Kabanata 14

1935 Words
"HUWAG MO na kasi silang pansinin, Serene. Okay ba?" Walang kausap na iba si Serene bukod sa kan'yang sarili habang nakaharap ito sa salamin sa kanilang banyo. Hindi siya roon nag-CR sa banyo na madalas gamitin ng mga estudyante dahil ayaw niyang pati roon ay mapag-trip-an siya. Imbes ay dito siya nagbanyo sa fourth floor ng kanilang building, at kahit na may kalayuan 'yon at kahit tahimik ang lugar na 'to dahil hindi 'to pinupuntahan ng mga estudyante ay mas gusto niya pa rito. Kasi ay mag-isa lang siya... o kaya naman, kahit may kasama man siyang multo ngayon ay wala na siyang pakialam doon. Ayaw niyang may makakita sa kan'ya na umiiyak siya ngayon dahil lang sa nasaktan siya sa mga sinabi ng kan'yang mga kaklase kanina. "Tama na, Serene. Maawa ka sa sarili mo," pagsita niya pa sa kan'yang sarili habang nakatitig sa salamin pero maya-maya lang ay tumutulo na ulit ang luha nito. "Tumigil ka na..." dagdag pang bulong nito bago pumikit at hinigpitan ang kapit doon sa lababo. Para kasing dinurog ang kan'yang puso nang marinig ang pangkukutya sa kan'ya ng mga kaklase dahil hindi lang naman doon sa introduction nila natapos 'yon. Kapag nawawala si Angelo ay doon niya naririnig ang mga panlalait sa kan'ya na mahirap lang siya at baka ginagamit lang nito si Angelo upang gumaan ang buhay niya. Alam naman niyang walang katotohanan ang mga 'yon, pero ganoon naman kasi talaga ang mga salita. May katotohanan man o hindi, tatagos ito sa iyong puso kapag may sinasabi ang iba laban sa iyo. Ngayon niya lang naramdaman ang ganito. Para siyang ipinahiya nang paulit-ulit. Sa isip ni Serene ay gusto na niyang umuwi kahit na ito ang first day of school niya, pero sa loob-loob niya ay mas lamang pa rin ang kagustuhan niyang mag-aral. Tama, hindi ito ang magpapasuko sa akin. Ito ang sinabi sa akin ni teacher Julie noon pero ipapakita ko sa kanila na mali sila ng panghahamak sa akin kahit na hindi pa naman nila ako lubos na nakikilala! Habang nakapikit ay huminga nang malalim si Serene, at pagkadilat nito ay iba na ang ekspresiyon ng kan'yang mga mata. Kung kanina ay malungkot ito, ngayon naman ay puno na ito ng dedikasyon at tila ay nag-aapoy ang mga mata nito. Dahil tapos na siyang umiyak ay handa na ulit siyang lumaban. Mabilis nitong pinunasan ang luha sa kan'yang mata bago ito dali-daling lumabas ng banyo. "Ay kabayo- ano ba 'yan, Angelo!" Halos mapapitlag si Serene sa takot dahil paglabas nito ay si Angelo ang bumungad sa kan'ya. Mukha itong nag-aalala na hindi niya maintindihan, pero nang makita siya nito ay nagliwanag ang mukha nito. "'Di ba dapat ay ako pa itong magulat? Bakit ikaw pa 'tong napatalon?" nagtataka namang tanong ni Angelo sa kan'ya. Kulang na lang ay atakihin siya sa puso dahil sa gulat sa biglaang pagsigaw ni Serene. "Nagulat ka ba sa kaguwapuhan ko?" dagdag pang tanong nito pero tanging irap lang ang isinagot ni Serene sa kan'ya? "Bakit ka nandito?" ani Serene bago nito ipinagkrus ang magkabilang kamay sa kan'yang dibdib. "At bakit naman hindi?" kaagad namang sagot ni Angelo. Kapwa nakataas ang kilay nila sa isa't-isa. Lingid kasi sa kaalaman ni Serene ay sinundan siya ni Angelo papunta rito sa fourth floor, pero hindi siya pumasok sa loob ng banyo at pinakinggan lang nito ang bawat hikbi ng dalaga roon sa loob. Habang pinakikinggan niya ang bawat paghikbi ni Serene ay tila dinudurog din ang kan'yang puso. Gusto niyang gumawa ng paraan upang hindi na 'yon gawin ng mga kaklase niya kay Serene... para hindi na siya makarinig ng kahit anong masasakit na salita mula sa mga ito, pero ang paraang sinasabi niya ay ang paglayo niya sa dalagita at hindi niya kaya 'yon. Mas kakayanin niya pang samahan si Serene sa bawat sakit na mararamdaman nito kaysa ang iwan siyang mag-isa. "Naku, namumula pa ang mga mata ng bata." Lumapit