“Buti pinahintulutan kang maging double sa international na movie na ‘yan kahit na walang masyadong training sa skydiving at wingsuit flying, Mihan,” saad ng kanyang kaibigang si Yhona. Nakakuros ang mga braso nito sa ilalim ng mayamang dibdib. Nakasuot ito ng seksing pulang sundress katulad ng dati at pinaresan ng puting high-heeled sandals na may straps. Litaw na litaw ang kaputian nito.
Beinte y singko anyos na ang magandang si Yhona at siyang may-ari ng isa sa mga sikat na boutiques sa bansa. Anak-mayaman ito at naging kaibigan niya simula noong high school pa sila, sa isang pribadong eskuwelahan kung saan iskolar siya. Nagkaroon ng aksidente ang kaibigan niya noon bago pa man sila nagkakilala kaya naman ay pareho sila ng taon kahit na mas matanda ito sa kanya ng dalawang taon. Nalaman niyang kailangan nito ng mahabang physical therapy noon bago bumalik sa normal ang buhay. Buti na lang naging maayos din ito.
Dahil hindi nakapagtapos si Mihan sa pag-aaral sa kolehiyo sa kursong Criminology ay binigyan siya ng trabaho ng kanyang kaibigan. Mas maganda ang offer nitong suweldo kaysa ibang establisyemento kaya tinanggap niya. Dalawang taon na rin siyang nagtatrabaho para sa kaibigan. Kahit paano ay malaki ang pasasalamat niya kay Yhona. Malaki rin ang naitulong nito sa pagkaospital ng kanyang ina. Hindi niya alam kung paano niya ito mababayaran sa lahat-lahat ng tulong nitong pinansiyal.
“Buti hindi istrikto si Logan ‘kamo,” ang sabi niya habang nililinis ang counter kung saan nakalagay ang cash register.
Tapos na niyang walisin ang naka-tiles na sahig na kulay puti. Tapos na rin niyang linisin ang salamin sa harap ng boutique kung saan nakatayo sa display window ang tatlong babaeng mannequin na sinuotan ng sexy at magarbong mga damit. Samantala ay inaayos ng kasamahan niya ang mga damit sa racks at nakahilera ang mga ito malapit sa bungad ng boutique. Nakaayos ang mga ito mula sa lingerie hanggang swimwear, blusa, saya, shorts, pants, slacks, damit, sapatos at iba. Samantalang ang mga kasamahan niya ay inaayos din ang mga naka-hanger sa may pader.
Tatlo silang saleslady sa boutique nito at si Yhona na rin ang tumatayong cashier para makatipid. Wala rin naman kasi itong ibang ginagawa kundi ang patakbuhin ang sarili nitong boutique at ang pagdidisenyo ng mga produkto nito, depende na rin sa inspirasyon nito. Dito na ibinuhos ni Yhona ang oras sa negosyo. May sarili itong workstation sa likod ng boutique at doon ito nagtatrabaho kapag inspirado.
“Hmm… Parang gusto ko ang Logan na ‘yan, ah. May picture ka?” Nakangisi pa ang kaibigan niya.
Inirolyo niya ang mga mata. “Alam mo namang hindi ako mahilig sa mga ganyang selfie-selfie na ‘yan kahit pa nga artista ang kasama ko, ‘no?”
“Mahiyain ka kasi.” Lumiko ang bibig ng kaibigan at inirapan siya. “Sa internet kaya, meron siya?”
Napasulyap siya rito. “Ewan ko. Hindi ko naman alam ang buong pangalan niya. Baka nasa internet siya. Eh, ‘tsaka nakakahiya naman talaga ‘yong gano’ng selfie-selife, maliban na lang kung group picture talaga. Hayaan mo, kapag may group picture ang buong cast at crew, ipapakita ko sa ‘yo,” pangako niya at napangiti sa kaibigan.
“Guwapo ba ‘tong Logan na ‘to?”
“Hmm… medyo. Sa tingin ko, single pa siya pero halos kasing-edad na siya ni Kuya Banoy, uy! Papatulan mo ba ‘yon?”
Kinagat ni Yhona ang ibabang labi habang nakangiti. “Eh, kung fafabol at hot siya, bakit hindi?”
Napabungisngis tuloy siya sa sinabi ng kaibigan habang napatitig ito sa kanya at sumeryoso.
“Okay ka lang ba sa pagiging stuntwoman, Mihan? Alam mo, nag-aalala ako para sa ‘yo. Hindi naman kasi madali ‘yon. Sobrang delikado. Buhay mo ang nakataya.”
Napalis ang ngiti sa labi ng dalaga. Hindi siya nakapagsalita at napababa ng tingin.
“Alam kong mahirap ang pinagdadaanan n’yo ngayon ni Kuya Habagat—”
“Ako lang yata ang nahihirapan… Para kasing walang pakialam si Kuya, eh,” mahinang turan niya.
