan niya lang manghipo o ano pa man at makakatikim talaga siya ng mag-asawang sipa at suntok! sa isip niya naman.
“I’m good. No broken bones so far,” sagot naman nito sa baritonong boses.
Buti naman. Wala talaga akong pambayad sa ‘yo kung kailangan mo ng ospital.
“I’m really sorry. I was… uh… practicing a wingsuiting stunt for the first time, and I missed my targeted landing area,” paliwanag niya.
“Apologies accepted. You look interesting. Where are you supposed to land on anyway?” usisa ng lalaki. May kuryusidad at interes sa mga mata nito at saka pinulot ang shades na nabitiwan nito kanina.
Napasulyap siya sa mga lalaking kasamahan nitong halos puro nakahubad ng pang-itaas. Sa tingin niya ay puro mestisuhin at dayuhan ang mga ito. Puro mga guwapo at puro pa may abs.
Kaloka. Trip ba nilang maggo-golf nang nakahubad?
Para siyang nasa ibang dimensyon sa mga sandaling ito. Wala kasi siyang makitang ibang babae kundi puro lalaki. Napatingin siya sa itaas pero hindi na niya makita ang helicopter. Baka nag-aalala na sa kanya si Kuya Banoy kung saan na siya napadpad.
Siguro naman ay hahanapin niya ako. Pero saan kaya banda rito ang hotel? Mukhang malayo pa ‘yon, ah.
Tumalikod na siya at hindi man lang sinagot ang tanong ng lalaki, palinga-linga kung saang direksyon siya pupunta. Pilit inaalala ang setup ng isla at ang sakop ng buong hotel. Pansin niyang agad na sumunod sa kanya ang lalaki at inignora lang ang kantiyawan ng mga kasamahan nito.
“Hoy, ThiQ! ‘Di pa tayo tapos! Sa’n ka pupunta?” tanong ng isa sa mga guwapong lalaki. Halatang nanunukso ito.
Thick? Ano’ng klaseng pangalan kaya ‘yon? Halatang hindi naman siya Amerikano dahil nagsalita siya ng Espanyol kanina. Sino ba naman ang magulang na papangalanan ang anak ng Thick, ‘di ba?
Napasulyap si Mihan sa estranghero.
“Andá a cagar (f**k off), Ax!” Saka bumaling ito sa kanya pagkatapos bigyan ng finger ang kaibigan nito. “Don’t mind them. I can give you a ride to wherever,” alok ng lalaki na ikinumpas ang isang golf car. “And maybe we can have a cool drink or two at the hotel?”
“Pasensiya na, wala po akong oras makipaglandian.”
Napakagat ng kanyang labi si Mihan dahil sa kaprangkahan niya. Baka mali lang siya ng basa sa inakto nito. Baka masyado lang siyang assuming. Baka gusto lang nitong makipagkaibigan pero binigyan na niya ng ibang kulay iyon.
Pero hindi ako puwedeng magkamali. Sa klase ba ng tingin niya at sa guwapo niyang iyan ay hindi ba siya lumalandi?
Kabisado na niya ang mga kalalakihan. Iisa lang ang gusto ng mga ito kahit na wala pa man siyang karanasan.
Narinig niya ang marahang pagtawa ng lalaki. “You know what? You’re the first girl that kissed me and doesn’t want to have a drink with me.”
Napatigil siya sa paglalakad at hinarap ito at dinuro pa. “Hoy! Hindi kita hinalikan, ah! Aksidente lang ‘yon. At akala mo ba ay magkakandarapa ako sa paghalik sa ‘yo? Hindi, ah!” Tumulis pa ang nguso niya.
“Really?”
“Tirik na tirik ang araw, o. Wala akong planong makipaghalikan sa lalaking hindi ko kilala at nungkang mangyayari ‘yon!” singhal niya. Nagpatuloy siya sa pagsasalita ng Tagalog dahil halata namang nakakaintindi ito.
“Seriously? It just happened, lady. You kissed me. You should take responsibility.”
Napaawang ang labi niya habang namilog ang mga mata niya. Kumunot din ang noo niya at saka siya tumalikod na sa lalaki. Naisip niyang walang kuwenta ang usapan nila.
Ano’ng akala niya? Papatulan ko siya? Huh! Bahala nga siya sa buhay niya!