ito kay Serene para punasan ang luha sa pisngi nito. Hindi na nagkaroon pa ng pagkakataon si Serene na lumayo kay Aneglo dahil sobrang bilis ng naging pagkilos nito. "Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang makita kang umiiyak." "Bakit mo kasi ako tinitingnan? E'di huwag mo akong tingnan." Pagmamaldita lang ang alam na paraan ni Serene upang mapakalma niya ang malakas na pagkabog ng kan'yang puso. Hindi niya nagugustuhan ang kan'yang nararamdaman ngayon. Kung kanina lang ay halos maiyak na ito kakaisip doon sa kan'yang mga kaklase, ngayon naman ay halos hindi siya makahinga nang maayos dahil sa sobrang lapit ng mukha ni Angelo sa kan'ya. Tila ay hindi naman alintana ng binatilyo ang kanilang distansya, pero siya... malapit na siyang mahimatay kung hindi lang siya nakahakbang ng isa papalayo rito. "Bakit?" Tumaas ang kilay ni Angelo dahil naiwang nakalutang ang kamay nito. Hawak kasi niya ang mukha ni Serene kanina pero kaagad na nawala 'yon. Ibinalik na lang tuloy niya ang kamay sa kan'yang bulsa. "Alangan namang hindi kita sundan dito, eh umiiyak ka." Biglang tumunog ang bell kaya naman ay napatingin si Angelo sa wristwatch niya bago ibinalik ang paningin kay Serene. Nagtataka lang itong nakatingin sa kan'ya. 'Bakit ba lagi na lang umiiyak si Serene kada kasama niya ako?' tanong ni Angelo sa kan'yang isip. "Bumalik na tayo sa classroom," ani Angelo bago nito hinawakan ang kamay ni Serene. Wala naman siyang nakitang pag-angal doon dahil sanay na rin si Serene sa kan'ya. "Ako ang bahala sa iyo. Hangga't nandito ako ay walang makakapanakit sa 'yo, okay?" Tumango na lang si Serene pero iisang bagay lang ang nasa isip nito habang naglalakad sila pababa mula sa abandonadong lugar na 'yon, at habang pinagtitinginan sila ng iba nilang mga kaklase hanggang sa makapasok sila sa loob ng classroom at umupo kung saan sila naka-assign kanina. Hindi naman dapat ito maging big deal, lalo na at sobrang bata pa naman nila... kaya lang ay si Angelo kasi ang kasama niya. Ito ang palagi niyang kasama kahit saan man siya magpunta, magpa-tutor man ito kay teacher Julie o kaya naman ay magbenta ng kung anu-ano sa baryo nila... hindi nawawala sa tabi niya ang binatilyo. Mayaman ito, maimpluwensiya, at matalino. Bakit siya ang pinipiling samahan nito sa dinami-rami ng taong gustong makipagkaibigan sa kan'ya? 'Yan din ang tanong na nais niyang masagot, ngunit kahit ilang taon na ang lumipas ay nananatili pa rin iyon na tanong sa kan'yang isipan. HINDI RIN nagtagal at natapos na ang unang araw ng klase at kasalukuyan nang inaayos ni Mang Patricio ang pagkakadaong ng bangka nang sa gayon ay makababa na si Serene at Angelo. Tirik na tirik ang araw dahil ang pasok lang naman ni Serene at Angelo ay mula alas-sais ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali. Hindi pa sila kumakain pero sanay naman na ang dalagita magtiis sa gutom, habang si Angelo naman ay halos maglupasay na sa sahig dahil kanina pa ito nagrereklamo. Hanggang sa makababa na sila sa ng bangka ay hindi ito tumigil sa kakaungot na nagugutom na siya. "Salamat po, mang Patricio! Bukas po ulit!" nakangiting tugon ni Serene sa matanda at kumaway dito habang naglalakad sila palayo. Ganoon din naman ang isinukli ni mang Patricio sa kan'ya. "Thank you po!" pagpapasalamat din ni Angelo. "Grabe, Serene. Nagugutom na ako, sobra." "Oo, kanina mo pa 'yan sinasabi." Dahil malapit lang naman ang bahay nila Serene sa dagat, kaunting lakad lang ay natanaw na kaagad nila ito. Hindi naman kasi sila nakatira sa ba "Ayaw mo bang tumambay muna sa bahay? Maraming niluto si yaya," paanyaya pa ulit ni Angelo kay Serene pero kaagad na umiling ito. Kung hindi siguro niya narinig ang bulungan ng kan'yang mga kaklase kanina ay baka kaagad na pumayag si Serene sa paanyayang iyon. Siyempre, libre iyon at hindi