Napabuntong-hininga si Yhona sa narinig. “Nagsusugal pa rin ba siya?”
“Ewan ko, Yhona. Naratnan ko siya sa bahay no’ng isang gabi. Pero kahapon, umalis siya. Hindi siya umuwi. Nag-text naman kung nasaan siya, pero hindi ako naniniwalang tumatambay lang siya sa bahay ng kaibigan niya para makipag-inuman o makipagkuwentuhan. Baka kasi nagsusugal na naman siya.” Pilit niyang huwag mapaiyak sa harap ng kanyang kaibigan nang maalala ang huling pag-uusap nila ng kapatid. Ayaw niyang isipin na sinukuan na talaga nito ang ina nila.
“Gusto mo kakausapin ko si Kuya Habagat?” mahinahong tanong nito.
Napangiti siya nang matipid sa kaibigan nang may lungkot sa kanyang mga mata. “Huwag na. Baka iisipin niyang nagsusumbong ako sa ‘yo. ‘Tsaka… baka iinsultuhin ka lang no’n. Baka sasabihin niyang hindi ka naman namin kaano-ano at nakikialam ka pa.”
Lumabi si Yhona. “Pero kailangan niyang maintindihan ang nararamdaman mo, Mihan. Besides, he does need a wake-up call. Hayaan mo, kakausapin ko rin siya kung nagsusugal pa rin siya. Ipapa-stalk ko nga ‘yan sa tauhan ni Daddy.”
Napailing na lang si Mihan at napabuntong-hininga. “Huwag na. Nakakahiya.”
“Naku! Wala ‘yon. Kaibigan kita at para na rin kitang kapatid, ‘no? Gusto rin kitang tulungan sa problema mo. I’m your best friend, Mihan. Dapat wala kang ikahihiya sa ‘kin. Isa pa, hindi naman ako mahihiyang magpatulong sa ‘yo kapag kailangan ko, ‘di ba?”
Inirapan ito ng dalaga. “Eh, ano lang ba naman kasi ang mga problema mo? Mamili ng damit, bag at sapatos? Kung ano’ng kulay ang babagay sa ‘yo?”
Ngumisi ang kaibigan niya. “Uy, malaking problema ko sa mga ‘yon, ‘no? Tapos, hinihingan pa kita ng advice kung sino ang puwede kong jowain.”
Napatawa si Mihan at saka napailing. “Maganda ka kahit ano’ng suot mo, kahit simple lang. At kung ‘yang mga manliligaw mong puro mayayaman at babaero ang pag-uusapan natin, ‘wag na. Huwag ka nang mag-aksaya ng panahon sa kanila kung sino ang pipiliin mo. Wala akong bet sa kanila para sa ‘yo.”
“Hay! Ang hirap naman… Saan ba kasi ako makahahanap ng matinong lalaki sa Earth?” Umupo ito sa high chair sa harap ng cash register.
“Maghintay ka lang. Darating din ‘yong para sa ‘yo. Huwag mong madaliin kasi.”
“Eh, Mihan, alam mo namang twenty-five na ako ‘no? Ideal na ang edad kong ‘to para mag-asawa at magkaanak.”
“Ay, wow! May iba nga diyang nag-aasawa nang nasa kuwarenta anyos na, eh. Walang ideal age sa pag-aasawa, ‘no? Iyon lang kung handa ka na nga ba para sa responsibilidad mo. Hindi naman kasi madali ang pag-aasawa, eh, ‘di ba?”
Lumabi ang kaibigan niya.
“Siguro nga, madali lang para sa ‘yo dahil mayaman ka. Walang problema roon, kung pera ang pag-uusapan. Bubuo ka na agad ng pamilya kung gusto mo. Pero… handa ka na ba talaga para magiging ina at sa pagiging asawa?” dagdag ni Mihan.
Sinimangutan siya ni Yhona. “Iyan ba ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ayaw mo munang magka-boyfriend? Pera ba talaga ang problema mo o wala lang talagang nakapukaw sa interes mo? Hoy! Twenty-three ka na. Never been kissed ka pa!”
Biglang namula si Mihan sa sinabi ng kaibigan at naalala si Thiago. Napaiwas siya ng tingin habang tila bumalik sa pandama niya ang malambot nitong labi na dumampi sa kanya. Agad siyang napatungo at kinuskos ang counter gamit ang pampunas. Napatikom pa siya ng bibig na tila itinatago iyon at ayaw damhin ang labi ni Thiago na tila nakaukit na sa labi niya.
Napakiling ng ulo si Yhona. “Teka, teka lang. Ba’t parang wala kang maibatong sagot sa ‘kin ngayon?” Ilang saglit lang ay namilog ang mga mata nito at napasinghap. “Oh, my word! Sino ang first kiss mo, Mihan?”
Juice colored! Ba’t ba kasi ang talas ni Yhona? Paano niya ‘yon nahulaan?