naman maipagkakaila na masarap magluto ang katulong nila Angelo, pero natatakot siya dahil kung ganoon nga ang nasabi sa kan'ya ng mga kaklase kahit na hindi pa naman siya nito kilala, paano pa kaya ang kanilang mga kabaryo na kahit papaano ay matagal nang nakikisalamuha sa kanila? "Sa susunod na lang, Angelo. Marami pa akong gagawin," kaagad na sagot niya. Totoo naman 'yon, pero alam naman niya sa kan'yang sarili na kaya naman niyang ipagpaliban muna 'yon para pumunta kila Angelo. Mag-aaral lang naman siya at tutulungan ang ina sa pag-aayos nito ng mga bananacue na ititinda nila mamayang hapon. "Sigurado ka?" Tumaas ang kilay ni Angelo pagkatanong niya no'n. Alam niya kasi kung paano mag-isip ang dalaga. Tiyak ay iiwasan siya nito dahil sa kan'yang mga narinig, at siyempre ay hindi niya hahayaan 'yon. "Nagluto pa naman si yaya ng paborito mo." "Ano 'yon?" Hindi tumigil sa paglalakad si Serene pero naka-focus na ito sa sasabihin ni Angelo. Sa tinagal-tagal kasing tumatambay ni Serene sa bahay nila Angelo rito sa baryo nila ay marami na rin siyang naging paboritong pagkain, at doon din siya namulat na marami pa palang pagkain sa mundo bukod sa isda na palagi nilang inuulam dahil 'yon lang din naman ang kayang ibigay sa kanila ng ama. Hindi naman siya nagrereklamo roon dahil lahat naman ng pagkain ay maituturing na biyaya galing sa Panginoon, pero nang matikman niya ang mga pagkaing iniluluto ng yaya ni Angelo ay gusto niyang balik-balikan 'yon, lalo na 'yong isang putahe na kahit matagal na niyang hindi natitikman ay nanunuot pa rin sa kan'yang panlasa. "Pritong manok." At 'yon. Nadali na nga ni Angelo ang pinakapaborito niya. Nawala na tuloy sa kan'yang pag-iisip ang sinabi ng mga kaklase at tuluyan nang napunta roon sa pagkain ang atensiyon nito... at kung gaano kasarap papakin ang pritong manok lalo na kung libre ito. "Sige, dadaan na lang ako sa inyo mamaya. Mag-aayos lang ako." Napangiti na lang tuloy si Angelo habang tinitingnan ang masungit niyang crush. Sa pagkain lang talaga palagi rumurupok ang isang 'to. "See you mamaya!" pagpapaalam naman sa kan'ya ni Angelo nang makarating na sila nang tuluyan sa bahay ni Serene. Naglakad na si Angelo papunta roon sa loob ng baryo habang si Serene naman ay dumiretso na roon sa loob ng kanilang tahanan. Pagod man ang katawan at ang puso nito galing sa eskuwelahan at wala siyang oras para magpahinga, lalo na at makikikain pa siya kila Angelo mamaya. "Ate Serene!" "Clea." Lumapad ang ngiti ni Serene nang biglang tumakbo sa kan'ya papalapit ang kapatid at hinalikan siya sa pisngi. "Nagugutom na ba kayo? Ipaghahanda na kita ng pagkain-" "Hindi na, ate," kaagad na pagtanggi nito na ipinagtaka niya. "Kumain na kami ni Joseph," dagdag pa nitong sambit bago nito itinuro ang mga pagkain na nandoon sa lamesa, at nanlaki na lang ang mga mata ni Serene nang makita ang mga nakahain doon. Hindi man niya alam kung ano ang mga pagkaing nandoon pero halata naman na mamahalin 'yon. May nakita pa nga siyang cake roon. "Kay Angelo ba 'to galing?" nagtataka niyang tanong. Lumapit siya roon sa lamesa at kumuha ng isang slice ng pizza roon. Minsan na niyang natikman 'yon kila Angelo at isa rin 'yon sa mga paborito niyang pagkain. 'Nagpadala na naman ba si Angelo ng pagkain nang hindi man lang nagsasabi sa akin?' tanong ni Serene sa sarili. Ayaw niyang maging si Angelo ay isipin na ginagamit niya lang din ito. Tumatanggap naman si Serene ng tulong pero huwag lang 'yong sobra dahil alam naman niya na hindi naman talaga galing kay Angelo ang itinutulong nito. Mga bata pa sila, kaya malamang ay galing pa ang lahat ng kan'yang baon at pera mula sa mga magulang nito. Pero nagulat siya sa isinagot ng kan'yang kapatid. "Hindi po," ani Clea. "Galing ang mga 'yan kay lola Aaliyah."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD